2010–2019
Ang Banal na Kaloob na Pasasalamat
Oktubre 2010


Ang Banal na Kaloob na Pasasalamat

Ang mapagpasalamat na puso … ay dumarating sa pamamagitan ng pasasalamat sa ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga pagpapala at sa lahat ng idinulot sa ating buhay ng mga tao sa ating paligid.

Napakaganda ng sesyong ito. Nang mahirang akong Pangulo ng Simbahan, nasabi kong, “Gagampanan ko ang isang asaynment. Ako ang magiging adviser ng Tabernacle Choir.” Ipinagmamalaki ko ang aking koro!

Minsan sinabi sa akin ng nanay ko, “Tommy, ipinagmamalaki ko ang lahat ng nagawa mo. Pero may isa akong puna sa iyo. Dapat sa piyano ka na lang.”

Kaya’t pinuntahan ko ang piyano at tumugtog ako para sa kanya: “Tayo na, [tayo na] sa birthday party.”1 At hinagkan ko siya sa noo, at niyakap niya ako.

Naiisip ko siya. Naiisip ko ang tatay ko. Naiisip ko ang lahat ng mga General Authority na nakaimpluwensya sa akin, at sa iba, kabilang na ang mga balo na dinalaw ko—85 sila—na may dalang manok na iluluto, kung minsan ay kaunting pera para sa kanilang bulsa.

Minsan dinalaw ko ang isa nang gabing-gabi na. Hatinggabi na noon, at nagpunta ako sa bahay-kalinga, at sinabi ng receptionist, “Sigurado akong tulog na siya, pero sinabi niyang tiyakin kong gisingin siya, dahil sabi niya, ‘Alam kong darating siya.’”

Hinawakan ko ang kamay niya; tinawag niya ang pangalan ko. Gising na gising pa siya. Idinampi niya ang kamay ko sa kanyang mga labi at sinabing, “Alam kong darating ka.” Paanong hindi ako pupunta?

Ganyan ang pag-antig sa akin ng magandang musika.

Mahal kong mga kapatid, narinig na natin ang mga inspiradong mensahe ng katotohanan, pag-asa, at pagmamahal. Nabaling ang ating isipan sa Kanya na nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan, na nagpakita sa atin kung paano mamuhay at manalangin, at ipinamalas sa Kanyang sariling kilos ang mga pagpapala ng paglilingkod—maging ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sa aklat ni Lucas, kabanata 17, nababasa natin ang tungkol sa Kanya:

“At nangyari, na samantalang sila’y napapatungo sa Jerusalem, na siya’y nagdaraan sa mga hangganan ng Samaria at Galilea.

“At sa pagpasok niya sa isang nayon, ay sinalubong siya ng sangpung lalaking ketongin, na nagsitigil sa malayo:

“At sila’y nagsisigaw na nagsisipagsabi, Jesus, Guro, maawa ka sa amin.

“At pagkakita niya sa kanila, ay sinabi niya sa kanila, Magsihayo kayo at kayo’y pakita sa mga saserdote. At nangyari, na samantalang sila’y nagsisiparoon, ay nangalinis sila.

“At isa sa kanila, nang makita niyang siya’y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig;

“At siya’y nagpatirapa sa kaniyang paanan, na nagpapasalamat sa kaniya: ay siya’y isang Samaritano.

“At pagsagot ni Jesus ay nagsabi, Hindi baga sangpu ang nagsilinis? datapuwa’t saan nangaroon ang siyam?

“Walang nagbalik upang lumuwalhati sa Dios, kundi itong taga ibang lupa.

“At sinabi niya sa kaniya, Magtindig ka, at yumaon ka sa iyong lakad: pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”2

Sa tulong ng langit ang mga ketongin ay nangaligtas sa malupit at dahan-dahang pagkamatay at nabigyan ng bagong buhay. Ang pasasalamat ng isa sa mga ketongin ay pinagpala ng Guro; ang kawalan ng utang-na-loob ng siyam pa ay nagdulot sa Kanya ng kabiguan.

Mga kapatid ko, naaalala ba nating magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap natin? Ang taos-pusong pasasalamat ay hindi lamang nakakatulong para makilala natin ang ating mga pagpapala, kundi nagbubukas din ng pintuan ng langit at nagpapadama sa atin ng pag-ibig ng Diyos.

Sinabi ng minamahal kong kaibigan na si Pangulong Gordon B. Hinckley, “Kapag nabuhay kayo nang may pasasalamat, hindi kayo nabubuhay sa kahambugan at pag-aalala at pagmamahal sa sarili, nabubuhay kayo sa diwa ng pasasalamat na nararapat sa inyo at magpapala sa inyong buhay.”3

Sa aklat ni Mateo sa Biblia, may isa pang kuwento ng pasasalamat, na sa pagkakataong ito ay nagmula sa Tagapagligtas. Habang naglalakbay Siya sa ilang sa loob ng tatlong araw, mahigit 4,000 katao ang sumunod at sumama sa Kanya. Nahabag Siya sa kanila, dahil maaaring tatlong araw na rin silang hindi kumakain. Gayunman, nagtanong ang Kanyang mga disipulo, “Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?” Gaya ng marami sa atin, nakita lamang ng mga disipulo ang kulang.

“At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi [ng mga disipulo], Pito, at ilang maliliit na isda.

“At iniutos [ni Jesus] sa karamihan na magsiupo sa lupa.

“At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda, at siya’y nagpasalamat, at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.”

Pansinin na nagpasalamat ang Tagapagligtas para sa pagkain nila—at sumunod ang isang himala: “At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.”4

Naranasan na nating lahat na nagtuon tayo sa ating mga pagkukulang sa halip na sa mga natanggap nating pagpapala. Sabi ng Greek philosopher na si Epictetus, “Ang taong matalino ay hindi nalulungkot sa mga bagay na wala siya, kundi nagagalak sa mga bagay na mayroon siya.”5

Ang pasasalamat ay isang banal na alituntunin. Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith:

“Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay. …

“At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay.”6

Sa Aklat ni Mormon sinabihan tayong “mabuhay na nagpapasalamat araw-araw, sa maraming awa at pagpapalang ipinagkaloob [ng Diyos] sa inyo.”7

Anuman ang ating sitwasyon, maraming dapat ipagpasalamat ang bawat isa sa atin kung titigil lang tayo sandali at pagninilayan ang ating mga pagpapala.

Napakagandang panahon ito para mabuhay sa mundo. Kahit maraming mali sa mundo ngayon, marami namang bagay na tama at mabuti. May mga mag-asawang nagtatagumpay, mga magulang na mahal ang kanilang mga anak at nagsasakripisyo para sa kanila, mga kaibigang nagmamalasakit at tumutulong sa atin, mga gurong nagtuturo. Pinagpapala ang ating buhay sa napakaraming paraan.

Mapapasigla natin ang ating sarili at maging ang iba, kapag tumanggi tayong mag-isip palagi ng masama at nagkaroon ng pasasalamat sa ating puso. Kung maibibilang ang kawalan ng utang-na-loob sa mabibigat na kasalanan, maibibilang ang pasasalamat sa pinakamabubuting katangian. May nagsabi na ang “pasasalamat ay hindi lamang pinakamabuti sa lahat ng katangian kundi nangunguna sa lahat.”8

Paano tayo magkakaroon ng pasasalamat sa ating puso? May sagot diyan si Pangulong Joseph F. Smith, ikaanim na Pangulo ng Simbahan. Sabi niya: “Ang taong mapagpasalamat ay maraming nakikita sa mundo na dapat ipagpasalamat, at para sa kanya mas maraming mabuti sa mundo kaysa masama. Daig ng pag-ibig ang selos, at inaalis ng liwanag ang kadiliman sa kanyang buhay.” Pagpapatuloy pa niya: “Sinisira ng kayabangan ang ating pasasalamat at pinapalitan ito ng pagkamakasarili. Mas masaya tayong makasama ang isang mapagpasalamat at mapagmahal na kaluluwa, at dapat nating tiyakin na magkaroon, sa pamamagitan ng mapanalanging buhay, ng pasasalamat sa Diyos at sa tao!”9

Sinabi sa atin ni Pangulong Smith na ang mapanalanging buhay ang susi sa pagiging mapagpasalamat.

Ginagawa ba tayong masaya at mapagpasalamat ng mga materyal na pag-aari? Siguro’y panandalian lamang. Gayunman, ang mga bagay na nagbibigay ng malalim at tumatagal na kaligayahan at pasasalamat ang mga bagay na hindi mabibili ng salapi: ang ating pamilya, ang ebanghelyo, mabubuting kaibigan, ating kalusugan, ating kakayahan, ang pagmamahal sa atin ng mga tao sa ating paligid. Sa kasamaang-palad, ito ang ilan sa mga bagay na binabalewala natin.

Isinulat ng English author na si Aldous Huxley, “Karamihan sa mga tao ay halos walang hanggan ang kakayahan sa pagwawalang-bahala sa mga bagay-bagay.”10

Madalas nating balewalain ang mismong mga taong dapat nating pasalamatan. Huwag nating hintaying mahuli ang lahat bago tayo magpasalamat. Tungkol sa mga mahal sa buhay na nawala sa kanya, nagpahayag ng pagsisisi ang isang babae sa ganitong paraan: “Naaalala ko ang masasayang araw na iyon, at madalas ay pinapangarap kong marinig ng mga yumao ang pasasalamat na dapat sana’y ibinigay sa kanila noong sila’y nabubuhay, at talagang bihira nilang matanggap.”11

Ang pagkawala ng mga mahal sa buhay ay halos hindi maiiwasang hindi natin ipagdamdam. Bawasan natin ang gayong pakiramdam hangga’t kaya natin sa pamamagitan ng madalas nating pagpapadama ng pagmamahal at pasasalamat sa kanila. Hindi natin alam kung kailan magiging huli na ang lahat.

Ang mapagpasalamat na puso, kung gayon, ay dumarating sa pamamagitan ng pasasalamat sa ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga pagpapala at sa lahat ng idinulot sa ating buhay ng mga tao sa ating paligid. Kailangan dito ang sadyang pagsisikap—hanggang sa talagang matuto man lang tayo at maging mapagpasalamat. Madalas ay nakadarama tayo ng pagpapasalamat at layon nating magpasalamat ngunit nalilimutan nating gawin iyon o hindi lang natin ginagawa talaga. May nagsabi na “ang pasasalamat na hindi ipinahayag ay parang pagbabalot ng regalo na hindi ibinigay.”12

Kapag naharap tayo sa mga hamon at problema sa ating buhay, kadalasan ay hirap tayong magtuon sa ating mga pagpapala. Gayunman, kung masigasig tayong magsasaliksik at maghahanap, madarama at makikita natin kung gaano na ang naibigay sa atin.

Ikukuwento ko sa inyo ang isang pamilyang nakakita ng pagpapala sa kabila ng mabibigat na hamon sa buhay. Ito ay kuwentong matagal ko nang nabasa at tinandaan ko ito dahil sa mensaheng ipinararating nito. Isinulat ito ni Gordon Green at lumabas sa isang magasin sa Amerika mahigit limampung taon na ang nakararaan.

Ikinuwento ni Gordon kung paano siya lumaki sa isang sakahan sa Canada, kung saan kinailangan nilang magkakapatid na magmadali pauwi mula sa eskuwela habang naglalaro ng bola at nagsu-swimming pa ang ibang mga bata. Gayunman,may kakayahan ang kanilang ama na ipaunawa sa kanila na may kabuluhan ang kanilang ginagawa. Totoo ito lalo na pagkaraan ng anihan kung kailan ipinagdiriwang ng pamilya ang Thanksgiving, dahil sa araw na iyon ay may malaking regalo sa kanila ang kanilang ama. Inililista niya ang lahat ng bagay na mayroon sila.

Sa umaga ng Thanksgiving, dinadala sila nito sa silong ng bahay na may mga bariles ng mansanas at beets, mga carrot na nakabaon sa buhangin, at gabundok ng nakasakong mga patatas gayundin ng mga gisantes, mais, sitaw, jelly, strawberry, at iba pang mga pagkaing nakapreserba na pumuno sa kanilang mga estante. Pinabibilang niyang mabuti sa mga bata ang lahat. Pagkatapos ay nagpupunta sila sa kamalig at tinatantiya kung ilang toneladang dayami ang naroon at ilang busel ng bigas ang nasa bangan. Binibilang nila ang mga baka, baboy, manok, pabo, at pato. Sabi ng ama nila gusto niyang makita kung gaano sila kahanda, ngunit alam nila na gusto lang talaga niyang maunawaan nila sa kapistahang iyon kung gaano karami ang pagpapalang ipinagkaloob sa kanila Diyos at natuwa sa lahat ng kanilang mga pagsisikap. Sa huli, pag-upo nila sa pagkaing inihanda ng kanilang ina, ang mga pagpapala ay isang bagay na nadama nila.

Gayunman, binanggit ni Gordon na ang pinaka-naaalala niyang Thanksgiving na pinasalamatan nila nang malaki ay ang taon na tila wala silang maipagpasalamat.

Maganda ang pagsisimula ng taon: may natira silang dayami, maraming binhi, apat na dumi ng baboy, at may kaunting perang naitabi ang kanilang ama para makayanan nitong bumili balang-araw ng hay loader—isang magaling na makinang pinangarap magkaroon ng halos lahat ng magsasaka. Iyon din ang taon na nagkaroon ng kuryente sa bayan nila—kahit hindi sa kanila, dahil hindi nila kayang magbayad niyon.

Isang gabi habang maraming nilalabhan ang ina ni Gordon, pumasok ang kanyang ama at pinalitan sa paglalaba ang asawa at sinabihan itong magpahinga at gawin na lamang ang kanyang knitting. Sabi niya, “Mas matagal na oras ang ginugugol mo sa paglalaba kaysa sa pagtulog. Palagay mo ba dapat na tayong bumigay at magpakabit ng kuryente?” Kahit natuwa sa ideya, napaluha siya nang maisip niya ang hay loader na hindi na mabibili.

Kaya’t ikinabit ang kuryente sa kalye nila noong taon na iyon. Kahit hindi kagandahan, bumili sila ng washing machine na maghapong naglalaba at maliliwanag na bombilya ng ilaw na nakabitin sa kisame. Wala nang mga lamparang pupunuin ng langis, mga mitsang puputulin, maruruming tsimineyang lilinisin. Itinabi na ang mga lampara sa itaas ng kisame.

Ang pagdating ng kuryente sa sakahan nila ang halos huling mabuting bagay na nangyari sa kanila sa taong iyon. Nang pausbong pa lamang ang kanilang mga tanim sa lupa, nagsimula nang umulan. Nang bumaba ang tubig, wala nang natirang tanim kahit saan. Muli silang nagtanim, ngunit sinira ng mga ulan ang kanilang pananim. Nabulok sa putik ang kanilang mga patatas. Ibinenta nila ang ilang baka at lahat ng baboy at iba pang hayop na balak pa sana nilang alagaan, sa napakababang halaga dahil iyon ang kinailangang gawin ng lahat. Ang naani lang nila sa taong iyon ay isang bungkos ng singkamas na nakaligtas sa mga bagyo.

Pagkatapos ay Thanksgiving na naman. Sabi ng kanilang ina, “Siguro kalimutan muna natin ito ngayong taon. Walang natira sa atin ni isang gansa.”

Gayunman, sa umaga ng Thanksgiving, dumating ang ama ni Gordon na may dalang lalaking kuneho at ipinaluto ito sa kanyang asawa. Masama ang loob na sinimulan niya ang trabaho, na ipinahihiwatig na matagal niyang lulutuin ang matigas na kuneho. Nang mailagay na ito sa hapag na may ilang singkamas na naani, ayaw kumain ng mga bata. Umiyak ang ina ni Gordon, pagkatapos ay may ginawang kakaiba ang kanyang ama. Umakyat ito sa kisame, kumuha ng lamparang langis, dinala ito sa hapag at sinindihan. Pinapatay niya sa mga bata ang mga ilaw na de-kuryente. Nang lampara na lang ang naroong muli, hindi sila makapaniwala na gayon pala kadilim dati. Nag-isip sila kung paano nila nakita ang anumang bagay nang walang maliliwanag na ilaw na de-kuryente.

Binasbasan ang pagkain, at kumain ang lahat. Pagkatapos kumain, tahimik silang naupong lahat. Isinulat ni Gordon:

“Sa abang kalamlaman ng lumang lampara muli kaming nakakita nang malinaw. …

“Napakasarap ng pagkain namin. Lasang pabo ang lalaking kuneho at iyon ang pinakamasarap na singkamas na naaalala ko. …

“… Ang aming tahanan…, sa kabila ng lahat ng kulang dito, ay napakasagana [sa] amin.”13

Mga kapatid ko, ang pasasalamat ay mainam at kagalang-galang, ang pagpapakita ng pasasalamat ay kabutihang-loob at marangal, ngunit ang mabuhay nang may pasasalamat tuwina sa ating puso ay pag-abot sa langit.

Sa pagtatapos ko ngayong umaga, dalangin ko na dagdag pa sa lahat ng iba pang pinasasalamatan natin, nawa’y lagi nating ipakita ang pasasalamat natin sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang Kanyang maluwalhating ebanghelyo ay may sagot sa pinakamahihirap na tanong sa buhay: Saan tayo nagmula? Bakit tayo narito? Saan pupunta ang ating espiritu pagkamatay natin? Ang ebanghelyong iyan ay naghahatid ng liwanag ng banal na katotohanan sa mga nabubuhay sa kadiliman.

Tinuruan Niya tayo kung paano manalangin. Tinuruan Niya tayo kung paano mabuhay. Tinuruan Niya tayo kung paano mamatay. Ang Kanyang buhay ay pamana ng pag-ibig. Pinagaling Niya ang maysakit; tinulungan Niya ang naaapi; iniligtas Niya ang makasalanan.

Sa huli, mag-isa Siyang nanindigan. Nagduda ang mga Apostol; ipinagkanulo Siya ng isa. Sinundot ng mga sundalong Romano ang Kanyang tagiliran. Pinatay Siya ng galit na mga tao. Subalit umaalingawngaw pa ang Kanyang mahabaging mga salita mula sa burol ng Golgota: “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”14

Sino ang “taong ito ng kalungkutan, at sanay sa hapis”?15 Sino ang Haring ito ng kaluwalhatian,”16 ang Panginoong ito ng mga panginoon? Siya ang ating Guro. Siya ang ating Tagapagligtas. Siya ang Anak ng Diyos. Siya ang May-akda ng Ating Kaligtasan. Sabi niya, “Magsisunod kayo sa hulihan ko.”17 Iniutos Niya, “Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.”18 Pakiusap Niya, “[Tuparin] ninyo ang aking mga utos.”19

Sundin natin Siya. Tularan natin ang Kanyang halimbawa. Sundin natin ang Kanyang sinabi. Sa paggawa nito, binibigyan natin Siya ng banal na kaloob na pasasalamat.

Taimtim at taos-puso kong dalangin na nawa’y makita sa buhay natin ang kagila-gilalas na katangian ng pasasalamat. Nawa’y tumagos ito sa ating pinaka-kaluluwa, ngayon at magpakailanman. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.

  1. John Thompson, “Birthday Party,” Teaching Little Fingers to Play (1936), 8.

  2. Lucas 17:11–19.

  3. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 250.

  4. Tingnan sa Mateo 15:32–38; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. The Discourses of Epictetus; with the Encheiridion and Fragments, trans. George Long (1888), 429.

  6. Doktrina at mga Tipan 59:7, 21.

  7. Alma 34:38.

  8. Cicero, sa A New Dictionary of Quotations on Historical Principles, sel. H. L. Mencken (1942), 491.

  9. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 263.

  10. Aldous Huxley, Themes and Variations (1954), 66.

  11. William H. Davies, The Autobiography of a Super-Tramp (1908), 4.

  12. William Arthur Ward, sa Allen Klein, comp., Change Your Life! (2010), 15.

  13. Hango mula sa H. Gordon Green, “The Thanksgiving I Don’t Forget,” Reader’s Digest, Nob. 1956, 69–71.

  14. Lucas 23:34.

  15. Isaias 53:3.

  16. Mga Awit 24:8.

  17. Mateo 4:19.

  18. Lucas 10:37.

  19. Juan 14:15.