2021
Ang Walang-Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos
Disyembre 2021


Ang Walang-Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos

Ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak, na ang buhay at misyon ay naghatid sa atin ng maraming iba pang kaloob.

painting of Nativity

The Nativity [Ang Pagsilang ni Cristo], ni N. C. Wyeth

Nang muling ayusin ang Salt Lake Tabernacle, naganap ang muling paglalaan nito sa sesyon sa Sabado ng hapon ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 2007. Sa sesyong iyon, nagkaroon ako ng karanasan na nakatulong sa akin na maunawaan, sa maliit na paraan, ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Si Satomi, ang pangalawa naming anak na babae, ay naglilingkod noon sa Salt Lake Temple Square Mission. Alam ko na dadalo ang mga missionary na naglilingkod sa Temple Square sa sesyon sa hapon na mauupo sa pangunahing palapag. Sa balcony ako nakaupo para sa sesyong iyon, at inasam kong makita ang anak ko.

Bago nagsimula ang sesyon, bumukas ang pinto at pumasok sa loob ang isang grupo ng mga missionary. Nakita ko na kasama sa grupo ang anak ko at ang kanyang kompanyon. Ginabayan sila sa kanilang mga upuan. Pagkatapos ay tumingin si Satomi sa balcony. Nakita niya ako at may sinabi siya. Nakita ko ang mga luha sa kanyang mga mata. Inakbayan ng kanyang kompanyon si Satomi at inalo siya.

Hindi ko marinig ang sinabi ng anak ko, pero naunawaan ko ang salitang: “Ama.” Naisip ko sa salitang iyon ang kabataan ni Satomi at noong nag-aaral pa siya. Ipinaalala nito sa akin ang hangarin niyang maglingkod sa Diyos, gawin ang Kanyang kalooban, maglingkod sa Kanya bilang missionary. Hindi nagtagal, umiiyak na rin ako. Narito ang aking anak, at labis akong nalulugod sa kanya.

Ang Pagmamahal ng Ama para sa Anak

Sa sandaling iyon, naisip ko ang damdamin ng ating Ama para sa Kanyang Anak nang magdusa si Jesucristo sa Getsemani. Maaaring napaluha ang Ama sa Langit nang marinig Niya ang panalangin ng Kanyang Anak: “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma’y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo” (Marcos 14:36).

“Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya.

“Sa kanyang matinding paghihirap ay nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa” (Lucas 22:43–44).

Tinapos ng ating Tagapagligtas ang Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani, pagkamatay sa krus, at pagkabuhay na mag-uli. Lubos akong nagpapasalamat na dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal sa Kanyang Ama at sa atin, ginawa ni Jesus ang kalooban ng Ama.

Mga Kaloob na Natanggap Natin

Sa Kapaskuhang ito, marami tayong pagkakataong isipin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Anong mga kaloob ang natanggap natin dahil sa Kanya? Anong mga kaloob ang matatanggap pa natin? Makikita natin ang mga sagot sa mga banal na kasulatan, sa dokumentong “Ang Buhay na Cristo,” at mula sa personal na paghahayag.

painting of Christ in Gethsemane

Ang Panginoon mismo ay isang kaloob sa atin mula sa ating Ama sa Langit. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).

Sinabi ni Jesucristo, “Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa” (Juan 10:11). Sinabi rin Niya, “Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami” (Marcos 10:45; tingnan din sa Mateo 20:28).

“Inialay Niya ang Kanyang buhay para magbayad para sa [mga] kasalanan ng [buong] sangkatauhan. Siya ang dakilang kaloob para sa lahat ng mabubuhay sa ibabaw ng mundo.”1

Lubos akong nagpapasalamat sa Kanyang buhay at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Pinagkalooban tayo ng Panginoon ng pag-asa. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi lamang natin madaraig ang pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan, kundi nililinis, pinababanal, pinatatawad, at pinalalakas din tayo. Ang Kanyang buhay ay nagdulot sa atin ng pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa Alma 11:42–43; Doktrina at mga Tipan 18:10–12), liwanag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:24), at biyaya at katotohanan (tingnan sa Juan 1:17) at maaaring magdulot sa atin ng buhay na walang hanggan at kaligtasan (tingnan sa Juan 3:16, 17; 6:35, 51; 10:9; 14:6; Eter 3:14). Kapag tayo ay sumasampalataya sa Kanya, nagsisisi, gumagawa ng mga sagradong tipan, at sinisikap na tuparin ang mga tipang iyon, naghahatid Siya sa atin ng liwanag at pag-asa (tingnan sa Lucas 2:25–32; Juan 8:12; 1 Corinto 15:19–23; Moroni 7:41; Doktrina at mga Tipan 50:24; 84:44–46; 93:7–10).

Pinagkakalooban tayo ng Panginoon ng kapanatagan, mga kautusan, at espirituwal na lakas. Dagdag pa rito, ibinigay sa atin ni Jesucristo ang kapanatagan, tulong, Kanyang mga turo, Kanyang halimbawa (tingnan sa 1 Pedro 2:21), ng lupa (tingnan sa Mosias 3:8), kapangyarihan, kaligayahan, lakas, kapayapaan, galak, mga paghahayag, at mga kautusan (tingnan sa Juan 13:34; 15:12).

Nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson: “Ibinuwis ng Anak [ng Diyos] na si Jesucristo, ang Kanyang buhay para sa atin. Ginawa [Niya] ang lahat ng iyon para makahugot tayo ng lakas sa Diyos—lakas na sapat sa pagharap sa mga pasanin, balakid, at tukso sa ating panahon.”2

Sinabi ni Pangulong Nelson na makahuhugot tayo ng lakas mula sa Panginoon sa ating buhay sa pamamagitan ng:

  • Pag-aaral tungkol sa Kanya.

  • Pagpiling sumampalataya sa Kanya at tularan Siya.

  • Paggawa ng mga sagradong tipan at tuparin ito nang may kawastuhan.

  • Paglapit sa Kanya nang may pananampalataya.3

Si Jesucristo ang Banal na Anak ng Diyos

Paano nakakapaghandog si Jesucristo ng napakaraming kaloob sa atin? Dahil tulad ng sinabi ng Diyos Ama, tulad ng sinabi mismo ni Jesucristo, tulad ng sinabi ng mga propeta, at tulad ng sinabi ng mga anghel, si Jesucristo ang banal na Anak ng Diyos.

Noong Abril 29, 2019, ang biyenan kong lalaki, na 95 anyos, ay nabinyagan. Talagang isang himala iyon para sa kanyang mga anak, apo, at apo-sa-tuhod. Matagal naming hinintay ang kanyang binyag. Napakagandang regalo nito para sa aming pamilya!

Ano ang nagpabago sa kanya? Bakit niya piniling magpabinyag?

Ilang buwan bago siya nabinyagan, na-stroke siya at naospital. Umuwi ang asawa kong si Tazuko para makita siya. Tuwang-tuwa siya na makita si Tazuko. Natakot siya na baka hindi na niya ito makita bago siya mamatay. Nagsimula siyang magsabi rito ng maraming bagay na ipinag-aalala niya. Iniisip niya noon ang kanyang libing.

Ngunit sinabi sa kanya ni Tazuko, “Ama, kung nagtitiwala ka sa Diyos at ipapaubaya mo sa Kanya ang lahat, mapapanatag ang isip mo at mapapayapa ka.” Ipinaliwanag niya ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at kung ano ang nagawa ng Tagapagligtas na si Jesucristo para sa atin. Pinag-usapan nila ang daigdig ng mga espiritu, kung saan naroon na ang asawa ng aking biyenan, ang kanyang panganay na anak na lalaki, at ang kanyang mga magulang. “Ang kabilang daigdig ay magiging kamangha-mangha,” sabi ni Tazuko.

Sinabi rin niya sa kanyang ama na mas mabuting makapunta roon nang walang kasalanan. Nagpasalamat din siya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa binyag, maaari siyang maging walang bahid-dungis sa harap ng Diyos. Medyo nag-isip siya at sinabing, “Gusto kong magpabinyag.”

Pagkatapos ay sinabi pa ng kanyang ama, “Napakagandang makita ang inyong mga anak na nagkakaroon ng sarili nilang pananampalataya at patuloy na nagsisimba, sumusunod sa mga kautusan, at umaasa sa Diyos. Lubos akong humahanga sa kanila.” At mahina at madamdaming sinabi niya, “Ang pamilya ay talagang mahalaga! Napakasaya na maaaring magkasama-sama ang ating pamilya.”

Ang mga Kaloob na Pagpili at Pagbabago

Matapos siyang sumapi sa Simbahan, tinanong ko ang aking biyenan kung bakit sa wakas ay nagpabinyag siya. Sumagot siya nang walang anumang pag-aatubili, “Pinili ko ang tama.”

Ipinakita ng aking biyenan ang itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay puno ng Kanyang lakas, na laan sa lahat ng anak ng Diyos na masigasig na naghahangad nito.”4

“Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya [tulad ni Jesucristo] sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”5 Walang hanggan ang impluwensya ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Binibigyan tayo nito ng kapangyarihang pumili, at binibigyan tayo nito ng lakas na magbago.

Ang Kanyang ebanghelyo ay mensahe ng kapayapaan at kabutihan. Hinikayat Niya ang lahat na tularan ang Kanyang halimbawa.6

Alam ko na sa pamamagitan ng Kanyang mga disipulo at tagapaglingkod, narito pa rin Siya sa mundo, pinagagaling ang maysakit, binibigyan ng paningin ang bulag, at ibinabangon ang mga patay. Alam ko na sa pamamagitan ng maraming matatapat na miyembro, guro, missionary, ministering brother, at ministering sister, itinuturo pa rin Niya ang mga katotohanan ng kawalang-hanggan, ang katunayan ng ating buhay bago tayo isinilang, ang layunin ng ating buhay sa lupa, at ang potensyal ng mga anak ng Diyos sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Siya ang buhay na Anak ng Diyos. Inaanyayahan Niya tayo na makipagtulungan sa Kanya. At maraming tao ang tumutugon sa Kanyang paanyaya. Pinatototohanan ko na Siya ay isang kaloob na walang-kapantay at binigyan na Niya tayo ng maraming kaloob sa pamamagitan ng Kanyang buhay at Kanyang misyon.

Mga Tala

  1. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” ChurchofJesusChrist.org.

  2. Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 39.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” 39–42.

  4. Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” 42.

  5. “Ang Buhay na Cristo,” ChurchofJesusChrist.org.

  6. Tingnan sa “Ang Buhay na Cristo,” ChurchofJesusChrist.org.