2021
Malaki ang Nagawang Kaibhan ng Aming Munting Regalo
Disyembre 2021


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Malaki ang Nagawang Kaibhan ng Aming Munting Regalo

Nalaman namin na ang maliliit na paglilingkod ay magpapala sa buhay sa mabisang mga paraan.

photograph of wrapped Christmas gift

Isang taon para sa Pasko, gumawa ang asawa kong si Julia ng candy-cane chocolate sweets na ibinalot namin sa maliliit na may dekorasyong mga kahon. Pagkatapos ay bumisita kami sa mga taong nasa Spanish-speaking branch na pinaglingkuran namin at ibinigay sa kanila ang aming regalo, kasabay ng mga pagbati ng isang maligayang Pasko.

Pagdating namin sa bahay ni Brother Sanchez, isang mabait na matandang miyembro ng aming branch, kami ay kumatok at naghintay. Walang tao sa bahay nila, kaya iniwan namin ang kendi sa mailbox niya.

Makalipas ang ilang linggo, sa sacrament meeting, nagsalita si Brother Sanchez tungkol sa kanyang pagbabalik-loob at sa maraming himalang naranasan niya sa buong buhay niya. Nagpatotoo siya sa kamangha-manghang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon na sagutin ang pinakamalalalim na tanong sa buhay. Itinaas niya ang mga banal na kasulatan na natanggap niya ilang dekada na ang nakararaan mula sa mga missionary na nagturo sa kanya. Nanginig ang boses niya sa pagmamahal at patotoo niya sa Panginoon.

Pagkatapos ay may ginawa si Brother Sanchez na hindi namin inasahan. Inilagay niya ang aming maliit na may dekorasyong kahon sa ibabaw ng pulpito. Sinabi niya na nang makita niya ang kahon, hindi niya inisip na kakainin ang mga kendi dahil diabetic siya. Sa halip, inilagay niya ang kahon sa ibabaw ng mesa sa tabi ng kanyang kama at nakalimutan na iyon.

Makalipas ang ilang araw, habang nakahiga siya sa kama, sinabi niyang naramdaman niyang biglang bumaba ang kanyang blood sugar. Natakot siya nang magsimulang manginig ang kanyang katawan. Natanto niya na nanganganib siya, batid na baka kailangan niyang tumawag ng ambulansya. Pagkatapos ay napansin niya ang kahon. Bigla niyang kinuha ito, binuksan, at agad kinain ang mga tsokolate. Napanatag siya nang bumalik sa normal ang blood sugar niya.

Itinaas ni Brother Sanchez ang kahon na walang-laman at nagpatotoo na ang maliliit na paglilingkod ay makagagawa ng malaking kaibhan. Nagpatotoo siya na ang gayong mga karanasan ay hindi nagkataon lamang at ang impluwensya ng Ama sa Langit ay makikita maging sa kaliit-liitang detalye ng ating buhay.

Nakadama kaming mag-asawa ng pagpapakumbaba nang malaman na malaki ang naging epekto sa kanya ng maliit na paglilingkod namin at siguro’y nakapagligtas pa ng kanyang buhay. Kapag gumagawa tayo ng maliliit na paglilingkod para sa mga nasa paligid natin, magbubukas ang Panginoon ng mga pagkakataon na nagpapala sa buhay sa makapangyarihang mga paraan.