2011
Wala Kaming Makain
Disyembre 2011


Wala Kaming Makain

Estilita Chacin Hart, Utah, USA

Nagising ako nang maaga noong bisperas ng Pasko na nag-aalala dahil wala kaming makakain sa hapunan sa Pasko sa gabing iyon; ni wala kaming pambili ng pagkain. Nakikitira ako noon sa kapatid kong si Edicta sa Maracaibo, Venezuela.

Pagbangon ko sa higaan, lumuhod ako at nanalangin. Nagsumamo ako sa aking Ama sa Langit na alalahanin kami. Hiniling ko sa Kanya na pagkalooban kami ng kahit kaunting pagkain para sa napakaespesyal na araw na iyon, la Noche Buena (Bisperas ng Pasko).

Habang nagdarasal, napuspos ako ng kapayapaan. Para akong nakarinig ng banayad na tinig na nagsasabi sa aking, “Magiging maayos ang lahat. Huwag kang mag-alala.” Pagkatapos kong manalangin, alam ko na may mabuting mangyayari sa araw na iyon.

Matapos gisingin ang kapatid ko, nagwalis na ako sa balkon sa harapan. Nakita ako ng kapitbahay sa tapat at lumapit para ibigay sa akin ang utang niya sa akin na 1,000 bolívares para sa tapete sa mesa at mga dekorasyon sa Pasko na binurdahan ko para sa kanya. Nagulat ako dahil hindi ko na naalala na may utang pala siya sa akin.

Tumakbo ako sa kuwarto ng kapatid ko at ipinakita sa kanya ang perang natanggap ko. Gulat na itinanong niya kung saan ko nakuha iyon. “Sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari” (Mateo 19:26), ang sagot ko.

Pagkaraan ng ilang minuto narinig kong may tumatawag sa kapatid ko sa labas. Nang malaman namin na iyon ay ang kapitbahay na nagbayad sa akin, lumabas kami para kausapin siya. Pagkatapos ay binayaran niya ang utang niya sa kapatid ko na 1,000 bolívares para sa pananahi. Masayang-masaya kaming magkapatid dahil makakabili na kami ng agahan, tanghalian, at hapunan.

Nang makabalik kami mula sa pamimili sa grocery, nakita naming naghihintay sa amin ang isang kaibigan. Itinanong niya kung maaari niyang gugulin ang la Noche Buena na kasama namin dahil ayaw niyang mag-isa sa Bisperas ng Pasko. Ipinaliwanag namin na kakaunti lang ang pagkain namin sa hapunan sa bahay pero maaari siyang sumama sa amin. Nag-ambag siya ng 2,000 bolívares para makatulong sa gastusin sa hapunan. Hindi kami makapaniwala sa dami ng pagpapala ng Diyos sa amin.

Kalaunan ay tinawagan kami ng pamangkin kong babae na darating siya sa gabing iyon at magdadala ng 33 libra (15 kg) ng karneng timplado na. At pagsapit ng tanghali ay dumating ang pamangkin kong lalaki kasama ang kanyang asawa at mga anak. Itinanong nila kung maaari silang bumalik sa gabing iyon na may dalang pagkain at ipagdiwang ang Bisperas ng Pasko kasama namin.

“Wala kaming malaking handa para sa hapunan,” sagot namin, “pero may sapat na pagkain para sa lahat.”

Nang gabing iyon nagluto kami ni Edicta ng hinurnong manok, potato salad, panghimagas na lemon, at majarete, isang tradisyonal na panghimagas na coconut pudding, na pinagsaluhan namin kasama ang lahat ng aming mga bisita. Ngunit una sa lahat ay nagpasalamat kami sa Ama sa Langit sa mga dakilang pagpapalang ibinigay Niya sa amin. Nang araw na iyon naipaalala sa amin na kung kami ay may pananampalataya at hindi nagdududa, pagpapalain Niya kami kapag humingi kami ng tulong sa Kanya.