Mga Young Adult
Natututuhang Madama ang Pagmamahal ng Diyos sa Akin
Alam ko na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, pero sa kung anong dahilan, pakiramdam ko ay hindi ako kasama roon.
Noong unang taon ko sa unibersidad, nakaupo ako sa Relief Society nang may isang taong nagbahagi ng karanasan kung saan nadama niya na dapat niyang isulat kung ano ang naisip niyang nadarama ng Diyos tungkol sa kanya.
Naantig ako ng mga salitang iyon.
Pag-uwi ko, nadama ko na dapat ko ring gawin iyon. Pero pagkaraan ng 10 minuto ng pag-upo roon nang walang naisulat, napaiyak ako. Pakiramdam ko ay nanlilinlang lang ako. Karamihan ng aking patotoo ay batay sa Diyos at sa Kanyang perpektong pagmamahal sa atin. Pero ni wala akong anumang maisulat.
Alam ko na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, pero sa kung anong dahilan, pakiramdam ko ay hindi ako kasama roon.
Paano nangyari iyon?
Pagharap sa Aking mga Pagkabalisa
Nang magsimula akong magpa-therapy nang sumunod na taon, nagagawa ko nang makapag-isip nang mabuti. Binigyang-diin ng therapist ko na may tendensiya akong maging isang uri ng tao na laging nakatuon sa pagkakamit ng tagumpay. Naniwala ako na kailangan kong maging perpekto sa pagsunod sa mga kautusan at kung hindi ay hindi sapat ang katatagan ko. At natanto ko na naipasiya ko iyan dahil hindi ko madama ang Diyos sa buhay ko, walang Diyos. Ngunit sa pagbabalik-tanaw sa buhay ko, alam ko na hindi iyan maaaring maging totoo. Kaya natanto ko na ako ang problema, hindi ang Diyos.
Mula pa noong bata ako, natanim na sa isipan ko na kung hindi ako perpekto, hindi magiging sapat kailanman ang kabutihan ko. Siyempre pa, dahil walang sinumang perpekto, ako ay napuno ng labis na pagkabalisa. Hindi ako komportable sa ideya na may halaga ako. Ito ang dahilan kaya pakiramdam ko palagi ay kulang ang ginagawa ko at hindi ako karapat-dapat na mahalin ng sinuman—kahit ng Diyos.
Samantala, sinikap kong labanan ang kalungkutan ko at damdamin ng kakulangan, at sinisikap na gawin ang lahat para maging mabuti o perpekto. Ginawa kong abala ang sarili ko sa bawat aktibidad para maalis sa isipan ko ang totoong mga isyu sa buhay ko. At nag-ukol ako ng maraming oras sa pag-iisip sa mga pangangailangan ng iba para maiwasan kong magtuon sa sarili ko. Nag-tutor ako, naglaro ng tennis, nag-bake para sa lahat ng kaibigan at kapitbahay ko, at naging teaching assistant ako. Nagtrabaho rin ako nang part-time, nag-enrol sa maraming klase, at naging pangulo ng maraming club at grupo sa kampus.
Sa mga taong nakakakita sa aking panlabas na sitwasyon, ako ang babae na nagtataglay na ng lahat. Hindi nila nakikita na sa loob ko, desperado akong makahanap ng isang bagay na magpapadama na sapat ang kabutihan ko. Ngunit ang palaging pagsisikap na gumawa ng mas marami pa ay nagdulot ng dagdag na pagkalito sa buhay ko sa kung sino ako at sino ang nais kong maging ako.
Sa pagtatapos ng unang taon ko sa unibersidad, natanto ko kung gaano katindi ang kawalan ko ng kakayahan sa emosyonal na pag-unlad dahil sa pakiramdam na wala akong halaga. Hinayaan ko ang sarili ko na mawalan ng tiwala sa aking sarili kaya tinanggihan ko ang lahat ng magagandang bagay sa buhay at naging manhid sa nararamdaman ko.
Pinag-isipan kong mabuti kung bakit sa kabila ng marami kong nagawa ay wala pa rin akong maramdaman. Dahil dito ay nagkaroon ako ng matinding depresyon. Ano ang gagawin mo kapag nadarama mo na talagang pinabayaan ka na ng Diyos?
Sa kagustuhan kong sumulong pero wala akong madama habang iniisip ko kung ano talaga ang nadarama ng Diyos tungkol sa akin, natanto kong may bagay na dapat baguhin sa kalooban ko. Dahil sa pagkatantong ito nagsimula kong madama ang pagmamahal ng Diyos sa akin.
Paghahangad na Madama ang Pagmamahal ng Diyos
Noong una, hindi ko alam kung paano magsisimula; ang paggawa lang niyon ay nakakatakot na. Pero nang sumunod na taon, umasa ako sa Panginoon at sa Kanyang walang-hanggang kabutihan para makayanan ko ang bawat araw. Nakadama ako ng higit na lakas at kapayapaan ng isipan sa pagbabasa ng mga mensahe ng mga propeta, pagninilay sa mga tipan sa templo na nagawa ko, pagtatakda kahit 10 minuto lang gabi-gabi para magbasa ng mga banal na kasulatan, at pakikipag-usap sa Ama sa Langit sa panalangin sa buong maghapon.
Nang gawin ko ang mga bagay na ito, nagsimula kong makita ang Kanyang impluwensya sa buhay ko. Hindi ko alam noon kung sino ako o anong landas sa buhay ang pipiliin ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin para madama na sapat na ang kabutihan ko. Ngunit hindi nagtagal ay natanto ko na ang talagang kailangan ko ay ang malaman kung sino ako sa Diyos.
Huling semestre ko na ngayon sa unibersidad. Sa lahat ng problema ng pagiging estudyante, empleyado, anak, kapatid, at kaibigan, natanto ko na ang malaman na mahalaga ako at maunawaan ang nadarama ng Diyos tungkol sa akin ay mahalaga para magtagumpay ako sa lahat ng ginagawa ko.
Marami pa rin akong hindi alam tungkol sa kinabukasan ko, at ayos lang iyan.
Para sa akin, ang pagkaalam na hindi ko kailangang maging perpekto ngayon mismo ay tumutulong sa akin na makayanan ang bawat araw. Alam ko na alam ng Diyos ang nangyayari sa akin. Alam ko rin na kahit hindi ko madama ang Kanyang pagmamahal, matiyaga pa rin Niya akong tinutulungan.
Sa nakaraang ilang taon ng paghihirap na ito, natulungan ako ng Diyos na tuklasin ang mga katangian at talento ko na hindi ko napansin noon. Ang pinakamahalaga, sa paglipas ng panahon, sa personal na paghahayag at araw-araw na pagsisikap na maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa akin, nalaman ko kung ano ang nadarama Niya tungkol sa akin. Mas lalo akong nakahugot ng lakas sa Tagapagligtas at sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala sa aking buhay. Nakatulong ito sa akin na madama ang pagmamahal ng Diyos at malaman na ako ay Kanyang pinakamamahal na anak.
Sa pagbabasa ng mga mensahe ng mga propeta, naantig ako nang mabasa ko ang mga salitang ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Ang kahalagahan ng sarili ay nadarama kapag tinutularan ng isang babae ang halimbawa ng Panginoon. Ang kanyang pakiramdam sa kahalagahan ng sarili ay nagmumula sa sarili niyang pagnanais na tulad kay Cristo na tumulong nang may pagmamahal, tulad ng Kanyang ginagawa.”
Sinabi rin niya, “Ang pagpapahalaga ng [isang babae] sa kanyang sarili ay natatamo sa indibiduwal na kabutihan at malapit na kaugnayan sa Diyos.”1 Mula rito, naunawaan ko na kung sino ako ay higit pa sa kabuuan ng mga bagay na ginagawa o sinasabi ko. Ako ay walang-hanggang nilalang na may pambihirang tungkulin na mamuno nang may pagmamahal at habag, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. At ang pag-unawang iyan ay nangingibabaw sa anumang bagay na ipinahihiwatig sa akin ng aking depresyon.
Patuloy na Pagsulong
Kahit ngayon, nalilimutan ko pa rin kung minsan kung ano ang pakiramdam ng pagmamahal ng Diyos at kung ano ang nagtatagal na kagalakan sa pinakamaliit at pinaka-ordinaryong mga sandali sa buhay. Ngunit ang himala ng Pagbabayad-sala ni Cristo ay na hindi lamang ito para sa pagsisisi; tinutulungan din tayo ng Kanyang biyaya na makayanan ang bawat araw at mahalin ang ating sarili. Madalas kong malimutan ang katotohanang iyan, pero totoo pa rin ito.
Hindi natin maiiwasan bilang tao na makaranas tayo ng mga bagay na likas sa atin at ang mga sandaling ito ng banal na kalinawan at inspirasyon ay maaaring hindi palaging totoo sa pakiramdam. Kaya para matulungan tayo, maaari nating isulat at gunitain ang mga pagkakataon na nadama natin ang pagmamahal ng Diyos. Maaari nating patuloy na sikaping maghanap ng mga paraan para madama ang pagmamahal na iyon. Ang ating araw-araw na pagsamba at patuloy na pagsisikap na palalimin ang ating personal na kabanalan ay hindi lamang magpapatibay sa kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit kundi magpapaibayo rin sa ating personal na kaligayahan at pagpapahalaga sa sarili. Mapag-iibayo ni Cristo ang mga pagsisikap na ito para tulungan tayong maging katulad ng nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.
Determinado akong patuloy na magsikap dahil umaasa ako kay Cristo. Alam ko na patuloy na mas gaganda ang buhay at uunlad ako kapag umaasa ako sa Kanya. Nang matuklasan ko kung gaano kalaki ang pagmamahal ng Diyos para sa akin, nakahanap ako ng higit na lakas bawat araw na madaig ang mga pighati at ang aking nadaramang kakulangan at ang pangangailangan kong maging perpekto.
Kapag natatagpuan ko ang aking sarili na bumabalik sa mga pagkabalisa at kawalan ng tiwala sa sarili, naaalala ko na iniisip ng Diyos na ako ay nakakatawa, mabait, mapagbigay, at maganda. Higit sa lahat, naaalala ko na nakikita Niya na nagsisikap ako.
Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Ang pag-ibig ng Diyos ay nariyan para sa inyo marapat man kayong mahalin o hindi. Basta nariyan lang ito palagi.”2 Labis kong pinasasalamatan ang katotohanang iyan. Sa ating pinakamatitinding paghihirap, makikita natin ang kaluwalhatian ng Diyos sa pagtulong sa atin na sumulong. Palagi Niya tayong sinusuportahan.