2011
Halina, Siya’y Ating Sambahin
Disyembre 2011


Nagsalita Sila sa Atin

Halina, Siya’y Ating Sambahin

Elder Patrick Kearon

Noong huling Pasko habang naglilingkod sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City, Utah, USA, naranasan ko ang kundisyon ng panahon na tinatawag na inversion o tiwarik na kalagayan. Ang tiwarik na kalagayan ay isang kundisyon kung saan mas malamig ang hangin sa ibaba kaysa sa itaas, ang kabaligtaran—ang inversion—ng karaniwang kundisyon ng panahon. Hindi na kakaiba ang mga tiwarik na kalagayan sa Salt Lake City, ngunit mas kita ang epekto nito dahil ang lungsod ay nasa isang lambak na naliligiran ng matataas na bundok. Iniipon nito ang polusyon sa papawirin at pinipigil sa ibaba ng lambak, na lumalambong sa lungsod at sa nakapalibot na lugar sa makapal, maitim at di-gumagalaw na ulap. Ang polusyon ay masama sa kalusugan ng mga nahihirapang huminga at nakakaapekto sa kasiglahan ng marami pang iba, dahil marumi ang hangin at ang araw ay natatakpan sa loob nang ilang araw, ilang linggo pa nga, kung minsan.

Gayunman, mapag-aalaman sa maikling biyahe paakyat sa mga bundok na ilang daang talampakan lamang ang kapal ng polusyon sa papawirin. Sa loob ng ilang minuto, madarama mo na ang sikat ng araw, malalanghap ang sariwang hangin, matitingnan ang mga bundok na luntian at puno ng niyebe. Malaki ang pagkakaiba nito sa lambak sa ibaba. Habang paakyat ka pa sa bundok, makikita mo ang naipong polusyon sa ibaba na iniwan mo sa lambak, at mukha itong maruming kumot sa ilalim ng asul na kalangitan.

May mga pagkakataon sa buhay natin na natatagpuan natin ang ating sarili na hindi makaalis sa lambak, sa ilalim ng lungkot ng maitim at madilim na ulap. Dahil sa mga maling pasiyang nagawa natin, mga ugaling hindi kasiya-siya sa Espiritu, o sa nakakasakit at di-magagandang desisyon at hamong karaniwan na sa buhay sa mundo, nadarama natin na nakakulong tayo sa makapal at bumabalot na ulap. Hindi tayo makakita nang malinaw, nalilito tayo, at dama natin na inilalayo natin ang ating sarili sa liwanag at init ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit. Nalilimutan natin na naghihintay sa atin ang dalisay na liwanag ng Panginoon, tinatawag tayo, at ilang hakbang lamang ng pananampalataya ang layo nito sa atin. Dapat nating matanto na may kapangyarihan at kakayahan tayong alisin ang ating sarili sa maruming hangin ng lambak at magtungo sa maningning na sikat ng araw ng kapayapaan at pag-asang matatagpuan lamang sa pamamagitan ng paglapit sa Tagapagligtas.

Ngayong Pasko, ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan, na nag-aanyaya sa ating lahat na lumapit sa Kanya tungo sa liwanag. Mababasa natin sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mapapalad na lalaki at babae na nakapunta mismo sa Kanya sa araw ng Kanyang Pagsilang. Ang ilan ay nanggaling pa sa malayo, samantalang ang iba ay sa mas malapit lang. Ang ilan ay binisita ng mga anghel, at ang iba ay kumilos ayon sa personal na paghahayag. Ngunit bawat isa ay tumanggap ng paanyayang lumapit sa Kanya.

Ano ang matututuhan natin mula sa mga pastol, kina Simeon, Ana, at mga Pantas, na lahat ay kinasihang malapitan at makita mismo ang batang Cristo? Habang pinag-iisipan natin ang kanilang tapat na mga pagtugon sa paanyayang lumapit kay Cristo, matututuhan nating maialis nang mas epektibo ang ating sarili mula sa sarili nating mga tiwarik na kalagayan, sa anumang lungkot at pagkalitong dinaranas natin, tungo sa maliwanag at dalisay na pag-asang ibinibigay ng Ilaw ng Sanlibutan. Doon, sa piling Niya, ay madarama natin kung sino tayo talaga at kung saan tayo naaakma sa walang-hanggang plano ng Diyos. Ang sarili nating mga tiwarik na kalagayan ay nababalik sa dati, at ang tamang pananaw ay naipanunumbalik.

Ang mga Pastol

Sa pamilyar na mga talata sa Lucas 2, nalaman natin ang mahahalagang katotohanan tungkol sa mga unang saksi sa pagsilang ni Cristo, ang mga pastol sa kaparangan na malapit sa Bet-lehem. Nang “tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, … sila’y totoong nangatakot” (talata 9). Ngunit narinig nila ang “mabubuting balita ng malaking kagalakan” na ang ipinropesiyang Tagapagligtas, ang Mesiyas, ang Cristo, ay isinilang na (talata 10). Nakinig sila upang malaman ang palatandaan para makilala nila ang Tagapagligtas, na Siya ay “nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban” (talata 12). Nang matapos ng mga anghel ang kanilang masayang pagpapahayag, tumugon kaagad ang mga pastol, na sinasabing, “Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari” (talata 15). “Dalidali” silang nagsiparoon (talata 16) at natagpuan ang batang Cristo tulad ng sabi ng anghel, at pagkatapos ay “nangagbalik [sila], na niluluwalhati at pinupuri ang Dios” (talata 20). Sa hangaring ibahagi ang maluwalhating balita ng pagsilang ng Tagapagligtas, “inihayag nila [ito sa iba]” (talata 17).

Gaya ng mga pastol, dapat tayong tumugon kaagad, nang dali-dali, tuwing mangungusap sa atin ang Espiritu. Sabi nga ni Pangulong Thomas S. Monson, “huwag na huwag nating ipagpaliban ang pagsunod sa isang panghihikayat.”1 Kung minsan matapos sumunod sa isang panghihikayat, hindi natin gaanong maunawaan kung bakit tayo ginabayan ng Espiritu na kumilos sa isang partikular na paraan. Ngunit kadalasan, gaya ng mga pastol, nakikita natin ang nangyayaring mga himala, at napagtitibay ang tapat nating pagtugon sa isang pahiwatig. Sa gayon ay magagamit natin ang mga pagkakataong ibahagi sa iba ang ating kagalakan at patotoo. Sa paggawa niyon mapapalakas natin ang pananampalataya at pag-asa ng iba, mas mapagtitibay natin ang ating sariling patotoo at mas mapapalapit tayo sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga pamamaraan.

Simeon

Ang isa pang kinasihang saksi ng batang Cristo ay si Simeon. Siya ay isang “matuwid at masipag” na tao na nakatatanggap ng inspirasyon sa tuwina mula sa Espiritu Santo (Lucas 2:25). Inihayag sa kanya “na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon” (talata 26), at nabuhay siya sa pag-asa at pag-asam sa masayang kaganapang iyon. Hinikayat siya ng Espiritu na magpunta sa templo noong araw na dinala nina Maria at Jose ang batang si Jesus sa Jerusalem “upang iharap siya sa Panginoon” (talata 22). Nakilala ni Simeon na ang sanggol ang ipinangakong Mesiyas at “tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios” (talata 28), na ipinopropesiya ang tadhana ng banal na bata bilang “ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, at ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel” (talata 32).

Dahil sa mabuti at tapat na pamumuhay ni Simeon nagawa niyang pumaroon sa templo upang mapatotohanan ang Ilaw nang matagpuan niya ito sa wakas. Gaya ni Simeon, kaya nating higit na makahiwatig at makasunod sa mga bulong ng Espiritu Santo upang matahak natin sa ating buhay ang landas na gustong ipatahak sa atin ng ating Ama sa Langit. Dahil pinagbuti ni Simeon ang kanyang kakayahang makinig at tumugon sa Espiritu, nasa tamang lugar siya sa tamang oras, at ang mga pangako sa kanya ng Panginoon ay natupad sa napakaluwalhating paraan.

Bibigyan ng gayon ding mga pagkakataon ang bawat isa sa atin at ipaaalam din nito ang plano ng Panginoon sa ating buhay. Kapag naharap tayo sa mga pagpapasiya na mahalaga sa kawalang-hanggan, kapag tayo ay nasa mga sangandaan sa ating buhay, kailangan natin ng malinaw na isipan at tamang pananaw. Kung minsan ang mismong paggawa ng mahahalagang desisyong ito ang sanhi ng ating kaligaligan, paghapay, at kawalan ng kakayahang kumilos, sa madilim na lambak na tiwarik ang kalagayan. Ngunit habang unti-unti tayong sumasampalataya at kumikilos ayon sa mabubuting alituntunin, unti-unti nating nauunawaan ang plano ng Diyos sa ating buhay, at naibabalik tayo sa ningning ng pag-ibig ng Diyos.

Ana

Si Ana ay isang babaeng “lubhang matanda na,” isang biyudang inilarawan bilang isang “propetisa” (Lucas 2:36), na ang mahaba at tapat na buhay ay puspos ng katapatan sa pag-aayuno at panalangin kaya siya ay “hindi humihiwalay sa templo” (talata 37). Nang masilayan ang sanggol na si Jesus sa templo, siya ay “nagpasalamat” para sa batang Cristo “at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem” (talata 38).

Nalaman natin mula sa karanasan ni Ana na maaari tayong mabuhay nang tapat sa lahat ng sitwasyon kung tayo ay palaging mag-aayuno at mananalangin at kung hindi tayo hihiwalay sa templo sa ating puso. Kung hindi pa tayo nagkakaroon ng pagkakataong magpunta sa templo at tumanggap ng mga pagpapala nito, matatamasa pa rin natin ang mga pagpapalang dadaloy sa ating buhay kapag karapat-dapat tayong magkaroon ng temple recommend. Paulit-ulit tayong inaanyayahan ng mga propeta na magkaroon ng temple recommend kahit hindi tayo makapunta sa templo dahil sa ating sitwasyon.2 Mapapasigla natin ang ating sarili sa malulungkot na sandali tungo sa liwanag ng pasasalamat sa pamamagitan ng ating pagsamba sa templo at pagpapatotoo kay Jesus sa lahat ng naghahanap ng kapayapaan at pag-asa.

Ang mga Pantas

Ang huli, sa Mateo 2 mababasa natin ang tungkol sa mga Pantas, na malayo ang nilakbay, na “nakita ang kaniyang bituin sa silanganan” at naunawaan ang palatandaan (talata 2). May dalang mga regalo ng papuri at pagsamba, hinanap nila Siya, na nagtatanong, “Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio?” (talata 2). Nang matapos ang kanilang paghahanap at matagpuan nila ang batang Cristo, “nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya” at ibinigay ang kanilang mga kayamanan (talata 11). Bagaman sinalubong sila ng panlilinlang ni Herodes, “pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes” kundi dapat silang magdaan “sa ibang daan” pauwi (talata 12). Kumilos ang mga Pantas ayon sa paghahayag na ito mula sa Diyos at pinrotektahan ang banal na pamilya mula sa masasamang hangarin ni Herodes.

Marami tayong matututuhan mula sa mga Pantas. Gaya nila, dapat nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan at malaman ang mga palatandaang babantayan habang inihahanda nating lahat ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sa gayon, habang sinasaliksik at pinag-iisipan natin ang mga banal na kasulatan, mas lubos nating gugustuhing hanapin ang Panginoon araw-araw sa ating buhay at, bilang regalo sa Kanya, isuko ang ating kasakiman, kayabangan, at paghihimagsik. Kapag dumarating ang personal na paghahayag upang baguhin ang mga planong ginawa natin, maaari tayong sumunod, nang may pananampalataya at tiwala na alam ng Diyos ang pinakamainam para sa atin. At sa huli, sa pamumuhay bilang tunay na disipulo, dapat tayong magpatirapa at sumamba sa Tagapagligtas nang may pagpapakumbaba at pagmamahal.

Dito sa pagiging disipulo ay hindi natin kailangang iwanan ang ating mga tupa sa kaparangan o tawirin ang mga disyerto. Ang ating paglalakbay patungo sa Kanya ay hindi pisikal; ito ay espirituwal at nasa pag-uugali. Kasama rito ang pagtanggap at pagyakap sa katotohanan na ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang hanggan at saklaw ang bawat aspeto ng ating buhay—ang ating kasalanan, kahinaan, pasakit, sakit, at karamdaman (tingnan sa Alma 7:11–13). Ibig sabihin nito, maiwawaksi natin ang mga bagay na pumipigil sa atin sa mapanglaw na ulap ng sarili nating tiwarik na kalagayan at sa halip ay mabuhay sa init at pagmamahal ng Ilaw ng Sanlibutan. Tulad ng itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang mga katagang ‘lumapit kay Cristo’ ay isang paanyaya. Ito ang pinakamahalagang paanyayang maiaalok ninyo sa ibang tao. Ito ang pinakamahalagang paanyayang matatanggap ng sinuman.”3

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “The Spirit Giveth Life,” Ensign, Mayo 1985, 70.

  2. Tingnan, halimbawa, sa Howard W. Hunter, “The Great Symbol of Our Membership,” Tambuli, Nob. 1994, 6.

  3. Henry B. Eyring, “Lumapit kay Cristo,” Liahona, Mar. 2008, 49.

Larawang kuha ni Tom Smart, Deseret News; PINAG-INGATAN SA KANYANG PUSO, NI KATHY LAWRENCE, MULA SA VISIONS OF FAITH COLLECTION NG MILL POND PRESS, INC., VENICE, FLORIDA, HINDI MAAARING KOPYAHIN

Pagbabalita sa mga Pastol, ni Del Parson; Panalangin ng Pasasalamat ni Simeon, ni Robert T. Barrett; Ang Kabuluhan ng Pag-asa, ni Elspeth Young, hindi maaaring kopyahin; Ang Pagdating, ni Michael Albrechtson, hindi maaaring kopyahin