2021
Tumingin sa Paroroonan
Nobyembre 2021


9:20

Tumingin sa Paroroonan

Ang pagtuon sa mga bagay na pinakamahalaga—lalo na sa mga bagay sa “paroroonan” natin, ang mga walang-hanggang bagay na iyon—ang susi sa paglalakbay sa buhay na ito.

Noong 15 taong gulang ako, nakuha ko ang aking learner’s permit, kung kaya’t maaari akong magmaneho ng kotse kung kasama ko ang isa sa aking mga magulang. Nang tanungin ng aking ama kung gusto kong magpraktis na magmaneho, natuwa ako.

Nagmaneho siya nang ilang milya palabas ng bayan patungo sa isang mahaba, tuwid, at may dalawang linya na kalsada na iilang tao lang ang gumagamit—na sa tingin ko ay malamang ang tanging lugar kung saan sa palagay niya ay ligtas magpraktis magmaneho. Tumabi siya sa gilid ng kalsada, at nagpalit kami ng upuan. Tinuruan niya ako nang kaunti at pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Dahan-dahan kang magmaneho hanggang sa sabihin kong huminto ka.”

Sinunod ko nang eksakto ang kanyang mga utos. Ngunit pagkaraan ng mga 60 segundo, sinabi niya, “Anak, itabi mo ang kotse. Nasusuka ako sa pagmamaneho mo. Paliku-liko ka sa kalsada.” Tinanong niya, “Saan ka nakatingin?”

Medyo naiinis, sinabi ko, “Nakatingin po ako sa kalsada.”

Pagkatapos ay sinabi niya: “Tintingnan ko ang mga mata mo, at nakatingin ka sa mismong nasa harapan lang ng kotse. Kung nakatingin ka sa mismong nasa harapan mo lang, hindi ka talaga makapagmamaneho nang diretso.” Pagkatapos ay binigyang-diin niya, “Tumingin ka sa paroroonan mo. Makatutulong iyon na makapagmaneho ka nang diretso.”

Bilang isang 15 taong gulang na binata, naisip ko na magandang aral iyon sa pagmamaneho. Kalaunan, napagtanto ko na magandang aral din iyon sa buhay. Ang pagtuon sa mga bagay na pinakamahalaga—lalo na sa mga bagay sa “paroroonan” natin, ang mga walang-hanggang bagay na iyon—ang susi sa paglalakbay sa buhay na ito.

Sa isang pagkakataon sa buhay ng Tagapagligtas, ninais Niyang mapag-isa, kaya “umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin.”1 Pinaalis Niya ang Kanyang mga disipulo at inutusan Niya silang tumawid sa dagat. Pagsapit ng dilim, nasalubong ng bangkang sinasakyan ng mga disipulo ang isang malakas na bagyo. Sinagip sila ni Jesus ngunit sa hindi pangkaraniwang paraan. Mababasa sa banal na kasulatan, “Nang madaling-araw na ay lumapit [si Jesus] sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.”2 Nang makita nila Siya, nagsimula silang matakot, dahil inakala nilang ang lumalapit sa kanila ay isang multo. Si Jesus, na nadama ang kanilang takot at nagnais na panatagin ang kanilang puso’t isipan, ay nagsabi sa kanila, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”3

Si Pedro ay hindi lang napanatag kundi nagkaroon din ng lakas ng loob. Kadalasa’y matapang at mapusok, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”4 Tumugon si Jesus gamit ang Kanyang pamilyar at walang-hanggang paanyaya: “Halika.”5

Si Pedro, na tiyak na natuwa sa paanyaya, ay bumaba sa bangka at imbis na lumubog ay lumutang sa tubig. Habang nakatuon siya sa Tagapagligtas, nagawa niya ang imposible, maging ang paglakad sa ibabaw ng tubig. Noong una, si Pedro ay hindi nagambala ng bagyo. Ngunit kalaunan ay nagambala siya ng “malakas”6 na hangin, at naalis ang kanyang pagtuon kay Jesus. Bumalik ang takot. Dahil dito, nanghina ang kanyang pananampalataya, at nagsimula siyang lumubog. “Sumigaw siya, ‘Panginoon, iligtas mo ako!’”7 Hinawakan at inangat siya ng Tagapagligtas, na laging sabik na magligtas.

Napakaraming aral na matututuhan mula sa mahimalang salaysay na ito, ngunit magbabanggit lang ako ng tatlo.

Magtuon kay Cristo

Ang unang aral: magtuon kay Jesucristo. Habang nakatuon ang mga mata ni Pedro kay Jesus, nagawa niyang lumakad sa ibabaw ng tubig. Hindi siya nagambala ng bagyo, mga alon, at hangin hangga’t nakasentro ang kanyang pagtuon sa Tagapagligtas.

Ang pag-unawa sa ating pangunahing layunin ay nakatutulong sa atin na matukoy kung saan tayo dapat magtuon. Hindi tayo magtatagumpay sa isang laro nang hindi nalalaman ang layunin nito, at gayundin ay hindi magiging makabuluhan ang ating buhay kung hindi natin alam ang layunin nito. Ang isa sa mga dakilang pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay sinasagot nito, bukod pa sa ibang bagay, ang tanong na “Ano ang layunin ng buhay?” “Ang layunin natin sa buhay na ito ay magkaroon ng kagalakan at maghandang bumalik sa piling ng Diyos.”8 Ang pag-alala na narito tayo sa lupa upang maghandang bumalik sa piling ng Diyos ay tumutulong sa atin na magtuon sa mga bagay na umaakay sa atin patungo kay Cristo.

Ang pagtuon kay Cristo ay nangangailangan ng disiplina, lalo na sa maliliit at mga karaniwang espirituwal na gawi na nakatutulong sa atin na maging mas mabubuting disipulo. Hindi tayo magiging disipulo kung wala tayong disiplina.

Ang ating pagtuon kay Cristo ay nagiging mas malinaw kapag tayo ay nakatingin sa paroroonan natin, sa nais nating makamit at sa nais nating kahinatnan, at pagkatapos ay naglalaan ng oras araw-araw upang magawa ang mga bagay na makatutulong sa atin na makarating doon. Ang pagtuon kay Cristo ay magpapasimple sa ating mga desisyon at magsisilbing gabay kung paano natin pinakamainam na magagamit ang ating oras at iba pang mga bagay na magagamit.

Bagama’t maraming bagay na nararapat nating pagtuunan, matutuhan natin mula sa halimbawa ni Pedro ang kahalagahan ng pagpapanatiling nakasentro ang ating pagtuon kay Cristo. Sa pamamagitan lamang ni Cristo tayo makababalik sa piling ng Diyos. Umaasa tayo sa biyaya ni Cristo kapag nagsisikap tayong maging katulad Niya at hinahangad natin ang Kanyang kapatawaran at nagpapalakas na kapangyarihan sa mga panahong nagkukulang tayo.

Mag-ingat sa mga Gambala

Ang pangalawang aral: mag-ingat sa mga gambala. Noong inalis ni Pedro ang kanyang pagtuon kay Jesus at ibinaling ito sa hangin at mga alon na humahampas sa kanyang mga paa, nagsimula siyang lumubog.

Maraming bagay “sa harapan ng kotse” na maaaring makagambala sa ating pagtuon kay Cristo at sa mga walang-hanggang bagay sa “paroroonan” natin. Ang diyablo ang pinakamatinding gambala. Natutuhan natin mula sa panaginip ni Lehi na ang mga tinig galing sa malaki at maluwang na gusali ay naghahangad na akitin tayo sa mga bagay na maglilihis sa atin sa landas ng paghahandang makabalik sa piling ng Diyos.9

Ngunit may iba pang di-gaanong halatang gambala na maaaring mapanganib din. May kasabihan nga na, “Ang kailangan lang gawin para magtagumpay ang kasamaan ay huwag kumilos ang mabubuting tao.” Tila determinado ang kaaway na udyukan ang mabubuting tao na huwag kumilos, o sayangin na lang ang kanilang oras sa mga bagay na makagagambala sa kanila sa pagkamit ng kanilang mga dakilang layunin at mithiin. Halimbawa, ang ilang libangan na makabubuti kung paminsan-minsan lang ay maaaring makasama kung walang disiplina. Naiintindihan ng kalaban na hindi kailangang maging masama o imoral ang mga gambala upang maging epektibo.

Maaari Tayong Masagip

Ang pangatlong aral: maaari tayong masagip. Nang magsimulang lumubog si Pedro, sumigaw siya, “‘Panginoon, iligtas mo ako!’ Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya.”10 Kapag lumulubog tayo, kapag dumaranas tayo ng paghihirap, o kapag nanghihina tayo, masasagip din Niya tayo.

Sa harap ng paghihirap o pagsubok, maaari kayong maging katulad ko at umasa na masasagip kayo kaagad. Ngunit tandaan na madaling-araw na nang tulungan ng Tagapagligtas ang mga Apostol—matapos silang bayuhin ng bagyo nang halos buong magdamag.11 Maaari nating ipagdasal na kung ang tulong ay hindi darating kaagad, dumating sana ito sa hatinggabi o bago magmadaling-araw. Kapag kailangan nating maghintay, huwag mag-alala dahil laging nakamasid ang Tagapagligtas, tinitiyak na hindi natin kakailanganing magtiis nang higit sa ating makakaya.12 Sa mga naghihintay sa madaling-araw, na marahil ay nasa gitna pa rin ng pagdurusa, huwag mawalan ng pag-asa. Ang pagsagip ay laging dumarating sa matatapat, sa buhay mang ito o sa mga kawalang-hanggan.

Kung minsa’y lumulubog tayo dahil sa ating mga pagkakamali at kasalanan. Kung lumulubog kayo dahil doon, gawin ang pagpiling puno ng kagalakan na magsisi.13 Naniniwala ako na iilang bagay lang ang nakapagbibigay sa Tagapagligtas ng higit na kagalakan kaysa sa pagliligtas sa mga taong bumabaling, o bumabalik, sa Kanya.14 Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga kuwento ng mga taong minsang nadapa at nagkasala ngunit nagsisi at naging matatag sa pananampalataya kay Cristo. Sa palagay ko, ang mga kuwentong iyon ay nasa mga banal na kasulatan upang ipaalala sa atin na ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin at ang Kanyang kapangyarihan na tubusin tayo ay walang katapusan. Hindi lang ang Tagapagligtas ang nagagalak kapag nagsisisi tayo, tayo rin ay labis na nagagalak.

Konklusyon

Inaanyayahan ko kayo na sikaping “tumingin sa paroroonan” at pagbutihin ang inyong pagtuon sa mga bagay na talagang mahalaga. Nawa’y panatilihin nating nakasentro ang ating pagtuon kay Cristo. Sa gitna ng mga gambala, ng mga bagay “sa harapan ng kotse,” at ng mga buhawing nakapaligid sa atin, pinatototohanan ko na si Jesus ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos at ating Tagasagip. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.