2021
Tatlong Aral mula sa Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
Disyembre 2021


Tatlong Aral mula sa Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan

Matututo tayo tungkol sa kaugnayan ng Panginoon sa atin kapag nalaman natin kung paano Niya tinulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw noon.

illustration of Joseph Smith praying

Itaas dulong kanan: mga larawang-guhit ni Joshua Dennis; kanan: Devastating Weight of 116 Pages [Nakapanlulumong Kapighatian na Dulot ng 116 na Pahina], ni Kwani Povi Winder

Sa pag-aaral ko ng Doktrina at mga Tipan ngayong taon ay napaisip ako tungkol sa maraming paraan na nakikilala ko ang Diyos. Kung minsan nadarama ko kaagad ang Kanyang presensya. Madalas akong mamangha sa kung gaano kalapit ko Siya nadarama kapag nag-uukol ako ng oras sa kalikasan. At matutukoy ko ang mga sandali na nangusap sa akin nang malinaw ang Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu.

Ang isang mahalagang bahagi ng paghahangad kong makilala ang Diyos ay kinapapalooban ng paglingon sa nakaraan. Halimbawa, madalas na nakakahanap lamang ako ng kahulugan sa aking mga pagsubok kapag nakalipas na ang ilang panahon. Nakikinabang din ako sa pag-aaral sa buhay ng iba na naghangad na makilala ang Diyos. Tinutulungan ako ng kanilang mga karanasan na mas magtiyaga sa aking mga pagsisikap at matanto at magtiwala sa sarili kong espirituwal na mga pahiwatig. Sa madaling salita, tinutulungan ako ng mga ito na mas maunawaan kung paano nakikipag-ugnayan ang Panginoon sa Kanyang mga anak.

Ito marahil ang dahilan kaya iniutos ng Panginoon sa mga Banal sa pulong sa pagtatatag ng Simbahan, “Masdan, may talaang iingatan sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 21:1). Ang talaan ng kasaysayan na iningatan ng mga naunang miyembro ng Simbahan ay isang mayamang mapagkukunan sa pag-aaral kung paano nakikipag-ugnayan ang Diyos sa atin. Nalaman ko na lalong kapaki-pakinabang na pag-aralan ang mga paghahayag sa konteksto ng kasaysayan, gamit ang resources sa bahaging Pagpapanumbalik at Kasaysayan ng Simbahan sa Gospel Library.

Narito ang tatlong magkakaugnay na aral na natutuhan ko sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan at sa sinaunang kasa ysayan ng Simbahan ngayong taon.

Nauuna ang mga Tanong Bago ang Paghahayag

Halos lahat ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay ibinigay bilang tugon sa mga tanong. Isa lamang ang tila di-inaasahang tulong mula sa langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27). Ang mga tanong na humantong sa mga paghahayag na ito ay bunsod ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, matitinding pagsubok, o mga ideyang pangkultura noong panahong iyon.1 Ang mga ito ay nagpakita ng pananampalataya, pag-uusisa, pagdududa, at takot ng sinaunang mga Banal.

Ang Doktrina at mga Tipan 42 ay tugon sa limang partikular na tanong kung paano dapat tipunin at suportahan ng mga Banal ang isa’t isa.2 Ang mga sagot ng Panginoon ay mahalaga, hindi lamang dahil sa nilalaman ng mga ito kundi dahil din sa sinasabi ng mga ito sa atin kung paano natatanggap ang paghahayag. Ang mga Banal ay inihanda ng kanilang mga sitwasyon at pagninilay. Bumuo sila ng mga tanong, lumapit sila sa Diyos, at talagang pinahalagahan nila ang Kanyang mga sagot.

Isipin kung paano kayo tumutugon sa impormasyong ibinigay sa inyo na wala sa konteksto, tulad ng hindi hiniling na anunsyo sa web para sa ilang sapatos. Maaaring maging interesado kayo rito, pero mas malamang na balewalain ninyo ito. Gayunman, kapag kailangan ninyo ng sapatos at naghahanap kayo ng isang pares na akma sa inyong pangangailangan at mga paa, nagtutuon kayo ng pansin sa nahanap ninyo at nagpapasiya kayong kumilos. Angkop din ito sa ating espirituwal na paghahanap.

Iginagalang ng Panginoon ang Ating Kalayaang Pumili

Mahalaga ang ating mga pagpili, hindi lamang sa ating sariling pag-unlad kundi maging sa pagsulong ng gawain ng Panginoon sa lupa. Siya ang tagakumpas, at tayo ang mga miyembro ng orkestra. Ang ating mga talento, pinagmulan, at desisyon ay nag-aambag sa kagandahan ng musika. Naging tanyag ang Kirtland, Ohio, sa sinaunang Simbahan dahil ipinasiya ng mga naunang missionary na tumigil doon at bisitahin ang mga kaibigan sa kanilang daan papunta sa lugar kung saan sila tinawag na maglingkod. Ang kanilang mga koneksyon at inspiradong pagpapasiya na bumisita sa Kirtland ay mahalaga sa nangyayaring Pagpapanumbalik.

At pinahihintulutan tayong lahat ng Panginoon, pati na si Joseph Smith, na magkamali. Tayo ay Kanyang mga anak, at tulad ng sinumang matalinong magulang, interesado Siya talaga sa ating pag-unlad at nais Niyang matuto tayo sa pamamagitan ng karanasan.

Tinulutan ng Panginoon si Joseph Smith na ibigay ang naisalin na unang 116 na mga pahina ng Aklat ni Mormon kay Martin Harris kahit alam ng Panginoon na mawawala ang mga ito. Masakit ang karanasang ito para kay Joseph, ngunit natuto siyang maging mas maingat na katiwala. Tumanggap siya ng kapatawaran at “muling tinawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 3:10).

photo of mother and young daughter praying

Interesado ang Panginoon sa ating pag-unlad at nais Niyang matuto tayo sa pamamagitan ng karanasan.

Kaunti Rito, Kaunti Roon

Hindi binigyan ng Panginoon si Joseph Smith ng isang komprehensibong hanbuk ng mga tagubilin sa Sagradong Kakahuyan. Makikita sa mga paghahayag ang patuloy na pag-uusap sa pagitan ng Panginoon at ng Propeta. Kung minsa’y nagbibigay ang mga ito ng kaunawaan at pananaw tungkol sa mga kawalang-hanggan. Kadalasan, sapat na ang mga ito para sa mga pangangailangan sa araw na iyon, at kalaunan ay bumalik si Joseph na may karagdagang mga tanong.

Iniutos ng mga naunang paghahayag sa mga Banal na magtipon at magtayo ng isang lungsod ng Sion sa Missouri. Nang paalisin ang mga Banal sa lugar na iyon, inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na subukang bawiin ang kanilang lupain, una kasama ang Kampo ng Sion at kalaunan ay sa paghingi ng tulong sa pamahalaan. Kalaunan, nalaman ni Joseph na ang Sion ay mas malaki pa kaysa sa isang lungsod. Maipagpapatuloy ang pagtitipon sa iba pang mga lugar dahil nagtatag ng mga stake ang mga Banal at nagtayo ng mga templo.3

Nagbago nang husto ang mga sitwasyon ng buhay ng mga Banal sa paglipas ng panahon. Napakalaking pagpapala ang patuloy na makatanggap ng paghahayag para tulungan tayong matugunan ang mga pangangailangan ng ating pabagu-bagong mundo! Ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo ay walang hanggan, ngunit inaasahan ng patuloy na Pagpapanumbalik ang hamon ng pagbabago.

Mga Tala

  1. Halimbawa, ang Doktrina at mga Tipan 76 ay ibinigay nang pagnilayan ni Joseph Smith ang Juan 5:29; ang bahagi 122 ay naglalaman ng mga salita ng kapanatagan ng Panginoon kay Propetang Joseph habang siya ay nasa Liberty Jail; at ang bahagi 87 ay natanggap nang pagnilayan ni Joseph ang alitan sa pagitan ng South Carolina at ng pamahalaan ng US tungkol sa awtoridad ng pamahalaang federal na maningil ng mga taripa.

  2. Tingnan sa Steven C. Harper, “The Law,” sa Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants (2016), 93–98.

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52; 103; 123; Joseph Smith, “Discourse, 8 April 1844, as Reported by Wilford Woodruff,” josephsmithpapers.org.