2021
Pasko, Pagtitipon ng Israel, at Family History
Disyembre 2021


Para sa mga Magulang

Pasko, Pagtitipon ng Israel, at Family History

Minamahal Naming mga Magulang,

Ang Kapaskuhan ay isang espesyal na panahon ng taon. Gamitin ang mga artikulo sa mga magasin ng Simbahan sa buwang ito para magturo sa inyong pamilya tungkol sa pagsilang ni Cristo at sa pag-asang hatid Niya sa ating buhay, ang pagtitipon ng Israel, at ang kapangyarihan ng gawain sa family history.

painting of Mary and baby Jesus

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo

Mga Regalo sa Pasko

Hanapin ang patotoo ni Elder Kazuhiko Yamashita sa pahina 30 para makabasa tungkol sa pag-asa, kapanatagan, at lakas na dumarating sa pamamagitan ni Cristo. Kasama ang inyong pamilya, mapanalanging talakayin ang mga kaloob na natanggap ninyo mula sa Tagapagligtas.

Ang Gawain sa Family History ay Ating Gawain

Pag-aralan ang artikulo sa pahina 12 para sa mga ideya tungkol sa paggamit ng gawain sa family history at sa templo upang ibahagi ang ebanghelyo. Magkuwento sa inyong mga anak tungkol sa isa sa inyong mga ninuno. Itanong sa kanila kung sa aling mga bahagi ng kuwento sila makakaugnay. Bilang isang pamilya, maaari kayong mag-isip ng mga taong kilala ninyo na maaaring interesadong malaman pa ang tungkol sa kanilang family history.

Suporta sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Tingnan ang pahina 26 para sa mga materyal na tulad ng isang scripture-search game para suportahan ang inyong lingguhang mga pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

Tingnan din ang mga isyu ng mga magasing Kaibigan at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito para sa mga kuwento ng kasaysayan ng Simbahan at Pasko.

Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Hamon sa Pamilya sa Mga Saligan ng Pananampalataya

Mga Saligan ng Pananampalataya

  1. Isaulo ninyo ng inyong pamilya ang isa o mahigit pa sa Mga Saligan ng Pananampalataya.

  2. Kung may mas maliliit pa kayong mga anak sa inyong tahanan na hindi pa nakapagsaulo ng Mga Saligan ng Pananampalataya, bigyan sila ng kasama para tulungan sila.

  3. Gawin ang sumusunod na aktibidad:

    1. Umupo kayong lahat nang pabilog.

    2. Bigkasin ang isang saligan ng pananampalataya, na paisa-isang salita lamang ang sasabihin ng bawat tao (sisimulan ng unang tao ang unang salita, sasabihin ng kasunod na tao ang pangalawa, at iba pa).

    3. Kung may magkakamali, itama nang mahinahon ang pagkakamali at pagkatapos ay ipasabi sa kasunod na tao ang kasunod na salita.

    4. Tingnan kung makukumpleto ninyo ang saligan ng pananampalataya na iilan lang ang mali hangga’t maaari. Pagkatapos ay subukan ang isa pa.

Talakayan: Paano makatutulong ang pagsasaulo nitong mahahalagang artikulo sa sarili nating buhay? Ang pagbigkas ng makapangyarihang mga salitang ito ay makatutulong sa atin kapag na-stress ang ating isipan o kapag nagsisikap tayong mapanatiling malinis o positibo ang ating mga iniisip. Makatutulong din sa ating malaman ang mga katotohanang ito kapag tinanong tayo ng mga kaibigan tungkol sa ebanghelyo.

Isang Regalo para sa Tagapagligtas

Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol

Si Cristo ay nagpakita ng halimbawang tutularan nating lahat. Habang ipinagdiriwang natin ang Kanyang pagsilang ngayong Pasko, ibigay natin sa Kanya ang regalong maging katulad Niya. Sabi ni Cristo, “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27). Mabibigyan ba ninyo ng regalo ang Tagapagligtas ngayong Pasko sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang halimbawa?

  1. Basahin ang unang dalawang talata ng “Ang Buhay na Cristo” nang sabay-sabay.

  2. Talakayin ang mga bagay na ginawa ng Tagapagligtas para mapagpala ang iba.

    1. “Naglibot Siya na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Paano tayo maglilibot na gumagawa ng mabuti?

    2. Ang Kanyang ebanghelyo ay isang mensahe ng kapayapaan at kabutihan. Paano tayo maghahatid ng kabutihan sa iba?

    3. Hinikayat Niya ang lahat na tularan ang Kanyang halimbawa. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Cristo?

  3. Isulat o idrowing ang naiisip ninyong iregalo sa Tagapagligtas.

  4. Ipaskil ito sa isang lugar bilang paalala ng inyong mithiin sa taong ito.

Talakayan: Ano ang magagawa ninyo para mapagpala ang buhay ng iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas? Paano madadala ang iba sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa ng pagsunod kay Cristo?