2011
Isang Sagot sa Bawat Tanong na ‘Paano Kung?’
Disyembre 2011


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Isang Sagot sa Bawat Tanong na “Paano Kung?”

“At [si Jesucristo] ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11).

Ilang taon na ang nakararaan nadulas ang scooter ko, at bumagsak ako sa gitna ng kalsada. Halos agad akong nabundol ng isa pang sasakyan—na malaki—at kinaladkad ako sa kalsada. Sinabi ng mga taong nagbalita tungkol sa aksidente na patay na ako.

Nang matuklasan ng mga paramedic na buhay pa ako, isinugod nila ako sa ospital, kung saan sumailalim ako sa ilang emergency surgery nang sumunod na ilang araw. Habang naka-life support ako at walang-malay, ipinatong ng aking ama at ng iba pa ang kanilang mga kamay sa aking ulunan at binasbasan ako gamit ang kapangyarihan ng priesthood. Mula nang sandaling iyon, naging mahimala ang paggaling ko. Ngunit mas mahalaga pa kaysa nangyari sa akin sa pisikal ang nangyari sa espirituwal.

Ang karanasang ito ang nagbukas sa aking puso sa kapangyarihan ng Tagapagligtas. Isang linggo matapos ang aksidente, nagkamalay ako at nalaman ko ang nangyari. Naunawaan ko na pinrotektahan ako ng Panginoon at tinulutan akong makapiling pa ang aking asawa at mga anak sa lupa. Nalaman kong pinanatag ako, hindi pinabayaan, ng Diyos. Sa halip na ma-trauma at manghina dahil sa prosesong gagawin upang ako ay gumaling, nakadama ako ng kapayapaan.

Nang sumunod na mga araw, naging mas malalim ang aking pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at tumindi ang hangarin kong manatiling tapat habambuhay. Nakita ko ang pagmamahal ng Panginoon sa mabubuting taong nakilala ko. At nakita ko na dininig at sinagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin at pag-aayuno para sa akin ng mga taong iba’t iba ang relihiyon.

Nang ibahagi ko ang kuwentong ito sa iba, ang mga tanong na “paano kung?” ay walang katapusan. “Paano kung namatay ka?” “Paano kung hindi ka na makalakad?” “Paano kung dumanas ka ng matinding sakit habambuhay?” Ang nakamangha sa akin ay may sagot ang Pagbabayad-sala sa bawat tanong na “paano kung?”

Dahil sa Pagbabayad-sala, ako ay mabubuhay na mag-uli at anumang pisikal na karamdaman o sakit ay mapapawi. Kami ng aking asawa at mga anak ay sama-samang mabubuklod bilang walang-hanggang pamilya. Iyan ay ginawa ring posible ng Pagbabayad-sala. Kung susulong tayo nang may pananampalataya sa ating Tagapagligtas sa pagdanas natin ng mga pagsubok sa buhay at magtitiis hanggang wakas, ilalaan ng Pagbabayad-sala ang landas na kailangan nating tahakin, na may maluwalhating pangako na buhay na walang-hanggan na naghihintay sa kabilang buhay.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).

O Ama Ko, ni Simon Dewey