2023
Hahayo Ako, Maglilingkod Ako: Kuwento ng Pag-ibig sa Likod ng Theme Song
Pebrero 2023


Area Plan Insights

Hahayo Ako, Maglilingkod Ako: Kuwento ng Pag-ibig sa Likod ng Theme Song

Maraming buhay ang pinagpala ng tagumpay ng inisyatibo ng Philippines Area na “Hahayo Ako, Maglilingkod Ako: 4600.” Bukod sa inspiradong pananaw ng Area Presidency, ang suporta ng mga local priesthood leader at mga pagsisikap ng mga lider ng kabataan, ang mahimalang tagumpay ng kampanya ay pinalakas pa ng nakakatuwang theme song na inawit ni Loredel “Daday” Ducena-Baluyot.

Ang pagsulat ng popular na awitin kasama ang kanyang asawang si Justin ay gawa ng pagmamahal. Matapos pasimulan ang unang Area Presidency fireside sa Facebook noong Mayo 16, 2021, nadama na nina Daday at Justin ang diwa at nahikayat na isulat ang awitin. Makalipas ang ilang linggo, kinanta niya ang awitin sa area production team ng Simbahan at inialok na gamitin ito para tumulong sa kampanya. Ang awitin ay nirepaso at naaprubahan, at pagsapit ng Hulyo ay inirerekord na ito sa tulong ni Brio Divinagracia sa areglo at background vocals. Inilunsad ang awitin sa follow-up Area Presidency fireside noong Nobyembre 21, 2021.

Bukod sa 2021 youth theme song na “A Great Work,” ang kay Daday na “I Will Go, I Will Serve,” ay naging popular matapos itong maging bahagi ng mga youth, YSA, at FSY conference sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ito ay pinakinggan rin at kinantang kasama ng 2022 youth theme song na “Trust in the Lord.” Kamakailan, muling isinaayos ng mag-asawa ang awitin bilang bahagi ng Area Presidency fireside noong Nobyembre 20, 2022 na naglunsad ng pinataas at mas komprehensibong inisyatibo na “Lumapit kay Cristo: “Hahayo Ako, Maglilingkod Ako.”

“Malaking karangalan sa amin nang hilingin ng Area Presidency na muli naming isaayos ang awitin para maging bahagi pa rin ito ng kampanya sa muling paglulunsad,” pagbabahagi ng self-taught musician na si Justin. “Kaagad siyang lumiban sa trabaho at buong linggo kaming nag-isip at magkatuwang sa paggawa ng awitin,” pagtatapat ni Daday.

Bilang magka-batchmate sa MTC noong Abril 2020, ang mag-asawa ay humugot sa kanilang mga karanasan sa misyon noong una nilang isinulat ang awitin. Si Justin ay naglingkod sa Philippines Bacolod Mission samantalang si Daday ay naglingkod sa Philippines Urdaneta Mission. Nang magbalik mula sa kanyang misyon, kinausap si Daday para katawanin ang bansa sa 2021 Youth Music Festival at kalaunan ay naging host ng buwanang online program na “Hear Him through Music.” Nagkakilala sila nang makauwi si Justin mula sa kanyang misyon, at ang pag-iibigan nila ay nauwi sa kasalan sa Manila Temple noong Pebrero 3, 2022.

Sa muling pagsasaayos ng awitin, nagpasalamat sila sa pagbibigay-diin sa templo dahil ito ang kanilang paboritong lugar. “Bilang bata pang mag-asawa na nahaharap sa maraming hamon sa buhay, ang templo ang aming ligtas na kanlungan kung saan kami nakakatanggap ng lakas at patnubay,” sabi ni Justin. “Totoo iyan,” dagdag pa ni Daday. “Malayo ang tirahan namin sa templo, pero lagi kaming sabik na magpunta doon at madama ang Espiritu ng Panginoon.”

Taglay ang pag-ibig nila sa isa’t isa na pinalakas ng kanilang pagmamahal sa musika, gawaing misyonero, templo, at sa Panginoon, itinuturing nila Daday at Justin na napakapalad nila na nagkatagpo sila sa paglalakbay nila sa landas ng tipan.