2021
Mga Ideya upang Mapagkaisa ang mga Gawain sa Family History, Paglilingkod sa Templo, at Gawaing Misyonero
Disyembre 2021


Digital Lamang

Mga Ideya upang Mapagkaisa ang mga Gawain sa Family History, Paglilingkod sa Templo, at Gawaing Misyonero

Tingnan kung paano mapapabuti ng mga aspeto ng family history ang iyong pagsamba sa templo at ang mga pagsisikap mo na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

pamilyang naglalakad malapit sa templo

Kung minsan iniisip natin ang family history, paglilingkod sa templo, at pagbabahagi ng ebanghelyo bilang magkakahiwalay na pagsisikap. Pero nakatutuwang isipin na pagkaisahin ang mga ito para tulungan ang mga tao na maunawaan ang kawalang-hanggan ng pamilya (tingnan sa kasamang artikulo ko na, “Family History, mga Templo, at Gawaing Misyonero: Makapangyarihang mga Katuwang sa Pagtitipon ng Israel,” sa Liahona ng Disyembre 2021). Nakikibahagi ka man sa gawaing ito ng Panginoon bilang miyembro ng Simbahan, missionary, o temple and family history consultant, maraming paraan para mapagkaisa ang ating mga pagsisikap. Depende sa sitwasyon mo, maaari mong subukan ang ilan sa mga ideyang ito. Pero simula lang iyan. Magdasal upang magabayan ka ng Espiritu habang naghahanap ka ng mga paraan na pinakamainam na tutulong sa iyo.

Mga Miyembro ng Simbahan

Kapag nakikibahagi ka sa family history at tinutulungan mo ang iba na gawin din ito, ikaw ay nakikibahagi sa gawain ng Diyos ukol sa kaligtasan at kadakilaan sa magkabilang panig ng tabing.

  • Makibahagi sa gawain sa family history at sa templo. Magsimula sa pamamagitan ng paglikha ng sarili mong family tree sa FamilySearch.org, at magdagdag ng mga retrato, kuwento, o audio recording ng mga miyembro ng iyong pamilya. Matutulungan ka ng mga temple and family history consultant na magdagdag ng impormasyon sa iyong family tree. Matutulungan ka rin nilang maghanap ng mga ninunong nangangailangan ng mga ordenansa sa templo.

  • Kilalanin ang iyong mga ninuno, kahit na nakumpleto na ang lahat ng kanilang mga ordenansa sa templo. Kapag mas marami kang alam tungkol sa iyong pamilya, mas madaling ibahagi ang kanilang mga kuwento sa iba. Mas mababaling ang iyong puso sa iyong mga ninuno, at madaragdagan ang kakayahan mong magpatotoo nang may pananalig.

  • Kilalanin ang iyong mga ward temple and family history consultant. Maging pamilyar sa resources sa inyong lokal na family history center kung may isang malapit sa inyo. Alamin kung paano gamitin ang FamilySearch.org, FamilySearch Tree at FamilySearch Memories apps, at iba pang online resources na makukuha ng mga miyembro ng Simbahan sa iyong lugar. Kapag mas marami kang alam, mas makakatulong ka sa mga kaibigan mo na magkaroon ng interes na malaman pa ang tungkol sa kanilang pamilya.

  • Subukang kausapin ang mga kapamilya, kaibigan, at katrabaho na hindi miyembro ng Simbahan tungkol sa kanilang mga ninuno o kanilang pamana. Pag-usapan ang mga kuwento ng pamilya, kung saan nagmula ang kanilang mga ninuno, mga katangiang namana nila, mga bansang pinagmulan na nakita na o inaasam nilang bisitahin, at mga pamanang ipinasa-pasa. Alinman sa mga paksang ito ay maaaring humantong sa mga makabuluhang talakayan tungkol sa mga pamilya sa lupa at sa kawalang-hanggan.

  • Panatilihing simple ang iyong pakikipag-usap. Magtuon sa mga paksa na pumupukaw sa interes ng iba na alamin pa ang tungkol sa kanilang mga ninuno. Huwag madaliin ang pakikipag-usap tungkol sa pagsasaliksik ng family history. Sa halip, hayaang gabayan ng Espiritu ang pag-uusap at ibaling ang puso ng mga tao sa kanilang mga ninuno. Kapag handa na silang matuto pa, magtiwala na ipapaalam ito sa iyo ng Espiritu.

  • Ang mga talakayan tungkol sa family history ay maaaring madalas na makaganyak sa iba na magtanong tungkol sa iyong pananampalataya at pagiging miyembro ng Simbahan, tulad ng “Bakit ipinagkakaloob ito ng inyong Simbahan nang libre?” o “Bakit nakakatuwa at mahalaga ito?” Pinakamainam na hayaang likas na magpatuloy ang mga pag-uusap na ito, nang hindi ipinipilit ito. Ipagdasal at hangarin ang Espiritu na maging gabay mo.

Mga Naghahandang Magmisyon

Ang pag-aaral tungkol sa family history bago ka magmisyon ay magbibigay sa iyo ng mahahalagang kasanayan na maaaring umakay sa mga indibiduwal at convert na madama ang diwa ng dakilang gawaing ito. Ang iyong mga karanasan ay tutulong din sa iyo na magpatotoo tungkol sa mga walang-hanggang pamilya.

  • Tiyakin na mayroon kang Church account. Isaulo ang iyong username at password. Gamitin ang iyong account para simulan ang sarili mong family tree sa FamilySearch.org.

  • Matuto ng mga pangunahing kasanayan sa FamilySearch.org, tulad ng paggawa ng sarili mong family tree, pagdaragdag ng pangalan sa iyong tree, at pagdaragdag ng retrato o kuwento sa bahaging Memories o Mga Alaala.

  • Alamin ang mga kuwento tungkol sa iyong mga ninuno at maghandang ibahagi ang mga kuwentong ito.

  • Hanapin ang pangalan ng isa o mas marami pang mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo. Kung nakatira ka malapit sa templo, kumpletuhin ang kanilang binyag at kumpirmasyon. Gawin ito sa iyong pamilya kung kaya mo. Kung ikaw ay nakatanggap na ng endowment, isagawa ang iba pang mga ordenansa sa templo. Kung malayo ka sa templo, isumite ang mga pangalan para maisagawa ng ibang tao ang ordenansa.

  • Kung mayroon kang smartphone o tablet, i-download ang FamilySearch Tree at FamilySearch Memories na mga app. Alamin kung paano gamitin ang mga ito para makita ang mga profile, retrato, at kuwento ng iyong mga ninuno. Magpraktis na tulungan ang mga kaibigan na makahanap ng impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno.

  • Maging pamilyar sa Family History Activity at Find a Person na bahagi ng FamilySearch Tree app para matutuhan ang masasayang paraan na makakabahagi ang mga tao sa mga aktibidad at talakayan sa family history.

  • Kung may nabubuhay kang lolo’t lola o mga lolo’t lola-sa-tuhod, gamitin ang FamilySearch Memories app para interbyuhin sila tungkol sa kanilang buhay. I-store ang audio recording FamilySearch.org, pati na ang kanilang retrato.

  • Maging pamilyar sa buklet na Ang Aking Pamilya: Mga Kuwentong Nagbibigkis sa Atin at polyeto ng missionary na Families and Temples.

  • Ipagdasal na gabayan ka ng Espiritu upang magkaroon ng mga karanasang magpapalalim sa iyong patotoo tungkol sa mga walang-hanggang pamilya.

Mga Full-Time at Church-Service Missionary

Ang mga pagkakataong makibahagi sa family history at paglilingkod sa templo ay magkakaiba sa bawat mission. Tutulungan ka ng iyong mission president na malaman kung ano ang angkop sa iyong mission.

  • Ipagdasal na akayin ka ng Espiritu sa mga taong may mga ninuno na nagdarasal na matanggap nila ang mga ordenansa ng templo.

  • Kilalanin ang mga temple and family history consultant sa lugar kung saan ka naglilingkod.

  • Magpraktis kung paano sisimulang kausapin ang mga tao tungkol sa kanilang mga pamilya. Alamin kung saan nagmula ang kanilang mga ninuno at ano ang alam nilang mga kuwento tungkol sa kanilang mga ninuno.

  • Magdala ng kopya ng iyong fan chart o pedigree chart na nagpapakita ng iyong family tree. Maghandang ibahagi ito sa papel o gamit ang FamilySearch Tree app. Mag-alok na tulungan ang iba na simulan ang sarili nilang family tree o gumawa ng sarili nilang fan chart.

  • Maging handang sumagot kapag may nagtanong kung bakit napakahalaga sa ating Simbahan ang mga pamilya at family history. Bigyan ng oras ang Espiritu na antigin ang kanilang puso at patotohanan na posibleng makasama nila sa walang-hanggan ang kanilang pamilya.

  • Kapag nagtuturo, sundin ang ideya mula kay Sister Wendy W. Nelson na ilarawan sa iyong isipan na may 100 pang mga tao sa loob ng silid. “Ang 100 na mga taong iyon ay, siyempre pa, ang mga ninuno ng mga investigator at ninuno ng mga missionary.”1

  • Alamin kung anong resources ang makukuha sa iyong lugar, tulad ng family history center. Kung angkop, dalhin ang mga tinuturuan mo sa family history center para malaman pa nila ang tungkol sa kanilang pamilya.

  • Kung malapit ang templo, anyayahan ang mga tinuturuan mo na bisitahin ang bakuran nito. Mag-ukol ng oras doon na pag-usapan ang plano ng kaligtasan at ang mga pagpapala ng mga walang-hanggang pamilya. Pag-usapan ang kagalakan na dulot ng paglilingkod sa mga yumao nating mahal sa buhay sa loob ng templo.

  • Hilingin sa isang pamilya na miyembro ng Simbahan na magkuwento tungkol sa kanilang mga ninuno o bigyan sila ng makabuluhang karanasan sa pagtuklas gamit ang FamilySearch.org o ang FamilySearch Tree app. Aanyayahan nito ang Espiritu. Sa sitwasyong ito, itanong kung ano ang nadarama nila kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang mga ninuno. At, ayon sa pahiwatig ng Espiritu, itanong kung may mga kaibigan o kapamilya sila na masisiyahan sa katulad na karanasan.

  • Hikayatin ang mga miyembrong bagong binyag na makibahagi sa family history at gawain sa templo. Mabisang paraan ito para matulungan silang manatili sa landas ng tipan.

Mga Temple and Family History Consultant

Maaari kang maging isang magandang suporta sa mga missionary kapag sinunod mo ang Espiritu sa pagbabahagi ng iyong kaalaman.

  • Masigasig na ipagdasal na mapasaiyo ang Espiritu sa pagtulong mo sa iba, lalo na sa mga hindi miyembro ng Simbahan sa ngayon, sa mga taong bumabalik sa pagiging aktibo, at sa mga bagong binyag. Hayaan na mga interes, pangangailangan, at hangarin ng iba ang gumabay sa inyong mga pag-uusap at sa uri ng tulong sa family history na ibibigay mo.

  • Kilalanin ang mga missionary na naglilingkod sa inyong lugar. Anyayahan sila sa family history center para makilala ang mga tao at malaman ang mga resource na naroon. Malugod na tanggapin ang mga missionary at ang mga tinuturuan nila pagdating nila. Kilalanin ang isa’t isa bago talakayin ang mga paksa sa family history.

  • Sa mga mission kung saan pinapayagang gawin ito, mag-alok na turuan ang mga missionary ng ilang skill o kasanayan sa family history. Turuan silang tulungan ang iba na gumawa ng mahahalagang pagtuklas ng pamilya at ipreserba ang mahahalagang alaala ng pamilya.

  • Kapag inanyayahan, samahan ang mga missionary sa oras ng pagtuturo kung saan tinatalakay ang mga pamilya at templo. Maghandang ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa kahalagahan ng mga walang-hanggang pamilya at ng gawaing ginagawa natin para sa ating mga mahal sa buhay sa loob ng templo. Panatilihing simple ang iyong mga paliwanag.

Tala

  1. Wendy W. Nelson, sa Rachel Sterzer, “Make Sacrifices for Family History, President Russell M. Nelson Challenges” (news story), Peb. 12, 2017, ChurchofJesusChrist.org.