Pumili ng mga role at isadula ang sumusunod.
JOSEPH (ANG BOSS): Gloria, na-late ka ng tatlong oras.
GLORIA: Pasensya na, Joseph. Kulang kasi ako sa tulog. Nagkasakit kagabi ang anak ko kaya hating-gabi na ako nakatulog.
JOSEPH: Hindi ko na problema iyan.
GLORIA: Hindi pa tumunog iyong alarm clock ko kaninang umaga.
JOSEPH: Hindi ko na problema iyan.
GLORIA: Kaya noong handa na akong umalis, nakalagpas na iyong unang bus.
JOSEPH: Hindi ko pa rin problema iyan.
GLORIA: Noong nasa bus stop na ako, hindi ko pala nadala iyong pamasahe ko sa bus.
JOSEPH: Hindi ko na problema iyan.
GLORIA: Kaya hindi na naman ako nakasakay sa pangalawang bus dahil kailangan kong umuwi para kumuha ng pera.
ANTHONY: Ah, pasensya na kung maabala ko kayo, pero sira iyong makina at nagtatagas ng fluid kung saan-saan.
JOSEPH: Anong makina?
ANTHONY: Hindi ko alam kung ano iyon. Pero, ito iyong nasa likuran ng mga istante. Wala si Thomas ngayon, siya iyong madalas magpaandar ng makina.
JOSEPH: Hindi ko na problema iyan.
ANTHONY: Kaya sinimulan ko nang paandarin iyong makina pero nagbara.
JOSEPH: Naku. Hindi ko na problema iyan.
ANTHONY: Siguro naman may manwal para dito, pero hindi ko alam kung nasaan na iyon.
JOSEPH: Okey, okey. Tumigil na kayong dalawa! Anthony, Gloria, kayo ang lumutas ng problema!
Bumalik sa pahina 98
Pumili ng mga role at isadula ang sumusunod.
JOSEPH: Anthony, tawagan mo nga si Thomas para malaman kung kailan siya babalik galing sa kliyente? Kailangan pa natin ng fluid para sa makinang iyan.
ANTHONY: Alam kong kailangan natin ng fluid. Bumili na ako at ako na ang nagsalin sa makina.
JOSEPH: Ano? Hindi mo na hinintay si Thomas? Ayokong sirain mo na naman ang makina.
ANTHONY: Alam ko nang gamitin ang makina. Nakita ko ang manual, iniuwi ko, pinag-aralan, at bumalik para ayusin ang makina. Ngayon kahit nasa kustomer si Thomas, kaya ko nang mag-asikaso rito.
JOSEPH: Ang galing naman.
ANTHONY: At hindi lang iyan. Gumawa ako ng maintenance schedule para dito para maiwasan ang anumang problema.
JOSEPH: Salamat, Anthony. Natutuwa talaga ako at inaasikaso mo ito.
ANTHONY: Dapat lang naman. Kasi problema ko iyan.
JOSEPH: [Sa sarili] Wow, nag-improve na talaga si Anthony. Sulit ang ipinasuweldo sa kanya ngayon.
JOSEPH: O, Gloria. Paano ka nakarating dito? Tumawag si Angela at sabi niya hindi siya makakapasok ngayon sa trabaho kasi nag-strike ang mga tsuper ng bus. Akala ko hindi rin kayo makakapasok ni Benjamin.
GLORIA: Alam ko nang magkakaroon ng strike ang mga tsuper ng bus, kaya kinausap ko na si Benjamin na isabay ako sa sasakyan niya kapag natuloy iyong strike.
JOSEPH: Mabuti naman at naisip mo kaagad iyan.
GLORIA: Naisip ko rin na baka mahaba ang pila sa mga gasolinahan, kaya binigyan ko na ng pera si Benjamin at itinanong kung okey lang ba sa kanya na magpagasolina na bago matuloy ang strike.
JOSEPH: May pera ka para diyan?
GLORIA: Oo, nagtatabi ako ng pera para sa pamasahe, kaya ginamit ko iyan na pang-gasolina. Sinundo namin ni Benjamin si Angela kaya narito kaming lahat.
JOSEPH: Gloria, salamat at naisip mo na kaagad na mangyayari ito. Kailangan talaga ng mga kustomer natin na narito kayong tatlo ngayon.
GLORIA: Siyempre naman, Joseph, problema ko iyan.
JOSEPH: [Sa sarili] Muntik ko pa siyang tanggalin sa trabaho. Samantalang tatlong empleyado ang katumbas niya ngayon.
Bumalik sa pahina 98
Pumili ng isang magbabasa ng sumusunod.
“Isipin mo kunwari na isa kang bahay na buhay. Dumating ang Diyos para itayong muli ang bahay na iyan. Noong una, siguro, naiintindihan mo ang ginagawa Niya. Inaayos niya ang mga alulod at nagtatapal ng mga butas sa bubong at kung anu-ano pa; alam mong kailangan talagang ayusin na ang mga iyon kaya hindi ka na nagulat. Pero ngayon pinupukpok na Niya ang bahay kaya talagang masakit na at parang hindi naman kailangang gawin iyon. Ano bang balak Niya? Kaya pala ganoon ay dahil nagtatayo Siya ng bahay na ibang-iba sa naisip mo—nagdudugtong ng bagong silid dito, nagdadagdag ng palapag diyan, nagtatayo ng tore, gumagawa ng courtyard. Akala mo gagawin ka Niyang isang maliit na kubo: pero ang itinatayo pala Niya ay palasyo” (C. S. Lewis, Mere Christianity [1960], 160).
Bumalik sa pahina 103
Paano Ako Makakahanap ng Mentor na Tutulong sa Aking Magtagumpay? (Opsyonal na Aktibidad)
Basahin: Alam ng isang kapaki-pakinabang na empleyado ang mga patakaran at inaasahan ng employer. Pero hindi palaging mayroong “company manual” na magsasaad ng mga inaasahang iyon. At magkakaiba ang pinagtatrabahuhan.
Praktisin: Pag-isipan kung paano mo malalaman ang mga patakaran at inaasahan sa iyong pinagtatrabahuhan. Maaari mong hingan ng ideya ang iyong mga kapamilya, kaibigan, o kagrupo.
Basahin: Ang ilan sa mga inaasahan ay dapat alam na at hindi na kailangang sabihin pa. Ang iba ay inoobserbahan. Pero para sa ilang inaasahan, kakailanganin mo ng mentor. Ang mentor ay isang taong may alam sa mga inaasahan at patakaran ng kumpanya at handang tulungan kang matuto.
Praktisin: Bago dumating ang susunod na miting natin, pumili ng mentor sa pinagtatrabahuhan mo at magpatulong sa kanya tungkol sa mga patakaran at inaasahan ng kumpanya.
O ilarawan ang tipo ng taong gusto mong maging mentor sa pagtatrabahuhan mo balang araw.