Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Ang Aking Paglilingkod Bilang Isang Dalagang Miyembro,” pahina 12: Pagkatapos basahin ang kuwento ni Sister Burdett, isiping talakayin ang mga pagpapalang dulot ng paglilingkod sa Simbahan. Maaari ninyong anyayahan ang mga kapamilya na magbahagi ng makabuluhang karanasan habang naglilingkod sila sa isang tungkulin.
“Ang Kapayapaan at Kagalakan na Malaman na ang Tagapagligtas ay Buhay,” pahina 18: Isiping tanungin ang mga miyembro ng pamilya kung ano ang magagawa nila para sa Tagapagligtas sa susunod na taon. Basahin ang mga huling talata ng artikulo sa ilalim ng “Ang Ating Regalo sa Kanya.” Ano ang sinasabi ni Elder Nelson na pinakamagandang regalong maibibigay natin sa Panginoon?
“Halina, Siya’y Ating Sambahin,” pahina 42: Bago ang lesson, mapanalanging piliin ang bahagi o mga bahaging pinakaakma sa inyong pamilya. Kung pipiliin ninyo ang bahaging tungkol sa mga pastol, maaari ninyong ibahagi ang payo ni Pangulong Monson na “huwag na huwag nating ipagpaliban ang pagsunod sa isang panghihikayat” at talakayin sa inyong pamilya ang kahalagahan ng pahayag na ito. Upang mailarawan ang puntong ito sa mas maliliit na bata, ibulong sa kanila ang isang utos at hikayatin silang sundin ito.
“Kilalanin si Brother Joseph,” pahina 58: Isiping idispley ang isang larawan ni Joseph Smith habang inyong binabasa ang listahan ng mga tunay na pangyayari sa buhay niya mula sa artikulo. Maaari kayong maglaro pagkatapos ng lesson para malaman kung ilang pangyayari ang naaalala ng inyong pamilya.
“Ang mga Salitang Iyon,” pahina 60: Pagkatapos basahin ng pamilya ang kuwento, isiping talakayin ang maaaring sabihin ng mga miyembro ng pamilya kung may isang taong nagsasabi ng masasamang salita. Maaari din ninyong ipaliwanag sa maliliit na bata kung bakit iniutos sa atin sa Exodo 20:7 na huwag gamitin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan (tingnan din sa D at T 63:60–64).
Pagbabahagi ng Kuwento Tungkol sa Pagbabalik-loob at ang Espiritu
Noong ako ay nasa isang young adult ward, kasama ako sa family home evening ng aking ward. Isa sa mga hindi ko malilimutang family home evening ay noong gabing ang mga full-time missionary ang namahala.
Inanyayahan ng mga elder ang ilan sa mga nabinyagan sa aming ward na magbahagi ng kanilang mga kuwento ng pagbabalik-loob. Habang nagsasalita ang mga nabinyagan, damang-dama ang presensya ng Espiritu.
Pagkatapos maibahagi ang mga kuwento, naalala ko ang aking sariling mga karanasan noong misyonero pa ako—kapwa bilang full-time missionary at missionary sa habambuhay. Muli kong sinuri ang mga ginawa ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa araw-araw at patuloy na pinag-isipan ang mga ito nang sumunod na mga linggo.
Nang atasan ako kalaunan na mangasiwa sa family home evening sa ward, nagpasiya ako na ipagpatuloy “ang mga kuwento tungkol sa pagbabalik-loob,” na hinihilingang makibahagi ang iba’t ibang miyembro sa aming ward.
Janna McFerson, California, USA