Huwag Kalimutan Kailanman na Ikaw ay Isang Mormon
Tuwing magkakamali tayo, tuwing magkukulang tayo, talaga namang nalilimutan natin si Inay,” pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson. Dagdag pa niya, “Tinatalikuran ng mga tao ang kasamaan at bumabalik sa likas nilang kabutihan kapag naaalala si Inay.”1
Ang mensahe ni Pangulong Monson ay nagbigay ng lakas sa akin, na napakatindi kaya nang una kong mabasa ang kanyang mensahe, naisip ko ang nanay ko at ang matalinong payo niya sa akin maraming taon na ang nakararaan, nang sumapi ako sa Simbahan.
Ang nanay ko ay miyembro ng ibang simbahang Kristiyano, pero mabait siya sa mga misyonerong nagturo sa akin ng ebanghelyo. Nang magpasiya akong maging Banal sa mga Huling Araw, sinuportahan niya ako lagi.
Maganda ang takbo ng bagong buhay ko bilang miyembro ng Simbahan hanggang sa sumali ako sa pagdiriwang ng Journalism Day sa aking bansang Peru. Sa kasayahang dinaluhan ko, puno ng mga talumpati at pagbati ang paligid. Sumunod ang toast o tagayan. Habang lumalaon ang party, lumalakas din ang tuksong makipag-inuman sa mga kaibigan ko.
Ang pagbabagong ginagawa ng mga bagong kasapi sa Simbahan kapag tinanggap nila ang ebanghelyo ay madalas mangahulugan na kailangan nilang magkaroon ng mga bagong kaibigan. Sa ilang sitwasyon, tulad ng aking natutuhan, maaaring kasangkapanin ng kalaban ang mga dating kaibigan para tuksuhin tayong labagin ang mga kautusan at bumalik tayo sa dating gawi.
Nang alukin ako ng mga katrabaho ko ng isang basong serbesa, kinuha ko ito, ininom, at nagpatuloy akong uminom. Pagkatapos ng party, binagabag ako ng aking budhi. Natangay ako. Ano ang sasabihin ng nanay ko?
Pagdating ko sa bahay, tahimik akong pumasok at agad humiga. Walang sinabi ang nanay ko, pero nahiya ako at nagpasiyang tumigil sa pagsisimba. Makaraan ang isang linggo, habang nakaupo sa hapag para mananghali, tinitigan niya ako at sinabi, “Anak, huwag mong kalimutan kailanman na ikaw ay isang Mormon.”
Pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho, nakasakay ako sa aking bisikleta at nadaraanan ko ang meetinghouse ng Simbahan. Sa tuwing daraan ako, binabagabag ako ng aking budhi. Isang gabi nagpasiya akong hindi ko na maitatago ang kasalanan ko. Ipinarada ko ang bisikleta ko sa harap mismo ng opisina ng branch president, pumasok ako, at nagpa-interbyu.
Sinabi ko sa branch president ang nagawa ko at humingi ako ng tawad, pagkatapos ay pinayuhan niya ako. Magmula noon, hindi ko na nilabag ang Word of Wisdom.
Mahigit 20 taon nang patay ang nanay ko, pero sinisikap kong tandaan palagi ang sinabi niyang huwag kong kalimutan kailanman: Ako ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.