Ang Christmas Tree
Mula sa Harriet R. Uchtdorf, “‘Der Weihnachtsbaum’: Memories Linger of Small Tree,” Church News, Dis. 12, 2009, 11.
Katatapos lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at karamihan sa mga tao sa Germany ay kakaunti ang pagkain o pera. Ilang linggo lang bago mag-Pasko ay kaarawan ko na. Hindi ko inasahang makatanggap ng anumang regalo sa Pasko o sa kaarawan ko, batid na—kahit noong bata pa ako—nahihirapan ang mga magulang namin na tustusan ang pangunahin naming mga pangangailangan. Sa malaking lungsod namin, gutom ang palaging nararanasan. Isa iyong malungkot at madilim na panahon.
Pagsapit ng kaarawan ko, sa gulat at katuwaan ko, isang napakagandang regalo—para lang sa akin—ang nakalagay sa ibabaw ng mesa sa kusina. Iyon ang pinakamagandang regalong naisip ko: isang napakaliit na Weihnachtsbaum, isang Christmas tree, isang talampakan lamang (30 sentimetro) ang taas, na natatakpan ng pinong mga palamuting gawang-kamay na yari sa tinfoil. Tumatama sa tinfoil ang liwanag ng aming salas sa kabigha-bighaning paraan. Nang suriin ko ang mga palamuting tinfoil, namangha ako na ang mga ito ay puno ng maliliit na piraso ng tinunaw na asukal. Parang himala iyon. Saan kinuha ng aking ina ang napakaliit na evergreen tree, ang tinfoil, at ang asukal na salat sa panahong iyon?
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung paano niya nagawa ang himalang ito sa oras na walang makuhang gayon kahahalagang bagay. Nasa puso ko pa rin iyon bilang simbolo ng marubdob na pagmamahal sa akin ng aking mga magulang, bilang simbolo ng pag-asa, pagmamahal, at tunay na kahulugan ng Pasko.
Sa panahon ng Kapaskuhan, may Christmas tree pa rin kami sa aming tahanan, na ngayon ay nadedekorasyunan ng iba’t ibang mga ilaw at palamuti. Kapag kasama namin ang aming mga anak at apo, ang ganda ng puno at ang kumikislap na mga ilaw ay nagpapasigla sa puso ko at nagbabalik ng mga alaala ng masasayang sandali ng pamilya na nagmula sa isang maliit na puno na may makikinang na palamuting tinfoil.