Kabanata 11
Sa Kahit Saang Bansa
Noong unang bahagi ng Oktubre 1968, nasa kanyang ikalawang taon si Isabel Santana sa Benemérito de las Américas. Ang paaralan ng Simbahan ay mayroon na ngayong isang libo dalawang daang mag-aaral—higit sa doble nang unang dumating doon si Isabel—at isang lumalaking campus na may bagong auditorium-gymnasium, isang maliit na tindahan, dalawang gusaling pang-gawaan, isang sentro para sa pagtanggap ng mga bisita, at tatlumpu’t-limang bahay na tirahan. Nang dumating si Pangulong N. Eldon Tanner sa Lunsod ng Mexico noong unang bahagi ng taon para ilaan ang mga bagong gusali, sumama ang Tabernacle Choir upang magtanghal sa paglalaan.
Sina Isabel at kanyang nakababatang kapatid na si Hilda ay mabilis na naka-akma sa buhay sa paaralan. Likas na mahiyain si Isabel, subalit hindi niya hinayaang daigin ng pagkamahiyain niya ang kanyang edukasyon. Nagkaroon siya ng malapit na kaibigan, natutong pakibagayan ang mga kaibhan sa kultura na kanyang nakaharap, at ginawa ang lahat ng kaya niya para kumausap ng mga taong hindi niya kilala.
Pinatunayan din niya na isa siyang masipag na mag-aaral. Palagian siyang humihingi ng payo sa kanyang mga guro at administrador ng paaralan. Isa sa mga gurong ito, si Efraín Villalobos, ay nag-aral sa mga paaralan ng Simbahan sa Mexico noong bata pa ito bago nag-aral ng agronomiya sa Brigham Young University. Masaya itong kabiruan, at natanto ni Isabel at iba pang mga mag-aaral sa Benemérito na madali siyang pakisamahan. Malayo sa kanilang mga pamilya, tinitingala nila ito bilang kanilang guro, gabay, at ikalawang ama.
Isa pang guro na nagbibigay ng inspirasyon sa kanya ay si Leonor Esther Garmendia, na nagtuturo naman ng pisika at matematika sa paaralan. Noong unang taon ni Isabel, hiniling ni Leonor sa kanyang mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung gusto nila ang matematika. Marami ang nagtaas ng kamay. Tinanong niya kung sino ang may ayaw nito. Nagtaas ng kamay si Isabel.
“Bakit ayaw mo nito?” tanong ni Leonor.
“Dahil hindi ko po ito maunawaan,” sabi ni Isabel.
“Mauunawaan mo iyon dito.”
Hindi madali ang mga gawain sa klase ni Leonor. Kung minsan ay magbibigay siya ng takdang-aralin sa klase at pagkatapos ay hihilingin sa bawat mag-aaral na lumapit sa kanyang mesa para sagutan ang tanong sa matematika kasama siya. Hindi nagtagal, nagagawa nang sagutan na ni Isabel ang mga tanong sa isip lang niya—isang kakayahang hindi niya inakalang magagawa niya.
Gaya ng marami sa kanyang mga kaklase, binabalanse ni Isabel ang pag-aaral sa kanyang trabaho. Sinagot ng Simbahan ang karamihan sa gastusin ng edukasyon upang mapanatiling mababa ang bayad sa matrikula. Upang mabayaran ang natitirang gastusin, naglilinis ng mga gusali ang mga mag-aaral o kaya naman ay namamasukan sila sa gatasan ng paaralan. Nakahanap si Isabel ng trabaho bilang switchboard operator ng telepono sa paaralan. Sa bawat lumilipas na oras, nakaupo siya sa isang makitid na phone box o cubicle at ikinokonekta ang mga tawag sa kabuuan ng paaralan gamit ang switchboard na may mga pin at numero. Simple lamang ang trabaho, at madalas siyang magbaon ng libro para tulungan siyang magpalipas ng oras.
Noong panahong iyon, ang mga mag-aaral sa unibersidad sa buong mundo ay nagpoprotesta laban sa kanilang mga pamahalaan. Sa Lunsod ng Mexico, maraming mag-aaral ang nagprotesta sa daan upang humiling ng mas maraming katarungang pang-ekonomiya at pulitikal. Galit din sila sa impluwensya ng Estados Unidos sa mga pinuno ng Mexico. Sa isipan ng mga mag-aaral, ang Digmaang Malamig sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Sobyet ay pagkakataon ng malalakas na bansa na sakupin ang kanilang mas maliit, mas mahihinang kapitbahay.
Pinalala ng sitwasyon ang paghahanda ng Lunsod ng Mexico sa pagiging punong-abala ng Summer Olympics—ang kauna-unahang Olympics na idaraos sa isang bansa sa Latin America. Umabot sa sukdulan ang tensyon noong ika-2 ng Oktubre 1968, sampung araw bago ang Olympics, nang nagpaputok ang mga hukbo ng Mexico sa mga nagpoprotesta sa Tlatelolco Square ng Lunsod ng Mexico, na siyang pumatay sa halos limampung tao. Sa mga sumunod na linggo, dinakip ng mga awtoridad ang mga pinuno ng mga kilusang mag-aaral habang kapwa ang pamahalaan at media ay pilit na pinawawalang-bahala ang karahasan ng masaker sa Tlatelolco.
Malapit sa lugar ng karahasan ang Benemérito, at lubhang nalungkot si Isabel nang malaman niya ang tungkol sa mga pagpatay. Subalit pakiramdam niya ay ligtas siya sa paaralan, kung saan karamihan sa mga mag-aaral at guro ay hindi sumali sa mga protestang pulitikal.
Gayunman, isang hapon, may lalaking tumawag sa paaralan at nagbantang nanakawin ang mga bus nito. Natakot si Isabel, pero hindi niya hinayaan ang sarili na mataranta. “Sino po ito?” tanong niya.
Nagbaba ng telepono ang tumawag.
Hindi tiyak ang gagawin, nagkabit siya ng pin sa switchboard at tinawagan si Kenyon Wagner, ang direktor ng paaralan.
“Isabel,” sabi niya, “kami na ang bahala rito.”
Lumabas na pananakot lamang ang tawag, at natuwa si Isabel na walang masamang nangyari. Naging kanyang kanlungan ang Benemérito, isang payapang lugar kung saan siya maaaring mag-aral ng ebanghelyo at makapagtamo ng edukasyon.
Habang naroon siya, alam niyang mapoprotektahan siya.
Noong umaga ng ika-10 ng Nobyembre 1968, nakipagpulong si Henry Burkhardt sa humigit-kumulang 230 Banal para sa kumperensya ng district sa Görlitz, isang lunsod sa silangang hangganan ng German Democratic Republic. Halos mabuwag na ang gusaling may tatlong palapag kung saan sila nagkita. Makikita sa paligid ng mga bintana ang mga ladrilyo kung saan nasira na ang harap ng gusali.
Biglang napuspos ng kaligayahan ang kabuuan ng meetinghouse. Dumalo si Apostol Thomas S. Monson sa kumperensya, na siyang gumulat sa mga Banal. Sa pitong taong lumipas mula nang itinayo ang Berlin Wall, kakaunti na lamang ang mga pagkakaton nilang makipagkita sa isang general authority.
Kailan lamang ay naitalaga si Elder Monson upang pangasiwaan ang mga mission na gumagamit ng wikang Aleman, at si Henry, bilang lider ng Simbahan sa GDR, ay sabik na makipagtulungan dito. Sa edad na apatnapu’t-isa, ilang taon lamang ang tanda ni Elder Monson sa kanya. Ngunit isa itong apostol—at iyon ang nagbabukod-tangi rito ayon sa paningin ni Henry. Ano kaya ang pag-uugali niya? Magkakasundo ba sila?
Naglaho ang mga agam-agam na ito halos sa mismong pagkakataong pumasok si Elder Monson sa meetinghouse. Mapagkumbaba ito at nakakatuwa. Hindi ito sanay sa wikang Aleman, at hindi sanay sa wikang Ingles si Henry, ngunit naging magkaibigan sila.
Nagsimula ang kumperensya ng alas-diyes ng umaga. Nakangiti ang mga Banal sa kongregasyon, malinaw na nagpapasalamat sa pagdalo ni Elder Monson. Tiyak na ang ilan sa kanila ay mga informant—mga miyembro ng Simbahan na nag-uulat sa pamahalaan tungkol sa mga salita at kilos ng kanilang mga kasamang Banal. Inisip ni Henry na kilala niya ang karamihan sa kanila, ngunit hindi niya pinigilan ang mga ito. Mas nanaisin pa niyang tumanggap ng ulat ang pamahalaan mula sa mga informant na Banal sa mga Huling Araw na nagsasabi ng totoo tungkol sa Simbahan kaysa sa mga mas hindi totoong pinagkukunan.
Subalit nayayamot siya sa maraming restriksyon na ipinatupad sa kanya at sa iba pang mga East German. Ang pamumuno sa Simbahan sa ilalim ng mga kundisyong ito ay patuloy siyang inihihiwalay sa kanyang pamilya sa loob ng anim na araw kada linggo, at ngayon sila ni Inge ay may isa pang anak, isang batang nagngangalang Tobias. Tuwing kailangan niyang humarap sa mga opisyal ng pamahalaan—na madalas mangyari—sinusubukan nilang kumbinsihin siya sa kapakinabangan ng komunismo. Hindi siya kumbinsidosa mga ito. Kapag iniisip niya ang mga nangyayari sa bansa, at sa sistemang humihikayat sa mga Banal na isuplong ang iba pang mga Banal, tinatanong niya ang sarili, “Paanong naging posible ang anumang tulad nito?”
Makikitang naantig rin si Elder Monson sa mga nangyayari sa GDR. Nang tumayo siya upang magbigay ng mensahe sa mga Banal na nasa kumperensya, napuno ng luha ang kanyang mga mata. Sinubukan niyang magsalita, ngunit pahinto-hinto ang kanyang pagsasalita, puspos ng damdamin. Sa wakas ay sinabi niya, “Kung mananatili kayong totoo at tapat sa mga alituntunin ng Diyos, bawat pagpapalang tinatamasa ng sinumang miyembro ng Simbahan saanmang bansa ay mapapasainyo.”
Para kay Henry at sa iba pang mga Banal sa kongregasyon, ipinangako ni Elder Monson ang lahat ng inaasam nila bilang mga miyembro ng Simbahan. Subalit napakarami ang dapat magbago sa GDR para magkatotoo ang mga salita. Nang nagmungkahi ang mga lider ng Simbahan na mag-organisa ng stake sa GDR, tinanggihan ni Henry ang ideya, nag-aalalang aakitin nito ang iniiwasang atensyon ng pamahalaan. At hindi nila makamit ang mga pagpapala ng templo mula nang isinara ng GDR ang mga hangganan nito. Tuwing humihingi ng pahintulot ang mga Banal na pumunta ng Swiss Temple, tinatanggihan ng pamahalaan ang kanilang mga hiling.
Gayunpaman, napuno ng kamangha-manghang sigla ang silid. Binasbasan ni Elder Monson ang mga Banal, at winakasan nila ang meeting nang may masigasig na himno:
Noong mga panahong ito, sa bansang Ghana sa Kanlurang Africa, natitiyak ni Joseph William Billy Johnson na natagpuan na niya ang tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. Apat na taon na nakakaraan, ang kaibigan niyang si Frank Mensah ay nagbigay sa kanya ng kopya ng Aklat ni Mormon at iba pang mga aklat at polyeto ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tulad ng katabi nitong Nigeria, walang kongregasyon ng Simbahan sa Ghana. Nais itong baguhin ni Frank.
“Nadarama kong ikaw ang taong dapat kong makatrabaho,” sinabi niya kay Billy.
Mula noon, nakapag-organisa na sila ng apat na hindi opisyal na kongregasyong Banal sa mga Huling Araw sa loob at sa paligid ng Accra, ang kabisera ng Ghana. Matapos makipag-ugnayan sa punong-tanggapan ng Simbahan, nalaman nila ang tungkol sa pag-aatubili ng Simbahan na magpadala ng mga misyonero sa kanlurang Africa. Subalit hinikayat sila nina LaMar Williams at iba pa na pag-aralan ang ebanghelyo at magtipon kasama ang mga katulad na mananampalataya. Noong nalaman nila na si Virginia Cutler, isang propesor mula sa Brigham Young University, ay nasa Accra upang magsimula ng programang teknolohiyang pantahanan sa University of Ghana, nagpasimula sila ng lingguhang Sunday school kasama nito.
Gustung-gusto ni Billy ibahagi ang ebanghelyo. Nagtrabaho siya sa industriya ng pag-aangkat, ngunit nais niyang umalis sa trabaho at maglaan ng mas maraming oras para sa gawaing misyonero. Hindi niya kabahagi sa pananampalataya ang kanyang asawa. “Napakabago ng simbahang ito,” sabi niya. “Ayokong magbitaw ka sa trabaho.”
Ngunit nasasabik si Billy na mangaral pa. “May masidhing damdamin sa akin na hindi ko na maitago,” sinabi niya rito.
Matagal nang mahalaga ang relihiyon para kay Billy. Ang kanyang inang si Matilda ay isang debotong Methodist, at pinalaki siya nito na may pananampalataya sa Diyos at minamahal ang mga salita Niya. Sa paaralan, madalas maghanap si Billy ng pribadong lugar upang umawit ng mga himno at magdasal habang naglalaro ang ibang mag-aaral. Napansin ito ng isa sa kanyang mga guro at sinabi sa kanyang balang araw ay magiging pari siya.
Habang tumatanda si Billy, pinagtibay ang pananampalataya niya ng mga kamangha-manghang panaginip at pangitain. Hindi nagtagal matapos ipakilala sa kanya ni Frank Mensah ang ipinanumbalik na ebanghelyo, nagdarasal si Billy nang nakita niyang bumukas ang kalangitan at isang pulutong ng mga anghel ang nagpakita, nagpapatugtog ng trumpeta at umaawit ng papuri sa Diyos. “Johnson, Johnson, Johnson,” isang tinig ang tumawag sa kanya. “Kung iyong isasagawa ang aking gawain ayon sa atas ko, pagpapalain Kita at ang iyong lupain.”
Ngunit hindi lahat ay tinanggap si Billy o si Frank o kanilang mga paniniwala. May ilang taong nagsabing sumusunod sila sa isang huwad na simbahan. Ang iba naman ay inakusahan sila ng hindi pagsampalataya kay Jesucristo. Nasaktan si Billy sa mga sinabi nila. Iniisip kung naligaw na ba siya ng landas, nagsimula siyang mag-ayuno. Pagkalipas ng tatlong araw, pumasok siya sa isang silid sa kanyang bahay kung saan niya isinabit ang mga larawan ng mga pangulo ng Simbahan. Lumuhod siya at nagdasal sa Diyos para humingi ng tulong.
“Nais ko pong makita ang mga propetang ito,” sabi niya. “Nais kong bigyan nila ako ng alituntunin.”
Noong gabing iyon, habang natutulog si Billy, napanaginipan niya na nagpakita sa kanya si Joseph Smith at sinabi sa kanyang, “Hindi magtatagal ay darating ang mga misyonero. Iniisip ka ni Propetang McKay.”
Isa pang lalaki ang lumapit sa kanya at ipinakilala ang sarili bilang si Brigham Young. “Johnson, kasama mo kami,” sabi niya. “Huwag kang panghihinaan ng loob.” Bago natapos ang gabi, nakita ni Billy ang bawat propeta sa huling araw hanggang kay George Albert Smith.
Ang pagnanais ni Billy na maglaan ng mas maraming panahon sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay agad na nagtulak sa kanyang magbitiw sa trabaho at lumipat sa Cape Coast, isang siyudad sa timog kanluran ng Accra, kung saan niya balak magsaka at mag-organisa ng bagong kongregasyon. Hindi suportado ng kanyang asawa ang desisyon niya, kung kaya sa halip na lumipat kasama ang pamilya, nakipag-diborsyo ito kay Billy at iniwan sa kanya ang pag-aalaga ng apat nilang maliliit pang anak.
Lubhang nalungkot si Billy, ngunit nakatagpo siya ng suporta sa kanyang inang si Matilda. May mga sarili siyang agam-agam sa pagbitiw ni Billy sa trabaho at paglipat ng pamilya sa Cape Coast, iniisip kung magtatagumpay ito sa isang lunsod na may marami nang simbahan. Subalit si Billy na lamang ang anak niyang buhay, at umaasa siya rito para sa kapakanan niya, kung kaya sumama siya rito.
Ngayon ay kabahagi na ni Matilda ang kanyang anak sa pananampalataya. Nang unang sinabi sa kanya ni Billy ang tungkol sa mga bagong paniniwala nito, hindi niya ito sineryoso. Ngunit matapos makita kung paano binago ng mga paniniwalang iyon ang kanyang anak at ang mga taong tinuturuan nito, natanto niya na may natagpuang espesyal ang kanyang anak. Batid niya na siya at marami pang iba ay pagpapalain kapag dumating ang Simbahan sa Ghana, at binigyan siya ng kaalamang ito ng lakas ng loob.
Sa sandaling nakalipat sa Cape Coast ang pamilya, inalagaan ni Matilda ang mga anak ni Billy habang inoorganisa nito ang bagong kongregasyon. Binigyan niya rin ito ng moral na suporta at lakas ng loob, tumutulong kung kaya niya para palakasin ang kongregasyon.
“Anuman ang sitwasyon, anuman ang hinaharap,” patotoo niya, “handa akong lumaban nang tapat para sa Simbahan.”
Matapos ilabas ang kanilang album kasama si Stan Bronson, agad na natagpuan ng mga mang-aawit ng Ampunan ng Songjuk ang kanilang sarili na palagiang nagtatanghal sa mga base militar at sa mga palabas sa telebisyon sa Amerika at Korea. Ang lahat, kabilang na ang pangulo ng South Korea at ang kinatawan ng U.S. ay tila natuwa sa koro ng mga batang babae.
Nasiyahan si Hwang Keun Ok na makipagtrabaho kay Stan at sa mga mang-aawit. May positibong epekto ang grupo sa mga bata. Una, kinakailangang matapos nila sa oras ang kanilang takdang aralin upang makasali. Subalit higit pa roon, nasiyahan si Keun Ok na makita ang mga bata na magkaroon ng kumpiyansa sa sarli mula sa kanilang pag-awit. Sa pagsikat ng grupo, siya at si Stan ay nanatiling nanghihikayat, banayad na ginagabayan ang mga mang-aawit sa bawat pagsasanay, pagtatanghal, at pag-rekord.
Nais nilang tulungan ang mga bata sa ampunan sa ngayon at sa hinaharap. Habang nakabakasyon noong nakaraang taon, kinausap ni Stan ang mga tao sa sinilangang bayan niya tungkol sa pagbili para sa bawat bata ng bagong pangginaw o manika para sa darating na Pasko. Pagkatapos ay hiniling niya sa isang kaibigang sanay sa wikang Korean na magbihis bilang si Santa Claus upang ihatid ang mga regalo. Kalaunan, pinag-isipan nila ni Keun Ok na hilingin sa mga tao sa Estados Unidos na magbigay ng buwanang pinansyal na tulong sa mga bata.
Nang matapos ang paglilingkod ni Stan sa hukbo, nagtayo siya ng isang organisasyong nonprofit sa Utah. Nagsalita rin siya sa mga fireside, nagbigay ng mga konsiyerto, at nagbenta ng mga album upang pataasin ang kamalayan tungkol sa mga bata at sa kanilang pangangailangang pinansyal. Subalit bago maaaring umiral ang organisasyon sa South Korea, kinakailangan nito ng lisensya mula sa pamahalaan. Nagpataw ng restriksyon ang pamahalaang South Korea sa mga banyagang organisasyon sa pagpapatupad ng gawaing pangkawang-gawa sa loob ng bansa. Mabuti na lang at nagamit ni Keun Ok ang kasikatan ng grupo ng mang-aawit at kanyang mga kakilala sa pamahalaan upang makakuha ng lisensya para sa organisasyon ni Stan.
Habang isinasaayos ang organisasyon, may nabasa si Stan na magandang aklat na may pamagat na Tender Apples [Magiliw na Mansanas] tungkol sa isang babaeng Banal sa mga Huling Araw na tinulungan ang mga batang nasa panganib. Nagustuhan nila ni Keun Ok ang pangalan, kung kaya kinausap niya ang awtor, na pumayag na tawagin nila ang kanilang organisasyon bilang Tender Apples Foundation. Inayos ni Keun Ok ang isang silid sa kanyang bahay na may dalawang palapag sa Seoul upang maging tanggapan ng organisasyong nonprofit sa Korea, at doon nagtatrabaho si Stan tuwing nasa Korea ito. Hindi nagtagal, ginamit na rin ng grupo ang pangalang Tender Apples.
Isang araw, ilan sa mga bata ay nagtatawanan habang may dala silang diksyunaryo kay Stan. Dahil nagawa na nilang umawit sa mga pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw sa base militar ng mga Amerikano, alam nilang miyembro ng Simbahan si Stan. Ngunit tulad ng marami sa mga Koreano, kakaunti pa rin ang alam nila tungkol sa Simbahan o sa kung ano ang itinuturo nito. Kapag hinahanap nila ang salitang “Mormon” sa diksyunaryo, ang kahulugang ibinibigay rito ay “mga taong kakaiba ang pag-uugali.”
“Kung gayon,” tinanong ni Stan ang mga bata, “sa tingin ba ninyo ay kakaiba ako?”
“Ay hindi po,” sabi nila.
“Sa inyong palagay ba ay kakaiba si Binibining Hwang?”
Napasinghap ang mga batang babae. Wala sa kanilang nakakaalam na ang kanilang superintendent ay isa ring “Mormon”.
Ikinuwento ni Stan kay Keun Ok kung ano ang nangyari. Batid niyang ilang panahon na lamang bago malaman ng mga Protestanteng isponsor ng ampunan ang tungkol sa kanyang pagiging miyembro ng Simbahan, at inihanda niya ang sarili sa kanilang magiging sagot.
Hindi na niya kailangan pang maghintay nang matagal. Nang nalaman ng mga isponsor na si Keun Ok ay isang Banal sa mga Huling Araw—at ilan sa mga bata ay naging interesado sa Simbahan—pinapili nila siya. Maaari siyang umalis ng Simbahan o magbitiw sa kanyang posisyon. Para kay Keun Ok, walang kailangang pagpilian pa.
Tinipon niya ang kanyang mga gamit at nilisan ang ampunan. Marami sa mga nakatatandang batang babae na minahal na si Keun Ok ay sumunod din agad sa kanya, dala-dala ang iilan nilang pag-aari. Nang kumatok sila sa kanyang pintuan, alam niyang kailangan niyang maghanap ng paraan upang maalagaan sila.
Sa Utah, walang ibang dala si Truman Madsen kundi magandang balita para sa kanyang komite na nagsasaliksik sa pinagmulan ng Simbahan. Sa kabuuan ng tag-init ng 1968, nagpadala sa kanya ang mga historyador ng mga balita tungkol sa kanilang saliksik-lakbay sa silangang Estados Unidos. Dahil sa pondo mula sa Unang Panguluhan, nagawa nilang galugarin ang mga silid-aklatan at archive, matunton ang mga makasaysayang dokumento at kumpirmahin ang mahahalagang petsa at katotohanan.
“Napakagandang tag-araw nito!” pahayag ni Truman. Malakas ang loob niya na ngayon ay mas handa nang harapin ng mga historyador na Banal sa mga Huling Araw ang mga paratang ni Wesley Walters tungkol sa Unang Pangitain.
Isa sa mga pinakamahalagang pagkakatuklas noong tag-araw na iyon ay ang malakas na patunay ng religious revival malapit sa tahanan ni Joseph Smith noong 1820. Si Milton Backman, isang propesor ng kasaysayan at relihiyon sa Brigham Young University, ay napansin na inilarawan ni Joseph Smith ang kasabikan sa relihiyon sa kabuuan, at walang tinutukoy na partikular na lokasyon. Natanto ni Milton na masyadong itinuon ni Wesley Walters ang kanyang pagsasaliksik sa Palmyra. Matapos gumugol ng ilang linggo sa pagsisiyasat sa mga talang pangkasaysayan sa kanlurang New York, natuklasan ni Milton na isang “bagyo” ng kasabikang panrelihiyon ang tunay na dumaan sa Palmyra noong 1819 at 1820—gaya ng paglalarawan ng propetang si Joseph sa kanyang 1838 na tala ng Unang Pangitain.
Sa mga sumunod na ilang buwan, magkakatulong na sumulat ng mga artikulo sina Truman at iba pang historyador ukol sa kanilang mga saliksik. Nais niyang ilathala nang magkakasama ang lahat ng saliksik sa isang isyu ng BYU Studies, isang akademikong journal na inililimbag ng Brigham Young University.
Noong panahon ding iyon, patuloy na sinusuri ni Hugh Nibley ang mga piraso ng papyrus mula sa Metropolitan Museum of Art. Nang binili ng Simbahan ang mga artepakto, maraming tao ang sabik malaman kung ano ang taglay ng mga ito tungkol sa Aklat ni Abraham at sa pagsasalin nito. Kung tutuusin ay mahigit isang siglo nang pinagdudahan ng ilang tao ang pagsasalin ni Joseph Smith sa tatlong “kopya” na inilathala kasama ng Aklat ni Abraham. Binuo mula sa mga larawang natagpuan sa papyri, ang mga kopyang ito ay halos kamukha ng mga imahe sa karaniwang scroll ng Ehipto na nagpapakita ng libing ng patay na tila walang kinalaman kay Abraham o sa panahon niya.
Kinumpirma ng mga naunang pagsusuri at pagsasalin ng mga piraso na ang mga ito ay mga funerary text mula sa mga siglo makalipas ang panahon ni Abraham, at hindi sinalungat ng Simbahan o ni Hugh ang saliksik na ito. Subalit naniniwala si Hugh na ang dagdag na pagsusuri ay makapagbibigay ng karagdagang kaalaman tungkol sa papyrus at sa pagsasalin ng propeta. Sa higit isang dosenang artikulong inilathala noong 1968 at 1969, ginamit niya ang kaalaman niya sa sinaunang kultura at wika upang isulong ang mga teorya ukol sa Aklat ni Abraham at kaugnayan nito sa sinaunang relihiyon at kultura ng Ehipto. Sinabi niya, halimbawa, na ilan sa mga pinakamalakas na katibayan ng pagiging totoo ng Aklat ni Abraham ay ang pagkakatulad nito sa iba pang sinaunang teksto ng templo at libong-taon nang tradisyon ukol kay Abraham na malaki ang posibilidad na walang alam tungkol doon si Joseph Smith. Pinatotohanan din ng isinulat ni Hugh ang matitibay na kaisipan ng aklat tungkol sa priesthood, mga ordenansa sa templo, at sa plano ng kaligtasan.
Noong tagsibol ng 1969, ang saliksik na isinagawa ng komite ni Truman ay inilathala sa BYU Studies. Inilahad ng isyu ang pinakabagong impormasyon tungkol sa Unang Pangitain at nagbigay ng matibay na pangkasaysayang patunay para sa salaysay ni Joseph Smith. Sina Leonard Arrington at James Allen, dalawang miyembro ng komite, ay gumawa ng buod ng mga naisulat nang artikulo at aklat na inilathala tungkol sa sinaunang kasaysayan ng Simbahan. Isinulat ni Milton Backman ang isang artikulo tungkol sa kanyang saliksik sa mga panrelihiyong aktibidad malapit sa Palmyra. At si Dean Jessee, isang archivist para sa Historian’s Office ng Simbahan, ay naghanda ng artikulo tungkol sa mga salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain. Tinalakay naman ng ibang artikulo ang mga katulad na paksa. Maliban sa halaga ng mga ito sa pagtatanggol sa pananampalataya, naniniwala si Truman na ang mga sanaysay na ito ay nagpapakita ng halaga ng pagtutulungan ng mga Banal upang makamit ang mas ganap na pang-unawa sa kasaysayan ng Panunumbalik. Itinala niya na maraming miyembro ng Simbahan ay may mga liham, talaarawan, at iba pang mga dokumento sa kanilang pag-aari na maaaring may malaking pakinabang sa mga historyador.
“May mga mahalagang gawain ng pagtitipon, pagsasaliksik, at pagsasalin na napakalawak para sa iisang isip lamang, o kahit ilang daang isipan man,” isinulat niya sa pambungad ng isyu ng BYU Studies. “Dapat ay pagtulungan nating lahat ito.”
Samantala, sa German Democratic Republic, pinangangasiwaan ni Henry Burkhardt ang maraming pagbabago para sa mga Banal na nasa pangangalaga niya. Matapos ang pagbisita ni Elder Monson sa Görlitz, nag-organisa ang Unang Panguluhan ng mission sa Dresden, isang malaking lunsod sa GDR, at hinirang si Henry bilang pangulo nito. Makalipas ang sandaling panahon, bumalik si Elder Monson sa bansa upang organisahin ang mission, iorden si Henry sa katungkulan ng high priest, at itinalaga siya sa kanyang bagong tungkulin.
Ang asawa ni Henry na si Inge ay hinirang na maglingkod kasama niya. Mula nang kanyang nakilala ang mga Burkhardt, nabagabag si Elder Monson na ilang oras sa isang linggo lamang kung magkita ang mag-asawa. “Hindi tama ang ginagawa ninyo,” sinabi nito kay Henry. Ngayon si Inge, bilang kapwa mission leader, ay palagiang naglalakbay kasama niya sa iba’t ibang dako ng bansa at kung minsan ay ginagampanan ang mga tungkulin sa tanggapan ng mission.
Mas nais ni Henry na maglakbay nang mag-isa, gayunpaman, kapag sa palagay niya ay baka magkaroon siya ng mga problema. Binabantayan pa rin ng pamahalaan ang mga aktibidad ng mga Banal, ngunit nabawasan ang pagdududa nito sa Simbahan, matapos na si Henry, isang mamamayan ng Silangang Germany, ay hinirang bilang pangulo ng mission. Hanggat ang mga Banal ay hindi nagdaraos ng mga biglaang pulong, naglilimbag o kumokopya ng kahit anong materyal ng Simbahan, o kumikilos nang may pag-iingat, pinapabayaan lamang sila ng mga opisyal. Malaya silang magdaos ng mga sacarament meeting, magsagawa ng mga home teaching, at magtipon para sa mga pulong ng Relief Society, Sunday School, priesthood, at Primary.
Sinikap ni Henry na magpakaingat. Maraming Banal sa bansa ang nag-alala na mawalan sila ng ugnayan sa pandaigdigang Simbahan, at inasam nila na magkaroon pa ng mas maraming inilimbag na materyal ng Simbahan. Kung minsan ay hinahayaan ng pamahalaan ang mga Banal na mag-angkat ng maraming kopya ng inilimbag na materyal, gaya ng mga himno at banal na kasulatan. Subalit karaniwang nagtitiis na lamang ang mga miyembro ng Simbahan sa kung anuman ang mayroon sila. Upang hindi labagin ang mga pagbabawal sa paglilimbag at pagkopya ng mga materyal ng Simbahan, nagpatulong si Henry sa mga pinagkakatiwalaang boluntaryo para kopyahin ang mga manwal gamit ang mga makinilya at carbon paper.
Hindi masasabing tunay na paglabag sa batas ang pagsasagawa nito, kung kaya para kay Henry ay nasa tama siya sa pagbuo at pamimigay ng mga manwal. Subalit nag-aalala pa rin siya sa gawaing ito. Ang mga batas sa restriksyon ng kalayaan sa relihiyon ay hindi laging nakasulat o kaya naman ay hindi palagiang pinapatupad sa buong bansa. Alam na alam ni Henry na hindi kailangan ng mga opisyal na Stasi ng dahilan para dakpin siya. Kapag nahuli siya ng mas mahigpit na opisyal na may tangan siyang banyagang materyal ng Simbahan, maaaring agad na malagay sa alanganin si Henry.
Kahit na hindi maganda ang lagay sa bansa, nagpatuloy pa rin ang Simbahan. Ang nakakamangha, apatnapu’t pitong tao ang bininyagan noong 1968. Noong panahong inorganisa ni Elder Monson ang Dresden Mission, may 4,641 Banal mula sa Silangang Germany sa apatnapu’t-pitong branch at pitong district. Dumadalo ang mga Banal sa mga meeting, nagsasagawa ng mga home teaching, at nagdaraos ng mga aktibidad ng Simbahan kapag posible. Nagdaos pa sila ng “Genealogy Week” at nagsumite ng labing-apat na libong pangalan para sa gawain sa templo.
Habang pinagninilayan ni Henry ang kanyang bagong paghirang, inialay niya ang kanyang sarili at kanyang pamilya sa lahat ng kinakailangan nito. “Amin nang gawain ngayon ang gawin ang lahat ng aming makakaya para mapatatag ang Simbahan,” isinulat ni Henry sa kanyang journal. “Kasama ni Inge, umaasa akong maisagawa ang lahat ng mga gawain at madaig rin ang aking sariling kahinaan.”