Pasko para sa mga Naunang Pioneer
Nahirapan ang karamihan sa mga pioneer dahil sa mga buwan ng matinding taglamig, at kadalasan ay kakaunti ang nareregaluhan at nagdiriwang sa Pasko. Subalit hindi iyan nakahadlang sa mga naunang pioneer na magkaroon ng mga espesyal na alaala ng Kapaskuhan. Narito ang ilang tala kung paano ipinagdiwang ang Pasko sa panahon ng mga pioneer:
Ang Pinakamasaya Kong Pasko
“Ang una kong Pasko sa [Salt Lake] Valley ay araw ng Sabado. Ipinagdiwang namin iyon sa araw ng Sabbath. Pinalibutan naming lahat ang flag pole sa gitna ng himpilan. Nagpulong kami roon. Kayganda ng pulong na iyon. Umawit kami ng mga papuri sa Diyos. Sumama kami sa pambungad na panalangin, at hindi ko malilimutan ang tagapagsalita sa araw na iyon. May mga salita ng pasasalamat at saya, walang sinambit na salitang hindi maganda. Ang mga tao ay puno ng pag-asa at sigla, dahil sa kanilang pananalig sa hinaharap. Pagkatapos ng pulong nagkamayan silang lahat. Ang ilan ay napaiyak sa galak. Naglaro ang mga bata sa loob ng bakuran at sa palibot ng siga ng sagebrush sa gabing iyon. Nagtipon kami at umawit ng, ‘Mga Banal, halina’t gumawa, maglakbay sa tuwa.’ Mayroon kaming nilagang kuneho at kaunting tinapay sa hapunan. Sapat ang pagkain naming lahat at nakadama kami ng ganap na kapayapaan at kabutihan. Iyon ang pinakamasayang Pasko sa buhay ko.”
Hindi kilala ang awtor, sinipi ni Bryant S. Hinckley, sa Kate B. Carter, tinipon, Our Pioneer Heritage, 20 tomo (1958–77), 14:198.
Kaybilis ng Panahon
“Isang gabi noong labing-anim na taong gulang ako, nagpa-party si Itay noong Pasko para sa sarili niyang mga anak at kanilang mga pamilya at pinakamalalapit na kapitbahay. Nagsayawan kami. Mga kapatid kong lalaki ang tumugtog. Alam namin na layon ni Itay na tapusin ang party nang alas-diyes ng gabi, na ginawa niya sa gitna ng isang square-dance at pinatigil ang mga tumutugtog. Ngunit hindi alam ni Itay na ilang beses akong binuhat ng mga kapatid kong lalaki para maabot ang orasan noong gabing iyon. Sa bawat pagkakataon ay iniaatras ko ang oras nang 30 minuto. Lagpas na siguro ng hatinggabi nang matapos ang party.”
Mula sa mga talaan ng pamilya ni Christian Olsen, sa Carter, Our Pioneer Heritage, 15:199.
Isang Masayang Panahon
“Nang magising ang mga bata sa Pasko ng umaga noong 1849, walang makikitang manyika sa buong lupain, wala, ni isang kendi, o mansanas sa mga dampa. Ngunit masaya ang mga bata at kanilang mga magulang sa lahat ng iyon. Masaya sila na may kaunti pa silang makakain, at nagsisimulang luminaw ang mga inaasahan nila sa kanilang bagong tahanan araw-araw. Ngunit, wala mang mga manyika o laruan para sa mga bata, hindi malimutan ng mga ama’t ina ang Pasko, at bago natapos ang araw lahat sila ay naging masaya.
“Sa gabi nagkita-kita sila sa dampa ni John Rowberry. Ito ang bahay na pinagdausan ng mga unang pulong. Nagsayaw sila roon ng mga tradisyonal na sayaw upang wakasan ang maghapon, at iyon ang pinakamasayang grupong nagtipun-tipon sa araw ng Pasko. … Ngunit ang nakakalungkot ay walang tugtugan. Wala ni isang instrumentong maririnig. Napakagaling pumito ni Cyrus Call at pumito siya ng mga tono habang nagsasayawan ang masasayang pioneer.”
Sarah Tolman, sa Kate B. Carter, tinipon, Treasures of Pioneer Heritage, 6 tomo (1952–57), 4:197–98.