2021
Dalangin Ko na Gamitin Niya Tayo
Nobyembre 2021


10:36

Dalangin Ko na Gamitin Niya Tayo

Ang pinagsama-samang maliliit na pagsisikap ay nakagagawa ng malaking epekto, na mas nagpapabuti sa bawat bagay na ginagawa natin bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Ang biskwit na ito na gawa sa phyllo dough at pistachio nuts ay isang pasasalamat. Gawa ito ng pamilya Kadado na may-ari ng tatlong panaderya, ilang dekada na, sa Damascus, Syria. Nang magkaroon ng digmaan, isang barikada ang humadlang sa pagdating ng pagkain at suplay sa kanilang lugar. Nagsimulang magutom ang mga Kadado. Sa kasagsagan ng mahirap na sitwasyong ito, ang Latter-day Saint Charities at ang ilang napakatatapang na tauhan sa Rahma Worldwide ay nagsimulang magbigay ng mainit na pagkain araw-araw, na may kasamang gatas para sa maliliit na bata. Matapos ang mahirap na panahong iyon, muling nagsimula ang pamilya—gayundin ang kanilang panaderya—sa isang bagong bansa.

Kamakailan, isang kahon ng mga biskwit ang dumating sa mga tanggapan ng Simbahan na may ganitong mensahe: “Sa loob ng mahigit na dalawang buwan, nakakuha kami ng pagkain mula sa Rahma–Latter-day Saint [Charities] kitchen. Kung wala ito, maaaring namatay na kami sa gutom. Mangyaring tanggapin ninyo itong … biskwit mula sa aking panaderya bilang munting handog ng pasasalamat. Dalangin ko sa Diyos na Makapangyarihan na pagpalain kayo … sa lahat ng inyong ginagawa.”1

Isang biskwit ng pasasalamat at pag-alaala. Ito ay para sa inyo. Para sa lahat ng nagdasal matapos manood ng isang kuwento sa balita, sa lahat ng nagboluntaryo bagama’t mahirap o bukas-palad na nagbigay ng perang donasyon sa pondong pangkawanggawa na nagtitiwala na makatutulong ito, salamat sa inyo.

Banal na Responsibilidad na Pangalagaan ang mga Maralita

Ang Simbahan ni Jesucristo ay binigyan ng kautusan ng Diyos na pangalagaan ang mga maralita.2 Ito ay isa sa mahahalagang bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan.3 Ang totoo sa panahon ni Alma ay tiyak na totoo rin para sa atin: “At sa gayon, sa kanilang maunlad na kalagayan, hindi nila itinaboy ang sino mang mga hubad, o mga gutom, o mga uhaw, o mga may karamdaman, o mga hindi nakandili; at hindi nila inilagak ang kanilang mga puso sa mga kayamanan; anupa’t sila ay naging mapagbigay sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, maging sa labas ng simbahan o sa loob ng simbahan, walang itinatangi sa mga tao hinggil sa mga yaong nangangailangan.”4

Tumutugon ang Simbahan sa kautusang ito sa napakaraming paraan, na kinabibilangan ng:

  • ministering na ginagawa natin sa pamamagitan ng Relief Society, mga korum ng priesthood, at mga klase;

  • pag-aayuno at paggamit ng mga handog-ayuno;

  • mga bukirin at pagawaan ng mga de-latang pagkain;

  • mga welcome center para sa mga imigrante;

  • programa para sa mga nasa bilangguan;

  • mga gawaing pangkawanggawa ng Simbahan;

  • at ang JustServe app, kung saan mayroon nito, na nagbibigay sa mga boluntaryo ng angkop na mga pagkakataong maglingkod.

Ang lahat ng ito ay mga pamamaraan, na isinaayos sa pamamagitan ng priesthood, kung saan ang pinagsama-samang maliliit na pagsisikap ay nakagagawa ng malaking epekto, na mas nagpapabuti sa bawat bagay na ginagawa natin bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Ang mga Propeta ang Nangangalaga sa Buong Mundo

Ang mga propeta ay may responsibilidad na pangalagaan ang buong mundo, hindi lamang ang mga miyembro ng Simbahan. Maibabahagi ko mula sa sarili kong karanasan kung gaano kapersonal at katapat na ginagawa ng Unang Panguluhan ang responsibilidad na iyan. Habang lumalaki ang mga pangangailangan, iniutos sa atin ng Unang Panguluhan na dagdagan ang ating pagkakawanggawa sa makabuluhang paraan. Interesado sila sa pinakamalalaking kalakaran at sa pinakamaliliit na detalye.

Kamakailan, dinala namin sa kanila ang isa sa mga protective medical gown na tinahi ng Beehive Clothing para magamit ng mga hospital sa panahon ng pandemya. Bilang isang doktor, lubos na naging interesado rito si Pangulong Russell M. Nelson. Hindi niya lamang ito gustong makita. Gusto niyang isukat ito—i-tsek ang lapat ng manggas at ang haba at ang paraan na itinatali ito sa likod. Kalaunan ay madamdamin niyang sinabi sa amin, “Kapag nakakausap ninyo ang mga tao sa inyong mga gawain, pasalamatan ninyo sila para sa kanilang pag-aayuno, mga handog-ayuno, at paglilingkod sa pangalan ng Panginoon.”

Ulat tungkol sa Pagkakawanggawa

Sa tagubilin ni Pangulong Nelson, ibabahagi ko sa inyo kung paano tumutugon ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga bagyo, lindol, at paglipat ng mga refugee—at maging sa pandemya—salamat sa kabutihan ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa maraming kaibigan. Bagama’t ang mahigit sa 1,500 proyekto para sa COVID-19 ang talagang pinakamalaking pinagtuunan ng pagtulong ng Simbahan sa nakalipas na 18 buwan, tumugon din ang Simbahan sa 933 kalamidad at sa mga pangangailangan ng mga refugee sa 108 bansa. Ngunit hindi nakasaad sa istatistika ang buong kuwento. Hayaan ninyong magbahagi ako ng apat na halimbawa para ipakita sa maliit na paraan kung ano ang ating ginagawa.

Tulong sa COVID sa South Africa

Naulila sa mga magulang ang labing-anim na taong gulang na si Dieke Mphuti ng Welkom, South, Africa, ilang taon na ang nakalipas, kaya siya na ang nag-aalaga sa kanyang tatlong nakababatang kapatid. Palagi siyang nahihirapang maghanap ng sapat na pagkain, ngunit naging halos imposible pa ito dahil sa kakulangan ng suplay at quarantine na dulot ng COVID. Madalas silang gutom, at nakakaraos kahit papaano sa kabutihang-loob ng mga kapitbahay.

Dieke Mphuti

Noong isang mainit na araw ng Agosto 2020, nagulat si Dieke nang may kumatok sa kanyang pintuan. Binuksan niya ito at nakita ang dalawang estranghero—ang isa ay kinatawan ng Simbahan mula sa area office ng Johannesburg at ang isa ay isang opisyal mula sa Department of Social Development.

Nagtulungan ang dalawang organisasyon para magdala ng pagkain sa mga nagugutom na pamilya. Napanatag si Dieke nang makita niya ang maraming cornmeal at iba pang mga pangunahing pagkain, na binili gamit ang mga pondong pangkawanggawa ng Simbahan. Makatutulong ito sa kanya para mapakain ang kanyang pamilya sa loob ng ilang linggo hanggang sa matanggap niya ang tulong ng pamahalaan.

Ang kuwento ni Dieke ay isa sa napakaraming karanasan na nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa pandemyang COVID. Salamat sa inyong inilaang kontribusyon.

Tulong sa mga Afghan sa Ramstein

Nakita na nating lahat ang mga larawan kamakailan sa balita: napakaraming tao ang inililikas mula sa Afghanistan. Marami ang dumating sa mga air base o iba pang mga pansamantalang lokasyon sa Qatar, Estados Unidos, Germany, at Spain bago sila dalhin sa kanilang huling pupuntahan. Agaran ang kanilang mga pangangailangan, at bilang tugon ay nagbigay ang Simbahan ng mga panustos at boluntaryo. Sa Ramstein Air Base sa Germany, nagbigay ang Simbahan ng maraming donasyon na mga diaper, gatas para sa mga sanggol, pagkain, at mga sapatos.

Mga donasyong pangkawanggawa sa mga refugee
Kababaihang nananahi para sa mga Afghan refugee

Napansin ng ilan sa mga Relief Society sister na ginagamit ng maraming kababaihang Afghan ang mga kamiseta ng kanilang asawa para italukbong sa kanilang mga ulo dahil ang mga tradisyunal na talukbong sa ulo ay natanggal dahil sa kaguluhan sa Kabul airport. Bilang pakikipagkaibigan sa anumang relihiyon o kultura, ang mga sister ng Ramstein First Ward ay nagtipon para manahi ng mga tradisyunal na kasuotang pang-Muslim para sa kababaihang Afghan. Sinabi ni Sister Bethani Halls, “Nalaman namin na nangangailangan ang kababaihan ng mga damit para sa pagdarasal, at nananahi kami para maging [komportable] sila kapag nananalangin.”5

Tulong sa Lindol sa Haiti

Ang susunod na halimbawa ay nagpapakita na hindi ninyo kailangang maging mayaman o matanda upang maging isang kasangkapan para sa kabutihan. Ang labing-walong taong gulang na si Marie “Djadjou” Jacques ay mula sa Cavaillon Branch sa Haiti. Nang tumama ang mapangwasak na lindol malapit sa kanyang bayan noong Agosto, ang bahay ng kanyang pamilya ay isa sa napakaraming gusaling gumuho. Halos hindi mailalarawan ang lungkot na mawalan ng tahanan. Ngunit sa halip na malungkot, kahanga-hangang nagtuon si Djadjou sa pagtulong sa iba.

Marie Jacques
Lindol sa Haiti

Associated Press

Nakita niyang nahihirapan ang isang kapitbahay na matandang babae at pinagmalasakitan niya ito. Tinulungan niya ang iba na linisin ang mga guho. Kahit pagod na siya, sumama siya sa ibang mga miyembro ng Simbahan para mamahagi ng pagkain at mga hygiene kit sa mga tao. Ang kuwento ni Djadjou ay isa lamang sa magagandang halimbawa ng paglilingkod ng mga kabataan at young adult sa kanilang pagsisikap na tularan ang halimbawa ni Jesucristo.

Tulong sa Pagbaha sa Germany

Ilang linggo lamang bago ang lindol, isa pang grupo ng mga young adult ang nagbigay ng katulad na paglilingkod sa kabilang panig ng Atlantic Ocean. Ang mga pagbahang nanalanta sa kanlurang Europa noong Hulyo ang pinakamatindi sa loob ng ilang dekada.

Pagbaha sa Germany

Nang humupa na ang baha, sinuri ng isang may-ari ng tindahan sa riverside district ng Ahrweiler, Germany, ang mga pinsala at siya ay labis na nag-alala. Ang mapagpakumbabang lalaking ito, na isang debotong Katoliko, ay umusal ng isang panalangin sa Diyos na kung maaari ay padalhan siya ng isang tao na tutulong sa kanya. Kinaumagahan, dumating si Pangulong Dan Hammon ng Germany Frankfurt Mission sa lugar na iyon kasama ang isang maliit na grupo ng mga missionary na nakasuot ng mga dilaw na Helping Hands vest. Umabot ng 10 talampakan (3 m) ang tubig sa mga pader ng tindahan ng lalaki na nag-iwan ng napakakapal na putik. Pinala ng mga boluntaryo ang putik, inalis ang karpet at dingding, at itinambak ang lahat sa kalsada para itapon. Ang natutuwang may-ari ng tindahan ay kasama nilang nagtrabaho nang ilang oras, namamangha na nagpadala ang Panginoon ng isang grupo ng Kanyang mga lingkod bilang tugon sa kanyang panalangin—at sa loob ng 24 na oras!6

“Dalangin ko na gamitin Niya tayo.”

Tungkol sa mga gawaing pangkawanggawa ng Simbahan, minsang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Ang mga panalangin ay … kadalasang … sinasagot ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit sa ibang tao. Dalangin ko na gamitin Niya tayo. Dalangin ko na maging sagot tayo sa mga panalangin ng mga tao.”7

Mga kapatid, sa pamamagitan ng inyong paglilingkod, donasyon, oras, at pagmamahal, naging sagot kayo sa maraming panalangin. Subalit napakarami pa ring kailangang gawin. Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay may tipan na pangalagaan ang mga nangangailangan. Ang pagsisikap ng bawat isa sa atin ay hindi nangangahulugang kailangan tayong magbigay ng pera o sa malalayong lugar;8 ang kinakailangan dito ay patnubay ng Espiritu Santo at nakahandang puso na magsasabi sa Panginoon ng, “Narito ako, isugo ako.”9

Ang Kalugud-lugod na Taon ng Panginoon

Nakatala sa Lucas 4 na si Jesus ay pumunta sa Nazaret, kung saan siya lumaki, at tumayo sa sinagoga para magbasa. Naganap ito noong malapit na Siyang magsimula ng Kanyang mortal na ministeryo, at binanggit Niya ang isang talata mula sa aklat ni Isaias:

“Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako’y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako’y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi,

“Upang ipahayag ang taon ng biyaya mula sa Panginoon. …

“… Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.”10

Pinatototohanan ko na ang banal na kasulatang iyon ay natutupad rin sa ating panahon. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay dumating upang pagalingin ang mga pusong nasaktan. Ang Kanyang ebanghelyo ay nagbabalik ng paningin ng mga bulag. Ang Kanyang Simbahan ay nangangaral ng paglaya sa mga bihag, at ang Kanyang mga disipulo sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagsisikap na palayain ang mga naaapi.

Hayaan ninyong magwakas ako sa pag-ulit ng tanong ni Jesus sa Kanyang Apostol na si Simon Pedro: “Minamahal mo ba ako?”11 Ang diwa ng ebanghelyo ay nakapaloob sa isasagot natin sa tanong na iyon at kung paano natin “pakainin [ang Kanyang] mga tupa.”12 Nang may lubos na paggalang at malaking pagmamahal para kay Jesucristo na ating Panginoon, inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na makibahagi sa Kanyang kamangha-manghang ministeryo, at dalangin ko na gamitin Niya tayo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Abdul Razaq, personal na sulat, Mayo 2021.

  2. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:11–18.

  3. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2.2, simbahannijesucristo.org.

  4. Alma 1:30.

  5. Bethani Halls, sinipi mula sa “Aiding Afghan Evacuees,” Europe Area Welfare and Self-Reliance Newsletter, Ago. 2021.

  6. Mula kay Dan Hammon (pangulo ng Germany Frankfurt Mission), email kay Ty Johnson, 2021.

  7. Jeffrey R. Holland, “Neonatal Resuscitation with Elder Holland” (video), The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Nob. 10, 2011, youtube.com.

  8. Tingnan sa Sharon Eubank, “16 Things You Can Do to Be a Humanitarian,” Okt. 3, 2021, ChurchofJesusChrist.org.

  9. Isaias 6:8; tingnan din sa Abraham 3:27.

  10. Lucas 4:18–19, 21.

  11. Tingnan sa Juan 21:15–17.

  12. Juan 21:15–17.