Digital Lamang: Mga Young Adult
4 na Paraan para Maalala ang Iyong Banal na Kahalagahan
Madaling kalimutan kung sino talaga tayo—mga anak ng mga magulang sa langit na may likas na banal na kahalagahan. Narito ang ilang paraan para makaalala.
Ang pag-unawa sa ating banal na identidad ay makapagbibigay sa atin ng lakas, tiwala, at layunin. Ngunit ang ating buhay sa araw-araw ay kadalasang puno ng mga pagsubok at gambala kung kaya’t maaaring madaling malimutan natin kung sino tayo bilang mga anak ng Diyos na walang-hanggan ang kahalagahan at walang-hanggan ang potensyal.
Mabuti na lang, nagbigay ang mga lider ng Simbahan ng payo na tutulong sa atin na maalala ang ating banal na kahalagahan.
1. Matutong Kilalanin ang Espiritu
“Ang ibig sabihin ng espirituwal na halaga ay pahalagahan ang ating sarili ayon sa pagpapahalaga sa atin ng Ama sa Langit, hindi ayon sa pagpapahalaga sa atin ng mundo. Tukoy na ang ating halaga bago pa tayo pumarito sa mundong ito. ‘Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman.’ …
“… Kapag nadarama natin ang Espiritu, … kinikilala natin na ang ating nadarama ay nagmumula sa ating Ama sa Langit. …
“Kunwari’y nagbabasa kayo ng mga banal na kasulatan isang umaga at mahinang bumulong sa inyo ang Espiritu na ang binabasa ninyo ay totoo. Makikilala ba ninyo ang Espiritu at magiging masaya ba kayo na nadama ninyo ang Kanyang pagmamahal at karapat-dapat kayong tumanggap?
“… Maaaring bihira tayong makatanggap, kung sakali man, ng malalaking espirituwal na paramdam sa ating buhay; ngunit maaari nating namnamin nang madalas ang magiliw na mga bulong ng Espiritu Santo, na nagpapatunay sa katotohanan ng ating espirituwal na halaga.”1
—Sister Joy D. Jones, dating Primary General President
2. Manatili sa Landas ng Pagkadisipulo
“Marahil ang pagsunod ay hindi proseso ng pagbaluktot, pagpilipit, at pagpukpok ng ating kaluluwa hanggang sa mabago ang ating pagkatao. Sa halip, proseso ito ng pagtuklas sa tunay nating pagkatao.
“Tayo ay nilikha ng Makapangyarihang Diyos. Siya ang ating Ama sa Langit. Tayo ay Kanyang literal na mga espiritung anak. Nilikha tayo mula sa sagradong materyal na napakabanal at dalisay, kung kaya’t likas sa pagkatao natin ang kabanalan.
“… Dinurungisan ng karumihan at kasamaan ng mundo ang ating kaluluwa, kaya nahihirapan tayong makilala at maalala ang ating tunay na pinagmulan at layunin.
“Ngunit hindi mababago ng lahat ng ito ang ating tunay na pagkatao. Ang kabanalan ng ating likas na pagkatao ay nananatili. At sa sandaling piliin nating ibaling ang ating puso sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas at tumahak tayo sa landas ng pagkadisipulo, may himalang nangyayari. Napupuspos ng pag-ibig ng Diyos ang ating puso, napupuspos ng liwanag ng katotohanan ang ating isipan, nagsisimula tayong mawalan ng hangaring magkasala, at ayaw na nating lumakad sa kadiliman.
“Matatanto natin na ang pagsunod ay hindi parusa kundi isang paraang aakay sa ating banal na tadhana. At unti-unti, ang kasamaan, karumihan, at mga limitasyon ng mundong ito ay nagsisimulang maglaho. Sa huli, ang walang kapantay at walang-hanggang espiritu ng banal na pagkataong likas sa atin ay ihahayag, at ang kabutihan ay kusang magmumula sa atin.”2
—Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
3. Hanapin ang Impluwensiya ng Diyos sa Iyong Buhay
“Ano ang dapat ninyong hanapin sa sarili ninyong buhay? Ano ang mga himala ng Diyos na nagpapaalala sa inyo na malapit lang Siya, at nagsasabing, ‘Narito lang ako’? Isipin ang mga sandaling iyon, ang ilan ay araw-araw, nang kumilos ang Panginoon sa inyong buhay—at muling kumilos. …
“… Bawat isa ay may kabanalan sa ating kalooban. Kapag nakikita nating kumikilos ang Diyos sa pamamagitan natin at kasama natin, nawa’y mahikayat tayo, at magpasalamat sa paggabay na iyon. Nang sinabi ng ating Ama sa Langit na, ‘Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ [Moises 1:39], tinutukoy Niya ang lahat ng Kanyang mga anak—lalo na kayo.”3
—Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol
4. Huwag Kalimutan ang Iyong Banal na Pagkatao
“May isang mahalagang identidad na mayroon tayong lahat ngayon at magpakailanman, isang bagay na hindi natin dapat kalimutan kailanman. … Kayo ngayon at sa tuwina ay espiritung anak ng Diyos. …
“Ang saligang katotohanan ng pagkakaroon ng mga magulang sa langit ay hindi lamang katotohanan ko o katotohanan ninyo. Ito ay walang-hanggang katotohanan. Ito ay isinulat sa higante, makapal, at malalaking titik. Ang pag-unawa sa katotohanang ito—talagang pag-unawa rito at pagyakap dito—ay nagpapabago ng buhay. Binibigyan kayo nito ng pambihirang identidad na hindi maiaalis ng sinuman sa inyo. Ngunit higit pa riyan, nagbibigay ito sa inyo ng matinding damdamin ng kahalagahan at diwa ng inyong walang-hanggang kahalagahan. Sa huli, nagbibigay ito sa inyo ng banal, marangal, at karapat-dapat na layunin sa buhay. …
“… Nakikiusap ako sa bawat isa sa inyo na panatilihin ang inyong banal na pagkatao na sentro ng lahat ng ginagawa ninyo.”4
—Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol