Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Wala sa Tono Ngunit Masaya
May sariling tono sa pagkanta ang aking ama—hindi tenor, hindi bass, kundi sa pagitan ng dalawang ito. Kahit hindi niya matukoy ang middle C sa A flat, malakas at dibdibang kumanta si Itay.
Wala akong maalaala na ikinahiya ko ang pagkanta ni Itay, ngunit naaalala ko na naaliw ako at namangha sa masaya niyang pagkanta. Hindi ba niya alam na may ibang taong nakikinig?
Gustung-gusto ni Itay ang mga himno ng ebanghelyo, at hindi niya hahayaang maging hadlang sa pagsamba sa pamamagitan ng musika ang kawalan niya ng talento. Kumanta siya nang masaya, masigla, at may damdamin. Gustung-gusto ko ang pagkanta niya ng himnong gaya ng “Espiritu ng Diyos” nang may sigla at pananalig at pagkaraan ng ilang minuto ay kakantahin niya ang himno sa sakramento nang magiliw at mapitagan.
Isang hapon tinuruan ako ng aking ama ng isang nakaaantig na aral sa pamamagitan ng himno. Tumutugtog ako noon ng piyano tulad ng madalas kong gawin para makapagrelaks pagkaraan ng maghapon sa high school. Pumasok si Itay, na laging naghihintay na magkasarilinan kami sandali, at nakisali sa akin. Karaniwan na iyon sa akin: bubuklatin niya ang isang songbook, maghahanap ng awitin, at ipatutugtog sa akin habang kumakanta siya.
Sa partikular na araw na ito, inilabas ni Itay ang himnaryo at binuklat ito sa isang himno.
“Magandang kanta ito. Isa sa mga paborito ko,” sabi niya, at inilagay ang aklat sa piyano. Ito ay ang “Isang Taong Manlalakbay.” Sinabi sa akin ni Itay na ito ang paboritong himno ni Propetang Joseph Smith at na hiniling ni Joseph kay John Taylor na kantahin ito sa Carthage bago pinaslang sina Joseph at Hyrum.
Pagkatapos ay kinanta ni Itay ang buong pitong talata habang sinasaliwan ko siya. Sa sandaling iyon, dalawang kamangha-manghang bagay ang nangyari. Ang una ay nakanta ni Itay ang buong awitin nang hindi nawawala sa tono. Ang kanyang mga A flat ay talagang mga A flat! Simple at hindi pasikat ang boses ni Itay, at para sa akin ay maganda ang pagkanta niya. Ang pangalawang nakakamangha ay hindi gaanong nakakagulat pero mas mahalaga. Habang kumakanta si Itay, nalaman ko na mahal niya si Joseph Smith at may patotoo siya na tinawag ito bilang propeta. Nagpatotoo ang Espiritu sa akin na si Joseph Smith ay isang propeta.
Pumanaw si Itay pagkaraan ng ilang taon, at madalas kong isipin ang araw na iyon at ang naging epekto nito sa akin. Tumibay ang isang mahalagang bahagi ng aking patotoo sa ebanghelyo dahil ipinasiya ng isang amang “hindi marunong kumanta” na kumanta nang buong puso.