Pag-ibig ng Diyos: Ang Labis na Nakalulugod sa Kaluluwa
Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi natatagpuan sa mga sitwasyon sa ating buhay, kundi sa Kanyang presensya sa ating buhay.
Mga kapatid, nalalaman ba ninyo kung gaano kayo ganap na minamahal ng Diyos, na ating Ama sa Langit? Nadama na ba ninyo sa kaibuturan ng inyong kaluluwa ang Kanyang pagmamahal?
Kapag nalaman at naunawaan ninyo kung gaano kayo ganap na minamahal bilang anak ng Diyos, babaguhin nito ang lahat ng bagay. Babaguhin nito ang nararamdaman ninyo tungkol sa inyong sarili kapag nagkakamali kayo. Babaguhin nito ang nararamdaman ninyo kapag may mahihirap na bagay na nangyayari. Babaguhin nito ang inyong pananaw hinggil sa mga kautusan ng Diyos. Babaguhin nito ang inyong pananaw hinggil sa iba, at sa inyong kakayahang gumawa ng kaibhan.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Ang una at dakilang utos sa kawalang-hanggan ay ang mahalin ang Diyos nang buo nating puso, kakayahan, pag-isip, at lakas—iyan ang una at dakilang utos. Subalit ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-isip, at lakas.”1
Paano malalaman ng bawat isa sa atin sa kaibuturan ng ating kaluluwa ang dakilang katotohanan ng kawalang-hanggan na ito?
Ipinakita kay propetang Nephi sa isang pangitain ang pinakamakapangyarihang katibayan ng pag-ibig ng Diyos. Nang makita ang punungkahoy ng buhay, hiniling ni Nephi na malaman ang kahulugan nito. Bilang tugon, ipinakita ng anghel kay Nephi ang isang lungsod, isang ina, at isang sanggol. Nang tingnan ni Nephi ang lungsod ng Nazareth at ang butihing inang si Maria, na buhat-buhat ang sanggol na si Jesus sa kanyang mga bisig, ipinahayag ng angel, “Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!”2
At sa sagradong sandaling iyon, naunawaan ni Nephi na sa pagsilang ng Tagapagligtas, ipinakita ng Diyos ang Kanyang dalisay at lubos na pag-ibig. Nagpatotoo si Nephi na ang pag-ibig ng Diyos ay “laganap sa buong mundo sa mga puso ng mga anak ng tao.”3
Mailalarawan natin sa ating isip ang pag-ibig ng Diyos bilang liwanag na nagmumula sa punungkahoy ng buhay, lumalaganap sa buong mundo patungo sa puso ng mga anak ng tao. Ang liwanag at pag-ibig ng Diyos ay sumasakop sa lahat ng Kanyang mga nilikha.4
Kung minsan nagkakamali tayo sa pag-iisip na madarama natin ang pag-ibig ng Diyos pagkatapos lamang nating sundin ang gabay na bakal at makakain ng bunga. Gayunman, ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lamang natatanggap ng mga lumalapit sa punungkahoy kundi ang mismong kapangyarihang naghihikayat sa ating hanapin ang punungkahoy na iyon.
“Anupa’t ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay,” itinuro ni Nephi, at ibinulalas ng anghel, “Oo, at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa.”5
Dalawampung taon na ang nakalilipas, isang minamahal na miyembro ng pamilya ang umalis sa Simbahan. Marami siyang katanungang hindi nasagot. Ang kanyang asawang babae, na miyembro, ay nanatiling tapat sa kanyang pananampalataya. Pinagsikapan nilang manatiling magsama bilang mag-asawa sa kabila ng mga hindi nila pinagkakasunduan.
Noong nakaraang taon may isinulat siyang tatlong tanong tungkol sa Simbahan na mahirap tanggapin para sa kanya at ipinadala ang mga ito sa dalawang mag-asawang ilang taon na niyang mga kaibigan. Inanyayahan niya silang pag-isipan ang mga tanong na iyon at maghapunan sa kanila upang ibahagi nila ang kanilang mga saloobin.
Pag-alis ng kanyang mga kaibigan, pumasok siya sa kanyang silid at sinimulan ang isang proyekto. Ang pag-uusap ng gabing iyon at ang pagmamahal na ipinakita sa kanya ng mga kaibigan niya ay tumimo sa kanyang isipan. Kalaunan isinulat niya na napilitan siyang tumigil sa kanyang ginagawa. Sabi niya: “Napuspos ng liwanag ang kaluluwa ko. … Pamilyar sa akin ang ganitong kaliwanagan na nadarama ko sa kaibuturan ng aking puso, ngunit sa pagkakataong ito, nagpatuloy ito na mas lumakas pa kaysa dati at tumagal nang ilang minuto. Tahimik akong umupo nang nadarama iyon, at naunawaan ko na iyon ay pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos sa akin. … Nadama ko ang isang espirituwal na impresyon na nagsabi sa aking makababalik ako sa simbahan at maipapakita ang pagmamahal na ito ng Diyos sa mga gagawin ko roon.”
Pagkatapos ay pinag-isipan niya ang kanyang mga katanungan. Ang pakiramdam na natanggap niya ay pagtanggap ng Diyos sa kanyang mga katanungan, at ang hindi pagkakaroon ng malilinaw na kasagutan ay hindi magpapahinto sa kanya sa pagsulong.6 Dapat niyang ibahagi ang pagmamahal ng Diyos sa lahat habang siya ay patuloy na nag-iisip. Nang kumilos siya ayon sa impresyong iyon, nakadama siya ng kaugnayan kay Joseph Smith, na nagsabi pagkatapos ng kanyang Unang Pangitain, “Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal, at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan.”7
Kamangha-mangha na pagkaraan ng ilang buwan, natanggap niya ang tungkuling katulad ng hinawakan niya 20 taon ang nakararaan. Sa unang pagkakataong hinawakan niya ang tungkulin, ginampanan niya ang kanyang mga responsibilidad bilang isang responsableng miyembro ng Simbahan. Ngayon ang tanong niya ay hindi “Paano ko gagampanan ang tungkuling ito?” kundi “Paano ko maipapakita ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng aking paglilingkod?” Sa bagong pamamaraang ito ay nakadama siya ng labis na kagalakan, kahulugan, at layunin sa lahat ng aspekto ng kanyang tungkulin.
Mga kapatid paano natin matatanggap ang nakapagpapabagong kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos? Inaanyayahan tayo ni propetang Mormon na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo.”8 Hindi lamang tayo inaanyayahan ni Mormon na manalangin upang mapuspos tayo ng pag-ibig ng Diyos para sa iba kundi manalangin tayo upang ating mabatid ang dalisay na pag-ibig ng Diyos para sa atin.9
Kapag tinanggap natin ang Kanyang pag-ibig, lalo tayong makadarama ng higit na galak sa pagsisikap na magmahal at maglingkod tulad ng ginawa Niya, at maging “tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak na si Jesucristo.”10
Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi natatagpuan sa mga sitwasyon sa ating buhay, kundi sa Kanyang presensya sa ating buhay. Nadarama natin ang Kanyang pag-ibig kapag tumatanggap tayo ng lakas nang higit pa sa ating sariling lakas at kapag ang Kanyang Espiritu ay naghahatid ng kapayapaan, kapanatagan, at patnubay. Minsan mahirap madama ang Kanyang pag-ibig. Maaari nating ipagdasal na mabuksan ang ating mga mata para makita ang Kanyang kamay sa ating buhay at makita ang Kanyang pag-ibig sa kagandahan ng Kanyang mga nilikha.
Kapag pinagninilayan natin ang buhay ng Tagapagligtas at ang Kanyang walang katapusang sakripisyo, masisimulan nating maunawaan ang Kanyang pagmamahal sa atin. Mapitagan nating inaawit ang mga salita ni Eliza R. Snow: “Ibinuhos N’ya ang sariling dugo; Buhay N’ya ay isinuko.”11 Ang pagpapakumbaba ni Jesus sa paghihirap para sa atin ay nagpapadalisay sa ating mga kaluluwa, pinupukaw ang ating mga puso na humingi ng kapatawaran sa Kanyang kamay at pinupuno tayo ng pagnanais na mamuhay nang tulad Niya.12
Isinulat ni Pangulong Nelson, “Habang lalo tayong nagsusumikap na maiakma ang ating mga buhay sa Kanyang huwaran, higit na nagiging dalisay at banal ang ating pag-ibig.”13
Ikinuwento ng aking anak na lalaki: “Noong ako ay 11 taong gulang, nagpasiya kaming magkakaibigan na pagtaguan ang guro namin at hindi pumasok sa unang bahagi ng Primary class namin. Pagdating namin sa klase, nagulat kami nang magiliw kaming binati ng guro. Pagkatapos ay nag-alay siya ng isang taos-pusong panalangin kung saan taimtim niyang pinasalamatan ang Panginoon sa kusang-loob na pagpasok namin sa klase noong araw na iyon. Hindi ko na matandaan kung tungkol saan ang aralin o maging ang pangalan ng guro namin, pero ngayon, pagkalipas ng mga 30 taon, naaantig pa rin ako sa dalisay na pagmamahal na ipinakita niya noong araw na iyon.”
Limang taon na ang nakararaan nang nakita ko ang isang halimbawa ng banal na pagmamahal sa pagdalo namin sa Primary sa Russia. Nakita ko ang isang matapat na sister na lumuhod sa harapan ng dalawang batang lalaki at nagpapatotoo sa kanila na kahit sila na lamang ang nabubuhay sa mundo, si Jesus ay magsasakripisyo at mamamatay pa rin para sa kanila.
Nagpapapatotoo ako na ang ating Panginoon at Tagapagligtas ay tunay ngang namatay para sa bawat isa sa atin. Pagpapakita ito ng Kanyang walang katapusang pagmamahal para sa atin at para sa Kanyang Ama.
“Buhay ang aking Manunubos. Kay ligayang ito’y matalos! S’ya’y buhay! Sa [atin ay] nagbibigay ng pag-ibig na dalisay.14
Nawa‘y buksan natin ang ating puso upang matanggap ang dalisay na pag-ibig ng Diyos para sa atin at pagkatapos ay ibuhos ang Kanyang pagmamahal na iyon sa lahat ng ating ginagawa. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.