2023
Pagtanglaw sa Sanlibutan sa Pamamagitan ng Musika
Pebrero 2023


Pagtanglaw sa Sanlibutan sa Pamamagitan ng Musika

Isang konsiyerto sa Pasko ang huling itinampok ng pagdiriwang ng Light the World initiative sa taong 2022, na nagtanghal ng pagmamahal ng Pilipino sa musika at sa lahat ng bagay na ukol sa Pasko. Ipinaliwanag ng Philippines Area President na si Elder Steven R. Bangerter kung paanong ang Pasko ay tungkol sa mga regalo, mula sa mga artist na nagbahagi sa atin ng kanilang mga talento hanggang sa ating Ama sa Langit na nagkaloob sa sangkatauhan ng pinakadakila sa lahat ng mga regalo, ang pagsilang ng Kanyang Bugtong na Anak.

Ang MTC Activity Center ay naging tunay na bulwagan ng musika nang itampok ang tatlong pagtatanghal na world-class ang kalidad at nagbigay ng inspirasyon. Ang concert pianist na si Dr. Sunbeam Choi ang nagpasimula ng serye noong Disyembre 17 habang nasisiyahan ang mga manonood sa mga awiting Pamasko at klasikong mga piyesa. Ang Philippine Madrigal Singers, ang napakahusay na koro ng bansa, ay nagtanghal noong Disyembre 20 at namangha ang madla sa kanilang rendisyon ng mga klasikong awiting Pamasko na tulad ng “O Holy Night” at “Have Yourself a Merry Christmas,” at ng medley ng klasikong awiting Pilipino na gaya ng “Pasko Na Naman,” “ Noche Buena,” at “Pasko ng Madla.”

Ang huling pagtatanghal ay ang gabing kasama ang “Asia’s Nightingale” na si Lani Misalucha at mga kaibigan noong Disyembre 21. Nakasama ni Lani ang mga kapwa Latter-day Saint artist, ang Tawag ng Tanghalan season 2 finalist na si Anton Antenorcruz, ang cast ng “Hear Him through Music” na pinangunahan ni Daday Ducena-Baluyot, at ang Southern Luzon Regional Choir. Magiliw na ginunita ni Lani na dati siyang kasama sa pagtatanghal ng koro sa mga Christmas Lighting Program sa bakuran ng Manila Temple mahigit dalawang dekada na ang nakalipas. “Nagpapasalamat ako na nagbalik ako sa pagtatanghal para sa Simbahan,” sabi niya.

Taos-pusong nagpasalamat si Yandell Villacorte, isang pastor mula sa Gates of Praise Taytay, na nakadalo siya sa konsiyerto. “Dahil mahilig ako sa musika, at kapwa Kristiyano, nasiyahan talaga ako sa konsiyerto, lalo na nang kinanta nina Lani at Anton ang ‘The Prayer,’” sabi niya. “Talagang nadama ko ang espiritu ng Panginoon.”

Nagkataon rin na namayani ang awiting Pilipino sa Pasko sa buong Simbahan nang itampok ang Broadway star at Disney royalty na si Lea Salonga sa 2022 Christmas concerts ng The Tabernacle Choir at ng Orchestra at Temple Square mula Disyembre 15-17. Bago iyon, ang pagdiriwang ng Pasko sa Temple Square na “The Promise of Christmas” na nagsimula noong Nobyembre 26 ay itinampok ang “Liwanag Niya,” ang opisyal na Philippine Light the World theme song na isinulat ng mag-asawang sina Justin at Daday Baluyot.

“Ang pag-shoot ng music video ay kakaibang karanasan, pero ang pagtatanghal nang live kasama ang Southern Luzon Regional Choir at ang makasama sa stage ang idol kong si Lani Misalucha ay talagang katuparan ng isang pangarap,” masayang pahayag ni Daday.

Sa kanyang huling mensahe, si Elder Yoon Hwan Choi, Unang Tagapayo sa Philippines Area Presidency, ay namangha sa propesyonal na antas ng mga talentong nasaksihan niya. Pinuri din niya ang mapagbigay na kaugalian ng mga Pilipino, mula sa mga performer na nagbigay ng kanilang panahon at mga talento sa 7,420 mga sundalo na nagsilbi sa Korean war. Binanggit niya ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na, “Siya na nagbibigay ng pera ay nagbibigay nang marami; ngunit siya na nagbibigay ng kanyang sarili ay nagbibigay ng lahat” at nagtapos siya sa pagsasabi sa lahat na maging Ilaw ng Sanlibutan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang sarili.