2011
Ito ay Magiging Palatandaan sa Inyo
Disyembre 2011


Ito ay Magiging Palatandaan sa Inyo

“Lahat ng propeta ay nagpropesiya mula pa sa simula ng daigdig—hindi ba sila nangusap ng higit-kumulang hinggil sa mga bagay na ito?” (Mosias 13:33).

Ang Pasko ay isang panahon na puno ng pag-asam—pag-asam sa mga regalo, masarap na pagkain, at mga pagdiriwang. Kung minsan tila napakatagal maghintay sa unang 24 na araw ng Disyembre. Isipin ninyo kung kailanganin ninyong maghintay nang 1,000 taon!

Ang unang Pasko—ang pagsilang ng Tagapagligtas—ay daan-daang taon nang ipinropesiya, mula kay Isaias sa Lumang Tipan hanggang kay Samuel na Lamanita sa Aklat ni Mormon. Alam at inasam ng mga sinaunang propeta ang mga palatandaan ng pagdating ni Jesucristo, at matiyaga nilang hinintay ang mga palatandaang iyon. Ipinropesiya nila ang Kanyang pagdating para makilala ng iba ang mga palatandaan at makibahagi sila sa galak sa pagkaalam na dumating na nga Siya! Ang katuparan ng mga propesiyang iyon ay isang patotoo ng Kanyang banal na tungkulin bilang Tagapagligtas at Manunubos.

Basahin ang sumusunod na mga propesiya tungkol sa pagsilang ni Jesucristo at ang mga mahimalang sitwasyon sa paligid nito at alamin kung paano natupad ang mga propesiyang ito.

Isinilang ni Maria, Isang Birhen

Mga Propesiya: Pitong daang taon bago siya isinilang, ipinropesiya na magiging ina ni Cristo si Maria. Isinulat ni Isaias, “Ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel” (Isaias 7:14).

Tinukoy rin ni Nakababatang Alma si Maria bilang ina ng Tagapagligtas mga 80 taon bago isinilang si Jesus at sa kabilang panig ng mundo ni Isaias: “Siya ay isisilang ni Maria, … siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha, na lililiman at maglilihi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos” (Alma 7:10).

Katuparan: Walong dekada kalaunan, nagpakita ang anghel na si Gabriel “sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala’y Jose, … at Maria ang pangalan ng dalaga” (Lucas 1:27). Si Maria ang ina ni Jesus, na siyang Anak ng Diyos.

Sa Atin ay Ipinanganak ang Isang Bata

Propesiya: Ipinropesiya ni Isaias ang pagsilang ng Mesiyas: “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Katuparan: Tinupad ng ministeryo ng Tagapagligtas ang lahat ng ipinropesiya ni Isaias, subalit si Cristo ay isinilang sa abang kalagayan: “Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. … Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban” (Lucas 2:11–12).

Isinilang sa Bet-lehem

Propesiya: Nabuhay ang propetang si Mikas na halos kasabay ni Isaias. Ipinropesiya niya ang pagsilang ng Panginoon sa bayan ng Bet-lehem: “Nguni’t ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan” (Mikas 5:2).

Katuparan: Pitong daang taon kalaunan, iniutos ni Herodes na sabihin sa kanya ng kanyang mga eskriba kung saan matatagpuan ang bagong pinuno: “Siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo. At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea” (Mateo 2:4–5).

Sa Lahi ni David

Propesiya: Sinabi ng Panginoon kay Jeremias anim na siglo bago isinilang si Cristo na Siya ay magmumula sa lahi ni David: “Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, aking pasusuplingin kay David ang isang Sanga ng katuwiran; at siya’y magsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa lupain” (Jeremias 33:15).

Katuparan: Ibinigay sa atin ni Mateo ang talaangkanan ni Cristo, na nagpapakita kung paano nagmula ang Panginoon sa haring iyon noong unang panahon: “Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham. … Sa makatuwid ang lahat ng mga sali’t-saling lahi buhat kay Abraham hanggang kay David ay labingapat na sali’t-saling lahi; at buhat kay David hanggang sa pagdalang-bihag sa Babilonia ay labingapat na sali’t-saling lahi; at buhat sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labingapat na sali’t-saling lahi” (Mateo 1:1, 17).

Dinalaw ng mga Hari

Mga Propesiya: Sa kabila ng abang kalagayan ng Kanyang pagsilang, ipinahayag ng mga propeta na pupunta ang mga hari upang makita si Cristo: “At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat” (Isaias 60:3).

Sinabi ni Samuel na Lamanita sa mga Nephita limang taon bago isinilang si Cristo ang mga palatandaang magbabadya ng Kanyang pagdating. Isa sa mga palatandaang ito ang bituing sinundan ng mga Pantas: “Sisikat ang isang bagong bituin, isa na hindi pa kailanman namamasdan; at ito rin ay magiging palatandaan ninyo” (Helaman 14:5).

Katuparan: Alam ng mga Pantas kung anong palatandaan ang hahanapin dahil maaaring hinanap nila ang katuparan ng mga propesiya. Sabi nila, “Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka’t aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin” (Mateo 2:2).

Sa Amerika, nakilala rin ng mga Nephita ang mga palatandaan at nalaman na natupad ang mga propesiya: “At ito ay nangyari na nga, oo, lahat ng bagay, bawat kaliit-liitang bagay, alinsunod sa mga salita ng mga propeta. At ito rin ay nangyari na, na isang bagong bituin ang lumitaw, alinsunod sa salita” (3 Nephi 1:20–21).

Isipin kung gaano kayo kagalak nang buksan ninyo sa wakas ang mga Pamaskong regalo ninyo. Paano iyan maihahambing sa matagal ninyong paghihintay sa mga palatandaan ng pagsilang ni Cristo at sa wakas ay nakita ninyong natupad ang mga ito? Maagang inihanda ng ating Ama sa Langit ang mga palatandaang ito hindi lamang para sama-samang magalak ang mga nananalig sa buong mundo sa pagsilang ng Kanyang Anak kundi para patotohanan ang banal na tungkulin ni Cristo.

Ang Pagsilang ni Cristo, ni Gustave Doré

Ginabayan ng Bituin ang mga Pantas, ni Gustave Doré