2021
Mga Pakpak ng Pananampalataya
Disyembre 2021


“Mga Pakpak ng Pananampalataya,” Liahona, Dis. 2021.

Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya

Mga Pakpak ng Pananampalataya

Gusto kong matupad ang kahilingan ng anak ko sa Pasko at makita ang galak sa kanyang mukha na gustung-gusto kong makita.

paru-paro

Larawan mula sa Getty Images

“Gusto kong may isang brown na paru-paro na dumapo sa kamay ko,” ang sabik na sabi ng tatlong-taong-gulang na anak ko. Ito ang inosenteng sagot niya sa tanong ko na, “Ano ang gusto mo sa Pasko?”

May pag-aalinlangan kong sinabi na “Sige, tingnan natin” bago ko siya inihiga sa kama, na ninanamnam ang mga bihirang sandali na nakakasama ko siya. Madalas na masama ang pakiramdam ko kaya madalas ko siyang hindi makasama.

Ang walang-tigil na pag-iyak ng kanyang kapatid na babae, na mayroong colic, ang patuloy na humihila sa akin sa kadiliman ng postpartum depression. Pakiramdam ko para akong platong nabasag na muling pinagdikit ng teyp—iritable, sira, at nahihirapang magpatuloy sa buhay. Ayaw kong masira ng mapait kong damdamin ang pananabik ng anak ko sa Pasko.

Nadama ko ang bigat ng kanyang sagot sa balikat ko. Isang kulay-brown na paru-paro ang dumapo sa kanyang kamay habang naglalakad kami noong isang malamig na araw ng maagang tagsibol. Ilang linggo niya itong paulit-ulit na binanggit. Ito pa rin ang pinakamagandang karanasan ng kanyang maikling buhay.

Gusto kong matupad ang kahilingan niya at makita ang galak sa kanyang mukha na gustung-gusto kong makita. Natulog ako na nananalangin para sa kapayapaan at kapanatagan, nadarama na hindi magiging masaya ang Pasko para sa aming dalawa.

Kinaumagahan, maganda ang araw paggising namin—tamang-tama para sa taunang paglalakad-lakad namin sa Bisperas ng Pasko. Mas masigla ang anak ko sa paghahanda kaysa dati, na binabanggit kung kailan at paano darating ang kanyang paru-paro.

“Medyo maginaw ngayon,” sabi ko habang isinasara ko ang kanyang coat at sinusuutan siya ng sumbrero. “Baka hindi lumabas ang mga paru-paro ngayon sa bahay nila para hindi sila ginawin.”

“Lalabas po ang paru-paro ko,” sabi niya habang tumatawa.

Inilagay ko ang sanggol na anak kong babae sa baby carrier at tahimik na nagdasal: “Huwag po Ninyo siyang hayaang masyadong malungkot.”

Habang naglalakad kami, lumingun-lingon ang anak ko sa gitna ng mga puno, na tuwang-tuwa sa bawat hakbang. Pinagalaw ng malamig na hangin ang mga dahon. Tinitingnan niya ang mga dahon na bumabagsak sa lupa, at tinatapakan ang mga ito suot ang kanyang bota. Para sa kanya, ang mundo ay nakamamangha, at naghihintay na matupad ang kanyang kahilingan. Pero wala akong nakikitang mga paru-paro.

Malapit na kami sa dulo ng daan. Nang tawagin ko na siya para umuwi, narinig ko ang kanyang masayang pagtawa. Lumingon ako at nakita siya sa tabi ng isang puno na nakaunat ang kanyang daliri habang umiikut-ikot sa kanya ang isang maliit na brown na paru-paro. Sa marahang paghaplos, nahawakan niya ito, at ngumiti siya. Nagkatinginan kami, at nakadama ako ng mainit na pakiramdam habang namamangha sa munting himala na nasaksihan ko.

Pumalakpak ako sa tuwa at nagbigay papuri. Nakikinig ang Diyos. Nabawasan ang aking kalungkutan, at nagpatotoo ang Espiritu na kilala ako ng Diyos. Narinig Niya ang mga dasal ko ng pagsamo para sa lakas at kapanatagan sa mga gabing nakakapagod at mga araw na nakakalungkot.

Kahit ang maliliit na bagay, tulad ng pagkakita ng paru-paro sa araw ng Disyembre, ay patunay na binabantayan ng Ama sa Langit ang aking pamilya—ipinapaalala sa akin na nangyayari pa rin ang mga himala kapag may pananampalataya tayo na tulad ng sa isang bata.