Pagtanda nang May Katapatan
Isang Mahalagang Desisyon
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Nagpasiya kaming tumugtog nang dueto. Ito ang paraan ng paghahatid namin ng kagalakan sa mundo.
Isang araw tatlong taon na ang nakararaan, noong 87 anyos ako, nasa isang social event ako. May isang babae roon na tumutugtog ng piyano; magkapareho kami ng kakayahan sa pagtugtog. Nang tanungin ko ang pangalan niya, nalaman ko na si Alice Bodily siya, ang nanay ng bishop ko. Siya ay 90 anyos noon.
Tinanong ko ang bishop ko kung sa palagay niya ay gusto ng nanay niya na makipag-duet sa pagtugtog. Tinanong niya ang nanay niya, at gustung-gusto raw nito. Kaya tatlong taon na ang nakararaan, sinimulan naming magdueto sa pagtugtog ng piyano tuwing Miyerkules ng umaga sa loob ng isang oras para sa sarili naming kasiyahan.
Nagsimula kami mula sa madadaling duetong pambata hanggang sa ilang dueto na dati naming tinutugtog ng nanay ko. Ngunit ang pinakagusto namin ay ang magdueto sa pagtugtog ng mga sagradong himno ng Simbahan. Ang dalawang paborito namin ay ang “Unang Panalangin ni Joseph Smith” (Mga Himno, blg. 20) at “Pag-ibig sa Tahanan” (Mga Himno, blg. 183).
Sa pagtugtog tuwing Miyerkules at pagpapraktis sa pagitan ng mga ito, medyo gumaling kami at pinahanga namin ang aming mga anak sa isang maliit na konsyerto. Sabi ng bishop ko, gusto niya kaming tumugtog sa sacrament meeting, kaya pinag-aralan namin ang “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2). Talagang naging hamon iyon para sa amin, pero nagpraktis kami ng ilang buwan at ginulat namin ang sarili namin at ang aming mga anak at marahil ay pati na ang mga miyembro sa aming ward. Bago nagsimula ang COVID-19, tinugtog namin ang himnong ito sa lima sa mga ward ng aming mga anak.
Maraming magagandang himno na gustung-gusto naming tugtugin ngayon, tulad ng “Magsisunod Kayo sa Akin” (Mga Himno, blg. 67), “Come, Thou Fount of Every Blessing” (wala sa kasalukuyang himnaryo pero madaling hanapin), at “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod” (Mga Himno, blg. 151). Ang paghahanap ng isang duet arrangement kung minsan ay maaaring mangahulugan ng paghingi ng tulong, pero kadalasa’y masayang tumutulong ang isang kapamilya, ministering sister, o ward music leader.
Nakakita pa kami ng isang koleksyon ng mga Pamaskong awitin at naghanda kami ng 40-minutong programa para magtanghal sa isang assisted-living facility sa buwan ng Disyembre. Sumali sa amin ang isa pang musician at tumugtog ng xylophone at isang set ng mga bell o kampanilya para magdagdag ng ibang instrumento sa aming pagtatanghal.
Sa pamamagitan ng aming musika, sa edad naming 90 at 93, nadarama namin na naghahatid kami ng galak sa mundo sa “O Magsaya” (Mga Himno, blg. 121) hindi lamang sa araw ng Pasko kundi sa buong taon. Regular na kami ngayong tumutugtog nang magkasama sa loob ng tatlong taon. Ang pagpapasiyang magdueto sa pagtugtog ay malinaw na mahalagang desisyon para sa aming dalawa!