2021
Tinutulungan ng Family History ang Ating mga Ninuno
Disyembre 2021


Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo

Tinutulungan ng Family History ang Ating mga Ninuno

Ang family history ay pagtuklas at pag-alam tungkol sa mga miyembro ng ating pamilya. Nagtitipon din tayo ng impormasyon tungkol sa ating mga ninuno para magawa natin ang gawain sa templo para sa kanila.

family looking at photos

Ang mga pamilya ang sentro sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Naghanda Siya ng paraan para magpatuloy ang mga pamilya magpakailanman. Kapag ginagawa natin ang ating gawain sa family history at sa templo, tinutulungan nating mapagsama-sama ang mga miyembro ng ating pamilya, kapwa buhay at patay. (Ang ibig sabihin ng “gawain sa templo” ay tumanggap ng mga ordenansa sa templo para sa ating sarili, tulad ng mabuklod sa ating asawa, gayon din sa paggawa ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga ordenansa sa templo, tingnan ang mga artikulo tungkol sa Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo sa isyu ng Oktubre 2021 ng Liahona.)

Gawain sa Family History at sa Templo

Kailangan ng bawat taong nabuhay o mabubuhay sa lupa ang mga ordenansa ng ebanghelyo. Kung hindi nagkaroon ng pagkakataong iyon ang ating mga ninuno, maaari nating isagawa ang mga ordenansa para sa kanila sa templo. Ang isa sa mga ordenansang iyon ay ang mabuklod sa mga miyembro ng pamilya. Ang ibig sabihin ng “mabuklod” ay mabubuhay tayo magpakailanman sa piling ng ating pamilya kung tayo ay matwid. Sa mga templo lamang tayo maaaring mabuklod sa ating pamilya.

Mga Pagpapala ng Gawain sa Family History

Matutulungan tayo ng family history na mapatibay ang ugnayan natin sa ating nabubuhay na mga kapamilya. Habang nagbabahaginan tayo ng mga kuwento, retrato, at iba pang mga alaala sa isa’t isa, napagbibigkis natin ang pamilya. Pinatitibay din natin ang pagmamahal natin sa bawat isa. Nangako rin ang mga propeta na ang paggawa ng ating family history ay mas maglalapit sa atin kay Jesucristo.

Paghahanap sa Ating mga Ninuno

Nais ng Ama sa Langit na mabuklod tayo sa ating kasalukuyang mga pamilya at sa ating mga ninuno. Bago tayo mabuklod sa ating mga ninuno, kailangan nating hanapin at pagkatapos ay i-save ang impormasyon tungkol sa kanila. Ngunit ang family history ay hindi lamang pagsasaliksik ng mga pangalan, petsa, at lugar. Kapag nalaman natin ang tungkol sa ating mga ninuno, madarama natin na mas nakaugnay tayo sa kanila.

couple doing family history on a computer

FamilySearch

Ang FamilySearch ay isang libreng software na laan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tinutulungan nito ang mga tao na matuklasan ang kanilang pamilya. Maaari mong simulan ang iyong family history sa FamilySearch.org o sa FamilySearch Family Tree app. Maaaring mayroon ding isang tao sa inyong ward o branch na makatutulong sa inyo.