Digital Lamang: Mga Young Adult
Nadarama ang Pagmamahal ng Diyos sa Pamamagitan ng Pagsisisi
Nalaman ko na ang pagsisisi ay tunay na kaloob ng pagmamahal mula sa ating Ama sa Langit at Tagapagligtas.
Noong 15 anyos ako, panay maling mga desisyon ang ginawa ko. Nakihalubilo ako sa maling grupo ng mga tao, at madalas akong mapaligiran ng maraming tukso—at nagpasasa ako sa ilan sa mga ito. Noong una hindi naman malalaki ang epekto ng mga desisyon ko, pero kalaunan ay naging masalimuot ang aking sitwasyon. Itinago ko ang maraming ginagawa ko mula sa aking pamilya, at nadama kong nag-iisa ako. Hindi ako sigurado kung saan ako babaling. Talagang naniwala ako na hindi ako mahal ng Diyos.
Isang napakahirap na araw, bigla kong naisip na dapat kong simulang basahin ang Aklat ni Mormon. Nabasa ko na ito noon, pero nang walang tunay na hangaring matuto mula sa mga mensahe nito. Sa bawat pahina nakadama ako ng sigla sa puso ko nang makita ko ang mga katotohanan mula sa Tagapagligtas na nagsasabi sa akin na maaari akong magbago sa tulong Niya. Pakiramdam ko gusto kong “awitin ang awit ng mapagtubos na pag-ibig” (Alma 5:26).
Matapos pag-aralan ang Aklat ni Mormon at ang mga mensahe nito na nakasentro kay Cristo, nagkaroon ako ng lakas-ng-loob na sabihin sa aking inay ang tungkol sa mga desisyon ko. Habang pauwi kami mula sa istasyon ng bus isang araw, kinausap ko siya at sinabi ko sa kanya ang ilan sa mga maling desisyong ginagawa ko. Inasahan kong magagalit siya, pero hindi siya nagalit. Ni hindi niya ako hinatulan. Sa halip, sinabi niya kung gaano niya ako kamahal, at sa pamamagitan ng kanyang pagmamahal, nadama ko rin ang pagmamahal ng Diyos sa unang pagkakataon sa buhay ko.
Habang patuloy akong nagdarasal at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, muli akong nagkaroon ng lakas-ng-loob na kausapin ang bishop ko at simulan ang proseso ng pagsisisi. Nang tanungin ko siya kung puwede akong makipagkita sa kanya, inanyayahan niya ako sa kanyang opisina, at nagsimula kami sa panalangin. Pagkatapos naming mag-usap, nagsimula akong umiyak nang matindi. Sinabi ko sa kanya ang lahat ng pagkakamali ko, at talagang nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pinapawi ang kahihiyan at mabigat na pasanin sa balikat ko.
Ang bishop ko ay mahabagin, kaya nadama kong muli ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Itinuro niya sa akin na ang proseso ng pagsisisi ang paraan para mapabanal at, kasama nito, mapatawad sa ating mga pagkakamali. Sa sandaling iyon, natanto ko kung paanong ang pagsisisi ay tunay na kaloob ng pagmamahal mula sa ating Ama sa Langit at Tagapagligtas. Lagi kong naiisip kung gaano Nila ako kamahal dahil sa talata sa Doktrina at mga Tipan 19 kung saan sinabi ng Tagapagligtas, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi” (talata 16).
Nagpapasalamat ako na dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, may pagkakataon tayong magpakabuti at maging mas mabuti. Naranasan ko ang katotohanan na mababago ang ating puso kapag tapat ang ating hangarin at natanto natin na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ang pagsisisi ay tunay na kaloob ng pagmamahal mula sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Ang mga pagpapalang natamo ko mula sa karanasang ito at marami pang iba ay mas malaki kaysa inakala ko, at “ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!” (Alma 36:20). Ang pagdanas sa nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa buhay ko ay nagpaalala sa akin kung gaano tayo kamahal ngayon at noon pa man.