Nawala at Natagpuan
Madaling maligaw ng landas kung hindi magkatugma ang mga desisyon natin sa araw-araw sa ating walang-hanggang patutunguhan.
Bago nag-30 si Roberta Tuilimu, natanto niya na hindi siya masaya. May tatlo siyang magagandang anak, at mahal niya ang kanilang amang si Daniel Nepia, ngunit hindi kasal sina Roberta at Daniel. Hindi miyembro ng Simbahan si Daniel, at matagal nang hindi nagsisimba nang regular si Roberta.
Napakalayong makasal sila sa templo na pinangarap niya noon pa mang dalagita siya na nagsisimba linggu-linggo kasama ang kanyang mga magulang sa Auckland, New Zealand. Ngunit ang pagtalikod niya sa kanyang mga walang-hanggang mithiin ay hindi nangyari nang minsanan; unti-unti niya itong ginawa sa maliliit na desisyon niya araw-araw.
Magkakontra ang mga Desisyon
Para kay Roberta isang desisyon ang malinaw na naging dahilan para siya malayo sa landas ng ebanghelyo, bagaman may ilan pa siyang nagawang pasiya kaya siya nagkagayon. Noong tinedyer pa siya hindi nagsimba si Roberta nang dalawang linggo para gumawa ng homework. “Mahalagang isipin na maaari itong magsimula sa isang bagay na tila napakaliit noon,” wika niya.
Matapos lumiban nang dalawang linggo mas madali na sa kanya na hindi magsimba nang sumunod na linggo. Ang mga linggong pasulput-supot sa Simbahan ay nauwi sa mga buwan. Nang siya ay mag-18, nakumbinsi siya ng kanyang mga kaibigan na magpunta sa nightclub tuwing Sabado, kaya naging mas mahirap pang makasimba tuwing Linggo. Nauwi rin ito sa pag-inom niya ng alak.
“Alam kong hindi tama iyon, pero akala ko makakatigil ako kaagad kung kailan ko gusto,” wika niya. “Tinangka kong bigyang-katwiran ang mga desisyon ko.”
Hindi angkop ang pamumuhay niya noon para makapasok sa templo, subalit nang makilala niya si Daniel, dinala niya ito sa bakuran ng Hamilton New Zealand Temple at sinabi rito na gusto niyang makasal doon.
“Alam ko na doon ko gustong magpunta,” wika niya. Ngunit sa bawat masamang desisyon ay tila mas madaling gumawa ng isa pa—na higit na naglayo sa kanya sa hangad niyang patunguhan. Di nagtagal ay nagsama na sina Roberta at Daniel.
“Magkakontra ang gusto ko—ang alam kong tama—at ang mga desisyon ko,” wika niya. “Nakatuon ako sa kasalukuyan. Hindi ko naiugnay ang mga kasalukuyan kong desisyon sa kapupuntahan ko.”
Hinahanap ng Panginoon ang Nawala
Kahit malayo na siya sa nais niyang patunguhan, hindi nawala si Roberta para sa Panginoon. Bagaman hindi ito natanto noon nina Daniel at Roberta, noon pa sila hinahanap ng Mabuting Pastol, na pumarito “upang hanapin at iligtas ang nawala” (Lucas 19:10).
Noon pa nagpapahiwatig ang Espiritu kay Daniel, tulad noong dalhin siya ni Roberta sa bakuran ng templo at basbasan ng ama ni Roberta ang kanilang mga anak. Bagaman ilang beses silang lumipat ng bahay, at sa bawat paglipat ay nakikila nila—at paminsan-minsan ay pinag-aralan nila ang ebanghelyo na kasama—ang mga misyonero.
Pagkatapos, nang muli silang lumipat noong 2006, nakasalubong nila ang ilang dati nilang kaeskuwela, sina Dan at Lisa Nathan, na mga aktibong miyembro ng Simbahan. Kalilipat lang nina Daniel at Roberta sa hangganan na sakop ng ward ng mga Nathan.
Sa loob ng tatlong linggo tinanggihan ni Roberta ang mga imbitasyon ni Lisa na sumamang magsimba. “Ayoko nang ipaliwanag pa ang sitwasyon ko,” wika niya. “Pero ipinasiya ko na gusto kong dumalo ang mga anak ko sa Primary.”
Hindi naglaon at nakikipagkita nang muli sina Daniel at Roberta sa mga misyonero. Nagsimulang magsimba si Daniel, kung saan nakagawa ng kaibhan ang mahusay na guro sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo. Binisita sila ng mga visiting teacher buwan-buwan. Nakilala pa ng mag-asawa si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang espesyal na debosyonal.
Nakita ni Roberta na ang nangyari sa kanila ay katibayan na naghanda ang Ama sa Langit ng “isang grupo ng mabubuting taong tumulong sa amin.”
Pag-isipan ang Inyong mga Lakad
Sa pamamagitan ng iba’t ibang karanasan at tao, naglaan ng mga pagkakataon ang Ama sa Langit kina Daniel at Roberta na “gunitain [ang kanilang] mga lakad” (Haggai 1:7). Ngunit kinailangan nilang “ihabilin [ang kanilang] lakad sa Panginoon” (Mga Awit 37:5) bago sila nakapagpatuloy.
“Alam ko na ang aking mga lakad ay hindi tugma sa Kanyang mga lakad,” sabi ni Roberta (tingnan sa Isaias 55:8–9), “pero hindi ko alam noon kung paano pagtugmain ang dalawa.”
Dumating ang pagbabago nang hilingin ng mga misyonero kina Daniel at Roberta na magpasiya kung saan nila gustong magpunta, sa aspetong espirituwal, at kung ano ang kailangan nilang gawin para makarating doon.
“Nang magdesisyon kami sa huli na gusto naming makaparoon sa Kanyang pinaroonan,” wika niya, “sinimulan naming tingnan kung ano ang kailangan para masundan Siya roon.”
Sa mga sumunod na buwan, sinikap ni Roberta na talikuran ang masasamang desisyon niya noon at bumalik sa landas na iniwan niya mahigit isang dekada na ang nakararaan. Nang simulan niyang talikuran ang landas ng ebanghelyo noong tinedyer pa siya sa maliliit na desisyon, nagsimula ang pagbalik ni Roberta sa landas sa paggawa ng tila maliliit na bagay bawat araw.
“Nang subukin kong gawin ang mahahalagang bagay araw-araw—mga panalanging pansarili at sa pamilya, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdadala ng mga anak sa simbahan, pagtulong sa iba kapag kaya ko—nadarama ko na binabantayan kami ng Ama sa Langit at pinakikinggan ang aming mga dalangin,” sabi ni Roberta. “Mas masaya ang pamilya namin.”
Ang maliliit na desisyong iyon ay nagpalakas kina Daniel at Roberta nang dumating ang oras para gumawa ng malalaking desisyon. Nagpasiya silang magpakasal. Pagkatapos, halos isang taon matapos turuan ng mga misyonero sina Daniel at Roberta, ang hangarin nilang makasama ang kanilang pamilya magpakailanman ay nag-akay kay Daniel na magpabinyag.
Sa huli, pagkaraan ng dalawang taong pagsisikap na itugma ang ginagawa nila bawat araw sa gusto nilang mangyari sa hinaharap, nabuklod sina Daniel at Roberta sa templo—naisakatuparan ang pangarap ni Roberta noong bata pa siya.
Mamuhay Ngayon para sa Kawalang-hanggan
Bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, may pagkakataon sina Daniel at Roberta na magpasiya bawat araw kung aling landas ang pipiliin nila—ang kanila o ang sa Kanya. Mas alam na ngayon ng mag-asawa kung saan sila dadalhin ng kanilang mga pagpapasiya sa araw-araw.
Mula sa sarili nilang karanasan nauunawaan nila kung gaano kadaling maligaw ng landas kapag nagpasiya sila nang hindi iniisip ang epekto nito sa kanilang walang-hanggang patutunguhan. Ngunit nagpapasalamat din silang malaman mismo na may paraan para makabalik.
“Alam ko na mahal ako ng Panginoon at gusto Niya akong makabalik dahil biniyayaan Niya ang aming buhay ng mga taong nakilala namin sa daan na tumulong sa amin para makabalik,” sabi ni Roberta. “Hinding-hindi Niya ako kinalimutan nang mapalayo ako sa Simbahan.”
Salamat sa pagmamahal—at sa nagbabayad-salang sakripisyo—ng Mabuting Pastol, “[maaaring] lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at … manumbalik siya sa Panginoon, at kaawaan niya siya … , sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana” (Isaias 55:7).
Ngayon ay sinisikap ng mga Nepia na manatiling nakatuon sa nais nilang patunguhan. “Kapag nalaman mo na may higit pa sa buhay na ito kaysa ngayon,” sabi ni Daniel, “binabago nito ang iyong mga pasiya.”