2023
Lumapit Kay Cristo: Hahayo Ako, Maglilingkod Ako
Pebrero 2023


Mensahe Ng Area Presidency

Lumapit Kay Cristo: Hahayo Ako, Maglilingkod Ako

“Ang ating pokus sa ginagawa natin bilang mga miyembro ng Simbahan ay nasa nagbibigay-kakayahan na kapangyarihan na nagmumula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”

Nang malapit nang matapos ang kanyang ministeryo sa lupa ay itinuro ni Jesus ang talinghaga ng mga talento. Sa alipin na naging matapat sa pagpapadami ng kanyang mga talento ay sinabi ng Panginoon “Magaling, mabuti at tapat na alipin; Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay.”1

Sa gayunding diwa ay nadama natin ang pagsang-ayon ng Panginoon sa pambihirang nagawa ng mga miyembro ng simbahan sa buong Pilipinas na tumugon sa panawagan na maglingkod sa mga full-time mission. Ngayon, dahil mabuti ang nagawa sa panawagan na ito na kumilos, nagkaloob ang Panginoon ng mas mataas na pananaw para sa hinaharap. Ang ating naging motto ay “Hahayo Ako, Maglilingkod Ako.” Sa pagpapahayag ng bawat kabataan ng kanilang tapat na pangako, nakikita nila sa kanilang isipan ang sarili nila na naglilingkod bilang missionary. Nakikita ng mga binatilyo ang sarili nila na balang-araw ay magsusuot sila ng puting polo at kurbata, nakikita ng mga dalagita ang kanilang sarili na nakasuot ng bestida at kapwa nila nakikita ang sarili nila na tumatanggap ng tawag mula sa propeta upang ipalaganap ang mabuting balita ng ebanghelyo.

Ang napakahalagang papel ng Tagapagligtas sa ating buhay ay mas lubusang nakakintal na ngayon sa ating mga puso at isipan. Habang sumusulong tayo, ang bulong ng Espiritu Santo ay naghihikayat sa atin na magkaroon ng malinaw na pokus sa Tagapagligtas … sa Kanyang papel sa lahat ng ginagawa natin sa landas ng tipan at habang hinahangad at tumutugon tayo sa panawagan na maglingkod. Sa paghahandang humayo at maglingkod, una sa lahat ay kailangan nating makita si Jesucristo bilang dahilan sa lahat ng ating ginagawa. Ang paglapit kay Cristo ang panguhaning humihikayat sa atin. Lumalapit tayo kay Cristo sa pakikisali natin sa mga ordenansa at tipan ng templo. Hindi natin dapat tingnan ang templo at ang pagtanggap ng mga ordenansa at tipan sa templo bilang isang kahon o box na lalagyan ng tsek sa pagpunta sa full-time mission. Ang ating pokus sa paglapit kay Cristo ang sanhi para makilala natin ang mahalagang papel ng templo sa paghahatid sa atin sa Kanya.

Ang ating pokus sa ginagawa natin bilang mga miyembro ng Simbahan ay nasa nagbibigay-kakayahan na kapangyarihan na nagmumula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam natin na Siya ay hinirang ng ating Ama sa Langit para ihatid ang ebanghelyo sa daigdig, upang iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo, at upang isakatuparan ang walang-hanggang pagbabayad-sala at maluwalhating pagkabuhay na muli. Dahil sa buhay at ministeryo ng ating Tagapagligtas ang lahat ng ating ginagawa ay makabuluhan.

Sa maliliit na bata ay sinabi ni Jesus na “lumapit sa akin, sapagkat sa mga tulad nila nauukol ang kaharian ng langit.”2 Magiliw Niyang inanyayahan ang mga taong lubhang nabibigatan sa mga pasanin at alalahanin ng buhay na nagsasabing “lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan”3; at sa lahat ng nauuhaw sa tubig na buhay, ibig sabihin ang ebanghelyo ni Jesucristo, sinabi Niyang “lumapit sa akin at uminom.”4

Sa pag-anyaya ng Tagapagligtas, inaanyayahan natin ngayon ang lahat ng miyembro ng simbahan na lalo pang magpokus nang lubusan, mas masigasig, sa kung paano tayo makakalapit kay Cristo sa pamamagitan ng mga ordenansa at mga tipan na ginagawa sa templo. Sa mga ordenansa at mga tipan ay mas inilalapit tayo ng Diwa ng Espiritu Santo kay Cristo. Tayo ay dinadalisay, at binibigyang kapangyarihan na maglingkod sa kapwa tulad ng ginawang paglilingkod sa atin ng ating Tagapagligtas.

Ang vision o pananaw na ipinakikilala namin ngayon ay ang makita ang ating sarili na lumalapit kay Cristo at pinalalalim ang ating personal na ugnayan sa Kanya, at sa pamamagitan Niya, sa ating Ama sa Langit. Sa paglapit natin sa ating Tagapagligtas, ang Kanyang buhay, ministeryo, nagbabayad-salang sakripisyo ay nagiging puwersa na humihikayat sa atin sa lahat ng ating ginagawa.

Ang ating panawagan ay “Hahayo Ako, Maglilingkod Ako.” Itinatakda namin ngayon ang paanyaya na may kaakibat na pangako. Ngayon ay ipinapahayag namin, “Lumapit kay Cristo: “Hahayo Ako, Maglilingkod Ako.” Sa saglit na pagtigil sa pagitan ng “Lumapit kay Cristo” at “Hahayo Ako,” ang ating kaisipan ay dapat mapuno ng hangarin at pangakong mas lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga ordenansa ng templo. Sa mga ordenansa ay natatanggap natin ang patotoo ng Espiritu Santo tungkol sa mga katangian ng Tagapagligtas. Ang Kanyang pag-uugali, pagmamahal at habag ay mas lubusang inihahayag sa ating mga puso, isipan, at espiritu. Ang paghahayag na iyon, sa gitna ng mga ordenansang iyon, ang nagtutulak sa atin na sumulong nang may hangaring maglingkod sa kapwa.

Sa Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2022, pinayuhan tayong lahat ni Pangulong Nelson na MAGPOKUS SA TEMPLO. Sabi niya: “Ito ay Kanyang bahay. Ito ay puno ng Kanyang kapangyarihan. Huwag natin kailanman kalimutan ang ginagawa ng Panginoon para sa atin ngayon. Ginagawa Niyang mas madaling ma-access ang Kanyang mga templo. Pinabibilis Niya ang hakbang ng pagtatayo natin ng mga templo. Dinaragdagan Niya ang kakayahan nating tumulong sa pagtitipon ng Israel. Ginagawa rin Niyang mas madali para sa atin na madalisay sa espiritu. Ipinapangako ko na ang karagdagang oras sa loob ng templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi magagawa sa ibang paraan.”5

Sa bagong logo natin, nakikita natin ang “Lumapit kay Cristo: “Hahayo Ako, Maglilingkod Ako.” Nakikita rin natin ang mga miyembro ng Simbahan na nakapokus sa pagbuo ng mas malapit na kaugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagpasok sa templo at pakikibahagi sa sagradong mga ordenansa at tipan. At sila ay lumalabas ng templo na may panibago, pinataas, mas maliwanag na pangakong maglingkod. Ang logo na ito ay nagawan ng kopya bilang isang pin para sa kalalakihan, at isang magandang pendant o palawit sa kuwintas para sa kababaihan. Ipamamahagi ito bilang sagisag ng hangarin nating maranasan ang katunayan ng vision o pananaw na ito sa ating buhay.

Hindi na natin basta sasabihin lamang na “Hahayo Ako, Maglilingkod Ako” at isipin lamang ang tungkol sa serbisyo ng mga missionary. Sa pinataas na vision o pananaw na ito at sa mas malalim nating pang-unawa, ipinapahayag natin ngayon na “Lumapit kay Cristo, Hahayo Ako” sa mga ordenansa ng templo at sa nagbibigay-kakayahan na kapangyarihan ng mga ordenansa at tipan na iyon “Maglilingkod Ako” sa Diyos nang buong puso ko. Ang pinataas na vision o pananaw na ito ay tunay na magbibigay ng kapangyarihan sa dakilang bansang ito na madagdagan ang bilang ng ating mga full-time missionary, at bibigyan din tayo nito ng kapangyarihan na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga pamilya ay magiging mas matatapat habang nagkakaisa sila sa pakikibahagi sa mga ordenansa ng templo na may iisang layunin na makamit ang sukdulang mga ordenansa ng templo, maging ang pagbubuklod ng mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ito ang magtutulak para magkaroon tayo ng tungkulin at mas gawin ang ipinangako at hangaring maglingkod sa kapwa habang ginagampanan natin ang ating mga tungkulin.

Ang mga T-shirt na nagsasaad ng bagong logo ay ipamamahagi sa lahat ng aktibong mga kabataan at mga young single adult sa Pilipinas na nasa edad 12-30. Ang kulay ng mga t-shirt ay katulad ng mga kulay ng FSY na pinili ng Simbahan para sa 2023.

Kasama ng mga T-shirt, ang mga pin at pendant na nagtataglay ng logo ng pinataas na vision o pananaw na ito ay ipamamahagi sa lahat ng aktibong mga kabataan at adult sa buong Pilipinas. Ang mga token na ito ay mga sagisag ng ating hangarin na magkaisa at lumapit sa Tagapagligtas.

Ang mga Pilipinong Banal ay tumatanglaw sa buong mundo sa pagsagot sa panawagan na maglingkod sa full-time mission. Bagaman sumusulong na tayo gamit ang bagong logo at pinataas na vision, hindi natin iniiwan ang malaking himala ng pagtugon ng mga kabataang Pilipino sa tawag na maglingkod sa mga full-time mission. Sinabi ni Pangulong Nelson noong Abril ng 2022, “Ngayon ay muli kong pinagtitibay na hiniling ng Panginoon sa bawat karapat-dapat, may kakayahang binata na maghanda para sa at maglingkod sa misyon… Ang paglilingkod ng missionary ay isang responsibilidad ng priesthood para sa mga kabataang lalaking Banal sa mga Huling Araw… Para sa inyong mga bata pa at may kakayahang kababaihan, ang misyon ay isa ring makapangyarihan ngunit opsiyonal na pagkakataon… ang naiaambag ninyo sa gawaing ito ay kagila-gilalas! Magdasal para malaman kung nais ng Panginoon na ikaw ay magmisyon, at tutugon ang Espiritu Santo sa iyong puso at isipan.”6

Sa darating na mga taon, habang umaayon tayo sa ating pahayag na “Lumapit kay Cristo: Hahayo Ako, Maglilingkod Ako” isang araw ay makikita natin ang sampu-sampung libong mga Pilipino na nagmimisyon at maaalala natin ang Himala ng 4600 Missionary at matutuwang ipahayag na … iyon ay magandang simula.

Sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang templo ang nasa sentro ng pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Lahat ng itinuturo sa templo, sa mga tagubilin at sa pamamagitan ng Espiritu, ay nagdaragdag sa ating pang-unawa kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng sagradong mga tipan ng priesthood. At, sa pagtupad natin sa ating mga tipan, ipinagkakaloob Niya sa atin ang Kanyang kapangyarihan na nagpapagaling, nagpapalakas.”7

Ang paglapit kay Cristo at pagpunta sa templo ay hindi mapaghihiwalay, at ito ang nais nating itanim sa isipan ng mga kabataan habang naghahanda silang humayo at maglingkod.

Notes

  1. Mateo 25:21

  2. Mateo 19:14

  3. Mateo 11:28

  4. Juan 7:37

  5. Russell M. Nelson, “Magpokus sa Templo,” Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2022.

  6. Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2022.

  7. Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Iyong Espirituwal na Pundasyon,” Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2021.