Ang Pinakadakilang mga Regalong Pasko
Anong regalo ang maibibigay natin sa ating Tagapagligtas para sa lahat ng nagawa Niya para sa atin?
Ang Pasko ay palaging espesyal na panahon para sa akin. Isang panahon ng pagmamahalan. Isang panahon ng pagbibigayan. Isang panahon ng pag-alaala.
Naaalala ko ang marami at ilang daan taong mga tradisyon sa Pasko ng Czechoslovakia na hinangaan ko noong bata pa ako. Naaalala ko ang mga Christmas tree na naiilawan ng mga kandila, ang mga regalong gawang-kamay, ang masarap na amoy ng mga pagkaing inihahanda. Naaalala ko ang magagandang awitin at maringal na tugtugin sa organo na nagpasaya sa madidilim na lansangan ng Zwickau sa East Germany. Naaalala ko rin ang abang silid na nasa pagitan ng kisame at ng bubungan na tinirahan ng aming pamilya matapos naming matakasan sa pangalawang pagkakataon ang mapanganib na mga sitwasyon at nagsimula ng bagong buhay sa West Germany pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Habang ginugunita ko ito nang may matinding lungkot at kagalakan, marahil ang higit kong naaalala sa Kapaskuhan ay ang pagmamahalan ng aming pamilya sa isa’t isa, kung paano namin minahal at tinanggap ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, at kung paano namin minahal ang Tagapagligtas.
Habang papalapit nang muli ang Pasko, naaalala ko ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan hinggil sa dapat nating pagtuunan sa Kapaskuhan: “Wala nang mas mahalaga pang gawin sa Pasko kundi magtuon tayo sa Tagapagligtas at sa regalo ng tunay na kahulugan ng Kanyang buhay sa bawat isa sa atin.”1
Naaalala ko rin si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), na inatasang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan sa Germany kasunod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. “Dahil sa welfare program na binigyang-inspirasyon ng Diyos, literal niyang pinakain ang mga nagugutom, inaliw ang mga nananangis, at mas inilapit sa Diyos ang lahat ng nakilala niya.”2
Makalipas ang ilang taon, tinukoy ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang kaganapang iyon sa isang serbisyo ng paglalaan sa Zwickau. Sa pulong, nilapitan siya ng isang matandang miyembro ng Simbahan at sinabing: “Pakisabi mo kay Pangulong Benson na mahal namin siya. Iniligtas niya ang buhay namin: ang buhay ko, ng aking asawa, ng aking mga anak, at ng marami pang iba. Siya’y tila anghel na ipinadala ng Diyos para literal na ipanumbalik sa amin ang pag-asa at tiwala sa hinaharap.”3
Mahal na mga kapatid, mahal na mga kaibigan, walang mas mainam na panahon kaysa ngayon, sa Kapaskuhang ito, para tularan ang gayong mga halimbawa at ilaan nating muli ang ating sarili sa mga alituntuning itinuro ni Jesus, ang Cristo. Palaging tama ang panahon para mahalin ang ating Panginoong Diyos nang buong puso—at ang ating kapwa tulad sa ating sarili.
Makabubuting alalahanin na “siya na nagbibigay ng pera ay maraming ibinibigay, at siya na nag-uukol ng panahon ay higit ang ibinibigay, ngunit siya na nagbibigay ng kanyang sarili ay ibinibigay ang lahat. Hayaang ito ang maglarawan sa ating mga regalo sa Pasko.”4
Magtuon sa Kanyang Buhay
Karamihan sa mundo ay nagdiriwang ng Pasko, ngunit bilang mga disipulo at alagad ni Jesucristo, nakipagtipan tayo na “lagi siyang alalahanin” (Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Sa Pasko, madali lang tayong magtuon sa batang Cristo na naging ating Tagapagligtas at Hari.
Nagtutuon tayo kay Jesucristo kapag nagagalak tayo sa Kanyang pagsilang. Ipinagdiriwang natin sa piling ng pamilya at mga kaibigan ang “magandang balita ng malaking kagalakan” (Lucas 2:10). Nakikinig tayo sa sagradong musikang nagbabalita ng Kanyang pagparito sa lupa. Binabasa natin ang nakatala sa banal na kasulatan tungkol sa Kanyang pagsilang sa Mateo, Lucas, at 3 Nephi. Pinatototohanan natin na si Jesus ang ipinropesiyang Emmanuel, na isinilang ni Maria, na “binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban; sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan” (Lucas 2:7; tingnan din sa Mateo 1:23; Isaias 7:14).
Nagtutuon tayo kay Jesucristo kapag pinag-aaralan at tinatanggap natin ang Kanyang mga turo. Sinisikap nating maging maamo at maawain, mga tagapamayapa at may dalisay na puso, mapagpatawad at tapat. Mabagal tayong manghusga at mabilis tayong manalangin at magpatawad. Tinatrato natin ang iba ayon sa nais nating pagtrato nila sa atin. Hangad natin ang “mabuting bunga” na nagmumula sa banal na doktrina. Tayo ay “gumagawa ng kalooban” ng ating Ama sa Langit.5
Nagtutuon tayo kay Jesucristo kapag tinutularan natin ang Kanyang perpektong halimbawa. Itinuro Niya sa atin kung paano magmahal, magbahagi, at mag-anyaya sa pamamagitan ng paglilingkod, pagsunod, pagdarasal, pagsasakripisyo, at pagtitiis.
Tulad ni Jesus, naghahanap tayo ng mga pagkakataong mapagpala ang mga anak ng Diyos kapag tayo ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38; tingnan din sa Mateo 5:16). Tinutularan natin ang Kanyang halimbawa ng pagsunod sa Ama kapag muli tayong nangangako na mamumuhay ayon sa salita ng Diyos at magpapanibago ng ating mga pagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos (tingnan sa Juan 14:15).6
Tinatanggap natin ang Kanyang paanyayang “pumarito ka, at sumunod ka sa akin” (Mateo 19:21). Inaanyayahan natin ang ating mga kapwa mamamayan sa mundo na pumarito at tingnan, pumarito at tumulong, pumarito at mapabilang, kahit nahaharap tayo sa pag-uusig, tukso, o pagdurusa.
Magtuon sa Kanyang mga Regalo
Ang regalo ng kung ano ang kahulugan ng pagsilang at buhay ng Tagapagligtas sa atin ay natatagpuan sa katuparan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Nanginig ang Tagapagligtas dahil sa sakit, lumabas ang dugo mula sa bawat pinakamaliit na butas ng Kanyang balat, nagdusa Siya kapwa sa katawan at sa espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:18). Ang Kanyang sakripisyo para sa lahat ng mga anak ng Diyos at ang Kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan ang bumubuo sa isang dakilang regalo. Para maunawaan ang walang-katumbas na regalong iyon, kailangan nating mag-ukol ng oras na pagnilayan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang kahulugan nito sa bawat isa sa atin.
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, alam natin na matutubos tayo mula sa kasalanan kung magsisisi tayo. Alam natin na maaari tayong magbago, magpakabuti, at magtagumpay. Alam natin na maaari nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at mapatawad. At kapag nananampalataya tayo tungo sa pagsisisi, alam natin na ang mga hinihingi ng katarungan ay nabibigyang-kasiyahan (tingnan sa Alma 34:16).
“Ang pagsisisi ay isang pambihirang regalo,” sabi ni Pangulong Nelson. “Ito ay isang proseso na hindi dapat katakutan. Ito ay isang [regalong] dapat nating tanggapin nang may kagalakan at gamitin—masigasig na gawin—sa bawat araw habang sinisikap nating maging lalong katulad ng ating Tagapagligtas.”7
Dahil sa batang Cristo, natanggap natin ang banal na regalong Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil sa regalong ito, makasusumpong tayo ng biyaya at patnubay. Magkakaroon ng kahulugan sa atin ang pagdurusa. Makasusumpong tayo ng kapayapaan, “hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan” kundi gaya ng ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon (Juan 14:27).
Maitatama ang mga mali. Mapagagaan ang mga pasanin. Dahil sa walang-hanggang sakripisyo ni Jesucristo, makasusumpong tayo ng nagpapalayang pag-asa.
At ano ang maaari nating asamin?
Ang sagot ni Mormon: “Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya” (Moroni 7:41).
Ginagawang posible ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang pinakadakila sa lahat ng regalo ng Pasko: buhay na walang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:13; 14:7).
Kaya pala kinakanta natin ang, “O magsaya.”8
Ang Ating Regalo sa Kanya
Kasama si Apostol Pablo, ipinapahayag natin, “Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di-mailarawang kaloob” (2 Corinto 9:15).
Ngunit ano ang ireregalo natin bilang kapalit?
Ang regalong hinihiling Niya sa atin ay hindi mabibili ng pera. Hindi natin ito makikita sa isang online store. Hindi natin mahihiling sa isang tao na gawin iyon para sa atin. Hindi natin ito mailalagay sa ilalim ng Christmas tree.
Ang hinihiling sa atin ng Tagapagligtas ay ang ating puso.
Ano ang maibibigay ko sa Kanya,
Ako na isang dukha?
Kung ako’y isang pastol
Dadalhin ko’y kordero,
Kung ako’y isang Pantas naman
Bahagi ko’y gagampanan,—
Ngunit maibibigay ko sa Kanya’y ano?
Ang aking puso.9
Para maibigay sa Kanya ang ating puso, kailangan muna nating tanggapin ang Kanyang tulong. Ang ibig sabihin ng ibigay sa Tagapagligtas ang ating buong puso ay paglapit sa Kanya nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 12:19). Sa gayon lamang natin lubos na matatanggap ang Kanyang regalong Pagbabayad-sala at magiging marapat sa kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan. Kapag handa tayong magsisi, ipinapakita natin ang ating pagmamahal at pasasalamat sa regalo ng Diyos at sa sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin.
Kapag muling pinagaling ni Jesucristo ang ating puso, lubos ang ating kagalakan. At kapag lubos ang ating kagalakan, nais nating ibahagi ang natatanging karanasang ito ng pagmamahal, kapayapaan, at pag-asa sa lahat ng anak ng Diyos. Nais nating paglingkuran ang Diyos at ang ating kapwa. At nais nating ihandog sa lahat ang pinakamahalagang regalong ibinigay, maging ang “tinapay ng buhay” (Juan 6:35) at ang “tubig na buhay” (Juan 4:10).
Kapag isinentro natin ang ating buhay sa Tagapagligtas at sa Kanyang banal na regalo sa atin ngayong Kapaskuhan at sa tuwina, ipahahayag natin sa mundo nang may galak at katapatan na ang buhay ni Cristo ay “hindi nagsimula sa Betlehem o nagtapos sa Kalbaryo.”10
Lahat ng tumatanggap sa Kanyang regalong puno ng pagmamahal ay hindi kailanman magugutom o mauuhaw. Makasusumpong sila ng kapahingahan sa kanilang kaluluwa (tingnan sa Mateo 11:29) at magagalak nang buong puso’t kaluluwa na “ang Panginoon ay isinilang na.”11
Ngayong Kapaskuhan at sa buong taon, nawa’y matanggap at maibigay natin ang pinakadakilang mga regalo ng Pasko.