2021
Paano Tutulungan ang Isang Taong Naghahanap ng mga Sagot sa mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo
Disyembre 2021


Mga Alituntunin ng Ministering

Paano Tutulungan ang Isang Taong Naghahanap ng mga Sagot sa mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo

Ang paghahanap ng mga sagot ay personal, ngunit hindi ninyo kailangang gawin ito nang mag-isa.

photo of two men walking on a tree-covered path

Lahat ay may mga tanong. Ang mga tanong ay bahagi ng kung paano natin nauunawaan ang mundo sa ating paligid. Hinihikayat tayo ng Diyos na magtanong at maghanap ng mga sagot (tingnan sa Mateo 7:7). Ang prosesong ito ay mahalagang bahagi ng paglalakbay sa buhay upang matuto at maging higit na katulad Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:36). Bilang bahagi ng pag-unlad na iyon, lahat tayo ay mahaharap sa mga tanong na humahamon sa atin. Kapag nangyari ito, makatutulong na magkaroon ng suporta ng iba.

Ibinahagi ng isang miyembro ng Simbahan sa Texas, USA, ang karanasang ito:

“Sa Relief Society isang araw, isang sister na noon ko lang nakita sa simbahan ang nagbahagi kung paano niya nadama na mga ipokrita at namimili ng kasama ang kababaihan sa Relief Society. Pagkatapos ng miting, dali-dali siyang umalis kaya hindi ko siya inabutan.

“Pagkatapos ng simba, nagpunta ako sa bahay niya. Nagpakilala ako at sinabi na pinahalagahan ko ang kanyang mga komento sa Relief Society at nais kong marinig ang iba pa tungkol sa kanyang mga problema. Nagsalita siya, at nakinig ako. Ipinahayag ko ang pagmamahal ko sa kanya at sa kanyang pamilya at itinanong ko kung maaari ko siyang bisitahing muli.

“Tinanggap ko ang tungkuling maglingkod bilang kanyang visiting teacher. Sa paglipas ng panahon, nang mas maunawaan ko ang kanyang mga problema, sinimulan naming pag-usapan ang kanyang mga tanong tungkol sa doktrina. Nagsimulang magsimba ang kanyang mga anak. Pagkatapos ay nagsimula siyang sumama sa kanila. Hinangaan ko ang kanyang tapang at tiyaga. Naging isa siya sa matatalik kong kaibigan.”

Narito ang apat na mungkahi kung paano ninyo matutulungan ang isang taong nahihirapan sa kanyang mga tanong.

Mga Ideya para sa Ministering sa mga Taong May mga Tanong

1. Higit sa lahat ay magmahal. Kung ang isang tao ay nahihirapan sa isang tanong o iba ang naging konklusyon kaysa sa atin, kailangan pa rin nila ng pagmamahal (tingnan sa Lucas 10:25–37).

Ang mga nahihirapan ay babaling sa isang taong pinagkakatiwalaan nila. Ang pagmamahal sa iba at pagkakaroon ng makabuluhang mga ugnayan ay maaaring magbigay sa atin ng pagkakataong maglingkod kapag kailangan nila tayo. Nagbubukas din ito ng pinto para sa isang taong gustong magbalik pero maaaring hindi komportableng magbalik (tingnan sa Lucas 15:11–24).

(Para sa mga ideya tungkol sa pagpapatatag ng mga relasyon, basahin ang “Pagbuo ng mga Makabuluhang Relasyon,” Liahona, Ago. 2018, 6–9.)

2. Makinig nang may pagpapakumbaba at habag. Nililimitahan natin ang ating kakayahang tulungan ang iba sa kanilang mga tanong kung agad nating ipinapalagay na nauunawaan na natin ang mga ito sa halip na matiyagang nakikinig para makaunawa. Maraming dahilan kaya maaaring nahihirapan ang isang tao. Ang ilan ay may mga tanong tungkol sa doktrina. Ang iba ay may mga tanong tungkol sa patakaran o kasaysayan ng Simbahan. Ang ilan ay nag-iisip lang kung akma sila sa Simbahan.

Ang mapagpakumbabang pakikinig at pagtatanong ay tutulong sa atin na maunawaan ang hirap ng kanilang sitwasyon upang makapagbigay tayo ng mas magagandang sagot, at makatutulong ito sa kanila na maging mas handang makinig sa ating mga sagot kung nadarama nila na talagang nakinig tayo sa kanila.

(Para malaman kung paano makinig nang mas mabuti, basahin ang, “Limang Bagay na Ginagawa ng Mabubuting Tagapakinig,” Liahona, Hunyo 2018, 6–9.)

3. Magtiyaga nang may pananampalataya at unawain na maaaring magtagal ang pagtulong sa taong may mga tanong. Ang mga tanong na tunay na humahamon sa atin ay bihirang malutas sa isang araw. Kaya hindi natin dapat pahirapan pa ang ating sarili o ang mga taong nais nating tulungan sa pakiramdam na kailangan nating “ayusin ito” sa sandaling malaman natin ang kanilang problema.

Kung talagang nais nating tumulong, mahalaga na handa tayong tulungan sila nang matagal para alam nila na kapag natapos na ang kanilang problema, anuman ang maging katapusan niyon, naroon pa rin tayo (tingnan sa Mga Hebreo 12:12–13).

4. Hikayatin sila sa kanilang paglalakbay sa buhay. Kailangan nilang malaman na may tiwala tayo sa kanila at sumasampalataya tayo na sasagutin ng Diyos ang kanilang mga dalangin kapag hiningi nila ang Kanyang patnubay. Ngunit sa huli, buhay nila ito. Maaari natin silang mahalin at suportahan, ngunit ang proseso ng pag-unlad sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos at paglapit sa Kanya para sa mga sagot ay isang bagay na kailangang maranasan mismo ng bawat isa sa atin at hindi natin magagawa para sa iba (tingnan sa Mormon 9:27).