2021
Isang Pandaigdigang Impluwensya para sa Kabutihan
Nobyembre 2021


Isang Pandaigdigang Impluwensya para sa Kabutihan

Habang ang mga propeta at apostol ay patuloy sa kanilang paglilingkod, ang kanilang impluwensya para sa kabutihan ay nagpapala sa maraming buhay at naghihikayat ng pandaigdigang diwa ng paglilingkod, pagtutulungan, at pag-asa. Narito ang ilang tampok na pangyayari sa paglilingkod na iyon nitong huling anim na buwan.

Noong Tokyo Summer Olympics, nag-post sa social media si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pangangailangang tigilan ang pagtatalo at sa kahalagahan ng pagkakaibigan, paggalang, at pagtutulungan.

Sumali si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang pandaigdigang videoconference na nagmula sa Windsor, England. Tinalakay ng mga tagapagsalita sa kumperensya ang kalusugan ng isipan at damdamin ng milyun-milyong tao sa mga refugee camp. Humiling ng suporta si Elder Holland na payagan ang mga refugee na ipahayag “ang mismong pananampalataya sa relihiyon na nagbibigay sa kanila ng kanilang identidad.” Si Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency at pangulo ng Latter-day Saint Charities, ay nakibahagi rin sa kumperensya.

Nagsalita si Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang konseho tungkol sa pagtutulungan ng iba’t ibang relihiyon na ginanap sa Notre Dame University sa Indiana, USA. Hinikayat ni Elder Cook ang mga dumalo sa summit na “tumayo bilang isang tanglaw ng paniniwala at pagkakaisa sa isang mundong madalas na nagpapawalang-halaga sa dalawang ito.”

Nagsalita si Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol sa G20 Interfaith Forum na ginanap sa Bologna, Italy. (Ang mga bansang G20 ang bumubuo sa 20 pinakamalalaking ekonomiya sa mundo.) “Kapag binigyan ng kalayaang umunlad ang relihiyon, ang mga nananampalataya sa lahat ng dako ay nagsasagawa ng mga simpleng paglilingkod na kung minsa’y may kabayanihan,” sabi ni Elder Rasband. Sa forum ding iyon, nagsalita si Sister Eubank tungkol sa mga epekto ng pagkagutom at malnutrisyon dahil sa kahirapan habang bata pa. “Ang pagbabago ay maaari lamang … matupad sa mga personal na relasyong may pagtitiwala,” sabi niya.

Kasunod ng lindol na puminsala sa Haiti, nagsalita si Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang devotional broadcast sa mga miyembrong nagsasalita ng French sa Caribbean, at ipinaalala sa kanila na “ang pananampalataya ay nagbibigay-laya sa kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.” Sumali si Sister Reyna I. Aburto, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, sa devotional at nagsalita rin sa mga miyembro sa mga leadership meeting at stake conference. “Makakatayo tayo nang matatag,” sabi niya, “kahit dumating pa ang mga hangin at yumanig ang lupa sa ating paligid.” Nagsalita rin si Elder Soares sa isang devotional broadcast para sa mga kabataan sa Caribbean, at ipinaalala sa kanila na “kailangan natin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay.”