2011
Mga Regalo ng Pag-alaala
Disyembre 2011


Mga Regalo ng Pag-alaala

Bakit binigyan ng mga Pantas ng ginto, kamangyan, at mira sina Jose at Maria?

Maraming naniniwala na ang mas mahalaga ay naalaala ka ng taong nagregalo sa iyo. Siguro ay dahil ang pag-alaalang maregaluhan ka ay lalo pang nagpaganda sa regalo mismo—ang regalo ay nagiging simbolo ng pagmamahal o kabaitan ng nagregalo sa binigyan nito. Ang ilang regalo ay nangangahulugan din ng higit pa kaysa pag-alaalang magregalo; ang ganitong uri ng mga regalo ay may simbolismong tanggap ng marami na nagdaragdag ng higit pang kabuluhan. Kapag taglay ng regalo ang tatlong ito—praktikal na gamit, personal na kahalagahan, at simbolikong kahulugan—maaaring ito ay pinag-isipan nang husto at pinahahalagahang regalo sa lahat.

Isipin ang kahalagahan ng regalong ginto, kamangyan, at mira na ibinigay ng mga Pantas sa batang Cristo (tingnan sa Mateo 2:11). Hindi sinabi sa Biblia kung bakit dinala ng mga Pantas ang partikular na mga regalong ito, ngunit lahat ng tatlong regalo ay may praktikal na kahalagahan at marahil ay simbolikong kahulugan para sa Anak ng Diyos at sa Kanyang mga magulang sa lupa.

Ginto

Praktikal na gamit: Para sa bata pang mag-asawa na hindi maglalaon ay gagastos sa paglalakbay patungong Egipto upang iwasan ang galit ni Herodes, ang ginto ay magiging mahalagang regalo.

Simbolikong kahulugan: Ang ginto ay tipikal na regalo para sa mga hari (tingnan sa I Mga Hari 9:14, 28) dahil simbolo ito ng pagiging hari at maharlika—isang akmang regalo para sa “Hari ng mga hari” (I Kay Timoteo 6:15).

Kamangyan

Praktikal na gamit: Maliban sa malaking halaga nito, ang kamangyan ay gamit noon bilang mabangong insenso at pabango.

Simbolikong kahulugan: Ang kamangyan ay nanggaling sa mabangong dagta ng puno at gamit noon sa mga ordenansa ng priesthood, sa pagsunog ng mga alay (tingnan sa Levitico 2:1), at sa langis para sa mga saserdoteng nagpapahid ng langis. Sa gayon, maaari itong kumatawan sa priesthood ng Panginoon at sa Kanyang tungkulin bilang Kordero ng Diyos na isasakripisyo alang-alang sa atin (tingnan sa Juan 1:29).

Mira

Praktikal na gamit: Ang mira, isang mapait na langis mula sa dagta ng puno, ay mahalaga rin ngunit marahil ay mas nakatulong kina Maria at Jose bilang gamot.

Simbolikong kahulugan: Sa Bagong Tipan, ang mira ay karaniwang nauugnay sa pag-embalsamo at libing dahil nagpepreserba ito (tingnan sa Juan 19:39–40). Ang mga gamit ng mira bilang gamot ay maaaring sumagisag sa papel ni Cristo bilang Dalubhasang Tagapagpagaling, at ang gamit nito sa mga libing ay sagisag ng “mapait na saro” na iinumin Niya kapag nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan (tingnan sa D at T 19:18–19).

Paglalarawan ni Scott Greer