Paano Natin Tinitipon ang Israel Ngayon
Ibinahagi ng ilang stake patriarch ang kanilang natatanging pananaw at kabatiran tungkol sa kahalagahan ng pagtitipon ng Israel.
Noong unang panahon, nakipagtipan ang Panginoon kay Abraham na ang kanyang mga inapo ay magiging mga taong hinirang (tingnan sa Genesis 12:1–2). Nang maghimagsik ang mga inapo ni Abraham, ang labindalawang lipi ni Israel, pinarusahan sila ng Panginoon, binihag sila ng Asiria at Babilonia, at kalaunan ay nakalat sa lahat ng bansa (tingnan sa Levitico 26:33). Gayunpaman, nais ng Panginoon na pagpalain sila.
Ipinropesiya ng mga sinauna at makabagong propeta na ang Israel, ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon, ay muling titipunin. Ngayon, may sagradong responsibilidad tayong tumulong na dalhin ang nakalat na Israel sa kawan ng Panginoon. Tungkol sa mahalagang gawaing ito, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ibig sabihin ay gawaing misyonero, gawain sa templo at family history. Ito rin ang pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin.”1
Bilang mga miyembro ng mga lipi ni Israel, binibigyan tayo ng partikular na mga responsibilidad at pagpapala. Ipinaaalam sa atin ng mga patriarchal blessing ang ating angkan sa sambahayan ni Israel kaya personal na responsibilidad natin ang tipunin ang Israel. Dahil ang mga patriarch ay binigyang-inspirasyong ipaalam sa atin ang angkang iyon, hiniling namin sa ilang patriarch na ibahagi ang kanilang natatanging pananaw at mga kabatiran tungkol sa kahalagahan ng pagtitipon ng Israel.
Ang Ating Angkan
Lahat ng tao—maging ang mga hindi inapo ni Abraham—ay nagiging bahagi ng sambahayan ni Israel kapag nakikipagtipan sila sa Diyos. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ilan sa atin ay literal na binhi ni Abraham; ang iba ay natipon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pag-ampon. Ang Panginoon ay walang itinatangi. … Inilalaan ng Kanyang Simbahan ang mga patriarchal blessing upang bigyan ang bawat tatanggap ng pananaw ukol sa kanyang hinaharap, gayundin ng kaugnayan sa nakaraan, maging ang pahayag tungkol sa angkan.”2
“Para magawa ang ating responsibilidad sa pagtitipon ng mga lipi ni Israel, kailangan muna nating maunawaan kung ano ang gagawin natin,” sabi ni Brother Keith Stapleton, isang patriarch sa Georgia, USA. “Kapag ang angkan ng isang tao ay ipinahayag sa kanilang patriarchal blessing, dapat nilang pag-aralan ang mga pagpapala at responsibilidad ng mga lipi ni Israel.”
Maraming miyembro ng Simbahan ngayon ang bahagi ng lipi ni Ephraim o Manases. Ang mga inapo ng mga lalaking ito ay inatasang tipunin ang nakalat na Israel, o “itutulak niya ang mga bayan” (Deuteronomio 33:17).
Ngunit anumang lipi ang kinabibilangan natin, bawat isa sa atin ay may mahalagang papel na gagampanan sa pagtitipon. “Kapag nauunawaan natin na tayo ay nagmula sa isa sa mga liping nakinita ng mga sinaunang propeta na hahayo at titipon sa Israel, binibigyan tayo nito ng layunin,” sabi ni Brother Barre Burgon, isang patriarch sa Utah, USA.
Sa pag-alam at pag-unawa sa ating angkan, malalaman at mauunawaan natin ang ating responsibilidad sa tipan na tumulong sa pagtitipon ng Israel. “Tandaan na inutusan ng Panginoon si Lehi na huwag magtungo sa lupang pangako nang hindi muna nakukuha ang mga banal na kasulatan na nagsasaad ng tungkol sa kanyang mga ninuno,” sabi ni Brother Vyacheslav Protopopov, isang patriarch mula sa Moscow, Russia. “Nais ng Panginoon na malaman ng Kanyang mga tao kung sino sila.”
Mga Paraan na Maaari Nating Tipunin ang Israel
Maraming paraan para makabahagi sa pagtitipon ng Israel, na inilarawan ni Pangulong Nelson bilang “pinakamahalagang gawain sa mundo.”3 Ang gawaing ito ay hindi kailangang maging mahirap. Sa katunayan, isang pambihirang karanasan ang maging bahagi nito. Ipinaliwanag ni Brother Calixto Muruchi, isang patriarch mula sa La Paz Department, Bolivia, na dahil sa pagmamahal ng Diyos kaya “binibigyan Niya tayo ng pagkakataong maging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay upang malaman ng lahat ng Kanyang anak ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at upang lahat tayo ay magkaroon ng pagkakataong makabalik sa Kanyang piling at magmana ng buhay na walang-hanggan.”
Kaya, paano natin titipunin ang Israel? May ilang bagay na magagawa ang bawat isa sa atin para makabahagi sa dakilang gawaing ito.
Gawaing Misyonero
Tungkol sa kahalagahan ng gawaing misyonero, sinabi ni Brother Wayne Allgaier, isang patriarch sa Maryland, USA, “Nasasabik ang ating Ama sa Langit na pagpalain ang lahat ng Kanyang anak. Ang mga pagsisikap na tipunin silang muli sa Kanyang kawan ay nagbibigay-daan para matamo nila ang mga pagpapalang ito.”
“Binibigyan natin ang mga tao ng pagkakataon para sa kanilang walang-hanggang kadakilaan,” dagdag pa ni Brother Burgon. “Iyan ang buong layunin ng buhay dito sa lupa. … Ito talaga ang pagkakataon para maibalik ng Ama sa Langit ang marami sa Kanyang mga anak.”
Madalas tayong hikayatin ng mga propeta at apostol na gawing “normal at natural” na bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang gawaing misyonero.4 Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, hindi ninyo kailangang “makonsensiya kung sa palagay ninyo ay hindi ninyo nagawang lubos ang pagbabahagi ng ebanghelyo.” Sa halip, maaari kayong “magdasal na … ‘tumayo bilang [isang saksi] ng Diyos’ [Mosias 18:9]” at “hayagang ipahayag ang pananampalataya ninyo kay Cristo.”5
Kapag nagdasal tayo para sa mga pagkakataong “mahanap ang mga taong handang hayaan ang Diyos na manaig sa kanilang buhay,”6 gagabayan tayo para malaman natin kung paano ibahagi ang liwanag ng ebanghelyo sa mga nasa paligid natin.
Gawain sa Templo at Family History
Nangyayari ang pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing. Napansin ni Brother Allgaier ang pagbilis ng pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng gawain sa family history at sa templo: “Narinig natin na palagiang nagsasalita si Pangulong Nelson na ang pagtitipon ng Israel ay hindi lamang gawaing misyonero kundi gawain sa magkabilang panig ng tabing. Mas maraming tao ang nasa kabilang panig ng tabing kaysa sa mga narito sa lupa na naghihintay na maisagawa ang mahahalagang ordenansang ito. Ang mga taong iyon ay kasinghalaga ng mga taong nabubuhay ngayon na nangangailangan ng ebanghelyo sa kanilang buhay sa lupa.”
Itinuro ni Pangulong Nelson, “Sa tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel.”7
Pagpapatatag sa Sion
Kasabay ng gawaing misyonero, gawain sa templo, at family history, itinuro ni Pangulong Nelson na ang pagtitipon ng Israel ay “[tumutukoy rin sa] pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin.”8
Nangangahulugan ito na kailangan nating palakasin ang ating sariling pananampalataya at suportahan at patatagin din ang iba. “Kailangan nating maging lubos na nakatuon sa ebanghelyo,” sabi ni Brother Lovelock, isang patriarch mula sa Queensland, Australia. “Kapag ginagawa natin iyon, tumutulong tayo sa pagtitipon ng Israel.” Kapag abala tayong nakatuon sa ebanghelyo, mapapatatag natin ang iba habang tayo ay nagmi-minister, gumaganap sa ating mga calling, at sumusuporta sa ating pamilya.
Sumali sa Pagtitipon
“Ang pagtitipon ay mangyayari tumulong man tayo o hindi,” sabi ni Brother Allgaier. “Gawain ito ng Panginoon, at titiyakin Niya na magagawa ito. Para sa mga mas aktibo rito, marami pang ibang pagpapalang ibibigay sa kanila.”
Kapag hinangad nating ituro ang ebanghelyo, magpalaki ng matwid na mga pamilya, gampanang mabuti ang ating mga calling, at mag-minister sa mga nasa paligid natin, tumutulong tayong tipunin ang Israel. Sabi ni Brother Burgon, “Nadarama ng propeta, ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ng iba pa sa pamunuan ng Simbahan na panahon na para bilisang pag-ibayuhin ang ating mga pagsisikap. Panahon na para ihanda ang ating sarili at ihanda ang iba para sa walang-hanggang kadakilaan.”
“Nitong nakaraang ilang taon,” sabi ni Brother Lovelock, “ang mga kabataang naparito para tumanggap ng kanilang patriarchal blessing ay mga kahanga-hanga at matatatag na kaluluwa. Wala akong duda na ang ilan sa pinaka-natatangi at pinakamarangal na mga anak ng Diyos ay kahalubilo natin ngayon, at naghahanda sila para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at tumutulong sa dakilang gawaing ito ng pagtitipon ng Israel.”
Nangyayari na ngayon ang pagtitipon ng Israel, at ipinropesiya ng Panginoon na ito ay magiging isang maluwalhating pangyayari (tingnan sa Jeremias 16:14–15). Sinabi ni Pangulong Nelson: “Kapag nauunawaan nating mabuti na tayo ay mga anak ng tipan, nalalaman natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin. Ang Kanyang batas ay nasusulat sa ating mga puso. Siya ang ating Diyos at tayo ang Kanyang mga tao.”9 Bilang mga inapo ni amang Abraham, responsibilidad nating anyayahan ang iba na magtipon sa kawan sa pamamagitan ng gawaing misyonero, gawain sa templo, at family history. Sa paggawa nito, mas inihahanda natin ang ating sarili para sa buhay na walang-hanggan.