2021
Paano Ako Natutong Maglingkod nang May Pagmamahal
Disyembre 2021


Digital Lamang

Paano Ako Natutong Maglingkod nang May Pagmamahal

Ang awtor ay nakatira sa Missouri, USA.

Pinagpapala ng paglilingkod ang mga taong pinaglilingkuran natin, pero kung maglilingkod tayo nang may tamang saloobin, tayo rin ay pagpapalain.

lalaking nagkukumpuni ng bubong

Noong sumapi ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa edad na 35, ang isa sa maraming bagay na agad kong natutuhan ay na kailangang handa akong maglingkod sa iba. Ito man ay pagtulong sa isang tao na lumipat, pag-alok na maglinis ng hardin, pagkukumpuni, o pagtulong sa transportasyon, hangga’t maaari ay sinikap kong tumugon sa mga kahilingan na maglingkod mula sa aking korum o mula sa mga indibiduwal.

Nadama ko na naglilingkod ako sa mabuting paraan. Gayunman, sa pagbabalik-tanaw, natanto ko na naglilingkod ako noon dahil tungkulin kong gawin iyon at hindi dahil sa mahal ko ang mga nangangailangan ng tulong. Hindi ko talaga itinuring ang paglilingkod ko bilang pagsisikap na maging mga kamay ng Panginoon.1

Matapos lumipat sa gitnang bahagi ng Missouri, USA, nagkaroon ako ng pagkakataong maglingkod sa isang mag-asawa na may-edad na. Maraming kailangang kumpunihin sa kanilang lumang tahanan, pati na ang bubong nito na may butas. Gayunman, may matinding problema sa kalusugan ang mag-asawa kaya hindi sila makakilos nang husto.

Isang maalinsangan na araw sa buwan ng Hulyo, kami ng kaibigan kong si Dallas Martin ay nasa bubong at nagkakabit ng mga bagong shingle. Hindi kami komportable at basang-basa kami ng pawis. Biglang tumigil si Dallas sa pagpapako, tumayo, at tumingin sa akin.

“Nakikita mo ba kung gaano tayo kapalad na tayo ang narito sa itaas at gumagawa nito at hindi tayo ang nasa loob ng bahay na hindi kayang gumawa nito?” tanong niya.

Ang kanyang tanong ay tumimo nang husto sa akin. Talagang nagbago ang pananaw ko buhat nang sandaling iyon. Nagkaroon ako ng bagong pananaw tungkol sa paglilingkod. Natanto ko kung gaano ako kapalad na magawa ang lahat ng bagay na kaya kong gawin.

Sa sandaling iyon, nadama ko na kami ni Dallas ay hindi lamang tumutulong dahil sa tungkulin namin iyon kundi tumutulong kami nang may diwa ng pasasalamat. Biniyayaan kami ng Panginoon ng kakayahang tunay na maging Kanyang mga kamay. Nang matanto ko iyon, naging madali para sa akin na mahalin ang mga taong tinutulungan namin.

Simula noong araw na iyon, tuwing nakakatulong ako sa gawaing paglilingkod, o kapag may taong nangangailangan ng tulong na kaya kong ibigay, sinisikap kong isipin ang pananaw na iyon. Hindi ako palaging nagiging matagumpay, pero ang pananaw na iyon ay naging malaking pagpapala sa buhay ko. Talagang natulungan ako nito na magkaroon ng positibong saloobin sa paglilingkod.

Kapag may mga problema o hamon ako sa buhay, sinisikap kong isipin ang mga taong may mas mabibigat na pagsubok kaysa sa akin. Pagkatapos ay nagpapasalamat ako sa Panginoon sa lahat ng pagpapalang ibinigay Niya sa akin.

Kung naglilingkod tayo nang may tamang pananaw, nagkakaroon ito ng bagong kahulugan. Dalawang pahayag tungkol sa paglilingkod na ibinigay ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang nakintal sa isipan ko.

  • “Ang pinakamabisang lunas sa sakit na pagkaawa sa sarili ay kalimutan ang ating sarili sa paglilingkod sa iba.”2

  • “Ang pinakamabisang solusyon na alam ko sa pag-aalala ay paggawa. Ang pinakamabisang lunas sa kapaguran ay ang hamon na tulungan ang isang taong mas pagod. Isa sa mga malaking kabalintunaan sa buhay ay ito ay: Siya na naglilingkod ay halos palaging mas nakikinabang kaysa sa kanya na pinaglilingkuran.”3

Totoo iyan kung ang paglilingkod natin sa iba ay may wastong saloobin. Kung talagang sinisikap nating tumulong dahil nadarama natin ang pagmamahal sa ating mga kapatid, at dahil taos-puso nating ninanais na maging mga kamay ng Panginoon, pagpapalain tayo ng ating paglilingkod hindi lamang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Kayo ang Aking mga Kamay,” Liahona, Mayo 2010, 68.

  2. Gordon B. Hinckley, “Whosoever Will Save His Life,” Ensign, Ago. 1982, 5.

  3. Gordon B. Hinckley, Standing for Something: 10 Neglected Virtues That Will Heal Our Hearts and Homes (2000), 56.