2021
Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon
Nobyembre 2021


18:59

Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon

Anumang uri ng problema ang dumating sa inyong buhay, ang pinakaligtas na lugar para maging ligtas sa espirituwal ay pamumuhay ayon sa inyong mga tipan sa templo!

Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makasama kayo sa umagang ito upang ibahagi ang nadarama ng aking puso.

Tulad ng alam ninyo, nagsasagawa tayo ng malaking renobasyon sa makasaysayang Salt Lake Temple. Kabilang sa mahirap na proyektong ito ang pagpapatibay nang husto sa orihinal na pundasyon nito, na mahigit isang siglo nang napakinabangan. Gayunpaman, ang templong ito ay kinakailangang mas magtagal pa. Sa huling bahagi ng Mayo, ininspeksyon ko ang progreso ng malaking proyektong ito. Naisip ko na matutuwa kayong makita ang nakita namin ng asawa kong si Wendy. Marahil ay mauunawaan ninyo kung bakit nagkaroon ng bagong kahulugan sa amin ang himnong “Saligang Kaytibay”1.

2:4

Video mula sa site ng renobasyon ng Salt Lake Temple: “Nakikita natin ngayon ang orihinal na pundasyon ng Salt Lake Temple. Nakatayo ako sa isang lugar sa ibaba ng noon ay Garden Room. Habang sinusuri ko ang pagkakagawa ng buong gusaling ito, namangha ako sa nagawa ng mga pioneer. Talagang humanga ako nang maisip ko na itinayo nila ang napakagandang templong ito gamit lamang ang mga kasangkapan at pamamaraan na mayroon sila noon mahigit isang siglo na ang nakalipas.

“Gayunman, sa nakalipas na maraming dekada, kung susuriin nating mabuti ang pundasyon, makikita natin ang mga epekto ng pagguho, mga bitak sa orihinal na mga bato, at magkakaibang antas ng karupukan sa masonerya.

“Ngayong nakikita ko ang magagawa ng mga makabagong inhinyero, arkitekto, at mga eksperto sa pagtatayo ng gusali upang mapatibay pa ang orihinal na pundasyon, lubos akong namamangha. Kahanga-hanga ang kanilang gawa!

“Ang pundasyon ng anumang gusali, lalo na ang gusaling kasinglaki nito, ay kailangang maging lubos na matibay at matatag upang makayanan ang mga lindol, pagguho, malakas na hangin, at ang di-maiiwasang dahan-dahang paglubog na dulot ng paggalaw ng lupa na nakakaapekto sa lahat ng gusali. Ang mahirap na gawain ng pagpapatibay na isinasagawa ngayon ay magpapatibayin sa sagradong templong ito na may pundasyon na makatatagal at tatagal sa lahat ng panahon.”

Ginagawa namin ang lahat upang mabigyan ang sagradong templong ito, na malaki na ang pinsala, ng isang pundasyon na makakayanan ang mga kalamidad hanggang sa Milenyo. Sa gayon ding paraan, panahon na upang ang bawat isa sa atin ay magsagawa ng napakahusay na mga pamamaraan—marahil mga pamamaraang hindi pa natin nagawa noon—upang patibayin ang ating sariling espirituwal na pundasyon. Ang mga panahong hindi pa kailanman naranasan ay nangangailangan ng mga pamamaraan na hindi pa kailanman nagawa.

Mahal kong mga kapatid, ito ang mga huling araw. Kung nais nating makayanan ang mga darating na panganib at hirap, kinakailangang may matibay na espirituwal na pundasyon ang bawat isa sa atin na itinayo sa bato na ating Manunubos na si Jesucristo.2

Kaya, itinatanong ko sa bawat isa sa inyo, “Gaano katibay ang inyong pundasyon? At ano ang kinakailangan ninyong gawin upang tumibay pa ang inyong patotoo at pag-unawa sa ebanghelyo?”

Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan.3 At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.

Ipinangako sa atin na “kung [tayo] ay handa [tayo] ay hindi matatakot.”4 Ang pangakong ito ay may matinding implikasyon ngayon. Ipinahayag ng Panginoon na sa kabila ng mahihirap na hamon sa buhay ngayon, ang mga nagtayo ng kanilang pundasyon kay Jesucristo, at natutuhan kung paano gamitin ang Kanyang kapangyarihan, ay hindi kailangang sumuko sa mga hindi pangkaraniwang problema ng panahon ngayon.

Ang mga ordenansa at tipan sa templo ay nariyan na noon pa man. Iniutos ng Panginoon kina Adan at Eva na manalangin, makipagtipan, at mag-alay ng mga hain.5 Katunayan, “kapag may mga tao sa mundo ang Panginoon na susunod sa Kanyang salita, sila ay inuutusan na magtayo ng templo.”6 Nakatala sa mga banal na kasulatan ang maraming turo, kasuotan, pananalita sa templo, at iba pa.7 Lahat ng pinaniniwalaan natin at lahat ng pangako ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang anak ay pinagsama-sama sa templo. Sa lahat ng panahon, binigyang-diin sa templo ang mahalagang katotohanan na ang mga nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad nito ay mga anak ng tipan.

Kaya, sa bahay ng Panginoon, tayo ay makagagawa ng gayon ding mga tipan sa Diyos na ginawa nina Abraham, Isaac, at Jacob. At makatatanggap tayo ng kaparehong mga pagpapala!

Kirtland Temple at Nauvoo Temple

Ang mga templo ay bahagi na ng dispensasyong ito mula pa sa mga unang araw nito.8 Ipinagkaloob ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod kay Joseph Smith sa Kirtland Temple. Ang kabuuan ng priesthood ay ipinanumbalik sa Nauvoo Temple.9

Hanggang sa paslangin siya, si Joseph Smith ay patuloy na nakatanggap ng mga paghahayag upang maisagawa ang pagpapanumbalik ng endowment at ng mga ordenansa ng pagbubuklod.10 Gayunman, natanto niya na kailangan pang isaayos ito. Matapos ang endowment kay Brigham Young noong Mayo 1842, sinabi ni Joseph kay Brigham, “Hindi wasto ang pagkakaayos nito ngunit ginawa [na] natin ang lahat ng makakaya natin sa sitwasyon kung saan tayo ay inilagay at ninanais ko na iorganisa at ayusin mo ang lahat ng mga seremonyang ito.”11

Kasunod ng pagkamatay ng Propeta, pinamahalaan ni Pangulong Young ang pagtatapos ng Nauvoo Temple12 at kalaunan ay nagtayo ng mga templo sa Utah Territory. Sa paglalaan ng ibabang mga palapag ng St. George Temple, mariing ipinahayag ni Brigham Young ang kahalagahan ng gawain sa templo nang sabihin niyang, “Kapag pinag-iisipan ko ang paksang ito, ninanais kong magkaroon ng tinig na kasing lakas ng dagundong ng mga kulog upang magising ang mga tao.”13

Mula sa panahong iyon, ang mga ordenansa sa templo ay unti-unting naisaayos. Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee kung bakit patuloy na nagbabago ang mga pamamaraan, patakaran, at maging ang mga ordenansa sa templo sa ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas. Sinabi ni Pangulong Lee: “Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay sagrado. Walang sinuman ang nagbabago ng mga alituntunin at [doktrina] ng Simbahan maliban sa Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag. Ngunit ang mga pamamaraan ay nagbabago kapag dumarating ang inspirasyon sa mga namumuno sa isang partikular na panahon.”14

Isipin kung paano nabago ang pangangasiwa sa sacrament sa nakalipas na mga taon. Noong mga unang araw, ang tubig sa sacrament ay ibinibigay sa kongregasyon sa isang malaking lalagyan. Lahat ay umiinom dito. Ngayon ay gumagamit na tayo ng mga disposable cup para sa bawat indibiduwal. Nagbago ang pamamaraan, ngunit ang mga tipan ay gayon pa rin.

Pakaisipin ang mga katotohanang ito:

  1. Ang Pagpapanumbalik ay isang proseso, hindi isang pangyayari, at magpapatuloy ito hanggang sa muling pagparito ng Panginoon.

  2. Ang pinakamithiin ng pagtitipon ng Israel15 ay dalhin ang mga pagpapala ng templo sa matatapat na anak ng Diyos.

  3. At pangatlo: Habang sinisikap natin na maisakatuparan nang mas epektibo ang mithiing iyan, ang Panginoon ay naghahayag ng iba pang mga kaalaman. Ang patuloy na Pagpapanumbalik ay nangangailangan ng patuloy na paghahayag.

Madalas itanong ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Panginoon kung may mas mainam pang mga paraan upang madala ang mga pagpapala ng templo sa Kanyang matatapat na anak. Palagi kaming humihingi ng patnubay kung paano matitiyak na wasto at pareho ang mga tagubilin, mga tipan, at ordenansa sa templo sa kabila ng mga pagkakaiba sa wika at kultura sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa patnubay ng Panginoon at bilang sagot sa aming mga panalangin, nagawa kamakailan ang mga pagbabago sa pamamaraan. Nais Niya na maunawaan ninyo nang napakalinaw ang mga tipang ginagawa ninyo. Nais Niya na maranasan ninyo nang lubos ang Kanyang mga sagradong ordenansa. Nais Niya na maunawaan ninyo ang inyong mga pribilehiyo, pangako, at responsibilidad. Nais Niya na magkaroon kayo ng mga espirituwal na pananaw at kamalayan na hindi pa ninyo kailanman natamo. Ito ang nais Niya para sa lahat ng pumapasok sa templo, saanman sila nakatira.

Ang kasalukuyang mga pagbabago sa mga pamamaraan ng templo, at ang iba pang susunod, ay patuloy na katibayan na aktibong pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Nagbibigay Siya ng mga pagkakataon sa bawat isa sa atin upang mas mahusay na mapatibay ang ating mga espirituwal na pundasyon sa pamamagitan ng pagtutuon ng ating buhay sa Kanya at sa mga ordenansa at tipan ng Kanyang templo. Kapag dala ninyo ang inyong temple recommend, nagsisising puso, at hangaring matuto sa bahay ng Panginoon, tuturuan Niya kayo.

Kung hindi kayo makapunta sa templo dahil sa layo, problema sa kalusugan, o iba pa, inaanyayahan ko kayong magtakda ng regular na oras na isipin ang mga tipang ginawa ninyo.

Kung hindi pa ninyo gustong pumunta sa templo, magpunta nang mas madalas—hindi nang minsan lang. Hayaang turuan at bigyang-inspirasyon kayo roon ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ipinapangako ko sa inyo na sa paglipas ng panahon, ang templo ay magiging lugar ng kaligtasan, kapanatagan, at paghahayag.

Kung makakausap ko nang sarilinan ang bawat young adult, makikiusap ako sa inyo na maghanap ng makakasama na maibubuklod sa inyo sa templo. Maaaring isipin ninyo kung ano ang magagawang kaibhan nito sa inyong buhay. Ipinapangako ko sa inyo na malaki ang kaibhang magagawa nito! Kapag nagpakasal kayo sa templo at palaging bumabalik sa templo, kayo ay palalakasin at gagabayan sa inyong mga desisyon.

Kung makakausap ko ang bawat mag-asawa na hindi pa naibuklod sa templo, makikiusap ako sa inyo na gawin ang mga kinakailangang hakbang upang matanggap ang ordenansang iyon na pinakamahalaga at nagpapabago ng buhay.16 Makagagawa ba ito ng kaibhan? Tanging kung nais ninyong umunlad at magsama magpakailanman. Ang pagsasama sa kawalang-hanggan ay hindi makakamtan sa pangangarap lang. Walang ibang seremonya o kontrata ang makagagawa nito.17

Kung makakausap ko ang bawat lalaki o babae na matagal nang inaasam na makasal ngunit hindi pa natatagpuan ang kanilang makakasama sa kawalang-hanggan, hinihikayat ko kayo na huwag nang maghintay na maikasal para matanggap ang endowment sa bahay ng Panginoon. Magsimula ngayon na matutuhan at maranasan ang ibig sabihin ng masandatahan ng kapangyarihan ng priesthood.

At sa bawat isa sa inyo na gumawa na ng mga tipan sa templo, nakikiusap ako sa inyo na hangarin—nang may panalangin at nang palagian—na maunawaan ang mga tipan at ordenansa sa templo.18 Ang mga espirituwal na pintuan ay mabubuksan. Matututuhan ninyo kung paano hawiin ang tabing sa pagitan ng langit at lupa, kung paano hilingin sa mga anghel ng Diyos na tulungan kayo, at kung paano mas makatanggap ng patnubay mula sa langit. Ang masigasig ninyong pagsisikap na gawin ito ay magpapatatag at magpapatibay sa inyong espirituwal na pundasyon.

Mahal kong mga kapatid, kapag natapos na ang mga renobasyon sa Salt Lake Temple, wala nang mas ligtas na lugar kapag lumindol sa Salt Lake Valley kaysa sa loob ng templong iyon.

Gayon din, anumang uri ng problema ang dumating sa inyong buhay, ang pinakaligtas na lugar para maging ligtas sa espirituwal ay pamumuhay ayon sa inyong mga tipan sa templo!

Mangyaring paniwalaan ako na kapag matibay na nakatayo ang inyong espirituwal na pundasyon kay Jesucristo, hindi kayo kailangang matakot. Kapag tapat kayo sa inyong mga tipan na ginawa sa templo, mapalalakas kayo ng Kanyang kapangyarihan. Pagkatapos, kapag nagkaroon ng mga espirituwal na lindol, makatatayo kayo nang matatag dahil ang inyong espirituwal na pundasyon ay matibay at hindi natitinag.

Mahal ko kayo, mga kapatid. Batid ko ang mga katotohanang ito: Ang Diyos na ating Ama sa Langit ay nagnanais na piliin ninyo na bumalik sa Kanya. Ang Kanyang plano ng walang hanggang pag-unlad ay hindi kumplikado, at iginagalang nito ang inyong kalayaang pumili. Malaya kayong piliin kung sino ang gusto ninyong maging kayo—at kung sino ang gusto ninyong makasama—sa daigdig na darating!

Ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik upang tulungan kayong isakatuparan ang inyong banal na tadhana. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

  2. Nang sa gayon “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malakas na [hangin], … hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa [atin] … dahil sa bato kung saan [tayo] nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12; idinagdag ang pagbibigay-diin).

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:15, 22.

  4. Doktrina at mga Tipan 38:30; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 10:55.

  5. Tingnan sa Moises 5:5–6.

  6. Bible Dictionary, “Temple.”

  7. Para sa halimbawa, tingnan sa Exodo 28; 29; Levitico 8. Ang tabernakulo ni Moises ay kilala bilang “[tolda] ng patotoo” (Mga Bilang 9:15) at “tabernakulo ng patotoo” (Exodo 38:21). Ang templo ni Solomon ay nawasak noong 578 B.C., ilang taon matapos lisanin ng pamilya ni Lehi ang Jerusalem. Ang muling pagtatayo ng templong ito sa pamamagitan ni Zerubabel ay naganap makalipas ang mga 70 taon. Nasunog ito at nasira noong 37 BC. Pinalawak ni Herodes ang templo noong mga 16 BC. Pagkatapos, ang templong ito, na kinilala ni Jesus, ay nawasak noong A.D. 70. Sa lupalop ng Amerika, tila naranasan ni Nephi ang pagpasok sa templo sa pamamagitan ng pag-akyat nang “madalas … sa bundok,” upang manalangin (1 Nephi 18:3) at kalaunan ay nagtayo siya ng isang templo “alinsunod sa pagkakayari ng templo ni Solomon,” ngunit hindi nagagayakan ng mamahaling bagay (tingnan sa 2 Nephi 5:16).

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:119; 124:31.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16; 124:28. Ang batong panulok para sa Nauvoo Temple ay inilagay noong Abril 06, 1841, ilang buwan lamang matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na itayo ito. Ang Nauvoo Temple ay may mga karagdagang layunin. Halimbawa, ipinaliwanag ng Panginoon na ang bautismuhan ay kinakailangan upang mabinyagan ang mga Banal para sa mga yumao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:29–30).

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131 at 132. Ang Doktrina at mga Tipan 128 ay naglalaman ng liham na isinulat ni Joseph Smith sa mga Banal hinggil sa binyag para sa mga patay. Doon ay ipinahayag niya na ang kaligtasan ng mga patay “ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan, … [sapagkat] sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap—ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap” (talata 15).

  11. Joseph Smith, sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 519.

  12. “Sinabi ng Church Historian na si George A. Smith na 5,634 na miyembrong lalaki at babae ang tumanggap ng kanilang endowment sa bahagyang natapos na Nauvoo Temple noong Disyembre 1845 at Enero 1846. Ang pagbubuklod ng mga mag-asawa ay nagpatuloy hanggang Peb. 7, [1846,] kung kailan mahigit 2,000 mga mag-asawa ang nagpagkaisa ng priesthood para sa buhay na ito at sa walang-hanggan” (Bruce A. Van Orden, “Temple Finished before Exodus,” Deseret News, Dis. 9, 1995, deseret.com; tingnan din sa Richard O. Cowan, “Endowments Bless the Living and Dead,” Church News, Ago. 27, 1988, thechurchnews.com).

  13. “Ano sa palagay ninyo ang sasabihin ng mga ninuno natin kung sila ay makapagsasalita mula sa [mga patay]? Hindi ba sasabihin nilang, ‘[Narito] kami sa loob ng mga libong taon, dito sa kulungang bahay, naghihintay sa pagdating ng dispensasyong ito’? … Kung mayroon lamang silang kapangyarihan, dadagundong ang mga kulog ng langit sa ating mga tainga, upang ating matanto ang kahalagahan ng gawaing [ginagawa natin]. Lahat ng anghel sa langit ay nakatingin sa kakaunting nilalang na ito, at pinasisigla sila sa kaligtasan ng sangkatauhan. … Kapag pinag-iisipan ko ang paksang ito, nais kong magkaroon ng tinig na kasing lakas ng dagundong ng mga kulog upang magising ang mga tao” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 403–4).

  14. Harold B. Lee, “God’s Kingdom—a Kingdom of Order,” Ensign, Ene. 1971, 10. Tingnan din ang pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff noong 1896; sabi niya: “Nais kong sabihin, bilang pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na dapat na tayong magpatuloy at sumulong. Hindi pa tayo tapos sa paghahayag na ito. … Inakay tayo rito ni Pangulong [Brigham] Young, na sumunod kay Pangulong Joseph Smith. Inorganisa niya ang mga templong ito at isinagawa ang mga layunin ng kanyang tungkulin at katungkulan. … Hindi niya natanggap ang lahat ng paghahayag patungkol sa gawaing ito; at gayon din nina Pangulong Taylor at Wilford Woodruff. Hindi matatapos ang gawaing ito hanggang sa maging perpekto ito” (The Discourses of Wilford Woodruff, sel. G. Homer Durham [1946], 153–54).

  15. Tingnan sa 3 Nephi 29:8–9.

  16. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:2, 4.

  17. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:7.

  18. Isinulat ni Elder John A. Widtsoe: “Sa lalaki o babaeng pumapasok sa templo, na may hangaring matuto, na nauunawaan ang mga simbolo at tipan, at matatag at patuloy na nagsisikap na maunawaan ang buong kahulugan nito, nangungusap ang Diyos, at dumarating ang mga paghahayag. Ang endowment ay maraming simbolo at hangal lamang ang magtatangkang ilarawan ito; ito ay puno ng mga paghahayag sa mga taong malakas ang pananampalataya na hanapin o makita ito, at hindi kayang ipaliwanag o linawin ng tao ang mga posibilidad na nakapaloob sa paglilingkod sa templo. Ang endowment na ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag ay lubos na muunawaan sa pamamagitan ng paghahayag” (sa Archibald F. Bennett, Saviors on Mount Zion, [manwal sa Sunday School, 1950], 168).