Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Mga Kasoy sa Pasko
Ang regalo ng kaibigan ko sa isa pang residente sa bahay-kalinga ay nagpaalala sa akin na ang tunay na kagalakan ay matatagpuan sa pagmamahal na katulad ng kay Cristo.
Nang oras ko na sa trabaho at nagsimulang kumuha at magsilbi ng mga order na pagkain (sa mga residente ng bahay-kalinga), pumasok ang isa sa mga paborito kong residente, si Stan (hindi niya tunay na pangalan). Nagtatrabaho ako sa isang bahay-kalinga at nag-uukol ng maraming oras sa pakikipag-usap sa kahanga-hangang lalaking ito. Siya ay isang matagumpay na awtor at dating propesor na naglingkod bilang mission president, stake patriarch, at temple sealer.
Umasa ako na habang nakakasama ko siya ay matataglay ko rin ang ilan sa kanyang espirituwalidad at kasiya-siyang personalidad. Palagi akong humahanga sa kanyang pagpapakumbaba at tapat na hangaring paglingkuran ang iba. Ang kanyang asawa na 63 taon niyang nakasama ay pumanaw na kamakailan, at bagama’t tiyak na nagdadalamhati siya, nakasumpong siya ng kagalakan habang naghahanap siya ng mga paraan para maipadama sa iba na minamahal sila at ginagawang komportable.
Sa mabilis na pagkalat ng epidemyang COVID-19, naging mahirap ang 2020 para sa aming bahay-kalinga. Ngunit ang pagdating ng Kapaskuhan ay nagdulot ng panibagong pag-asa para sa hinaharap.
Nang gabing iyon, naupo si Stan sa tabi ng isa pang lalaki sa mesang pinagsisilbihan ko. Pagkatapos kumain ng lalaking iyon, humiling siya sa akin ng kaunting meryenda para dalhin sa kanyang silid. Kumuha ako ng meryenda, ngunit sa kasamaang-palad, naubusan na kami ng gusto niya. Pagbalik ko sa mesa niya at sinabi ko iyon sa kanya, nalungkot siya. Nag-alok ako ng kapalit na meryenda, ngunit magalang siyang tumanggi.
Nang marinig ni Stan ang aming pag-uusap, tumayo siya mula sa kanyang upuan. Hawak ang walker niya, dahan-dahan siyang bumaba sa pasilyo. Bumalik siya makalipas ang ilang minuto dala ang ilan sa kanyang mga paboritong meryenda—mga kasoy na nababalutan ng tsokolate. Inalok niya ang mga ito sa lalaki, pinasalamatan siya na nakasama niya ito sa pagkain, at bumalik sa kanyang silid.
Habang iniisip ko ang kaibigan kong namatayan ng asawa at ang nararanasan ng aming komunidad sa COVID-19 quarantine, naantig ako ng mga salita ng Tagapagligtas. Sabi Niya, “Ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon” (Marcos 8:35).
Nakasumpong ng kagalakan si Stan habang patuloy siyang naglilingkod. Naaalala ko na naisip ko, “Tunay nga, ito ay isang tao ng Diyos.”
Lagi kong maaalala ang epekto ng karanasang ito sa akin. Nakatulong ito sa akin na magtakda ng habambuhay na mithiin na maging tapat na disipulo ni Jesucristo, tulad ni Stan. Ipinakita niya sa akin na ang tunay na kagalakan ay matatagpuan sa patuloy na pagbibigay ng maliliit na bagay, tulad ng mga kasoy sa Pasko.