Paglilingkod sa Simbahan
Ang Aking Paglilingkod Bilang Isang Dalagang Miyembro
Nang bigyan ako ng bagong tungkulin, natigilan ako. “Kaya ko ba iyon?” tanong ko sa sarili.
Mga pitong taon na ang nakararaan, noong ako ay 29, lumipat ako sa Utah mula sa Oregon, USA. Matapos pag-isipang mabuti ang aking mga opsiyon, ipinasiya kong dumalo sa aking lokal na family ward, na iniisip na kailangan kong lumipat mula sa singles ward na dinadaluhan ko.
Pinalaki ako ng aking mga magulang na laging tumatanggap ng mga tungkulin sa Simbahan, kaya nakipag-usap ako sa bishop para iprisinta ang sarili ko bilang isang taong gustong makapaglingkod. Hindi nagtagal at nagtuturo na ako sa mga limang taong gulang sa Primary, na ikinatuwa ko. Limang taon pagkaraan tinawag ako ng bishop na maging Primary president. Natigilan ako. “Kaya ko ba iyon?” tanong ko sa sarili.
Inisip ko kung kaya kong maglingkod sa tungkuling iyon kahit dalaga ako at walang anak. Sa mga naobserbahan ko sa mga family ward, ang mga Primary president ay maligaya sa pag-aasawa, matagumpay, at tapat na mga ina. Gayunman, nang maalala ko ang turo sa akin ng aking mga magulang, tinanggap ko ang bagong tungkulin. Talagang sineryoso ng bishop ang payo na ang mga bishop ay dapat “humanap ng makabuluhang mga tungkulin para sa lahat ng young single adult.”1 Ang tungkulin ay maaaring medyo mas makabuluhan kaysa inaasahan ko noon, ngunit pinasalamatan ko ito.
Nang maglingkod ako sa bago kong tungkulin, dumanas ako ng maraming masaya, nakakatawa, at nakasisiglang mga sandali sa piling ng mga bata. Isang Kapaskuhan, isinadula namin ang Pagsilang ni Cristo para sa espesyal na oras ng pagbabahagi. Kumanta kami ng mga awitin. Sinuotan namin ng mga bata at nilagyan ng tuwalya sa ulo ang mga pastol at si Jose. Nilagyan namin ng makikinang na headband ang ulo ng mga anghel. Gumawa kami ng mga koronang yari sa cardboard at foil para sa mga Pantas.
Nang isadula namin ang kuwento ng Pasko at kantahin ang mga sagradong awitin ng panahon, napansin ko ang magandang batang gumanap na Maria. Ang kanyang halimbawa ng pagpipitagan at kayumian habang nakaluhod, na tahimik na nakahawak sa manyikang kumakatawan sa sanggol na si Jesus, ay umantig sa puso ko. Dahil sa diwa ng sandaling iyon, nagpasalamat ako sa isang mapagmahal na Ama sa Langit para sa ating Tagapagligtas at napalakas nito ang aking patotoo tungkol sa Kanyang dakilang misyon na puno ng pagmamahal. Nagpasalamat din ako sa malaking pagpapalang natanggap ko nang tawagin akong maglingkod at sa inspiradong bishop na tumulong sa akin na magampanan iyon.
Sa Doktrina at mga Tipan, mababasa natin, “Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (D at T 4:3). Bagaman ang talatang ito kadalasan ay nauugnay sa gawaing misyonero, gusto kong isipin na maaari itong tumukoy sa anumang anyo ng paglilingkod batay sa ebanghelyo.
May asawa man o wala, pinakamahalaga na bawat isa sa atin ay anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, na nais tayong umunlad, makabilang, humusay sa ating mga talento, maglingkod sa isa’t isa, at magtulungan na makabalik sa Kanya.
Ang pagtanggap at pagmamahal ay agad kong nadama sa ward na iyon at nasa puso ko pa hanggang ngayon. Ang pagnanais kong maglingkod ay kinilala at nagamit, maraming taong tumulong at tumanggap sa akin, at talagang pinagpala ako ng Ama sa Langit. Dahil sa mabait at maasikasong mga lider, pinagpala akong magturo at matuto mula sa ilan sa Kanyang pinakamababait na anak.