Kasaysayan ng Simbahan
21 Isang Mas Malalim na Pag-unawa


Kabanata 21

Isang Mas Malalim na Pag-unawa

mga kaing at sako ng pagkain sa isang kamalig

Noong tagsibol ng 1931, nilisan nina John at Leah Widtsoe ang Europa nang ilang buwan upang bisitahin ang pamilya, makipag-usap sa mga lider ng Simbahan, at dumalo sa pangkalahatang kumperensya. Hinihintay sila ng kanilang anak na si Ann sa istasyon ng tren sa Utah. Habang wala sila, nakisamang muli si Ann sa kanyang asawa, at ngayon ay ipinagbubuntis niya ang kanyang pangatlong anak. Naroon din ang ina ni Leah, si Susa Gates, na handa silang salubungin sa kanilang pag-uwi, tulad ng ipinangako nito na gagawin noong umalis sila tatlong taon na ang nakararaan. Dalawang araw na lang at ikapitumpu’t limang kaarawan na niya, at dumating sina John at Leah sa mismong araw ng pagdiriwang sa tahanan ng kapatid ni Leah na si Emma Lucy at ng asawa nitong si Albert Bowen.1

Nakalulungkot na pumanaw ang tiyahin ni John na si Petroline dalawang taon na ang nakararaan matapos ang matagal na pagkakasakit. Sina Ann at Rose, ang balo ng kapatid ni John na si Osborne, ay nasa tabi ng kama ni Tiya Petroline nang pumanaw siya.2

Habang nasa Utah si John, ang kanyang iskedyul ay puno ng pakikipagpulong sa mga lider ng Simbahan. Pinag-aaralan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba ng mga pananaw nina apostol Joseph Fielding Smith at B. H. Roberts, na noon ay ang nakatataas na miyembro ng Unang Kapulungan ng Pitumpu. Isinulat ni Elder Roberts ang “The Truth, The Way, The Life [Ang Katotohanan, Ang Daan, Ang Buhay]” isang manuskritong may walong daang pahina na nagdedetalye ng plano ng kaligtasan. Nais niyang gamitin ito ng Simbahan bilang kurso ng pag-aaral para sa mga korum ng Melchizedek Priesthood.3 Ngunit nagpahiwatig si Elder Smith ng matitinding alalahanin tungkol sa ilang ideya na nasa manuskrito.

Ang pinakanakakabalisa ay ang pagsisikap ni Elder Roberts na iayon ang salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa Paglikha sa mga teorya ng siyensya ukol sa pinagmulan ng buhay.4 Naniniwala si Elder Roberts na ang matinding ebidensyang fossil ay katibayan na nabuhay at namatay sa mundo sa loob ng milyun-milyong taon ang uri ng hayop na mala-tao bago inilagay ng Diyos sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden.5 Gayunman, ikinatwiran ni Elder Smith na ang gayong mga paniniwala ay hindi tugma sa banal na kasulatan at doktrina ng Simbahan. Naniniwala siya na ang mga uri ng hayop na ito ay hindi maaaring nabuhay bago nagkaroon ng kamatayan sa mundo bunga ng Pagkahulog ni Adan.

Sa isang talumpati sa Genealogical Society of Utah, matinding tinuligsa ni Elder Smith ang mga ideya ni Elder Roberts, bagamat hindi niya binanggit ito sa kanyang pangalan. Si Elder Roberts naman ay sumulat sa Unang Panguluhan, naghahangad na malaman kung ang pananalita sa mensahe ni Elder Smith ay kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan tungkol sa paksa o kung ito ay opinyon lamang ng apostol.6

Inanyayahan ng Labindalawa ang dalawang lalaki na kanilang ilahad sa kapulungan ang kanilang mga pananaw. Pagkatapos ay nagsumite ang mga apostol ng ulat sa Unang Panguluhan, na masusing pinag-aralan ang magkabilang panig ng pinagtatalunan at nanalangin upang malaman kung paano ito lulutasin.7

Matapos ilathala kamakailan ang kanyang sariling aklat tungkol sa pagkakasundo ng siyensya at relihiyon, lubos na pinagnilayan ni John ang bagay na ito. Naniniwala siya na kailangan ng mga lider ng Simbahan na tulungan ang mga kabataang Banal na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo sa gitna ng mga bago at makabagong ideya. Maraming relihiyosong tao ang nag-aalangan sa siyensya, dahil napagkakamali nila ang mga datos sa mga interpretasyon. Nag-atubili siyang umasa lamang sa siyensya upang malutas ang kontrobersiya, dahil ang pang-unawa sa siyensya ay nagbabago at madalas ay hindi pinapansin ang mga ideya sa relihiyon tulad ng panalangin at paghahayag. Ngunit maingat din siya sa pagdepende sa anumang interpretasyon ng banal na kasulatan na hindi binigyang-pansin kung paano naging gayon ang mga paghahayag at sagradong kasulatan.

“Sa aking palagay, ang pinakamainam na plano ay gawin natin ang tulad ng ginawa natin sa maraming taon na ito,” lihim niyang sinabi kay apostol Melvin J. Ballard. “Tanggapin ang lahat ng nakilala at napatotohanang datos at tumangging ibatay ang ating pananampalataya sa mga teoriya, siyensya man o teolohiya.”8

Noong ika-7 ng Abril, isang araw matapos ang pangkalahatang kumperensya, tinawag ng Unang Panguluhan ang Labindalawa at iba pang mga general authority upang lutasin ang pagtatalo. Nakinig si John habang ipinapahayag ng panguluhan ang kanilang pananaw na dapat kapwa itigil nina Elder Smith at Elder Roberts ang pagtatalo ukol sa paksa. “Ang dalawang pangkat ay parehong ginagawang batayan ng kanilang pagtatalo ang banal na kasulatan at ang mga pahayag ng kalalakihang nakilala sa mga gawain ng Simbahan,” pansin nila. “Kapwa hindi nagbigay ng tiyak na katibayan bilang suporta sa kanyang mga pananaw.”9

Ipinaalala ng Unang Panguluhan sa mga korum ang turo ni Joseph Smith: “Ipahayag ang mga pangunahing alituntunin, at hayaan ninyo ang mga hiwaga, at baka kayo malupig.”10 Nagbabala sila na ang pangangaral ng mga personal na opinyon na tila ang mga ito ay doktrina ng Simbahan ay maaaring magdulot ng maling pagkaunawa, pagkalito, at pagkakahati-hati sa mga Banal. “Kapag ang isa sa mga general authority ng Simbahan ay nagbigay ng tiyak na pahayag hinggil sa anumang doktrina,” sabi nila, “kung ipinapahayag man niya ito bilang kanyang opinyon o hindi, itinuturing na nagpapahayag siya ng opinyon ng Simbahan, at ang kanyang mga pahayag ay tinatanggap bilang mga inaprubahang doktrina ng Simbahan.”11

Hinikayat nila ang mga lalaki na ipangaral ang pangunahing doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo. “Habang ginagampanan natin ang ating tungkulin sa Simbahan,” sabi nila, “iwan ang heolohiya, biyolohiya, arkeolohiya, at antropolohiya sa pagsasaliksik ng siyensya, dahil walang anuman sa mga ito ang may kinalaman sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng sangkatauhan.” Hangga’t ang pinagmulan ng buhay ang pag-uusapan, wala na silang sasabihin pa maliban sa sinabi ng Unang Panguluhan sa pahayag noong 1909, ang “The Origin of Man.”12

Sa isipan ni John, naayos ng mga salita ng panguluhan ang bagay na ito. Siya at ang iba pang mga lider ng Simbahan sa silid, kabilang na sina Elder Roberts at Elder Smith, ay sinang-ayunan ang desisyon at pumayag na huwag nang talakayin sa publiko ang tanong tungkol sa buhay na katulad ng sa tao bago nabuhay si Adan.13 Gayunpaman, hindi makayanan ni Elder Roberts na alisin ang paksa mula sa “The Truth, The Way, The Life.” Sa huli, isinantabi niya ang manuskrito nang hindi inilalathala.14


Kalaunan noong taong iyon, sa Cape Town, South Africa, sina William at Clara Daniels at marami pang ibang Banal sa mga Huling Araw ay sama-samang umawit ng himno, tulad ng ginagawa nila tuwing Lunes kapag nagtitipon sila para sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo sa tahanan ng mga Daniels. Subalit hindi ito isang cottage meeting lamang. Tinawag sila ng mission president na si Don Dalton para sa isang espesyal na kumperensya.

Matapos mag-alay si Clara ng pambungad na panalangin, ikinuwento ni William ang kanyang pagbabalik-loob at ang simula ng kanilang maliliit na pulong. “Una naming pinag-aralan ang Book of Mormon Ready References, at pinag-aaralan namin ngayon ang Jesus the Christ,” pagninilay niya. “Nakatanggap ako ng maraming kaalaman at maraming tao akong masasabihan tungkol sa ebanghelyo.”15

Nagpatotoo rin si Clara, nagpasalamat sa pagiging miyembro ng Simbahan. “Umaasa ako na tutulungan tayo ng Panginoon na manatiling matatag,” sabi niya.16

Ibinahagi ng ilan ang kanilang patotoo, at pagkatapos ay nagsalita si Pangulong Dalton sa grupo. “Natitiyak ko na ang Panginoon ang namumuno sa gawaing ito,” sabi niya, “at kung isasabuhay natin ang mga kautusan, hindi ipagkakait ng Panginoon ang anumang bagay.” Binanggit niya ang kapatid ni Jared sa Aklat ni Mormon, na namuhay nang napakalapit sa Panginoon kaya walang itinago sa kanya. “Ganito rin ang magiging pamamaraan natin,” pagpapatotoo niya. “Alam ko na kung ako ay tapat, makikita ko ang magagandang bagay.”17

Nag-alala pa rin si Pangulong Dalton tungkol sa paraan ng pagtrato ng ilang miyembro ng Mowbray Branch sa mga miyembrong “May Kulay” na tulad ng mga Daniels. Sa paghawak sa gayong mga sitwasyon, pinayuhan siya ng Unang Panguluhan na dapat niyang isaalang-alang ang damdamin ng lahat ng Banal. Ang tensyon sa pagitan ng mga lahi ay isang problema na dapat harapin nang may malaking pag-iingat upang maiwasang masaktan ang mga Itim o puting miyembro ng Simbahan, isinulat nila.18

Batid at hinahangaan ang katapatan ni William, nais ibigay ni Pangulong Dalton ang opisyal na pagkilala nito sa kanyang mga pagsisikap. “Pakiramdam ko ay dapat organisahin dito ang isang branch,” ibinalita niya sa cottage meeting. “Dapat magkaroon ng pribilehiyo si Brother Daniels na magsagawa ng isang partikular na gawain. Alam ko na sa pamamagitan ng kanyang pagsusumigasig ay maiaalis ang hadlang, at siya ay magiging pinuno sa Israel.”

Pagkatapos ay tinawag si William na maglingkod bilang branch president, si Clara bilang pangulo ng Relief Society, ang kanilang anak na si Alice, bilang kalihim ng Relief Society at branch clerk, at ang kaibigan nilang si Emma Beehre bilang tagapayo ni Clara. Pagkatapos ay ipinatong ni Pangulong Dalton ang kanyang mga kamay sa ulo ni William at itinalaga ito para sa bago nitong tungkulin. Hindi niya inorden si William sa priesthood, kaya hindi makapangasiwa ng sakramento si William o maitalaga ang mga miyembro ng branch sa mga tungkulin. Ngunit ang kanyang mga bagong responsibilidad ay magbibigay sa kanya ng mas maraming oportunidad na maglingkod at umunlad sa Simbahan.

“Iniisip ko ang isang pangalan para sa branch na ito,” sabi ni Pangulong Dalton. “Dapat kong isipin na ang pangalan ay dapat maging ‘ang Branch ng Pag-ibig [Branch of Love].’”19

Sa kanilang sumunod na pagtitipon ng Lunes, hiniling ni William kay Clara at sa iba pang bagong tawag na mga lider ng branch na ibahagi ang kanilang mga saloobin tungkol sa kanilang mga bagong responsibilidad. “Para sa akin ay may kahirapan ito,” pagtatapat ni Clara, “at alam kong tutulungan ako ng Panginoon sa aking gawain, tulad ng pagtulong ng Panginoon sa unang sister na nagsimula sa Relief Society.”20

Bilang mga lider ng branch, patuloy na pinangalagaan nina William at Clara ang mga misyonero, na dumadalo sa mga pulong ng branch kasama ang mga puting bisita mula sa Mowbray Branch. Tiniyak din ni William na nanatiling maingat si Alice sa pagtatala upang maipadala ang mga kopya sa Lunsod ng Salt Lake. Ayaw niyang malimutan ang Love Branch.21


Sa Estados Unidos, ang labintatlong taong gulang na si Paul Bang ang naging pinakabagong deacon ng Cincinnati Branch noong ika-14 ng Pebrero 1932. Ang mga batang lalaking kaedad niya ay tumatanggap na ng Aaronic Priesthood mula pa noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, noong nagsisibak ng kahoy ang mga deacon para sa mga maralita, nagpaparingas ng apoy upang magpainit ng mga meetinghouse, at nagsasagawa ng iba pang paglilingkod sa kanilang mga ward at branch. Gayunman, ang pag-oorden sa mga kabataang lalaki sa mga katungkulan sa priesthood ay naging karaniwan lamang noong ipinakilala ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga reporma sa Aaronic Priesthood noong unang bahagi ng ikadalawampung siglo. Pagkatapos niyon, nagsimulang gumanap ng mas malaking papel sa branch at mga pulong nito ang mga batang deacon.22

Ngayon, bukod pa sa pangangalaga sa chapel at mga bakuran, maaaring magpasa si Paul ng sakramento, mangolekta ng mga handog-ayuno, magdala ng mga mensahe para sa branch president, at tulungan ang mga balo at iba pang mga Banal na nangangailangan.23 Tulad ng iba pang mga deacon sa Simbahan, inaasahan din siyang maunawaan at maipaliwanag ang bawat isa sa Mga Saligan ng Pananampalataya, sundin ang Word of Wisdom, magbigay ng pambungad at pangwakas na panalangin, magbayad ng ikapu, at malaman ang kuwento tungkol sa panunumbalik ng Aaronic Priesthood.24

Hindi binigyan si Paul ng pagkakataong kaagad na maisagawa ang ilan sa mga bagong responsibilidad na ito. Sa loob ng ilang dekada, ang mas matatandang lalaki ang nagpapasa ng sakramento, at maraming tao sa buong Simbahan ang nanatiling asiwa sa pagpapahintulot sa mga batang lalaki na gawin ang tungkuling ito. Sa Cincinnati, ang sakramento ay palaging binabasbasan at ipinapasa ng dalawang lalaking nasa hustong gulang, kung minsan ang mga kuya ni Paul na sina Chris at Henry.25

Gayunpaman, kung hindi abala sa kanyang bagong mga responsibilidad sa priesthood si Paul, ang kanyang maraming gawain sa tindahan ng kanyang mga magulang ang nagpupuno ng kaibhan. Nasisiyahan siyang magtrabaho sa tindahan. Nagbubukas ito tuwing alas-sais ng umaga at hindi nagsasara hangga’t hindi alas-onse ng gabi. Tumatao siya sa kaha, nagsasalansan at nag-aayos ng mga istante, at palagiang winawalis at nilalangisan ang sahig na yari sa kahoy. Kapag hinihiwa ng kanyang kapatid na si Chris ang karne, ikakalat ni Paul ang kusot sa sahig upang tabunan ang kalat. Pagkatapos ay kikiskisin niya ang mga sangkalan gamit ang iskobang bakal kapag natapos na ni Chris ang kanyang gawain. Pagkatapos ng klase sa eskuwela, kakargahan ni Paul ang mga kahon at basket ng mga order na groseri at maghahatid sa iba’t ibang dako ng komunidad.26

Nang mangyari ang pagbagsak ng ekonomiya, kasalukuyang malakas ang negosyo ng konstruksyon sa Cincinnati. Kasisimula pa lang ng pagtatayo ng halos 180 metrong taas na gusali at isang napakalaki at bagong istasyon ng tren. Ang mga proyektong ito, kasama ang magkakaibang uri ng lokal na ekonomiya, ay nakatulong sa lunsod na malampasan ang pinakamalala sa panahon ng krisis. Subalit bumababa ang mga sahod at tumaas ang bilang ng mga walang trabaho.27

Ang mga Bang ay nakatira sa isang mahirap na lugar kung saan ang mga puting nandarayuhan tulad ng kanilang pamilya, ay nanirahan, nagtrabaho, naglaro, at nag-aral kasama ang mga African American, Judio, at iba pang grupong etniko. Nang masadlak ang lunsod sa kahirapan, marami sa mga karaniwang parokyano ng mga Bang ang hindi kayang bayaran ang kanilang mga bayarin sa tindahan. Sa halip na paalisin ang mga mamimili, madalas ipamigay ng ama ni Paul ang mga paninda o hinayaang mangutang ang mga tao. Ngunit ang kanyang kabaitan at pagiging bukas-palad ay hindi nagawang maisalba ang negosyo ng pamilya mula sa Depression, at noong Abril 1932, nagpasa siya ng papeles para sa pagkalugi. Gayunpaman, tumanggi siyang isara ang tindahan o tumigil sa pagtulong sa kanyang mga kapitbahay.28

Nagpatuloy ang mga Banal sa Cincinnati sa kabila ng pagbagsak ng ekonomiya. Umaasang makahikayat ng aktibong partisipasyon sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, kamakailan lamang ay hiniling ng Presiding Bishopric sa mga branch at ward sa buong Simbahan na simulang gunitain ang pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood sa bawat taon. Noong ika-15 ng Mayo 1932, apat na bagong orden na priest sa Cincinnati Branch, na pawang labinsiyam na taong gulang pataas ang edad, ay nagsalita sa sacrament meeting tungkol sa kasaysayan at pag-unlad ng Aaronic Priesthood. Nagsalita rin si Charles Anderson, ang branch president, tulad ng karaniwang ginagawa niya sa pagtatapos ng sacrament meeting.29

Walang aktibong partisipasyon si Paul sa programa, ngunit darating ang mas maraming pagkakataon upang maglingkod. Ang dami ng mga dumadalo sa branch ay bihirang lumampas sa limampung katao, kaya malaki ang tyansa na ang kanyang mga magulang o isa sa kanyang mga nakatatandang kapatid ang nagbibigay ng mensahe, aawit kasama ng koro, magdarasal, o tutulong sa anumang miting.30 Katunayan, ang kanyang kapatid na si Henry ay nag-alay ng pangwakas na panalangin sa tatlong sacrament meeting sa loob ng apat na linggo. At sa araw na hindi siya ang nagbibigay ng pangwakas na panalangin, siya naman ang nagbibigay ng mensahe.31

Si Paul ay isang Bang, kaya panahon na lamang ang makapagsasabi kung kailan siya hihirangin ng branch.


Samantala, sa Utah, ang social worker ng Relief Society na si Evelyn Hodges ay maraming dapat alalahanin habang ang mundo ay lalong nalulugmok dahil sa Depression. Ang kanyang ama, na minsang nagsumamo sa kanya na manatili sa bahay upang hindi na niya kailangang magtrabaho, ay nasadlak sa kahirapan nang hindi na makabenta ng mga produkto ang kanyang sakahan sa Logan. Alam ni Evelyn kung paano ito tutulungang humingi ng tulong mula sa Simbahan at estado, ngunit hindi interesado ang kanyang ama.

“Maaari akong makakuha ng trabaho,” sinabi nito sa kanya sa simula ng Depression. “Alam ko na makakakuha ako ng trabaho.”

Nag-alinlangan si Evelyn. Araw-araw sa Lunsod ng Salt Lake, nakikipag-usap siya sa mga taong gayon din ang sinabi. “Kung makakarating lamang ako sa Los Angeles,” sasabihin nila sa kanya, “maaari akong makakuha ng trabaho.” Sa Utah, isa sa bawat tatlong manggagawa ay walang trabaho, at walang kumukuha ng manggagawa. Ngunit alam ni Evelyn na mas malala ang sitwasyon sa California o saanmang lugar sa Estados Unidos. Sinikap niyang ipaliwanag na ang mga trabaho ay kakaunti sa lahat ng dako, ngunit may ilang pamilyang hindi siya pinaniniwalaan.32

Noong tag-init ng 1932, mayroon siyang magandang dahilan upang umasa na parating na ang pagbabago. Matapos lumikha ng programa ang pamahalaan ng Estados Unidos upang magbigay ng pinansyal na tulong sa mga estado at negosyo, mabilis na kinuha ng mga opisyal sa Utah ang Relief Society Social Service upang tulungan ang estado na humiling ng utang sa pamahalaang pederal. Gumugol nang maraming oras sina Evelyn at Amy Brown Lyman sa pagtitipon ng estadistika at indibiduwal na mga case file para idokumento ang paghihikahos sa estado. Pagkatapos ay dinala nila ang kanilang nasaliksik sa kapitolyo ng estado, kung saan ginamit ito ng mga mambabatas sa kanilang matagumpay na kampanya para sa tulong ng pederal sa Utah.33

Natuto si Evelyn mula kay Amy habang magkasama silang nahihirapan sa trabaho. Si Amy ay prangka at kadalasang brusko kapag nakikipag-usap sa mga social worker. Bagama’t gusto ni Evelyn ang pagiging prangka ni Amy, inaamin niya na kung minsan ay nakakasakit ito. Hindi nag-aatubili si Amy na pintasan siya kapag nagkakamali siya. Ngunit batid ni Evelyn na hindi siya pinarurusahan ni Amy. Pakiramdam lamang ni Amy na wala siyang panahong maging pino o madiplomasya. Inaasahan niya na lahat ng nasa Social Service office, kasama rin siya, ay ibinibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa gawain. Dahil dito, minahal at hinangaan siya ni Evelyn.34

Dumating sa Utah ang tulong na pondo mula sa pederal noong Agosto 1932, na naghatid ng pag-asa sa maraming Banal na pinanghihinaan ng loob. Minsan pa, humihingi ng tulong ang estado sa Relief Society, at hindi nagtagal ay gumanap ng mahalagang papel si Amy at ang kanyang mga social worker sa pamamahagi ng tulong.

Dahil nauubos na ang karamihan ng pondong pantulong ng lokal na Simbahan at ng pamahalaan, marami sa mga bishop na katrabaho ni Evelyn ay nagnais na ang mga miyembro ng kanilang ward na nangangailangan ay makatanggap ng tulong mula sa pamahalaang pederal. Subalit may mga miyembro ng Simbahan na nag-aalala na nagiging palaasa ang mga Banal sa tulong ng pamahalaan. Tinanggihan ng ilang tao ang paghingi ng tulong sa Simbahan dahil ayaw nilang malaman ng kanilang mga bishop, na karaniwan ay kanilang mga kapitbahay at kaibigan, ang kanilang sitwasyon. Ang iba naman ay ayaw madama na kinukutya sila sa pagiging palaasa kapag nagsisimba sila.

Gayunman, patuloy na kumakalat ang pagpapakandili. Minaliit ng mga lider ng pamahalaan sa Estados Unidos ang naging epekto ng pagbagsak ng ekonomiya, at ang pondong inalok nila ay hindi nagbigay ng permanenteng tulong sa mga Amerikano. Patuloy na bumagsak ang ekonomiya, kasabay ng pagkawala ng pag-asa. Araw-araw ay mas maraming tao ang nawawalan ng trabaho at pagkatapos ay ng kanilang mga tirahan. Madalas makita ni Evelyn ang dalawa o tatlong pamilyang magkakasamang nakatira sa iisang maliit na bahay.

At maging ang sarili niyang pamilya ay nahihirapan din. Nang mabigo ang mga pagsisikap ng kanyang ama na itaguyod ang pamilya, sinubukan nitong ibenta ang ilang ari-arian, ngunit walang bumibili. Sa huli, hinayaan nito si Evelyn na padalhan siya ng tatlumpung dolyar kada buwan mula sa sariling kita. Masaya ito sa tulong niya.35

Habang lumalala ang Depression, at nasasaksihan pa ni Evelyn ang mas matinding paghihirap sa Lunsod ng Salt Lake, nakita niya na isang pagkakataon ito para maging mas mahabagin at maunlad ang komunidad. “Kung makakaahon tayo mula sa pakikibakang ito na may mas matinding pang-unawa sa mga pangangailangan ng mga tao,” paniniwala niya, “ang lipunan ay magiging mas mabuti matapos pagdaanan ang pagdurusang ito.”36


Sa iba’t ibang bayan, alam ni Pangulong Harold B. Lee ng Pioneer Stake ng Lunsod ng Salt Lake na kailangan din niyang gawin ang isang bagay upang matulungan ang mga tao na malagpasan ang Depression. Sa edad ng tatlumpu’t tatlong taong gulang, isa siya sa mga pinakabatang stake president sa Simbahan, kung kaya wala siyang gaanong karanasan sa buhay tulad ng iba pang kalalakihan sa kanyang katungkulan. Ngunit alam niya na mga dalawang ikatlo ng 7,300 Banal sa kanyang stake ang lubos o bahagyang umaasa sa tulong pinansyal. At kapag nagugutom ang mga tao, kaunti lamang ang pagkakataong pakainin sila sa espirituwal.37

Tinipon ni Harold ang kanyang mga tagapayo upang talakayin kung paano tutulungan ang mga Banal na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. Mula sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan, batid nila na iniutos ng Panginoon sa mga naunang Banal na magtatag ng kamalig “para sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan.”38 Sa loob ng ilang dekada, pinamamahalaan ng Simbahan ang maliliit na “mga kamalig ng bishop” upang mangolekta at muling magpamahagi ng mga handog na pagkain at iba pang mga bagay sa mga maralita. Bagama’t iniba na ng Simbahan ang pamamaraan kung saan salapi na ang ibabayad bilang ikapu noong dekada ng 1910, mayroon pa ring mga kamalig sa ilang ward at stake.39 Ang pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, na namamahala ng mga tindahan at kamalig upang tulungan ang mga Banal sa oras ng kagipitan, ay nangangasiwa rin ng kamalig upang magbigay sa mga maralita ng mga damit at iba pang mga gamit sa bahay.40 Paano kaya kung gayon din ang gagawin ng Pioneer Stake?

Isang programa para sa pagtulong ang kaagad na nabuo at ipinatupad, isang programa na makatutulong din sa mga Banal na makatayo sa sarili nilang mga paa. Sa tulong ng mga bishop, ang stake ni Harold ay magtatayo ng isang kamalig na susuportahan ng ikapu at mga donasyon. Sa halip na ipamigay nang libre ang mga bagay, hahayaan ng programa na ang mga Banal sa stake na walang hanapbuhay ay magtrabaho sa kamalig o sa iba pang mga proyektong pantulong bilang kapalit ng pagkain, damit, panggatong, o iba pang mga kinakailangan.41

Matapos sumangguni sa kanyang mga tagapayo, isinumite ni Harold ang plano sa Unang Panguluhan at tinanggap ang kanilang pagsang-ayon. Pagkatapos ay ibinigay niya ito sa mga bishop ng kanyang stake sa isang espesyal na pulong at inanyayahan silang talakayin ito. Kaagad, isang bishop ang nagtanong ng isang bagay na walang alinlangan na nasa isipan ng maraming miyembro ng Simbahan: Kung nangako ang Panginoon na tutustusan Niya ang Kanyang mga tao, bakit napakaraming matatapat at nagbabayad ng ikapu na mga Banal ang naghihirap?

Ginawa ni Harold ang lahat ng kanyang makakaya upang sumagot, ipinapaalala sa mga bishop na umaasa ang Panginoon sa kanila upang isagawa ang Kanyang gawain. “Ang mga pangako ng Panginoon ay nasa inyong mga kamay, at ang daan at ang paraan ng pagtupad sa mga ito ay nakasalalay sa inyo,” sabi niya. Pagkatapos ay hinikayat niya ang mga bishop na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang magtagumpay ang kamalig, nagpapatotoo na ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon ay matutupad.42

Upang maisakatuparan ang plano, pinili ni Harold at ng kanyang mga tagapayo ang isa sa mga bishop, si Jesse Drury, upang pamahalaan ang kamalig. Maraming Banal sa ward ni Jesse ang naghirap nang husto dahil sa Depression. Si Jesse mismo ay nawalan ng trabaho, at siya at ang kanyang pamilya ay nahihirapang matustusan ang kanilang pangangailangan gamit ang tulong ng pamahalaan.43

Gayunman, noong unang bahagi ng taong iyon, nagpasiya si Jesse at ang kanyang mga tagapayo na gumawa ng paraan upang magbigay ng karagdagang pagkain at trabaho para sa mga miyembro ng kanilang ward. Sa timog lang ng hangganan ng ward ay isang mayaman at di-nagagamit na lupain. Nilapitan ng bishopric ang mga may-ari, at pumayag silang hayaang tamnan ng ward ang lupain kapalit ng pagbabayad ng buwis sa mga ari-arian. Dalawang kalapit na ward sa Pioneer Stake ang agad sumama sa gawain, at magkakasama nilang natagpuan ang mga magsasaka at mga lider ng lalawigan na handang magbigay ng mga binhi at magtustos ng patubig. Bumili rin sila ng mga gulay na halaman sa mas mababang presyo at nakakuha ng ilang kagamitan sa bukid at mga kabayo mula sa mga taong sumusuporta sa kanilang proyekto.44

Ngayon, sa patnubay ni Harold, pinamunuan ni Jesse ang isang grupo ng mga miyembro ng Simbahan na walang trabaho para kanilang ayusin ang isang lumang imbakan upang maging isang kamalig ng stake. Nagtayo sila ng isang cannery at nagbukas ng tindahang sari-sari. Mayroon ding imbakan sa magkakahiwalay na palapag at espasyo para sa pag-aayos ng donasyong damit.45

Pagsapit ng tag-init ng 1932, handa nang buksan ang kamalig. Nagdaos sina Harold, Jesse, at iba pa sa Pioneer Stake ng isang espesyal na araw ng pag-aayuno upang gunitain ang pangyayari, dinadala ang kanilang mga handog-ayuno sa pambungad na seremonya ng pagbubukas ng gusali. Ilang kababaihan at kalalakihan sa stake ang nagtrabaho sa kamalig habang ang iba ay naglalakbay sa kabuuan ng lambak upang magtrabaho sa mga bukid at taniman.46

Hindi nagtagal, napakaraming gulay ang inani at mabibili ng mga tao. Mayroong daan-daang kaing ng peach, libu-libong sako ng patatas at sibuyas, tone-toneladang cherry, at marami pang iba. Bilang kapalit ng kanilang pagtatrabaho, ang mga miyembro ng stake ay maaaring kumuha ng bahagi ng ani. Sapat na ang natira upang makapagdelata ang Relief Society para sa susunod na taglamig. Ang kababaihan ay nagtrabaho bilang kapalit ng mga pangangailangang di nabubulok sa pamamagitan ng pagsulsi ng mga lumang damit at pagkolekta ng mga gamit na sapatos.47

Sa pagtatapos ng taon, nakita ni Harold na pinagpapala ng Panginoon ang mga Banal sa Pioneer Stake. Bagama’t marami sa kanila ang dumanas ng paghihirap noong nakaraang taon, nanatili silang matatag sa pananalig na tutulungan sila ng Diyos sa kanilang paghihirap. Higit pa rito, sila ay handang magtulungan sa pagtatrabaho para sa kapakinabangan ng mga nangangailangan, sa kabila ng pagkawasak na idinulot ng Depression.48

  1. Widtsoe, Diary, Mar. 16–18, 1931; “Mission Head Sees Europe Going ‘Dry,’” Salt Lake Tribune, Mar. 17, 1931, 22; “U.S. Immigration Laws Force Church to Open Permanent Europe Branches,” Deseret News, Mar. 17, 1931, bahagi 2, [1]; Parrish, John A. Widtsoe, 475–76.

  2. Lucy Gates Bowen to Leah D. Widtsoe and John A. Widtsoe, Apr. 11, 1929; John A. Widtsoe to Anna Widtsoe Wallace, May 4, 1929; Lucy Gates Bowen to John, Leah, and Eudora Widtsoe, June 10, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL.

  3. Allen, “Story of The Truth, The Way, The Life,” 704–7; John W. Welch, “Introduction,” sa Roberts, The Truth, The Way, The Life, xi–xii. Paksa: B. H. Roberts

  4. Joseph Fielding Smith, “Faith Leads to a Fulness of Truth and Righteousness,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Okt. 1930, 21:145–58.

  5. Roberts, The Truth, The Way, The Life, 297–306.

  6. Joseph Fielding Smith, “Faith Leads to a Fulness of Truth and Righteousness,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Oct. 1930, 21:147–48; “Pre-Adam Race Denied by Member of Twelve,” Deseret News, Abr. 5, 1930, 8; B. H. Roberts to First Presidency, Dec. 15, 1930, B. H. Roberts Collection, CHL.

  7. Allen, “Story of The Truth, The Way, The Life,” 720–24.

  8. Widtsoe, In Search of Truth, 70–80, 109–11, 114–20; John A. Widtsoe to Melvin J. Ballard, Jan. 27, 1931, John A. Widtsoe Papers, CHL.

  9. Widtsoe, Diary, Apr. 7, 1931; First Presidency to Council of the Twelve, First Council of Seventy, and Presiding Bishopric, Apr. 7, 1931, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Grant, Journal, Jan. 25, 1931.

  10. Joseph Smith, Discourse, Apr. 8, 1843, sa JSP, D12:192.

  11. First Presidency to Council of the Twelve, First Council of Seventy, and Presiding Bishopric, Apr. 7, 1931, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL.

  12. First Presidency to Council of the Twelve, First Council of Seventy, and Presiding Bishopric, Apr. 7, 1931, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Talmage, Journal, Apr. 7, 1931; Joseph F. Smith, John R. Winder, at Anthon H. Lund, “The Origin of Man,” Improvement Era, Nob. 1909, 13:80. Paksa: Organikong Ebolusyon

  13. John A. Widtsoe to Joseph Fielding Smith, Sept. 15, 1931; John A. Widtsoe to Rudger Clawson and Council of the Twelve, Sept. 9, 1931, John A. Widtsoe Papers, CHL; Widtsoe, Diary, Apr. 7, 1931; George F. Richards, Journal, Apr. 7, 1931; Talmage, Journal, Apr. 7, 1931; Smoot, Diary, Apr. 7, 1931, Reed Smoot Papers, BYU; George Albert Smith, Journal, Apr. 7, 1931, George Albert Smith Family Papers, J. Willard Marriott Library, University of Utah, Salt Lake City.

  14. Allen, “Story of The Truth, The Way, The Life,” 726–31. Ang mauskrito ay inilathala noong 1994 bilang The Truth, The Way, The Life: An Elementary Treatise on Theology (Provo, UT: BYU Studies, 1994).

  15. Love Branch, Miscellaneous Minutes, Dec. 14, 1931; Stevenson, Global History of Blacks and Mormonism, 50. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “the Book of Mormon Ready Reference” sa orihinal ay pinalitan ng “Book of Mormon Ready References,” at ang “siya ay” ay pinalitan ng “ako ay.”

  16. Love Branch, Miscellaneous Minutes, Dec. 14, 1931. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “Mga pag-asa na tutulungan sila ng Panginoon na manatiling matatag.”

  17. Love Branch, Miscellaneous Minutes, Dec. 14, 1931. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “Nadarama niya” sa orihinal ay pinalitan ng “nadarama ko,” at ang “Alam niya na kung siya ay tapat na makikita niya” ay pinalitan ng “alam ko na kung ako ay tapat, makikita ko.”

  18. Don Dalton to First Presidency, Apr. 11, 1930; First Presidency to Don Dalton, May 15, 1930, First Presidency Mission Files, CHL.

  19. Love Branch, Miscellaneous Minutes, Dec. 14, 1931.

  20. Love Branch, Miscellaneous Minutes, Feb. 22, 1932. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “para sa kanya ay may kahirapan ito alam niya na tutulungan siya ng Panginoon sa kanyang gawain.”

  21. Love Branch, Miscellaneous Minutes, Feb. 29, 1932, and Aug. 21, 1933. Paksa: South Africa

  22. Cincinnati Branch, Minutes, Feb. 14, 1932; Paul Bang, “My Life Story,” 7; Circular of the First Presidency, 4; Hartley, “From Men to Boys,” 109–10, 112–18. Paksa: Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood

  23. Practical Duties for Members of the Lesser Priesthood,” Improvement Era, Hulyo 1916, 19:847; Hartley, “From Men to Boys,” 118.

  24. Presiding Bishopric, Minutes of the Aaronic Priesthood Convention, Apr. 8, 1932, 5; Criteria for Aaronic Priesthood Advancement, May 17, 1928, Presiding Bishopric General Files, 1889–1956, CHL.

  25. Hartley, “From Men to Boys,” 121; Cincinnati Branch, Minutes, Jan. 10–May 15, 1932. Paksa: Mga Sacrament Meeting

  26. Fish, “My Life Story,” [4]; Paul Bang, “My Life Story,” 3–6.

  27. Feck, Yesterday’s Cincinnati, 101–2; Stradling, Cincinnati, 103–10.

  28. Paul Bang, “My Life Story,” 1, 5, 28; “Seek Relief in Bankruptcy,” Cincinnati Enquirer, Abr. 23, 1932, 10. Paksa: Great Depression

  29. “Aaronic Priesthood Day,” Deseret News, Abr. 27, 1927, 4; Sylvester Q. Cannon, David A. Smith, at John Wells, “Aaronic Priesthood Day,” Presiding Bishopric, Bulletin no. 126, circa Mar. 1927; Cincinnati Branch, Minutes, May 15, 1932; Henry Bang, Thomas Harry Large, Julius Conrad Blackwelder, at William Carl Schnarrenberg, sa Cincinnati Branch, Record of Members and Children, blg. 18, 202, 204, 210; Presiding Bishopric, Bulletin blg. 186, circa Apr. 1932. Paksa: Panunumbalik ng Aaronic Priesthood

  30. Para sa mga halimbawa, tingnan ang Cincinnati Branch, Minutes, 1931–32.

  31. Cincinnati Branch, Minutes, Jan. 10, 17, 24, and 31, 1932.

  32. Lewis, Oral History Interview, 7, 25; Hall, Faded Legacy, 111–13; McCormick, “Great Depression,” 136. Ang huling sipi ay pinamatnugutan upang linawin; ang “L.A.” sa orihinal ay pinalitan ng “Los Angeles.” Paksa: Great Depression

  33. Lewis, Oral History Interview, 6; Hall, Faded Legacy, 115; Derr, “Changing Relief Society Charity,” 251. Paksa: Mga Welfare Program

  34. Lewis, Oral History Interview, 2, 11. Paksa: Amy Brown Lyman

  35. Lewis, Oral History Interview, 4, 13–15, 18–19, 25–26; Hall, Faded Legacy, 115–16; Derr, “Changing Relief Society Charity,” 251–53; Darowski, “Utah’s Plight,” 12.

  36. Evelyn Hodges, “Emotional Reactions to Unemployment and Relief,” Relief Society Magazine, Hulyo 1934, 21:391.

  37. Goates, Harold B. Lee, 90, 94; Lee, “Remarks of Elder Harold B. Lee,” 3.

  38. Drury, “For These My Brethren,” [5]; Doctrine and Covenants 42:34.

  39. Rudd, Pure Religion, 4.

  40. Mga Banal, tomo 2, kabanata 30; Derr at iba pa, First Fifty Years of Relief Society, xxxv, 399; Alexander, Mormonism in Transition, 132. Mga Paksa: Bishop; Paglalaan at Pangangasiwa

  41. Drury, “For These My Brethren,” [5]–[7], [15], [17]–[19]; Goates, Harold B. Lee, 94; “Pioneer Stake Launches Barter Employment Plan,” Salt Lake Telegram, Hulyo 25, 1932, 12.

  42. Drury, “For These My Brethren,” [5]–[6]; Presiding Bishopric, Office Journal, June 20, 1932; Grant, Journal, June 20, 1932.

  43. Drury, “For These My Brethren,” [2], [7], [19]; Rudd, Pure Religion, 9.

  44. Drury, “For These My Brethren,” [2]–[4]; Rudd, Oral History Interview, 38–40; “100 Needy Families to Get Vegetables,” Salt Lake Telegram, Dis. 5, 1932, [7].

  45. Drury, “For These My Brethren,” [8]; “Pioneer Stake Launches Barter Employment Plan,” Salt Lake Telegram, Hulyo 25, 1932, 12; “Exchange Idea Assures Many Jobs for Idle,” Salt Lake Tribune, Hulyo 25, 1932, 14.

  46. Rudd, Pure Religion, 13; Drury, “For These My Brethren,” [8]–[9]; Lee, “Remarks of Elder Harold B. Lee,” 2; Goates, Harold B. Lee, 94, 96.

  47. Harold B. Lee to John D. Pearmain, June 30, 1933, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; “Pioneer Stake Launches Barter Employment Plan,” Salt Lake Telegram, Hulyo 25, 1932, 12; Drury, “For These My Brethren,” [16]; Finck, “Early Days of the Welfare Plan,” 3; Statistical Report, Dec. 31, 1932, sa Thirty-Second Ward, Relief Society Minutes and Records, 123; “Model Community Routs Unemployment,” Salt Lake Tribune, Ago. 6, 1933, bahagi ng Magasin, 4.

  48. Salt Lake Pioneer Stake, Confidential Minutes, Oct. 24, 1932, and Jan. 8, 1933.