2021
Paano Ako Tinulungan ng Panginoon na Maunawaan ang Banal na Kahalagahan sa Aking Diborsyo
Disyembre 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Ako Tinulungan ng Panginoon na Maunawaan ang Banal na Kahalagahan sa Aking Diborsyo

Nang umasa ako sa Tagapagligtas sa aking mga pagsubok, natutuhan kong makita ang iba—at ang aking sarili—sa bagong paraan.

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan sa tabi ng templo

Larawang kuha ni Tina Lerohl

Sa aming lugar sa South Africa, may ilang paniniwalang kultural na nagbibigay-diin sa panlabas na anyo at pamantayan ng kagandahan, na maaaring nakapanghihina ng loob at kung minsan ay nagpapababa ng aking kumpiyansa sa aking hitsura at sa kung sino ako. At nalaman ko na napakaraming mga young adult sa buong mundo ang nahihirapang tanggapin ang hitsura ng kanilang katawan at ang kahalagahan ng kanilang sarili.

Isa sa mga mabibisang taktika ni Satanas ay ang kawalan ng kumpiyansa sa pangangatawan. Sinisikap niyang kumbinsihin tayo na hatulan ang ating sarili at ang iba batay sa hitsura. Pero natuklasan ko na kung sisikapin kong sundin ang mga pamantayan ng mundo tungkol sa kagandahan at kahalagahan ng sarili, hindi ako kailanman masisiyahan o mapapanatag sa kung sino ako.

Ang susi sa pagkakaroon ng tiwala sa sarili ay ang pagsisikap na makita ang aking sarili at ang iba sa paraan ng pagtingin ng Ama sa Langit. Dahil dito naunawaan ko ang tunay na kahalagahan ng sarili ko at nakita rin ang kahalagahan ng iba.

Ang Maling Pagtutuon

Noong nakikipagdeyt ako, nakakita ako ng maraming sitwasyon kung saan ibinatay ang halaga ng ibang tao sa hitsura. Nalungkot akong makita na mas kaunti ang nakadeyt ng ilan sa mga kaibigan ko kumpara sa mga taong tila nakaayon sa pamantayan ng kagandahan ng mundo. At nakalulungkot na sa paghahanap ko ng makakasama sa kawalang-hanggan, nagkaroon din ako ng listahan ng mga katangian—kabilang na ang mga pisikal na katangian—na hinanap ko sa lalaking mapapangasawa ko.

Kalaunan, may nahanap akong isang tao na mapakakasalan ko sa templo. At sa simula, akala ko maganda ang pagsasama naming mag-asawa. Pero nasimulan kong mapansin na ipinagmamalaki ng asawa ko sa iba na kasal siya sa pinakamagandang babae sa silid, pero parang wala siyang masabing anumang maganda tungkol sa hitsura ko kapag kami lang dalawa. Palagi siyang nagkokomento kapag nagbago ang timbang ko at sinasabihan ako kung paano ako dapat mag-ayos ng buhok at paano ako dapat manamit.

Ilang buwan matapos kong isilang ang panganay naming anak, hindi inaasahang sinabi ng asawa ko na gusto niyang makipagdiborsyo. Hindi ko man lang nalaman na may problema pala. Sa kabila ng lahat ng pagsisikap ko, hindi ko siya mahikayat na ipagpatuloy ang pagsasama namin bilang mag-asawa, at naiwan akong mag-isa at naging single mother.

Kalaunan, natuklasan ko na nagkaroon siya ng relasyon sa isa pang babae habang kasal pa kami, at nagulat ako nang malaman na kamukha ko ito pero mas bata ng ilang taon sa akin at walang pagbabago sa hitsura na dulot ng pagbubuntis at panganganak. Nagsimula akong mag-isip kung bakit hindi ako naging sapat at nagtuon ako sa mga pisikal na kapintasan ko.

Sa paglipas ng panahon nalaman ko na hindi bihira ang sitwasyon ko. Nang muli akong makipagdeyt, marami akong narinig na mga kuwento tungkol sa mga bata pang nagdidiborsyo dahil “nawalan na sila ng interes” sa kanilang asawa na “nagpabaya sa kanilang sarili” o dahil wala nang “pisikal na atraksiyon.”

Hindi maganda ang pakiramdam ko sa tuwing may naririnig akong nagsasabing ang hitsura ang pinakamahalaga sa isang asawa. Sa tuwing naiisip ko ang pananaw ng mundo tungkol sa kagandahan, naiisip ko kung hindi ako karapat-dapat na mahalin dahil sa mga pagbabago sa katawan ko na dulot ng pagbubuntis.

Ano ang Tunay na Kagandahan

Habang pinagninilayan ko ang kahulugan ng tunay na kagandahan, nakita ko ang isang sipi na salungat sa pananaw ng mundo tungkol sa bagay na ito: “Sa gitna ng ‘lahat ng panlilinlang’ na maaaring mangyari sa pakikipagdeyt—pati na ang palaging maganda ang hitsura—dapat nating tandaan na ang hitsura at estilo ay ‘talagang hindi mahalaga.’”1

Nakatulong ito sa akin na maunawaan na ang pagtingin sa espiritu ng isa’t isa, o kung ano ang nasa kalooban, ay ang tunay na mahalaga sa paghahanap ng asawa at ang susi sa pagmamahal sa iba at sa ating sarili. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong magtuon sa pagkatao at sa ating identidad bilang mga banal na espiritu.

Labis akong nasaktan ng aking diborsyo, pero binigyan din ako nito ng pagkakataong muling suriin ang kahulugan ng tunay na kagandahan at ng banal na kahalagahan. Kung nahihirapan kang makita ang iyong banal na kahalagahan o ng iba, isaalang-alang ang sumusunod na mga tip, na nakatulong para mabago ko ang aking pananaw.

1. Regular na Dumalo sa Templo

Sa loob ng templo, nakakalimutan ang mundo at sa kawalang-hanggan natutuon ang pansin. Nang dalasan ko ang pagdalo sa templo at pag-alaala sa aking mga tipan, lalong nagbago ang limitadong pananaw ko at naging walang-hanggan ito. Ang mga bagay na mahalaga ayon sa mga pamantayan ng mundo ay hindi mahalaga sa loob ng templo.

Pero hindi sa magdamag lang nangyayari ang pagbabagong ito. Nangyayari ito sa pamamagitan ng patuloy na sadyang pag-uukol ng oras sa bahay ng Panginoon. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pagtupad ng tipan sa templo ay hindi pagpigil kundi pagbibigay-kakayahan. Iniaangat tayo nito nang higit pa sa ating pananaw at kakayahan.”2

2. Matutong Makinig sa Espiritu Santo

Hiniling sa atin ni Pangulong Nelson na “dagdagan ang [ating] espirituwal na kakayahang tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.”3

Kapag pinili nating magtuon sa mga bagay ng Espiritu kaysa sa mga bagay ng mundo, magiging mas handa tayong marinig ang Kanyang mga pahiwatig at katotohanan.

3. Manalangin para sa mga Espirituwal na Kaloob

Ang ilang espirituwal na kaloob ay makapagbibigay sa atin ng kaalaman at pananaw na kailangan natin upang maunawaan ang ating kahalagahan at ang kahalagahan ng iba. Hinikayat tayo ng Ama sa Langit na “masigasig [na] … hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob” at sinabi sa atin na kung hahangarin at ipagdarasal natin ang mga ito, matatanggap natin kung ano ang kailangan natin (Doktrina at mga Tipan 46:8; tingnan din sa talata 9). Maaaring makatulong na pag-aralan at ipagdasal ang mga kaloob na makahiwatig, pag-ibig sa kapwa, at karunungan habang sinisikap mong mas maunawaan ang kahulugan ng tunay na kagandahan at banal na kahalagahan.

4. Sundin ang Word of Wisdom

Ang ating katawan ay magandang regalo mula sa Ama sa Langit. Si Satanas, na naghahangad na sirain ang plano ng Diyos at hindi kailanman magkakaroon ng sariling katawan, ay inaatake ang sagradong kaloob na ito. Ang paggalang sa ating katawan at pagtuklas kung ano ang magagawa nito kapag nag-eehersisyo tayo at umiiwas sa nakapipinsalang mga bagay ay makatutulong sa atin na matutuhang pahalagahan ang ating katawan at, sa pamamagitan ng halimbawa, matulungan ang iba na gawin din iyon.

5. Ituon ang Pansin sa Tagapagligtas

Kapag umaasa tayo kay Jesucristo, makikita natin ang ating sarili kung sino tayo talaga—mga banal na anak ng mga magulang sa langit. Kapag natutuhan nating mahalin ang ating sarili at naging mabait tayo sa ating sarili kahit nagkakamali tayo, matutulungan tayo ng Tagapagligtas na patuloy na umunlad at taglayin ang Kanyang mga katangian.

Si Sister Joy D. Jones, dating Primary General President, ay nagsabing, “Kung ang pagmamahal na nadarama natin para sa Tagapagligtas at sa ginawa Niya para sa atin ay higit pa sa lakas na ibinibigay natin sa mga kahinaan, pagdududa sa sarili, o masasamang gawi, tutulungan Niya tayong madaig ang mga bagay na sanhi ng pagdurusa sa ating buhay.”4

Upang makita ang iba kung sino sila talaga, simulan kong tingnan sila sa ibang paraan. Sa mga panahong napapansin ko na hinahatulan ko ang isang tao batay sa kanyang hitsura, mas tinitingnan ko siya at sinisikap na makita ang nakikita ng Ama sa Langit. Namangha ako kung paanong binuksan ng Diyos ang aking mga mata. Nahinto ang aking pagpansin sa mga pisikal na katangian at nakita ko ang tunay na kagandahan at kahalagahan—ang Liwanag ni Cristo na nasa bawat isa sa atin.

Paglapit kay Cristo

Kahit nakaranas ako ng masasakit na karanasan, natutuhan kong hayaang pagalingin ako ni Cristo at mahalin ang aking katawan at aking espiritu. Itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), dating Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang paniniwala na kayo ay anak na babae ng Diyos ay nagbibigay sa inyo ng kapanatagan sa inyong pagpapahalaga sa sarili. Nangangahulugan [ito] na kayo ay makakatagpo ng lakas sa kapangyarihan ni Cristo na makapagpapagaling. Makatutulong ito sa inyo na harapin ang mga pagdurusa at paghamon nang may pananampalataya at kapayapaan.”5

Maaaring may sariling mga ideya ang mundo tungkol sa kagandahan at banal na kahalagahan, ngunit kapag mas lumalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, ang ating kakayahang makita ang tunay na kagandahan ay lalago sa kabila ng pagbaluktot ng mundo. Nawa‘y pagpalain tayong makita nang tumpak ang kagandahan ng iba at ng ating sarili—sa paraan ng pagtingin Nila sa atin.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, sa Kimberly Reid, “Dating and the Eternal Perspective,” Ensign, Peb. 2008, 62.

  2. Russell M. Nelson, “Prepare for Blessings of the Temple,” Ensign, Mar. 2002, 21.

  3. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  4. Joy D. Jones, “Halagang Hindi Masusukat,” Liahona, Nob. 2017, 15.

  5. James E. Faust, “Ang Ibig Sabihin na Maging Anak na Babae ng Diyos,” Liahona, Ene. 2000, 123.