Kabanata 6
Pagsang-ayon sa Lahat ng Sinasang-ayunan ng Panginoon
Ang ating mga pinuno ay pinili ng Panginoon, at inaasahan Niyang sasang-ayunan natin sila sa salita at sa gawa.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Si George Albert Smith ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1945. Sa pagtatapos ng kumperensya, nagpasalamat si Pangulong Smith sa pagsang-ayon ng mga Banal: “Salamat sa tiwalang ipinakita ninyo, mga kapatid, sa pag-asang magtatagumpay ako, at sa pangako ng ilan sa inyo, na tutulungan ninyo akong magtagumpay, sapagkat ako ay tao lamang, isa sa mga pinakahamak sa inyo, ngunit tinawag ako sa tungkuling ito—at wala ako rito kung hindi ko alam na ako ay tinawag—sa pamamagitan ng awtoridad ng ating Ama sa Langit.”
Pagkatapos ay idinagdag niya ang pakiusap na ito: “Kakailanganin ko ang tulong ng bawat lalaki at bawat babae at bawat bata, hindi para pagpalain ako, kundi para pagpalain kayo, at para pagpalain ang mga anak ng tao saanman sila naroon. Iyan ay hindi ko responsibilidad, iyan ay ating responsibilidad.”1
Tulad ng ipinamalas sa kabanatang ito, naunawaan ni George Albert Smith ang mabibigat na pasanin ng Unang Panguluhan, bago pa man siya naging Pangulo ng Simbahan. Itinuro niya sa mga Banal na ang kanilang katapatan ay makatutulong sa pagpapagaan ng mga pasaning iyon, at ipinakita niya ang halimbawa ng alituntuning ito sa kanyang paglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol.
Noong 1946, habang nangangasiwa sa isang sesyon sa pangkalahatang kumperensya, pinasimulan ni Pangulong Smith ang pagsang-ayon sa mga opisyal ng Simbahan sa pagpapaliwanag na higit pa ito sa pagsang-ayon lamang: “May ginagawa tayong kaugalian na sa mga Kumperensyang ito; iyan ay, ang ipakilala ang mga Awtoridad ng Simbahan para masang-ayunan ng mga miyembro. Sana’y matanto ninyo, lahat kayo, na ito ay isang sagradong pribilehiyo. … Hindi lamang ito isang simbolo kundi isang pahiwatig na, sa tulong ng Panginoon, gagampanan ninyo ang inyong bahagi sa gawain.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 72.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Ang mga namumuno sa Simbahan ay inihanda, pinili, at binigyang-inspirasyon ng Panginoon.
Ang dakilang Simbahang ito ay pinamumunuan na noon pa ng mga lalaking lubos na inihanda,tinuruan, at pinagkalooban para sa mataas na karangalan na naigawad sa bawat humalili sa tungkuling ito. Ang ating Ama sa Langit sa kanyang karunungan ay pinalibutan ang mga lider na ito ng Israel ng iba pa na may pananampalatayang tulad nila at hindi yumuyukod sa tao dahil sa kilala ito o dahil siya ang pangulo ng Simbahan, kundi kinikilala nila siya bilang tagapagsalita ng ating Ama sa Langit at sinasang-ayunan at sinusuportahan at ipinagdarasal siya, at minamahal siya, upang sila man ay makatanggap ng mga pagpapala ng ating Ama sa Langit.
Wala nang iba pang organisasyong tulad nito sa mundo. Wala nang iba pang mga tao [na] pinamumunuan sa paraang katulad ng pamumuno sa mga taong ito. Tunay ngang sinabi na ang mga namumuno ay mabubuting tao. Sa pamamagitan nila isinasagawa ng ating Ama sa Langit ang kanyang gawain. Sa pamamagitan nila kailangang maituro ang ebanghelyo. … Ang taong namumuno sa atin ngayon ay hindi lamang namumuno dahil sa kanyang sariling kakayahan. Hindi siya namumuno dahil anak siya ng isang dakilang pinuno kundi hawak niya ang posisyong iyan dahil alam ng ating Ama sa Langit na marangal ang kanyang kaluluwa. Batid ang determinasyon niyang ihatid ang mensaheng ito sa lahat ng bansa sa mundo, inihanda niya ang taong ito para sa mataas na tungkuling iginawad sa kanya. Siya ay namumuno bilang kinatawan ng ating Ama sa Langit.3
Iniisip ko ngayon ang mga hamak ngunit mabubuting taong namuno na sa Simbahang ito mula nang itatag ito. … Nakasama ko nang madalas ang [marami sa] mga Pangulo [ng Simbahan] at naniniwala ako na silang lahat ay alagad ng Diyos. Imposibleng pumili pa ang ating Ama sa Langit ng ibang tao upang mamuno sa kanyang Simbahan.4
Ano ang nangyari nang mamatay [si Joseph Smith]? … [Ang mga Banal] ay hindi nagdaos ng lihim na pagpupulong, nagtalaga ng chairman at pumili ng bagong pinuno. Ang pinuno ay napili na ng Panginoon. Siya ang pinakamatagal nang miyembro ng Korum ng Labindalawa, si Brigham Young. … Ang Simbahan sa kabuuan ay sinang-ayunan siya bilang Pangulo sa lahat ng sesyon nito. Nang siya ay pumanaw, hindi sinabi ng kanyang mga tagapayo na sila ang Pangulo, kundi ang Korum ng Labindalawa ang namuno sa matagal na panahon, at pagkatapos ay sinang-ayunan ang pinakamatagal nilang miyembro bilang Pangulo ng Simbahan. Nanaig ang ganap na kaayusan. …
Pinag-aralan kong muli ang ilan sa mga bagay na ito para hindi kami magkamali. Hindi pinili ni Joseph Smith ang kanyang sarili na maging Pangulo ng Simbahan. Ni ang sinumang sumunod sa kanya. … Ang paghirang ay nagmumula sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang inspirasyon, at tinatanggap ng mga tao ang lahat ng kapangyarihang kaakibat ng paghirang na iyon.5
Dapat nating pasalamatan nang lubos na alam natin na ang gawaing ito ay hindi gawain ng tao, kundi gawain ng Panginoon; na ang Simbahang ito, na nagtataglay ng pangalan ni Jesucristo, ay pinamumunuan niya, at hindi niya tutulutang wasakin ito ng sinumang tao o grupo. Hindi niya pahihintulutan ang mga taong namumuno sa kanyang Simbahan na akayin sa mali ang kanyang mga tao, kundi susuportahan niya sila ng kanyang pinakamakapangyarihang lakas. Dadakilain niya sila sa paningin ng mabubuti at dakilang kalalakihan at kababaihan. Pagpapalain niya ang kanilang ministeryo at mapupuno ito ng tagumpay. Ang mga kumakalaban at naghahanap ng mali ay hindi magagalak sa kanilang paglaban. Pagdurusahan ng mga namimintas at naghahangad na sirain ang impluwensya ng mga pinuno ng Simbahan ang bunga ng kanilang kamalian.6
Kailangan tayong magpasalamat sa ating puso na tayo ay pinamumunuan ng banal na kalalakihang binigyang-inspirasyon ng ating Ama sa langit na magturo sa atin sa araw-araw.7 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 72.]
Sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, itinuturo sa atin ng Panginoon ang landas tungo sa kaligayahan at kaligtasan.
Mula sa panahon ni Amang Adan hanggang ngayon pinapayuhan ng Panginoon ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod. Binibigyan niya sila ng inspirasyon sa mas mabuting pamumuhay kapag sila ay nakinig sa kanya, at sa bawat panahon, kung kailangan ng kanyang mga anak, nagsusugo siya ng banal na kalalakihan sa mundo, upang magbahagi ng tagubiling nagpapaligaya, binigyan niya sila ng inspirasyong ituro ang maluluwalhating katotohanang nagpapadakila at nagpapaunlad sa sangkatauhan.8
Wala akong alam na napakahalagang bagay na nangyari sa mundo na hindi ipinaalam ng Panginoon sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga propeta bago ito naganap, upang hindi sila datnang walang-muwang ng magaganap, kundi maiplano nila ang kanilang buhay, kung gusto nila, sa kanilang kapakinabangan. …
Isa na rito ang kaso ni Noe. Inutusan siya ng Panginoon na gumawa ng arka upang mailigtas ang mga matwid mula sa paparating na baha. Itinayo ni Noe ang arka at nangaral ng pagsisisi sa kanyang henerasyon sa loob ng isandaan at dalawampung taon, kaya’t lubusan silang nabalaan. Gayunman, napakasama ng mga tao kaya’t hindi nila pinakinggan ang babala. Dahil malaya silang pumili, pinili nila ang kasamaan sa halip na kabutihan. Bumuhos ang ulan, at bumaha, at tanging si Noe at ang kanyang pamilyang binubuo ng walong katao ang naligtas. Lahat ay nabalaang mabuti, ngunit dahil sa kanilang kusang pag-ayaw at pagtangging magsisi ay nangalunod sila. [Tingnan sa Moises 8:13–30.]9
Nais ng Panginoon na maging maligaya tayo. Kaya niya ibinigay sa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kaya niya iginawad sa atin ang priesthood. Nais niyang magalak tayo. Kaya niya itinatag ang simbahang ito at inilakip dito ang iba’t ibang katungkulan, at lahat ng ito ay nasa ayos. … Kung susundin ninyo ang pamumuno ng Panginoon, at ang mga sinasang-ayunan ng Panginoon, hindi kayo mapupunta sa kadiliman, mawawalan ng liwanag, lalabag sa mga batas ng Diyos, at mawawalan ng mga pribilehiyong gustung-gusto niyang matamasa nating lahat.10
Iisa lang ang ligtas na landas para sa akin sa panahong ito at iyon ay ang sundin ang mga hinirang ng Panginoon na mamuno. Maaaring may sarili akong mga ideya o opinyon, maaaring may sarili akong opinyon tungkol sa mga bagay-bagay, ngunit alam ko na kung salungat ang aking opinyon sa mga turo ng taong ibinigay sa atin ng Panginoon na magturo ng daan, dapat akong magbago ng landas. Kung hangad ko ay kaligtasan susundin ko ang mga pinunong ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit, basta’t sila ang kanyang sinasang-ayunan.11 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 72.]
Ang mga mapagpakumbaba at tapat ay sinasang-ayunan at ipinagtatanggol ang mga lingkod ng Panginoon.
Libu-libo na ang nakilala kong mga miyembro ng dakilang Simbahang ito, kalalakihan at kababaihan sa maraming bansa na sa pagpapakumbaba at katapatan ay tinanggap ang ebanghelyo upang mapabilang sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … [Kanilang] ipinagdasal at sinang-ayunan ang kanilang mga pinuno … , at sa karanasan ko sa Simbahan wala pa akong nakilalang tao na sumusunod sa mga utos ng Panginoon na nagsalita laban sa mga taong tinawag na mangulo sa Simbahang ito. Talagang kakaiba iyan. …
Para sa akin, isa sa pinakamalalakas na patotoo sa kabanalan ng gawaing ito ang napakaraming tao … na may pagkakataon sa Stake Conference… na ipahayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon sa mga namumuno sa kanila (bawat isa ay malayang pumili) na patuloy na suportahan ang kanilang mga pinuno. Tunay ngang ang Espiritu ng Panginoon ay humihikayat sa mga taong tapat at mapagpakumbaba na sang-ayunan ang pinili niyang mga lingkod.12
Nang pamunuan ni Moises ang Israel mula Egipto patawid ng ilang at papasok sa lupang pangako, nilusob ni Amalec ang Israel sa Rephidim. Inatasan ni Moises si Josue na pumili ng mga mandirigmang poprotekta sa Israel. Nagpunta sina Moises, Aaron, at Hur sa tuktok ng burol kung saan tanaw ang lugar ng labanan. Habang hawak ni Moises ang tungkod ng Diyos sa ibabaw ng kanyang ulunan, nanaig ang Israel, ngunit nang ibaba niya ang kanyang mga kamay dahil sa pangangalay, nanaig si Amalec. Naglaan ng batong mauupuan sina Aaron at Hur at itinaas nila ang kanyang mga kamay upang dumaloy ang mga pagpapala ng Diyos sa Israel at manaig ang kanilang mga mandirigma at nanalo sila sa labanan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay napasa kay Moises at nanatili sa kanya hanggang sa matapos niya ang kanyang gawain. [Tingnan sa Exodo 17:8–13.] Nang suportahan siya ng mga tao sila man ay pinagpala, at ganito rin ang nangyari sa bawat lingkod ng Panginoon na namuno sa Israel. …
… Hangga’t [ang Pangulo] ang namumuno sa Simbahang ito, hindi na mahalaga kung ilang taon man iyon, bibigyan siya ng ating Ama sa Langit ng lakas, kapangyarihan, karunungan, paghatol, at inspirasyon na mangusap sa Israel kung kailangan silang kausapin. Tayo, sa pagsunod sa kanyang pamumuno, ay dapat tumulad kina Aaron at Hur noong unang panahon; alalayan natin ang kanyang mga kamay, nang sa pamamagitan niya ay pababain ng Panginoon ang mga pagpapala ng langit sa atin at sa mga taong ito.13
Alam ko na ang kalalakihang ito [ang mga General Authority] ay mga lingkod ng Panginoon, at alam ko na hangad nilang pagpalain ang sangkatauhan. Sana’y walang isa man sa inyo … na hindi susuporta sa kanila, hindi lamang sa inyong pagsampalataya at mga panalangin kundi kung sila man ay paratangan at siraan, handa at sabik kayong ipagtanggol sila, kung kailangan, dahil darating ang panahon na kakailanganin nila ang inyong pagtatanggol. Hindi sila kinalilimutan ng Kaaway, at isa sa mga katibayan sa akin ng kabanalan ng mga katungkulan ng kalalakihang ito ay na masama ang sinasabi ng masasamang tao tungkol sa kanila, at mabuti ang sinasabi ng mabubuting tao tungkol sa kanila.14 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 73.]
Kapag pinipintasan natin ang ating mga pinuno o binabalewala ang kanilang payo, tinutulutan natin ang kaaway na iligaw tayo.
May mga kabilang sa atin .… na nabulag ng mga pilosopiya at kahangalan ng mga tao. May mga hindi sumusunod sa payo at pangaral ng taong itinalaga ng Diyos na mamuno sa Simbahang ito. …
Ang mga taong walang sapat na impormasyon ay bigla na lang nakakaisip ng magandang ideya, at iminumungkahi nila na “dito ang daan” o “diyan ang daan,” at bagaman salungat ito sa payo ng Panginoon may ilang nahihikayat na subukan ito. Ang Panginoon ay nagbigay ng ligtas na payo at hinirang ang Pangulo ng Simbahang ito para ipaliwanag ang payong ito. Kung babalewalain natin ang kanyang ipinapayo, bilang Pangulo ng Simbahan, maaari nating matuklasan na nakagawa tayo ng malaking pagkakamali.15
Ang Panguluhan ng Simbahan … ay mga kinatawan ng ating Ama sa Langit, hindi lamang sa mga taong ito, kundi sa lahat ng tao sa mundo. Makabubuti sa atin kung pahahalagahan at igagalang natin ang kalalakihang ito na itinalaga niyang mamuno sa atin. Sila ay mga lalaking may mga kahinaan ng tao, magkakamali sila, ngunit kung magiging maunawain tayo sa kanilang mga pagkakamali tulad ng pag-unawa natin sa sarili nating mga kabiguan at pagkakamali, makikita natin ang kanilang mga kabutihan tulad ng pagkakita natin sa atin.
Narito ako upang makiusap sa inyo, mga kapatid, na huwag tulutang mamutawi o lumabas sa inyong mga labi ang pamimintas o kawalang-galang sa mga tinawag ng Panginoon na mamuno sa atin. Huwag makisama sa mga tao na hahamak sa kanila o magpapahina sa kanilang impluwensya sa mga anak ng tao. Kung gagawin ninyo ito, masasabi ko sa inyo na mapapailalim kayo sa kapangyarihan ng kaaway. Maiimpluwensyahan niya kayo na lumayo nang husto sa landas ng katotohanan, at kung hindi kayo magsisisi malalaman ninyo kapag huli na ang lahat na nawala na sa inyo ang “mahalagang perlas.” Dahil sa inyong kasakiman at kabulagan kayo ay maililigaw, at ang inyong mga mahal sa buhay … ay malulungkot sa kabilang-buhay dahil sa inyong kahinaan at kahangalan.16 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 73.]
Hindi natutulog ang kaaway. Nililinlang niya ang marami at tinutukso silang magkasala. … May ilan na nagtuturo ng maling doktrina; at ilan na naghahangad na hikayatin ang kalalakihan at kababaihan na labagin ang mga utos ng ating Ama sa Langit. … Kung ang mga miyembro ng Simbahang ito na naghahanap ng mali sa mga pinuno ng Simbahan at pinipintasan ang mga taong nagbubuwis ng buhay upang mapagpala at makinabang tayo ay titigil at magtatanong sa panalangin, “Sino sa mga gurong ito ang ligtas na sundin?” hindi sila mahihirapang hanapin ang tama nilang landas at sasang-ayunan nila ang mga sinasang-ayunan ng Panginoon.17
Kapag sinang-ayunan natin ang ating mga pinuno, nangangako tayong susundin ang kanilang payo at gagampanan ang ating tungkulin.
Dapat itong pagkunan ng lakas ng Pangulo ng Simbahang ito para tumingin sa mukha ng libu-libong matatapat na kalalakihan at kababaihan at masdan silang magtaas ng kanilang kamay sa pakikipagtipan sa ating Ama sa Langit, at sang-ayunan siya sa katungkulan kung saan siya tinawag na maglingkod bilang pangulo ng dakilang Simbahang ito. Ang obligasyong ginagawa natin kapag nagtataas tayo ng ating mga kamay sa gayong sitwasyon, ay napakasagrado. Hindi ibig sabihin nito na tatahimik na lang tayo at hahayaan ang propeta ng Panginoon na pamunuan ang gawaing ito, kundi ang ibig sabihin ay,—kung nauunawaan ko ang obligasyong aking inako nang magtaas ako ng kamay—na susuportahan natin siya; ipagdarasal natin siya; ipagtatanggol natin ang kanyang mabuting pangalan, at sisikapin nating isagawa ang kanyang mga tagubilin ayon sa utos sa kanya ng Panginoon na ihandog ang mga ito sa atin habang siya ang nasa katungkulang iyon.18
Kapag iniisip ko ang mga pasanin ng Pangulo ng Simbahang ito at ng kanyang mga tagapayo, at natatanto ang mga responsibilidad na iniatang sa kanilang mga balikat, taos-puso kong hinahangad na tulungan sila, nang hindi ako maging pabigat, kundi sa katungkulang ibinigay sa akin, na kasama kayo, mga kapatid, ay lumagay tayo sa ating kinalalagyan at pasanin ang bahagi natin sa gawain at gampanan ang ating tungkulin upang parangalan at luwalhatiin ang Diyos.19 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 73.]
Nawa’y itulot ng Diyos na maitaas nating mga pinagpala nang sagana ang mga kamay ng lingkod ng Panginoon na namumuno sa atin; na matulungan natin siya hindi lamang sa pagsampalataya at pagdarasal natin kundi sa mapagmahal na kabaitan tuwing may pagkakataon; na magkaisa tayo sa ilalim ng bandilang kanyang iwawagayway habang patuloy siyang sinasang-ayunan ng Diyos bilang Pangulo ng Simbahan, bilang propeta ng Panginoon sa mga huling araw na ito.20
Sang-ayunan natin ang kalalakihang ito na ibinangon ng Diyos upang mamuno sa atin. Pagpalain natin sila, hindi lamang sa mga salita, kundi tulungan natin sila sa bawat posibleng paraan upang madala ang mabigat na pasaning ito na nakaatang sa kanilang mga balikat. … Ipagdasal at suportahan at tulungan sila.21
Mga Mungkahi para sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Basahin ang huling talata ng “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 63–64). Ano ang “inyong bahagi sa gawain”? Habang pinag-aaralan ninyo ang kabanatang ito, mag-isip ng mga paraan na maipapakita ninyo sa salita at gawa na sinasang-ayunan ninyo ang mga pinuno ng Simbahan.
-
Repasuhin ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 64–66), lalo na ang pangalawa at pang-apat na mga talata. Paano naiiba ang paraan ng Panginoon sa pagpili ng mga pinuno sa paraan ng pagpili ng mundo? Ano ang mga naranasan ninyo na nagpalakas ng inyong pananampalataya na ang ating mga pinuno ay pinili ng Panginoon?
-
Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 66 at basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:4–7. Anong partikular na payo ang ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan? sa pamamagitan ng inyong stake o district president? sa pamamagitan ng inyong bishop o branch president? Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pagsunod sa payong to?
-
Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 67 at basahin ang talata sa ibaba ng pahina 70 at ang kasunod nitong talata sa pahina 71. Ano ang ibig sabihin sa inyo ng sang-ayunan ang mga pinuno ng Simbahan? Paano pinalalakas ng pagsang-ayon sa mga pinuno ng Simbahan ang ating pamilya at tahanan?
-
Basahin ang unang buong talata sa pahina 70. Bakit mapanganib na pintasan ang mga pinuno ng Simbahan? Ano ang angkop na paraan ng pagtugon kung may isang taong nagsabi ng kamalian ng isa sa inyong mga pinuno?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Amos 3:7; Mga Taga Efeso 4:11–14; Mga Hebreo 5:4; Doktrina at mga Tipan 84:109–10; 107:22; 112:20
Tulong sa pagtuturo: Ang isang paraan para mahikayat ang masigasig na pag-aaral ay makinig na mabuti kapag may nagtatanong o nagbibigay ng puna. “Ang pakikinig ay pagpapakita ng pagmamahal. Madalas itong mangailangan ng sakripisyo. Kapag tunay tayong nakikinig sa iba, madalas na ipinauubaya natin ang nais nating sabihin nang sa gayon ay maipahayag nila ang kanilang mga sarili” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 82).