Welcome sa Isyung Ito
Pasko at ang Pagtitipon ng Israel
Ang Pasko ay nagpapaalala sa atin ng sakdal at walang-hanggang pagmamahal ng Ama sa Langit. Walang regalong makakapantay sa banal na handog na ibinigay ng Diyos para iligtas ang Kanyang mga anak: ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Mula sa Tagapagligtas ay dumarating ang “bawat mabuting bagay” (Moroni 7:22), kabilang na ang posibilidad na makapiling sa kawalang-hanggan ang ating mga mahal sa buhay bilang katuparan ng dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.
Ano ang posibleng magagawa natin para mapasalamatan ang Ama sa Langit para sa mga dakilang regalong ito? Ang isang bagay na magagawa natin ay tulungan Siyang isakatuparan ang Kanyang gawain. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” {Moises 1:39}. At inaanyayahan tayong tumulong.
Madalas sabihin ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pagtitipon ng Israel ang pinakamahalagang gawaing nangyayari sa mundo ngayon. At ipinaliwanag niya, “Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ibig sabihin ay … gawaing misyonero, gawain sa templo at family history” (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92).
Habang pinagninilayan ninyo ang tunay na kahulugan ng espesyal na panahong ito, inaanyayahan ko kayong basahin ang “Family History, mga Templo, at Gawaing Misyonero: Mabibisang Magkakatuwang sa Pagtitipon ng Israel” (pahina 12). Pagkatapos ay isipin kung ano ang magagawa ninyo para madala ang pinakamamahal na mga anak ng ating Ama pabalik sa Kanya.
Maligayang Pasko!
Mike Judson
Family History Department