Pinagpala ang mga Bagong Mission President sa Pagpapakita ng Pananampalataya
Noong Hunyo, 128 bagong mission president at kanilang mga asawa ang inanyayahan sa Missionary Training Center sa Provo, Utah, USA, para tagubilinan bago magpunta sa lugar ng kanilang destino.
Sinimulan ni Pangulong Thomas S. Monson ang apat-na-araw na seminar, na ginanap mula Hunyo 22 hanggang 26, 2011, na nagsasabing, “Pinili kayo mula sa pinakamatatapat sa Simbahan, at ngayon may pagkakataon kayong humayo sa bukiring aanihin ng Panginoon. … Wala akong alam na ibang bukirin na sinisibulan ng mas mabango at mas maraming rosas kaysa sa misyon kung saan kayo tinawag.”
Ang mga mag-asawa ay mula sa iba’t ibang panig ng daigdig—22 bansa—at maglilingkod sa iba’t ibang bansa sa 18 wika. Iba’t iba ang kanilang pinanggalingan, ngunit mayroon nang isang bagay na karaniwan sa kanila.
Sa pagsasakripisyo ng bagong tawag na mga mission president na ito at ng kanilang mga asawa upang maging handa sa temporal at espirituwal, halos kaagad nilang nakita ang mga pagpapala ng kanilang pananampalataya.
Pagsasakripisyo
Ang paglilingkod bilang mission president ay kapwa tungkuling puno ng hamon at nagpapasigla sa espirituwal na gagawin sa loob ng tatlong taon. Sa paglalaan ng kanilang sarili sa tungkuling ito, kailangang isantabi ng maraming mag-asawa ang kanilang dating buhay, pati na ang kanilang mga trabaho at pamilya.
Ang pagtigil sa trabaho ay maaaring mangahulugan ng pagkalugi sa ilan. Bagama’t tinutustusan ng Simbahan ang mga mission president ng maliit na halagang panggastos, ang mga mag-asawa ay karaniwang may sapat na pera para dagdagan ang halagang iyon gamit ang sarili nilang pondo.
Nang matanggap ni Marcus Martins at ng kanyang asawang si Mirian ang tawag sa kanila na maglingkod sa Brazil São Paulo North Mission, ang mag-asawang ito na mula sa Laie, Hawaii, USA, ay pinayuhan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na kakailanganin ang pagsasakripisyo, ngunit sinabi niyang huwag naman gawing labis ang pagsasakripisyo.
Umuwi ang mga Martins at nanalangin upang malaman kung paano sila magkakaroon ng sapat na pera para tanggapin ang pagkakataong ito. Ipinagbili nila ang lahat ng kanilang ari-arian. “Ang naging biyaya—naipagbili namin ang lahat sa loob ng isang araw,” ang sabi ni Sister Martins. “Isang himala iyon para sa amin.”
Marahil hindi lahat ay makapagsasakripisyo sa pinansiyal, ngunit bawat mission president at kanyang asawa ay susubukin sa kanilang pananampalataya.
Para kina Gary at Pamela Rasmussen ng Tucson, Arizona, USA, ang pagtanggap sa tawag na maglingkod sa Japan Sendai Mission ay nangahulugan ng pag-iwan sa kanilang anim na anak at 23 apo.
“Alam kong mas mapangangalagaan ng Ama sa Langit ang mga bata kaysa sa akin,” ang sabi ni Sister Rasmussen. “Kaya’t masaya naming gagawin ito at nadarama namin na magiging malaking pagpapala ito sa kanila.”
Marami sa mga tumatanggap sa tawag na maglingkod bilang mission president at katuwang ng mission president ay nagpapahayag ng kahandaang magsakripisyo.
“Kung minsan iniisip ko kung ano talaga ang maituturing na sakripisyo, dahil ang isang bagay na maaaring napakahirap para sa isang tao ay maaaring hindi ganoon kahirap para sa iba,” sabi ni President Martins. “Maraming beses sa aming buhay … sinabi naming uunahin namin ang Panginoon at na gagawin namin ang lahat para sa Panginoon, pupunta kami kahit saan. Kaya’t hindi namin iniisip na sakripisyo ito. … Ito ay isang pribilehiyo; isang karangalan ang ilaan ang lahat ng bagay.”
Pagiging Handa
Bago pa simulan ng mga mission president at kanilang asawa ang gawain sa mission, maraming espirituwal at temporal na paghahanda ang nagaganap. Ang mga mission president ay karaniwang tinatawag mahigit anim na buwan bago sila maglingkod, ngunit kung minsan mas maikli pa ang panahong iyon ng paghahanda. Sina Brent at Anne Scott ng Eden, Utah, USA, ay tinawag na mamahala sa Canada Toronto Mission isang linggo bago ang mission presidents’ seminar at dalawang buwan bago nila simulan ang kanilang paglilingkod.
Bukod sa pagpapaalam sa mga kaibigan at pamilya at pagsisikap na ayusin ang tungkol sa kanilang tahanan, pinag-aralan nila ang mga manwal, pinakinggan ang mga CD, at ginawa ang iba pang espirituwal na mga paghahanda. Ngunit sinabi nila na ang pinakamalaki nilang paghahanda ay ang seminar sa MTC.
“Iyon ay lubusang pagtutuon sa espirituwal na kaalaman,” sabi ni President Scott. “Ang makasama ng mga taong [nagsakripisyo upang paglingkuran ang Panginoon] at maturuan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag … ay talagang isa sa mga pinakamagandang karanasan namin sa buhay.”
Pagkakaroon ng Karunungan
Sa loob ng apat-na-araw na seminar noong Hunyo, espirituwal na pinakain ang mga mission president at kanilang mga asawa ng mga mensahe mula sa Unang Panguluhan at ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“Habang pinakikinggan namin sila, habang tinuturuan nila kami, [nadama namin] na naroon ang Panginoon, na nagmamalasakit Siya, na ito ang Kanyang gawain, na ang mga ito ay Kanyang mga tagapaglingkod, at na mayroon kaming pagkakataong humayo at maging kinatawan ng ating Tagapagligtas,” ang sabi ni Sister Scott.
Ipinahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa kanyang inaasam sa paalis na mga mission president at kanilang mga kompanyon.
“Nawa’y mapasainyo ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na lakas [at] tagumpay sa pagtatamo ng kaalaman, pagtuturo, at pagsasabuhay ng doktrina ni Jesucristo,” sabi niya. “Umaasa ako na magkakaroon kayo ng kakayahang magamit ang lakas ng mga miyembro; magtuon sa mga ordenansa; [at] maging kaisa ng Panginoon, ng mga miyembro ng Simbahan, at ng mga minamahal na misyonerong ipinagkatiwala sa inyo.”