Mga Unang Kababaihan ng Pagpapanumbalik
Nagsalita nang Buong Tapang tungkol sa Pulitika sa Washington, DC
Sina Emmeline B. Wells at Zina Young Williams ay pinagkalooban ng lakas-ng-loob nang talakayin nila ang isang hindi popular na isyu sa mga lider ng pamahalaan.
Ang dalawang babaeng bumaba ng tren sa kabisera ng Washington, DC, sa Estados Unidos ay pagod ngunit determinado. Pagkaraan ng limang araw na paglalakbay mula sa Salt Lake City, inasam nina Emmeline B. Wells at Zina Young Williams na maisulong ang layunin ng mga miyembro ng Simbahan ngunit alam nilang sasalungatin sila.
Noong Enero 1879 dumalo sila sa pambansang mga pulong tungkol sa karapatang bumoto ng kababaihan at naglahad ng mga petisyon sa US Congress, na hinihiling sa mga mambabatas na alisin ang malulupit na batas laban sa Simbahan.
“Hangad kong gawin ang lahat sa abot ng aking makakaya na iangat ang kalagayan ng sarili kong mga tao lalo na ang kababaihan,” pagtatala ni Emmeline sa kanyang diary.1 Mula 1877 hanggang 1914, siya ang patnugot ng isang lathalain para sa kababaihan ng Simbahan na tinawag na Woman’s Exponent, kung saan hinikayat niya ang kababaihan na gumawa ng mabubuting gawa sa mga tahanan at komunidad.
Ang mga lider ng pambansang karapatan sa pagboto na sina Elizabeth Cady Stanton at Susan B. Anthony ay “malugod na tinanggap” ang dalawang babae mula sa Utah.2 Tinulungan nila silang maitalaga sa isang komiteng naghahatid ng mga mensahe sa pangulo ng bansa na si Rutherford B. Hayes.3
Buong kumpiyansang nakipag-usap si Emmeline sa kanya, at nag-ulat na, “Matapos namin siyang bigyan ng ilang katotohanan na may kaugnayan sa kalagayan ng mga taong ito, at kung ano ang malamang na mga bunga ng matitindi at malulupit na hakbang, sinabi niya na hindi niya kailanman isinaalang-alang ang usapin ayon sa pagkalahad namin dito.” Inanyayahan ni Pangulong Hayes ang kanyang asawang si Lucy na makinig sa kanilang apela. “Malinaw na napukaw ang kanyang habag bilang babae.”4
Sa loob ng dalawa pang linggo, naghatid ng mga mensahe sina Emmeline at Zina para sa Simbahan sa mga maimpluwensyang mambabatas. Ginunita ni Emmeline na “madalas silang makipag-usap sa mga taong nagpakita ng pinakamalaking interes sa” kanilang mensahe.5
Bagama’t hindi sila nagtagumpay na baguhin ang opinyon ng publiko noong taong iyon, sa loob ng 17 taon pa, nagsalita si Emmeline at ang kanyang mga kapatid sa Relief Society para sa mga karapatan ng kababaihan at mga miyembro ng Simbahan. Ang masaya, noong 1896, naging estado ang Utah, at maraming karapatan sa relihiyon at sibil na karapatan ang ipinanumbalik.