2021
Family History, mga Templo, at Gawaing Misyonero: Mabibisang Magkakatuwang sa Pagtitipon ng Israel
Disyembre 2021


Family History, mga Templo, at Gawaing Misyonero: Mabibisang Magkakatuwang sa Pagtitipon ng Israel

Ang mga ito ay hindi magkakahiwalay kundi bahaging lahat ng iisang dakilang gawain.

composite photo of computer screen, missionary, and temple

Larawan ng London England Temple na kuha ni Mark Henderson; larawan ng sister missionary na kuha ni James Whitney Young

Nakadama ang dalawang sister missionary sa Texas Houston Mission ng inspirasyong magturo ng isang lesson tungkol sa layunin ng templo. Habang itinuturo ang lesson, binanggit ng lalaking tinuturuan nila na pumanaw ang kanyang kuya ilang taon na ang nakararaan. Dahil nadama na ang Espiritu hinggil kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, nang matanto niya na maaari siyang magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanyang kapatid, tinanggap niya ang paanyaya ng mga missionary na magpabinyag. Kalaunan, bilang bagong miyembro, bininyagan siya para sa kanyang pumanaw na kapatid sa Houston Texas Temple.

Sa Tempe, Arizona, tinanong ng isang lalaking miyembro ng Simbahan ang kanyang lalaking kapitbahay kung gusto nitong magpatulong sa paggawa ng isang family tree para maipakita ang kanyang angkan. Pumayag ang kapitbahay. Tinulungan ng miyembro ang kapitbahay na idagdag ang mga pangalan ng kanyang mga magulang at lolo’t lola sa FamilySearch. Nag-link sila sa impormasyong naroon na, at hindi nagtagal ay mayroon ng fan chart ang kapitbahay na nagpapakita ng limang henerasyon ng kanyang pamilya. Humantong ito sa pagkakaroon ng interes ng lalaki sa ebanghelyo at kalaunan ay nabinyagan siya at dinala niya ang mga pangalan ng kanyang mga ninuno sa templo.

Ang mga kuwentong tulad nito—at daan-daang tulad nito—ay naglalarawan kung paano maaaring mapagsama-sama ang family history, gawaing misyonero, at gawain sa templo para mahikayat ang mga tao tungo sa ebanghelyo.

Mga Bahagi ng Iisang Plano

“Likas na hangad ng mga tao na may malaman tungkol sa kanilang mga ninuno,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Nagiging likas na pagkakataon iyan para sa ating mga missionary.”1 Ang likas na hangaring ito ay bigay ng Diyos at isang napakabisang paraan ng pagbaling ng mga puso sa mga ninunong naghihintay na matanggap ang mga ordenansa sa templo. Ang pag-uugnay sa mga ninunong ito ay tumutulong din na maihanda ang puso ng mga buhay na tanggapin ang mga walang-hanggang katotohanan—sa gayo’y naaakay ang mga tao sa magkabilang panig ng tabing tungo sa templo.

Nang magpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith noong Setyembre 1823, sinabi niya kay Joseph ang tungkol sa Aklat ni Mormon—“ang kasangkapan ng Diyos upang maisakatuparan [ang] pagtitipon”2—at pagkatapos ay binanggit ang ilang talata sa banal na kasulatan. Ang isa sa mga talatang iyon ay patungkol sa pagbabalik ng propetang si Elijah, na magkakaloob ng mahahalagang susi ng priesthood at pasisimulan ang isang panahon kung saan ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama (tingnan sa Malakias 4:6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–43).

Madalas nating gamitin ang pariralang “ang diwa ni Elijah” upang ilarawan ang interes at pagmamahal ng mga tao sa kanilang mga ninuno.3 Sinabi ni Pangulong Nelson na ang diwa ni Elijah ay “isang pagpapamalas ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa banal na katangian ng pamilya.”4

Ito ang dahilan kung bakit maraming tao ang nakadarama ng matinding kasiyahan kapag may natuklasan silang impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno. Tulad ng karamihan sa mga tao na may likas na nadarama na ang pamilya ang pinakamahalaga sa buhay, alam din nila na ang pamilya ay kinakailangang kinabibilangan ng mga taong pumanaw na. Habang mas nalalaman nila ang tungkol sa mga miyembrong ito ng pamilya na pumanaw na, masaya nilang ibinabaling ang kanilang puso para tanggapin sila. Hindi lamang ito isang emosyonal na tugon kundi kadalasa’y espirituwal na tugon na ginabayan ng Espiritu Santo.

“Ang pagbaling sa mga ama ay nagpapasigla at naghahanda sa puso para sa malaking pagbabago,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Sa gayon, ang diwa ni Elijah ay tumutulong sa pagbabalik-loob.”5 Malinaw na ang family history, gawaing misyonero, at gawain sa templo ay nilayong gamitin nang magkakasama. Sa pagbibigay-diin ng ating propeta sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing bilang pinakamahalagang gawaing nangyayari sa mundo ngayon, hindi mahirap isipin na ang family history ay isang kaloob na napakahalaga at mula sa langit para tulungan tayo sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.

senior missionary pointing to a computer screen in family history center

Pagsama-samahin Sila

Ano, kung gayon, ang mangyayari kapag pinagsama-sama ang nakatutulong na mga aktibidad na ito? Narito ang ilang ideya.

Mga Miyembro

Gamitin ang mga kuwento ng pamilya para masimulan ang isang makabuluhang pag-uusap tungkol sa pagmamahal ninyo sa inyong pamilya, noon at ngayon. Ang inyong kaalaman tungkol sa sarili ninyong pamilya ay lubos na nagbibigay ng karapatan na kausapin ang iba tungkol sa kanilang pamilya. Ang inyong alok na tulungan silang malaman ang iba pa tungkol sa kanilang pamilya ay maaaring magpalalim sa inyong ugnayan at sa huli ay humantong sa landas ng walang-hanggang kahalagahan.

Mga Pre-Missionary

Mag-ukol ng kaunting oras para makibahagi sa gawain sa family history at sa templo, kahit abala kayo sa paghahanda para sa inyong misyon. Gumawa ng isang Church Account—nanaisin ninyo ito para sa ilang kadahilanan bilang missionary, kabilang na ang pag-access sa inyong family history sa FamilySearch.org.

Alamin ang mga kuwento tungkol sa inyong mga ninuno at maghandang ibahagi ang mga ito. Dalhin ang ilang pangalan ng mga kapamilya sa templo kung malapit kayo sa templo. Kung hindi, maghanda ng mga pangalan para madala ng iba sa templo. Simulan na ngayong alamin ang tungkol sa FamilySearch at iba pang resources.

Mga Missionary na Kasalukuyang Naglilingkod

Sumangguni sa inyong mission president para malaman kung angkop sa inyong mission ang pakikibahagi nang personal sa family history at gawain sa templo. Narito ang ilang bagay na pinapayagan sa bawat mission:

  • Mag-usap tungkol sa mga pamilya—ang hangarin ng lahat na mapabilang at makipag-ugnayan ay likas na paraan para masimulan ang pag-uusap.

  • Tulungan ang mga investigator na malaman kung paano magkakasama-sama ang kanilang pamilya magpakailanman.

  • Patotohanan ang mga pagpapala ng templo.

  • Hikayatin ang mga miyembrong bagong binyag na makibahagi sa family history at gawain sa templo.

Templo at mga Family History Consultant

Dapat ninyong malaman na kayo ay may mahalagang papel rin sa pagbabalik-loob at pananatiling aktibo ng mga bagong miyembro ng Simbahan.

“Kung missionary ako ngayon,” sabi ni Pangulong Nelson, “ang dalawang pinakamatalik kong kaibigan sa ward o branch na pinaglilingkuran ko ay ang ward mission leader at ang ward temple at family history consultant.”6

Kung angkop, tulungan ang mga missionary na ipakilala sa mga tao ang family history at ang layunin ng mga templo. Mag-alok na tulungan ang mga taong ito na makapagsimula sa sarili nilang family tree. Kapag angkop, hikayatin ang mga missionary na dalhin ang mga tao sa family history center.

Habang naghahanda ang mga investigator para sa sarili nilang binyag, maaari silang hikayatin ng mga missionary na maghandang magpabinyag sa templo para sa kanilang mga ninuno. Tulungan ang mga miyembrong bagong binyag na patuloy na tuklasin ang kanilang family history. Makibahagi sa kanilang pananabik sa mga pagkakataon nila ngayong mapagpala ang mga henerasyon ng mga miyembro ng pamilya. Hikayatin silang manatiling karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo.

Tumulong sa Pagpapabilis

Sa Doktrina at mga Tipan 88:73 sinabi ng Panginoon, “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito.” Ang ilan sa pinakamalinaw na mga palatandaan ng pagpapabilis na ito ay:

  • Ang dumaraming bilang ng mga templo at ang lapit ng mga ito sa mga miyembro ng Simbahan.

  • Gawaing misyonero sa buong mundo.

  • Ang mabilis na pagdami ng makukuhang impormasyon tungkol sa ating mga ninuno.

  • Ang pag-unlad ng mabibisang teknolohiya para mahanap, maorganisa, at maibahagi ang impormasyong ito.

  • Ang tunay at mabilis na pagtindi ng hangarin ng mga anak ng Diyos sa lupa na tuklasin kung sino sila at makipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya—noon at ngayon—gayon din sa kanilang lupang tinubuan.

Tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan.”7

Mapalad tayo, bilang mga miyembro ng Simbahan na nabubuhay sa mga huling araw, sa pagkakataong tumulong sa Ama sa Langit na matipon ang Kanyang mga anak!

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History,” Liahona, Okt. 2017, 18.

  2. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon, ang Pagtitipon ng Israel, at ang Ikalawang Pagparito,” Liahona, Hulyo 2014, 29.

  3. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “A Century of Family History Service,” Ensign, Mar. 1995, 62.

  4. Russell M. Nelson, “A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34.

  5. David A. Bednar, “Paggawa ng Gawaing Misyonero, Family History, at Gawain sa Templo,” Liahona, Okt. 2014, 18.

  6. Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Buksan ang Kalangitan,” Liahona, Okt. 2017, 18.

  7. Russell M. Nelson, “Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118–19.