Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Huwag Kayong Matakot
Tahimik akong nanangis, “Talaga po bang pumarito Ka sa mundong ito mahigit 2,000 taon na ang nakararaan bilang isang kaawa-awang sanggol?”
Kasama ko ang aking pamilya sa bahay ng isang kaibigan na naghahapunan sa Bisperas ng Pasko nang tumawag ang ina ng isa sa mga pasyente ko. Matagal na naghirap ang kanyang 19-na-taong-gulang na anak na lalaki sa sakit na leukemia na may kasamang maraming kumplikasyon mula sa sakit at paggamot dito.
Sa huli, pagkaraan ng isa pang hindi matagumpay na matinding chemotherapy, nagpasiya na siyang tumigil sa pagpapagamot at umuwi sa kanilang tahanan. Panatag siya batid na malapit na siyang pumanaw.
Nang gabing iyon, nang magbago ang kanyang paghinga at tumaas ang kanyang lagnat, tumawag ng ambulansya ang kanyang ina. Pagdating nila sa emergency room ng ospital, tinawagan niya ako.
“Hindi ko alam kung ano ang gagawin!” pagtangis niya.
Hindi inasahan ng mga doktor na mabubuhay pa ang kanyang anak sa susunod na ilang oras. Nag-usap kami kung paano mapapanatiling komportable ang kanyang anak, at sinabi ko sa kanya na naroon ako para sa pamilya.
Tinapos ko ang aking hapunan, at sinimulan ng mga bata na isadula ang Nativity. Nang simulang basahin ng kaibigan ng aming pamilya ang Lucas kabanata 2, muling tumunog ang telepono ko at lumabas ako.
Pumanaw na ang pasyente ko. Lumuluhang sinabi ko sa pamilya kung gaano kahalaga sa akin ang kanilang anak. Ipinahayag ko ang aking pagkamuhi sa kanser na dumadapo sa mga bata at na sana ay may nagawa pa ako para sa kanya.
Matapos pahirin ang aking mga luha, muli akong pumasok sa bahay ng aming kaibigan. Ang panganay kong anak ang gumanap na Jose, na nakatayo sa tabi ng sabsaban, at ang bunso kong anak na lalaki, na gumanap bilang isang pastol, ay taimtim na nakikinig sa anghel na nagsasabing:
“Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan. …
“Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon” (Lucas 2:10–11).
Sa sandaling iyon, tahimik akong nanangis, “Nariyan Ka ba talaga? Talaga po bang pumarito Ka sa mundong ito mahigit 2,000 taon na ang nakararaan bilang isang kaawa-awang sanggol? Talaga bang pinasan Mo ang lahat ng uri ng aming mga pasakit at paghihirap?”
Habang pinagmamasdan ko ang mga bata na mapagpakumbaba at mapitagang pinupuri ang ating Tagapagligtas, narinig ko ang sagot: “Oo, narito Ako. Pumarito ako at nagtagumpay. ‘Aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko’” (tingnan sa Isaias 49:16).
Walang sinuman sa atin ang hindi nakadarama ng sakit, kalungkutan, at dalamhati. Ngunit sa mga sandaling iyon, mapapasigla tayo ng mga salita ng anghel: “Huwag kayong matakot” (Lucas 2:10). At mapapatatag tayo ng mga salita ng Panginoon: “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33).
Mula noon, nagkaroon na ng bagong kahulugan sa akin ang Bisperas ng Pasko. Naaalala ko ang aking pasyente, ang kanyang pamilya, at ang kapanatagang nalalaman natin na sa pamamagitan ng sakripisyo ng Tagapagligtas, madaraig din natin ang sanlibutan.