Kabanata 24
“Lumiwanag na Gayon ang Inyong Ilaw”
Nawa’y sumapuso ninyo, at sumainyong mga tahanan, ang Espiritu ng Panginoon, upang ang mga taong nakikibahagi sa banaag ng inyong katapatan, integridad, pagkamakatwiran, at pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo ay maakay na luwalhatiin ang ating Ama sa Langit.1
Panimula
Natanggap ni Pangulong David O. McKay ang sumusunod na liham mula kay Harold L. Gregory, na nagsilbi bilang pangulo ng East German Mission noong mga unang taon ng dekada 50:
“Mahal naming Pangulong McKay:
“Magiging interesado kayong marinig ang isang karanasan ko ngayong linggo. Dalawang lalaking mga apatnapung taong gulang, na dukha ang pananamit, ang lumapit sa akin nitong linggo. Sinabi nila sa akin na nawalan na sila ng pananampalataya, subalit hindi sila makabaling sa iba pang sekta o relihiyong alam nila. Nakumbinsi ni Mr. Braun (ang tawag sa isa) ang kanyang kaibigang si Mr. Fascher na lapitan ako. Sinabi ni Mr. Fascher na alam niya ang ating simbahan at tutulungan natin sila. Mahigpit na tumutol si Fascher nang dalawang araw, ngunit sa wakas ay sumama din.
“Nagsimula si Mr. Braun sa pagsasabing nakatayo siya sa sulok ng isang kalye nang mapuna niya ang daan-daang taong dumaraan. Tinanong niya ang isa kung saan ito papunta, at sabi nito, ‘Para makita ang Propeta.’ Nakisabay si Mr. Braun. Dedikasyon iyon ng meetinghouse sa Berlin-Charlottenburg, at ang Propeta ay si Brother McKay.
“Ang sabi niya (at bahagya kong uulitin ang sabi niya): ‘Hinding-hindi ko pa nadama ang gayong espiritu ng pagmamahal at malasakit na nadama ko sa piling ng mga taong iyon noong araw na iyon. Pagkatapos ang Propeta, isang matangkad na lalaking mga walumpung taong gulang, na makapal pa ang buhok— na lahat ay puti—ay tumayo at nagsalita sa madla. Hindi pa ako nakakita ng gayon kabatang mukha sa isang lalaking gayon katanda. Nang magsalita siya, may naramdaman ako. Pagkaraan habang papasakay siya sa kanyang kotse, napuna kong nakikipagkamay siya sa mga miyembro, at kahit hindi nila ako kasapi nakipagsiksikan din ako at nakipagkamay. Uminit at gumanda ang pakiramdam ko, at muli akong namangha sa kabataan ng maliwanag niyang mukha. Sa kabila ng mga problema sa mundo at sobrang hirap ng ekonomiya medyo naglaho ang alaala, ngunit alam kong dapat akong bumalik para may malaman pa.’
“Sinabi ni Mr. Fascher na walang masabi si Braun kundi mga kataga ng pagtataka at pagkamangha sa taong nakita niya. Naupo ang dalawa sa aking opisina at nakinig na mabuti sa mensahe ng pagpapanumbalik na ibinigay ko sa kanila, na para bang mahalaga ang bawat kataga. Wala silang pera at miserable, ngunit mapagpakumbaba sila at hindi masiyahan sa mga simbahan ng tao. Pinahiram ko sila ng Aklat ni Mormon, at nangako silang magsisimba sa Linggo. Naniniwala ako na handang makinig ang dalawang lalaking ito (na kapwa bilanggo ng digmaan sa Russia) sa ebanghelyo.
“Pagpalain ka nawa ng Panginoon, Brother McKay. Ikaw at lahat ng ating mga kapatid sa puno ng ating simbahan ay magagandang halimbawa ng lahat ng makatwiran at mabuti”2.
Nakita ng maraming tao kay David O. McKay ang nakita ng dalawang lalaking ito—isang halimbawa ng tunay na disipulo ni Cristo. May kuwento tungkol sa isang photographer ng pahayagan na nakakita kay Pangulong McKay sa unang pagkakataon:
“Naisaayos na ang pagkuha ng mga larawan, pero hindi nakarating ang dating photographer, kaya sa kawalang-pag-asa ay kinuha ng United Press ang crime photographer nila—isang lalaking sanay sa pinakamahirap na trabaho sa New York. Nagpunta siya sa paliparan, nanatili roon nang dalawang oras, at pagkatapos ay bumalik mula [sa] dark room na may dalang ubod nang daming mga larawan. Dalawa lang dapat ang kukunan niya. Kinagalitan siya ng boss niya, ‘Bakit mo pinag-aksayahan ng oras at ng lahat ng gamit mo ang mga larawang iyan?’
“Pabiglang sumagot ang photographer na masaya niyang babayaran ang ekstrang gamit, at puwede pa nilang ibawas ang ekstrang oras sa suweldo niya. … Makaraan ang ilang oras ay ipinatawag siya ng vice-president sa opisina nito, para malaman ang nangyari. Sinabi ng crime photographer, ‘Noong bata pa ako, binabasahan ako ng nanay ko sa Lumang Tipan, at sa buong buhay ko iniisip ko kung ano ang talagang itsura ng propeta ng Diyos. At ngayo’y nakakita ako ng isa.’ ”3
Mga Turo ni David O. McKay
Iniimpluwensiyahan natin ang iba sa ating mga sinasabi, ginagawa, at kung sino tayo.
Bawat taong nabubuhay sa mundong ito ay nag-iimpluwensiya, sa mabuti man o sa masama. Hindi lang sa sinasabi niya, ni sa ginagawa. Ito’y sa kung ano siya. Mababanaag sa bawat tao kung ano siya. Makikita iyon ng tao. Alam iyan ng Tagapagligtas. Tuwing nasa presensya siya ng isang tao, nararamdaman niya iyon—kung siya man ang Samaritana sa kanyang nakaraan; kung siya man ang babaeng babatuhin o ang mga lalaking babato sa kanya; kung siya man ang pulitikong si Nicodemo, o isa sa mga ketongin. Alam niya ang dating ng tao. At sa isang banda’y gayon din kayo, at kahit ako. Kung ano tayo at kung ano ang dating natin ang siyang umaapekto sa mga tao sa ating paligid.
… Bilang mga indibiduwal, dapat tayong mag-isip ng mas mararangal na bagay. Hindi natin dapat hikayatin ang masasamang isipan o mabababang isipin. Mababanaag iyon sa atin kung magkagayon. Kung iisip tayo ng mararangal na bagay, kung hihikayatin at mamahalin natin ang mararangal na pangarap, mababanaag iyon kapag may kausap tayo, lalo na kapag nakikihalubilo tayo sa kanila.4
Malaki ang epekto ng ating mga salita at gawa sa mundo. Sa bawat sandali ng buhay ay bahagya ninyong binabago ang buhay ng buong mundo. … Kaya, hindi sa kapaligiran, hindi sa posisyon; ang iimpluwensiya [sa iba] sa mundong ito ay mga tao. Anuman kayo madarama at malalaman ito ng mga tao. Mababanaag ito sa inyo, hindi ninyo ito maitatago. Maaari kayong magbalatkayo, pero hindi ito makaaapekto sa mga tao.5
Mahalagang … hangarin natin, kapwa sa buhay at sa mga aklat, na makapiling ang pinakamagagaling at pinakamararangal na lalaki at babae. Sinabi ni [Thomas] Carlyle, isang dakilang manunulat na Ingles, na “Ang mga dakilang taong mahusay makisama sa anumang paraan ay kapaki-pakinabang na makasama. Hindi natin matitingala ang isang dakilang tao, kahit di siya perpekto, nang walang natututuhang anuman mula sa kanya. Siya ang buhay na ‘bukal ng liwanag, ’ na mabuti at masarap makasama.”
Kung pag-aaralan ninyo ang buhay ng mga dakilang “bukal ng liwanag” ng mundo, may malalaman kayong kahit iisang bagay lang na nagpatanyag sa pangalan nila. Ito iyon: Bawat isa ay may naibigay sa kanyang buhay para mapaganda ang mundo. Hindi nila inaksaya ang buong panahon nila sa paghahangad ng aliw at ginhawa, at “sarap ng buhay” para lang sa sarili, kundi natagpuan nila ang pinakamalaking galak sa pagbibigay ng ligaya at higit na ginhawa sa iba. Lahat ng gayong mabubuting gawa ay panghabampanahon, kahit na hindi sila makilala ng mundo.6
Walang mabuting gawa, walang mabuting katagang masasabi na walang kabutihang nadarama para sa lahat. Kung minsa’y napakaliit ng kabutihang ito, ngunit tulad ng alun-alon mula sa gitna ng lawa na likha ng batong ipinukol dito, na papalaki nang papalaki hanggang sa makarating sa bawat bahagi ng pampang, gayundin ang inyong mga tahimik na gawa. Marami sa mga ito ang hindi alam ng iba, di bantog, di pinupuri, at patuloy na mababanaag at aantig sa maraming puso.7
Basbasan kayo ng Diyos, mahal kong mga kapwa manggagawa, kayong mga General Authority, stake presidency, bishopric, bawat opisyal at guro sa buong lupain, bawat miyembro. Nawa’y sumapuso ninyo, at sumainyong mga tahanan, ang Espiritu ng Panginoon, upang ang mga taong nakikibahagi sa banaag ng inyong katapatan, integridad, pagkamakatwiran, at pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo ay maakay na luwalhatiin ang ating Ama sa Langit.8
Ang mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring maging mga halimbawa ng pagkakaisa at pagmamahalan.
Mababanaag sa ating mga tahanan kung ano tayo, at iyon ay nagmumula sa ating sinasabi at ginagawa sa tahanan. … Dapat kayong tumulong sa isang ulirang tahanan sa pamamagitan ng inyong pagkatao, pagpipigil sa inyong pagnanasa, galit, pananalita, dahil ang mga bagay na iyon ang bubuo sa inyong tahanan at mababanaag ng inyong mga kapitbahay. …
Bumisita ang isang ama sa bagong bahay ng kanyang anak na lalaki. Ipinagmalaki sa kanya ng anak ang bagong silid-tulugan, ang mga bagong ikinabit sa kusina. Pagkatapos bumisita, sinabi ng ama, “Oo, maganda, ngunit wala akong makitang palatandaan ng Diyos sa bahay mo.” At sabi ng anak, “Bumalik ako, at pagtingin ko sa mga silid, napuna ko na wala akong anumang nagpapahiwatig ng presensya ng Manunubos o ng Tagapagligtas.”
Ang sinasabi ko ay, [may] mas malaking responsibilidad tayo kaysa rati, bilang mga kalalakihan ng priesthood, bilang mga kababaihan ng Simbahan, upang mabanaag ng ating mga kapitbahay ang pagkakaisa, pagmamahalan, mga tungkulin sa komunidad, katapatan sa ating mga tahanan. Hayaan itong makita at marinig ng mga kapitbahay. Hindi dapat marinig kailanman sa isang tahanan ng Banal sa mga Huling Araw ang isang sumpa, panlalait, galit o selos o pagkamuhi. Pigilin ito! Huwag itong ipahayag! …
Ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang halimbawa, laging mahinahon, laging may pagtitimpi, na madarama ng mga tao sa kanilang pagdaan. … Tulungan nawa tayo ng Diyos na ipadama ang lakas, pagpipigil, pagmamahal, pagkakawanggawa, konsiderasyon, pinakamabubuting hangarin para sa lahat ng tao.9
Basbasan kayo ng Diyos, mahal kong mga kapwa manggagawa. Pagpalain ang inyong mga tahanan. Ipakita ang inyong pananampalataya sa mga ginagawa ninyo sa inyong tahanan. Mga lalaki, maging tapat sa inyong mga kabiyak, hindi lamang sa pagkilos, kundi sa pag-iisip; mga babae, maging tapat sa inyong mga asawa. Mga bata, maging tapat sa inyong mga magulang; huwag [isipin] na makaluma ang mga paniniwala nila at mas marami kayong alam kaysa kanila. Mga batang babae, sundin ang magiliw ninyong ina at ang mga turo niya. Mga batang lalaki, maging tapat sa inyong mga ama, na nais kayong lumigaya at magtagumpay, na darating lamang sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga estranghero, na makakakita sa gayong mga tahanan, ay sasabihing, “Kung iyan ang resulta ng Mormonismo, palagay ko’y mabuti ito.” Maipakikita ninyo sa inyong pananampalataya at kilos sa araw-araw kung ano kayo talaga.10
Hayaang makita sa pagsisiyasat ng mga tapat na investigator, na mas naniniwala sa kanilang nakikita kaysa naririnig, na napapatunayan ng “mga Mormon” sa kanilang halimbawa sa tahanan, sa katapatan, at sa paglilingkod nila sa Diyos, na naniniwala sila at nalalaman na ang Diyos ang kanilang Ama.11
Kung mamumuhay tayo ayon sa ating mga paniniwala, ang ating mabuting halimbawa ay magpapatatag sa Simbahan at magiging tanglaw sa mundo.
Tulungan nawa tayo ng Diyos na magpatuloy … taglay ang Espiritu ng Panginoon, na bawat lalaki at babaeng may pagkakataong magtrabaho sa Simbahan—at iya’y patungkol sa lahat—ay magpasiyang mamuhay sa kabutihan at kadalisayang iimpluwensya sa lakas ng mundo, at sa paghanga nito. Sa madaling salita, ilaan natin ang mga bagay na tapat sa paningin ng lahat ng tao. Kung maaari, hangga’t kaya natin, mamuhay tayo nang mapayapa sa piling ng lahat ng tao—hindi sa paglaban ng kasamaan sa kasamaan, o sa pagpapadaig sa kasamaan, kundi sa pagdaig ng kabutihan sa kasamaan. Kung magkagayo’y magsisilbing tanglaw ang Simbahan sa mundo. Iyan ang tadhana ng Kanyang Simbahan.12
Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit [tingnan sa Mateo 5:16; 3 Nephi 12:16]. Marahil ay wala nang mas epektibong paraan para masaksihan ng mga tao ang katotohanan kundi panatilihin at itaguyod ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang tiwala ng ating mga kaibigan na di-miyembro sa ating pagiging tapat na miyembro ng Simbahan ni Cristo.
Ngayon, para magawa iyon dapat tayong maging tapat sa lahat ng bagay. Kung tayo’y mga kontratista, at pumapayag na gamitin ang ganito at gayong materyal sa isang gusali, gawin natin iyon. Kung pumapayag tayo sa mga nakasaad sa kontrata, na maglagay ng isang daan at limampung piye ng [mga gamit na pampainit] sa gusali, isang daan at limampung piye ang ilagay natin. Mga detalye iyon, hindi ba, pero sa mga detalyeng iyon hahatulan ng mga taong kausap ninyo ang inyong mga kilos. Kung nagdadala tayo ng isang uri ng patatas sa palengke, at niliwanag natin ang uri niyon, patunayan natin sa nagsisiyasat na totoo ang ating sinabi. Nalungkot ako nang marinig ko ang sinabi ng isang mamamakyaw nang buksan niya ang saku-sakong produkto, galing sa bukid, at iba ang kanyang nakita, tulad ng mga bato at dumi, na pampabigat ng timbang. Hindi ko tinanong kung ano ang relihiyon ng mga lalaking iyon; kahit mga pangalan; ngunit ang gayong gawain ay nakasisirang-puri, walang tunay na miyembro ng Simbahan ni Cristo na magpapakababa sa gayong pandaraya. Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao. Sa mundo ngayon ay kailangan ng sagisag, mga taong bukodtanging naninindigan bilang halimbawa sa mundo sa katapatan at tapat na pakikitungo.13
Kung mapananatili lang natin ang mga pamantayan ng ebanghelyo ni Jesucristo, masisiguro natin ang kinabukasan ng Simbahan. Tunay na makikita ng kalalakihan at kababaihan ang ilaw na hindi nakatago sa ilalim ng takalan, kundi nakatayo sa ibabaw ng burol, at maaakit sila rito, at maaakay na higit na hanapin ang katotohanan sa ating mga kilos at gawa at sa katangian at integridad na nababanaag sa atin, sa halip na sa sinasabi natin.14
Magpakita tayo ng halimbawa ng pagkakaisa at kapayapaan sa mundo. Patunayan natin na iisa tayo kay Cristo nasa Africa man tayo, South America, New Zealand, o Australia. Iisa lang ang ating nilalayon: ang ipahayag sa mundo na ipinanumbalik ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo, at na ito lang ang planong ibinigay sa tao na maghahatid ng kapayapaan sa mga bayan, ng kapayapaan sa mga bansa.15
Nawa’y sumapuso ng lahat, at sumaating mga tahanan, ang tunay na diwa ni Cristo, na ating Manunubos, na ang katotohanan at nagbibigay-inspirasyong patnubay ay alam kong totoo.
Ang ebanghelyo ang ating angkla. Alam natin ang kahulugan nito. Kung ipamumuhay natin ito, dadamhin ito, at patototohanan ito sa mundo sa ating pamumuhay, makatutulong tayo sa pag-unlad at pagtatatag nito. Magsalita nang maganda tungkol dito, tungkol sa priesthood, tungkol sa mga Awtoridad; ipakita ang mga pamantayan ng ebanghelyo sa ating buhay.16
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit mahalagang alalahanin na “malaki ang epekto ng ating mga salita at gawa sa mundo ng ito”? (Tingnan sa mga pahina 259–60.) Paano ninyo nakita na malaki ang impluwensiya ng mga mumunting kabutihan?
-
Paano iniimpluwensiyahan ng ating mga iniisip at ginagawa ang nakikita sa atin ng iba?
-
Ano ang magagawa natin sa mga pakikitungo natin sa ating asawa at pamilya para ipakita na tayo ay mga disipulo ni Cristo? (Tingnan sa mga pahina 261–62.)
-
Sinu-sino ang mga taong nakaimpluwensiya ang mga halimbawa sa inyo? Bakit malaki ang impluwensiya ng mga taong ito sa buhay ninyo?
-
Paano makagagawa ng kaibhan ang ating halimbawa sa ating mga tahanan, trabaho, at komunidad? (Tingnan sa mga pahina 262–64.) Ano ang magagawa ninyo ngayon para mabanaag ang liwanag ni Cristo sa inyong buhay?
-
Bakit mahalagang bahagi ng gawaing misyonero ang halimbawa? Ano ang mga karanasan ninyo na nagpapatunay na ang mabubuting halimbawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakapagbigay-inspirasyon sa iba para siyasatin ang Simbahan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 5:14–16; Alma 5:14; 17:11; 3 Nephi 12:14–16; 18:16, 24