2021
Pag-unawa sa Inyong Banal na Pagkatao
Disyembre 2021


Mga Young Adult

Pag-unawa sa Inyong Banal na Pagkatao

Kapag hangad nating tunay na maunawaan ang ating banal na pagkatao, nagbabago ang ating pananaw.

photo of two young adults

Larawang kuha ni Amanda Steed

Sino ba ako? Sino ang nais kong maging ako? Ito ang dalawang tanong na maaaring maitanong nating lahat balang-araw sa ating buhay.

Ang pag-unawa sa ating pagkatao ay mahalaga sa pananaw natin sa ating sarili at sa iba. Ngunit maaaring mahirap sagutin ang mga tanong na ito kapag sinasabi ng mga tinig sa ating paligid na ang ating pagkatao at halaga ay nagmumula sa temporal na mga bagay tulad ng ating hitsura, katayuan sa lipunan, o tagumpay sa trabaho o paaralan.

Napakadaling makinig sa mundo, at ang mga tinig nito ay maaaring mag-iwan sa atin ng mabigat na pakiramdam, panghihina-ng-loob, o pagkaligaw. Ngunit kapag talagang nauunawaan natin ang ating banal na katangian, maaari nating simulang makita ang ating sarili at ang iba tulad ng pagtingin sa atin ng Diyos.

Sino Tayo?

Ang ilan sa atin ay lumaki na inaawit ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189) o natutuhan ito kalaunan. Pero kahit saulado ninyo ang mga salita, madaling makalimutan ang kahalagahan ng ating makalangit na pamana.

Itinuro ni Apostol Pablo na hindi lamang tayo mortal na mga nilalang:

“Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos” (Roma 8:16).

Pinagtibay ng mga makabagong propeta at apostol ang katotohanang ito. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dahil tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, lahat ay may banal na pinagmulan, katangian, at potensyal. Bawat isa sa atin ay ‘minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.’ Ito ang ating pagkatao! Ito ang totoong tayo!”1

Kabilang sa katotohanang ito ang kaalaman na nabuhay tayo sa piling ng Diyos bago ang buhay na ito, na tayo ay nilikha sa Kanyang wangis, at na hindi lamang tayo may banal na katangian kundi may banal na tadhana rin.

Pagkakaroon ng Tiwala

Sa kabila ng lahat ng paalalang ito, kung minsa’y maaari pa rin nating itanong kung sino tayo. Patuloy na kumikilos si Satanas para mawala ang pagkaunawa natin kung sino tayo dahil alam niya na kapag nauunawaan natin at namumuhay tayo ayon sa ating banal na pagkatao, binibiyayaan tayo ng banal na kapangyarihan. Madaragdagan ang ating pananalig kapag nakilala natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Habang pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan, hanapin ang katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ipagdasal na makita ang kapangyarihan ng Diyos sa inyong buhay, at itala ang mga pagkakataon na nadarama ninyo ang Kanyang pagmamahal o nahihiwatigan ang Kanyang patnubay. Kung dumarating ang mga negatibong kaisipan, ipaalala sa inyong sarili kung paano ninyo nalaman na kilala at mahal kayo ng Diyos.

Pag-aralan ang mga katangian ng Tagapagligtas. Kapag ginawa ninyo ito, mas makikita ninyo ang mga ito sa inyong sarili at mas lilinaw ang inyong pag-unawa sa uri ng taong maaaring maging kayo sa tulong Niya (tingnan sa Moroni 7:48).

At ang pagkakaroon ng mas malapit na kaugnayan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay tutulong sa inyong makita ang walang-hanggang potensyal na nakikita Nila sa inyo.

Pag-alam sa Ating Banal na Katangian

Kaya ano ang magagawa ng kaalamang ito para sa inyo? Kapag talagang nauunawaan natin na tayo ay mga anak ng Diyos, maaari nating:

  • Matuklasan ang ating kahalagahan sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos sa halip na sa mga pansamantala o makamundong mapagkukunan.

  • Makita na ang Kanyang pagmamahal ay nagtatanggal ng takot at naghahatid ng kapayapaan sa ating buhay (tingnan sa 1 Juan 4:18).

  • Kalimutan ang ating mga hindi pagkakaunawaan at mahalin ang iba. Tayong lahat ay “magkakapatid na nabibigkis ng isang banal na pamana,” paliwanag ni Pangulong Ballard. “Ang isang simple at nakapagbibigkis na katotohanan ay dapat mangibabaw sa lahat ng iba pang tinutulutan nating maging sanhi ng paghihiwalay at paghati-hati sa atin.”2

  • Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Ang ating banal na pagkatao ay nagpapaalala sa atin ng ating pinakamithiin—ang makatulad ng ating mga magulang sa langit at makabalik sa kanilang piling. Tulad ng itinuro ni Elder José A. Teixeira ng Pitumpu, “Ang maunawaan kung sino talaga kayo ay mas naghahanda sa inyo na matukoy at maalala ang inyong daan pabalik sa inyong tahanan sa langit at asaming pumaroon.”3

  • Manalig at patuloy na magtiwala sa paggabay ng Diyos sa lahat ng oportunidad, hamon, at karanasang dumarating sa atin.

Ang malaman kung sino talaga tayo ay tumutulong sa atin na magkaroon ng walang-hanggang kaligayahan at kapayapaan. Kaya kapag humihirap ang buhay o lumalakas ang mga tinig ng mundo, alalahanin na palaging nariyan ang ating Ama sa Langit para tulungan tayong makita ang ating sarili kung sino talaga tayo at kung ano ang maaari nating kahinatnan.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Umasa Kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 54.

  2. M. Russell Ballard, “Children of Heavenly Father” (debosyonal sa Brigham Young University, Mar. 3, 2020), 4, speeches.byu.edu.

  3. José A. Teixeira, “Alalahanin ang Daan Pauwi,” Liahona, Mayo 2021, 92.