2011
Huling Pasko ni Linda
Disyembre 2011


Huling Pasko ni Linda

J. Audrey Hammer, Utah, USA

Noong sophomore ako sa Brigham Young University, ibinoluntaryo ng ward bishopric namin ang ward sa Sub-for-Santa program, para mabigyan namin ng mga Pamaskong regalo ang isang pamilyang dukha.

Gayunman, laging nawawala ang pangalan ng ward namin sa listahan ng mga boluntaryo. Habang nalalapit ang Pasko, wala pa kaming pamilyang tutulungan. Pagkatapos ay sinabi sa amin ng isang tagapayo ng bishop na may ibang pamilya kaming matutulungan. Nang malaman namin ang tungkol sa pamilyang ito, natiyak naming lahat na dapat namin silang pagtuunan.

Si Linda (pinalitan ang pangalan), na maraming anak na edad 9 hanggang 15, ay nakikipaglaban sa sakit na breast cancer. Habang namomroblema sa karamdamang iyon, iniwan siya ng kanyang asawa. Kalilipat lang niya mula sa ibang estado para magtrabaho sa Provo, Utah, pero hindi natuloy ang trabaho, kaya wala siyang kita.

Nang makilala namin si Linda, agad namin siyang kinaawaan. Mapalad kaming makita siya sa paraan ng Tagapagligtas—bilang isang dakila at marangal na kaluluwang nalampasan ang maraming mahihirap na hamon. Hindi siya naging proyekto sa amin kailanman; bagkus, isa siyang walang hanggang kaibigan. Bawat miyembro ng ward ay nag-ambag ng kahit ano para tulungan siya at ang kanyang mga anak. Lahat kami ay mga bata pang estudyante sa kolehiyo at dukha rin naman, pero masaya kaming nagbigay dahil mahal namin siya.

Dumalo si Linda sa aming ward Christmas party, sa oras na iyan nagpunta ang ilang miyembro ng ward sa kanyang apartment at pinuno ng pagkain ang kanyang paminggalan at refrigerator. Dinekorasyunan nila ang isang Christmas tree at pinalibutan ito ng mga regalo para sa buong pamilya. Binigyan din nila siya ng apat na bagong gulong ng kotse at binayaran ang ilang buwan niyang upa. Hindi ko tiyak kung paano nagawang lahat ito ng maliliit naming kontribusyon, pero alam ko na ginamit ng Ama sa Langit ang aming mga sakripisyo upang pagpalain siya.

Isang taon kalaunan nasa iba akong student ward, pero binisita ko ang dati kong bishopric noong Pasko. Nalaman ko na bumalik ang asawa ni Linda sa pamilya at matatag na ang kanilang pamumuhay. Ngunit nagbalik ang kanyang kanser at namatay siya. Natanto ko na natulungan namin si Linda na maranasan ang kanyang huling Pasko.

Nang madama ko ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47) nang napakatindi sa karanasang iyon, nalaman ko na ang tunay na pag-ibig sa kapwa ay isang walang-katumbas na espirituwal na kaloob na nagtutulak sa atin na kumilos para sa Tagapagligtas.